Ingatan
Ginagamit Mo ba ang mga Brosyur na Ito?
Ang Bibliya—Ano ang Mensahe Nito?
Dinisenyo upang kunin ang interes ng mga taong walang gaanong alam sa Bibliya, lalo na ang mga di-Kristiyano
Kung paano ito iaalok: “Gusto naming malaman ang opinyon mo tungkol sa sinasabi rito ng Kasulatan (o ng banal na aklat na ito). [Basahin ang Awit 37:11, na binabanggit sa seksiyon 11.] Ano sa palagay mo ang mangyayari sa lupa kapag natupad na ang hulang ito? [Hayaang sumagot.] Isa lamang ito sa pag-asa at kaaliwang makukuha ng mga tao mula sa Bibliya, anuman ang kanilang kultura at paniniwala.” Basahin ang parapo sa gawing itaas ng pahina 3, at ialok ang brosyur.
Maaari mong subukan ito: Kung nagtuturo ka ng Bibliya sa isang di-Kristiyano, gamit ang aklat na Itinuturo ng Bibliya, gumugol nang ilang minuto bago o pagkatapos ng bawat pag-aaral para talakayin ang isang seksiyon ng brosyur upang bigyan siya ng ideya sa nilalaman ng Bibliya.
Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao
Dinisenyo upang kunin ang interes ng mga taong edukado pero walang gaanong alam sa Bibliya
Kung paano ito iaalok: Basahin ang 2 Timoteo 3:16, 17. Pagkatapos ay sabihin: “Sang-ayon ka ba na ginabayan ng Diyos ang pagsulat sa Bibliya? O iniisip mong isa lang itong magandang aklat? [Hayaang sumagot.] Maraming tao ang may iba’t ibang opinyon sa tanong na ito, pero napansin namin na kaunti lang ang aktuwal na nagsuri ng Bibliya. [Basahin ang karanasan sa ilalim ng titulo sa pahina 3.] Binabanggit sa magandang brosyur na ito ang matitibay na dahilan kung bakit dapat alamin ng mga taong may iba’t ibang pinagmulan at pananampalataya ang nilalaman ng Bibliya.”
Maaari mong subukan ito: Kapag tinanggap ng may-bahay ang brosyur, sabihin: “Maraming tao ang nag-iisip na hindi mahalagang basahin ang Bibliya dahil pinasamâ ng relihiyon ang Bibliya at ang mga turo nito. Pagbalik ko, bibigyan kita ng halimbawa.” Pagbalik mo, talakayin ang ilang impormasyon sa pahina 4-5.
Maaari Kang Maging Kaibigan ng Diyos!
Dinisenyo upang kunin ang interes ng mga taong limitado ang edukasyon o kakayahan sa pagbasa
Kung paano ito iaalok: “Sa palagay mo, puwede ba tayong maging kaibigan ng Diyos? [Hayaang sumagot. Saka basahin ang Santiago 2:23.] Dinisenyo ang brosyur na ito para tulungan tayong maging kaibigan ng Diyos gaya ni Abraham.”
Maaari mong subukan ito: Sa unang pagdalaw o sa pagdalaw-muli, itanghal ang pag-aaral sa Bibliya sa pamamagitan ng pagtalakay sa aralin 1 o sa isang bahagi nito.
Isang Kasiya-siyang Buhay—Kung Paano Ito Matatamo
Dinisenyo upang kunin ang interes ng mga taong hindi relihiyoso
Kung paano ito iaalok: “Dumadalaw kami dahil maraming tao ang naghahangad ng higit na kasiya-siyang buhay. Nagkakaproblema tayong lahat at ito’y nagdudulot sa atin ng kalungkutan. Kaya naman, baka humingi tayo ng payo mula sa pinagkakatiwalaang kamag-anak o kaibigan, o bumaling tayo sa mga aklat o Internet. Para sa iyo, saan tayo makakakuha ng mabuting payo? [Hayaang sumagot.] Nagugulat ang ilan na sa Bibliya pala masusumpungan ang praktikal na payo. Ito ang isang halimbawa. [Ipakita sa may-bahay ang kabanata 2, at basahin ang isa sa mga siniping teksto.] Ang brosyur na ito ay dinisenyo para ipaliwanag kung paano tayo magkakaroon ng mas kasiya-siyang buhay.”
Maaari mong subukan ito: Kapag tinanggap ng may-bahay ang brosyur, sabihin: “Maraming nagsasabi na ang Bibliya ay punô ng pagkakasalungatan. Pagbalik ko, gusto kong ipakita ang isang halimbawang nagpapatunay na ang sinasabi ng Bibliya ay kaayon ng siyensiya.” Pagbalik mo, talakayin ang parapo 4 sa pahina 12.
The Origin of Life—Five Questions Worth Asking
Dinisenyo para sa mga kabataang Kristiyano na tinuturuan ng ebolusyon sa paaralan at makatutulong din sa pakikipagkatuwiranan sa mga ebolusyonista, agnostiko, at ateista (Ang brosyur na ito ay hindi dinisenyo para ialok sa bahay-bahay.)
Kung paano ito gagamitin kapag kausap ang isang ebolusyonista o ateista: “Sa ngayon, halos lahat ng aklat-aralin sa siyensiya ay nagtuturo ng ebolusyon. Naniniwala ka ba na ang ebolusyon ay isa lamang teoriya o isa nang katotohanan? [Hayaang sumagot.] Para makapagpasiya batay sa tumpak na impormasyon, tiyak kong sasang-ayon ka na dapat nating suriin ang magkabilang panig ng usapin. Inihaharap ng brosyur na ito ang ilang ebidensiya na tumulong sa marami na maniwalang ang buhay ay nilalang.”
Maaari mong subukan ito: Pagpasok mo sa eskuwela, ipatong sa iyong desk ang brosyur at tingnan kung magtatanong tungkol dito ang mga kaklase mo.
Why Should We Worship God in Love and Truth?
Dinisenyo upang kunin ang interes ng mga Hindu
Kung paano ito iaalok: “Kasama sa isang kilalang panalangin ng mga taga-India ang kahilingan na sana’y masumpungan nila ang katotohanan at liwanag. Sa palagay mo, mahalaga bang sambahin ang Diyos sa pag-ibig at katotohanan? [Hayaang sumagot.] Tingnan kung ano ang sinabi ni Jesus hinggil dito.” Basahin ang Juan 4:24. Pagkatapos ay basahin ang parapo 4 sa pahina 3 at ialok ang brosyur.
Maaari mong subukan ito: Kapag tinanggap ng may-bahay ang brosyur, sabihin: “Sinasabi ng ilang pantas na Hindu na ang katotohanan ay nasa ating mga puso. Sinasabi naman ng iba na ang katotohanan ay masusumpungan sa sagradong kasulatan. Pagbalik ko, gusto kong pag-usapan natin ang tanong na ibinangon sa dulo ng parapo 3 sa pahina 4: ‘Where should we look to find divine truth?’”
The Pathway to Peace and Happiness
Dinisenyo upang kunin ang interes ng mga Budista
Kung paano ito iaalok sa may-edad nang Budista: “Marahil kagaya ko, nababahala rin kayo sa napakaraming mahahalay na gawain sa ngayon at sa epekto nito sa mga bata. Sa palagay ninyo, bakit kaya dumarami ang mga kabataang gumagawa ng imoralidad? [Hayaang sumagot.] Alam ba ninyo na inihula ito sa isang aklat na sinimulang isulat matagal pa bago itatag ang mga relihiyong Hindu, Islam, at Kristiyano? [Basahin ang 2 Timoteo 3:1-3.] Pansinin na ganito pa rin ang kalagayan sa kabila ng patuloy na pag-aaral ng mga tao. [Basahin ang talata 7.] Ang impormasyon sa publikasyong ito ay nakatulong sa akin na maunawaan ang katotohanan na hindi kailanman natutuhan ng maraming tao. Gusto ba ninyong basahin ito?”
Maaari mong subukan ito: Sa pagdalaw-muli, matapos linangin ang interes ng may-bahay sa Bibliya, ipakita sa kaniya ang mga tanong sa pabalat sa likod, at ituro ang kupon para sa aklat na Itinuturo ng Bibliya. Sabihin na may dala kang kopya kung gusto niyang makita ito. Ipakita sa kaniya ang talaan ng mga nilalaman, at talakayin ang isa o dalawang parapo sa pinili niyang kabanata.
Our Problems—Who Will Help Us Solve Them?
Dinisenyo upang kunin ang interes ng mga Hindu
Kung paano ito iaalok: “Marami kaming nakausap na naguguluhan dahil sa kasamaang nakikita nila sa daigdig. Sa palagay mo, aalisin kaya ng Diyos ang mga problemang ito? [Hayaang sumagot.] Ang hulang ito ay nagbibigay ng pag-asa. [Basahin ang Awit 37:11.] Ang binasa ko ay nasa Bibliya. Isa itong aklat na kadalasan ay hindi nauunawaan at ginagamit sa maling paraan. Baka magulat kang malaman na ang Bibliya ay hindi aklat na isinulat para sa mga Amerikano o Europeo. Hindi ito nagtataguyod ng kolonyalismo o ng kahigitan ng isang lahi sa iba. Ngunit nagbibigay ito ng pag-asa na malapit nang alisin ng Diyos ang mga problema natin. May mga simulain din dito na makatutulong sa atin na maharap ang mga problema ngayon. Ang brosyur na ito ay naglalaman ng higit pang impormasyon.”
Maaari mong subukan ito: Sa pagdalaw-muli, matapos linangin ang interes ng may-bahay sa Bibliya, ipakita sa kaniya ang mga larawan sa pahina 4-5 ng aklat na Itinuturo ng Bibliya. Basahin kahit isang siniping teksto lamang at ialok ang aklat.
Will There Ever Be a World Without War?
Dinisenyo upang kunin ang interes ng mga Judio
Kung paano ito iaalok: “Sa buong kasaysayan, dumanas ang mga tao ng labis na pagdurusa dahil sa digmaan. Sa palagay mo, bakit patuloy na may mga digmaan gayong gusto ng mga tao ang kapayapaan? [Hayaang sumagot.] Ang hulang ito ni Isaias ay nagbibigay ng pag-asa. [Basahin ang Isaias 2:4.] Gayunman, nagbabangon ito ng mga tanong: Kailan at paano matutupad ang hula ni Isaias? Bakit tayo makapagtitiwala na pagmumulan ng matibay na pag-asa ang Kasulatan? Sinasagot ng brosyur ang mga tanong na ito.”
Maaari mong subukan ito: Kapag tinanggap ang brosyur, ipakita sa may-bahay ang pahina 16-17 at sabihin: “Binabanggit ng marami ang nakapangingilabot na mga pangyayaring gaya ng Holocaust at itinatanong, ‘Kung may Diyos, bakit niya pinahihintulutan ang pagdurusa?’ Puwede natin itong pag-usapan pagbalik ko.”
The Guidance of God—Our Way to Paradise
Dinisenyo upang kunin ang interes ng mga Muslim na nakatira sa lugar na iniisip nilang puwede silang mag-aral ng Bibliya
Kung paano ito iaalok: “Sa pagkaunawa ko, naniniwala ang mga Muslim sa isang tunay na Diyos at sa lahat ng propeta. Tama ba? [Hayaang sumagot.] Gusto kong ipakipag-usap sa iyo ang tungkol sa isang sinaunang hula na nagsasabing magiging paraiso ang lupa. Puwede ko bang basahin sa iyo ang isinulat ng propetang iyon? [Basahin ang Isaias 11:6-9.] Iniisip ng marami kung paano babaguhin ng Diyos ang lupa. Ipinakikita ng brosyur na ito kung ano ang sinasabi ng mga propeta tungkol dito.”
Maaari mong subukan ito: Kapag tinanggap ng may-bahay ang brosyur, sabihin: “Ipinaliliwanag ng aklat na ito ng Diyos na noong pasimula, sa paraiso nakatira ang tao. Sa susunod nating pag-uusap, sasagutin ko ang tanong na ‘Paano tinanggihan ng tao ang patnubay ng Diyos kung kaya naiwala niya ang paraiso?’” Pagbalik mo, talakayin ang umpisa ng yunit sa pahina 6.
Tunay na Pananampalataya—Ang Susi Mo sa Maligayang Buhay
Dinisenyo upang kunin ang interes ng mga Muslim na nakatira sa lugar na iniisip nilang puwede silang mag-aral ng Bibliya
Kung paano ito iaalok: Ipakita ang larawan sa pahina 16-17 at sabihin: “Ang tanawing ito ay ibang-iba sa nakikita natin sa daigdig ngayon. Sa palagay mo, puwede bang maging ganito ang daigdig balang araw? [Hayaang sumagot.] Tingnan kung ano ang pangako sa aklat na ito ng Diyos. [Basahin ang isa sa mga siniping teksto mula sa Bibliya.] Tutulungan ka ng brosyur na ito na magkaroon ng tunay na pananampalataya na matutupad ang mga pangakong iyon.”
Maaari mong subukan ito: Sa dulo ng unang pagdalaw, papiliin ang may-bahay ng isang tanong na nasa pabalat sa likod. Pagkatapos ay sabihing babalik ka upang talakayin ang sagot mula sa brosyur.
Lasting Peace and Happiness—How to Find Them
Dinisenyo upang kunin ang interes ng mga Tsino
Kung paano ito iaalok: “Sa ngayon, maraming problema ang nag-aalis ng ating kaligayahan. Ano ang nakakatulong sa iyo na maging maligaya kahit may mga problema? [Hayaang sumagot.] Maraming tao ang maligaya dahil sa pagsunod sa payo ng Bibliya. [Basahin ang Awit 119:1, 2.] Iniisip ng ilan na ang Bibliya ay isinulat para sa mga Amerikano o Europeo. Pero tingnan mo ito. [Talakayin ang parapo 16 sa pahina 17.] Tinatalakay ng brosyur na ito kung paano natin masusumpungan ang namamalaging kapayapaan at kaligayahan.”
Maaari mong subukan ito: Kapag tinanggap ng may-bahay ang brosyur, basahing magkasama ang unang tatlong pangungusap ng parapo 18 sa pahina 17 at sabihin: “Pagbalik ko, gusto kong ipakita sa iyo kung ano ang maaasahan natin ayon sa Bibliya.” Pagbalik mo, talakayin ang isa sa mga punto sa parapo 6 sa pahina 30.