Ipinakikita ng Pangangaral ang Ating Kaibahan
1 Maraming tao ang nagtatanong, “Ano ang ipinagkaiba ng mga Saksi ni Jehova sa ibang relihiyon?” Paano kayo sasagot? Maaari ninyong ipaliwanag ang ilan sa ating salig-Bibliyang mga paniniwala. Ngunit napag-isipan na rin ba ninyong tukuyin kung hanggang saan ipinakikita ng ating pangmadlang ministeryo ang ating kaibahan mula sa ibang relihiyon?—Mat. 24:14; 28:19, 20.
2 Sa ngayon, iilang relihiyosong tao ang napakikilos na ibahagi ang kanilang mga paniniwala sa iba. Maaaring iniisip nilang sapat na ang sundin ang mga batas ni Cesar, magkaroon ng isang disenteng buhay na malinis sa moral, o gumawa ng mabuti sa iba. Gayunman, hindi sila nakadarama ng pananagutan na tulungan ang iba na matuto kung ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa pagtatamo ng kaligtasan. Paano tayo naiiba?
3 Ang ating masigasig na ministeryo ay ibang-iba sa mga gawain ng ibang relihiyon. Sa loob ng mahigit na 100 taon na ngayon, ang modernong-panahong mga Saksi ay masikap na nangaral ng mabuting balita sa mga kadulu-duluhang bahagi ng lupa bilang pagtulad sa sinaunang mga Kristiyano. Ang ating tunguhin sa paggawa nito ay upang tulungan ang pinakamaraming tao hangga’t maaari na iayon ang kanilang mga buhay sa kalooban ng Diyos.—1 Tim. 2:4; 2 Ped. 3:9.
4 Ano ang Inyong Reputasyon? Kayo ba’y kilalá bilang isang masigasig na mangangaral ng Salita ng Diyos? (Gawa 17:2, 3; 18:25) Dahilan sa inyong gawaing pangangaral, madali bang makita ng inyong mga kapitbahay ang kaibahan ng kanilang relihiyon at ng sa inyo? Kayo ba’y kilalá bilang isa na nananabik na ibahagi ang kaniyang pag-asa sa iba? Mayroon ba kayong regular na rutin sa pakikibahagi sa ministeryo? Tandaan na natatangi tayo hindi lamang dahil sa ating pangalan kundi dahil sa paggawa sa inilalarawan ng pangalang iyan—ang pagpapatotoo tungkol kay Jehova.—Isa. 43:10.
5 Pinakikilos tayo ng pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa na makibahagi sa gawaing pangangaral. (Mat. 22:37-39) Iyan ang dahilan kung bakit nais natin, gaya ni Jesus at ng mga apostol, na samantalahin ang bawat pagkakataon na ibahagi ang mensahe ng Kaharian sa iba. Patuloy nawa nating ipangaral ang mabuting balita nang may kasigasigan doon sa mga nagnanais makinig. Sa paggawa ng gayon ay matutulungan ang tapat-pusong mga tao na ‘makita . . . ang pagkakaiba sa pagitan . . . ng isa na naglilingkod sa Diyos at ng isa na hindi naglilingkod sa kaniya.’—Mal. 3:18.