Sino ang Maaaring Tumanggap ng Isang Pag-aaral sa Bibliya?
1 Ipinahayag ni propeta Amos na magkakaroon ng isang taggutom sa lupain ng Israel, “ng taggutom, hindi sa tinapay, at ng pagkauhaw, hindi sa tubig, kundi sa pagkarinig sa mga salita ni Jehova.” (Amos 8:11) Para sa kapakinabangan niyaong mga nagugutom at nauuhaw sa espirituwal, ang organisasyon ni Jehova ay namamahagi ng napakaraming literatura sa Bibliya sa buong daigdig.
2 Sa kasalukuyan, nakalimbag na tayo ng 70 milyong aklat na Kaalaman at 91 milyong brosyur na Hinihiling. Sa pagtuturo ng katotohanan, pinahahalagahan natin ang pagiging simple at epektibo ng mga publikasyong ito. Gayunman, sa literal ay napakaraming tao na tumanggap ng ating literatura ang hindi pa nakipag-aral ng Bibliya sa atin. Ano ang magagawa natin tungkol dito?
3 Nangangahulugan ng Potensiyal na Pag-aaral ang Bawat Naipasakamay! Isaalang-alang ang karanasan ng isang mamamahayag na nag-alok ng pag-aaral sa isang babae sa unang pagkakataon na nakausap niya ito sa pintuan. Kaagad niyang tinanggap ito. Di-nagtagal ay sinabi nito sa kaniya, “Ikaw ang kauna-unahang tao na nag-alok na makipag-aral ng Bibliya sa akin.” Sa inyong teritoryo, ilang tao na nagtataglay na ng ating literatura ang maaaring magsabi rin ng gayon? Ang bawat naipasakamay ay naglalaan ng pagkakataon para sa mga pagdalaw-muli at ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
4 Yamang madalas tayong nakakatagpo ng mga taong mayroon na ng ating mga publikasyon, paano natin mapasisigla ang kanilang interes na matutuhan ang mga nilalaman ng ating literatura? Isang Saksi ang tuwirang nagtanong sa isang maybahay kung mayroon ba siyang anumang katanungan sa Bibliya, na sinagot lamang nito ng, “Wala.” Nagpumilit ang kapatid na babae, “Tiyak na mayroon kang ilang tanong.” Mayroon ngang tanong ang babae, at isang pag-aaral ang napasimulan. Bakit hindi tanungin ang maybahay kung nais niyang malaman ang pangmalas ng Bibliya sa isang tanong o sa isang bagay na ikinababahala niya? Maging handa na magbangon ng tanong na pupukaw ng interes kung hindi siya makaisip ng anuman. Ang gayong mga pag-uusap ay maaaring magbukas ng daan para sa isang regular na pag-aaral sa mga saligang katotohanan sa Bibliya.
5 Ang pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya ang pinakasentro ng ating ministeryo. Yamang hindi natin alam kung sino ang maaaring tumanggap ng pag-aaral, huwag mag-atubiling mag-alok nito sa lahat ng inyong makakausap. Ilapit ang bagay na ito kay Jehova sa panalangin, at gumawang kasuwato ng inyong mga panalangin. Di-magtatagal ay maaaring masumpungan ninyo na ang isang inalukan ninyo ng pag-aaral ay tatanggap nito!—1 Juan 5:14, 15.