Gamitin ang Ating Literatura Nang May Katalinuhan
1 Noong Setyembre at Oktubre ng taóng ito, ginanap sa buong Pilipinas ang pantanging mga pagpupulong ng matatanda at mga ministeryal na lingkod upang talakayin ang bagong kaayusan para sa pinasimpleng pamamahagi ng literatura na magsisimula sa Enero 10, 2000. Kasunod ng mga pagpupulong na ito, pagkatapos ng pag-aaral ng Bantayan para sa linggo ng Nobyembre 1, isang liham ang binasa sa lahat ng kongregasyon upang talakayin ang mga katanungan tungkol sa bagong kaayusang ito. Pagkatapos, noong linggo ng Nobyembre 8, isang pantanging Pulong sa Paglilingkod ang ginanap sa lahat ng kongregasyon upang ipakita kung paano isasagawa ang ating gawaing pangangaral sa ilalim ng bagong kaayusang ito. Nakatitiyak kami na handa na ngayon ang lahat upang pasimulan ang bagong kaayusang ito sa Enero 10, pagkatapos na pagkatapos ng ating huling pandistritong kombensiyon.
2 Yamang iaalok natin ang ating literatura at mga magasin nang walang takdang halaga sa publiko, napakahalaga na gumamit tayo ng kaunawaan sa pamamahagi ng ating mga publikasyon. Patuloy nating pasisiglahin ang interes sa pamamagitan ng paggamit ng isa sa mga pambungad mula sa aklat ng Nangangatuwiran. Kung walang ipinakitang interes, hindi na kailangang ialok ang literatura. Hindi natin nais na sayangin ang alinman sa ating literatura sa pamamagitan ng pag-aalok nito doon sa mga walang interes. Ngunit kung may ipinakitang interes at ang maybahay ay sumang-ayon na basahin ang literatura, maaari itong ialok. Nais nating gamitin ang ating literatura nang may katalinuhan.
3 Ang sumusunod ay ilang pananalita na maaari ninyong sabihin pagkatapos ipakita ang literatura: “Kung malulugod kayong basahin ang publikasyong ito, magagalak akong iwan ito sa inyo.” Malamang na magtanong ang maybahay: “Magkano ang halaga nito?” Maaari ninyong isagot: “Hindi kami nangangalakal. Hindi namin ipinagbibili ang literaturang ito. Ang gawain namin ay isinasagawa nang boluntaryo sa 233 lupain sa palibot ng daigdig upang tulungan ang mga tao na matuto sa daan tungo sa buhay na walang hanggan. Kung nais ninyong magbigay ng donasyon para sa gawaing ito, magagalak akong tanggapin ito.”
4 Sa ilang kalagayan, ang paksa hinggil sa mga donasyon para sa ating pambuong daigdig na gawain ay tila nakaaasiwang talakayin. Halimbawa, maaring itanong ng isang interesadong maybahay: “Ibinibigay ba ninyo ito nang libre?” Maaari nating isagot: “Kung nais ninyong basahin ang publikasyon at gusto ninyong magkaroon nito, oo, sa inyo na ito. Nais kong bumalik sa susunod na linggo upang talakayin ang ating napag-usapan at upang ipabatid sa inyo nang higit pa ang tungkol sa aming pambuong daigdig na gawain.” Sa susunod na pagdalaw, maaaring ipaalam sa maybahay kung paano tinutustusan ang ating gawain.
5 O maaaring tanggapin agad ng maybahay ang literatura at sabihing, “Salamat.” Maaari kayong sumagot sa pagsasabing: “Walang anuman. Alam kong masisiyahan kayo diyan. Marami ang nag-iisip kung paano tinutustusan ang gawaing ito, yamang isinasagawa namin ito sa buong daigdig. Marami sa mga tumatanggap ng aming mga publikasyon ang nagpakita ng pagpapahalaga sa kanilang natututuhan at kusang nagbigay ng kaunting donasyon upang maging posible ang patuloy pang pamamahagi. Kapag ganiyan ang ginagawa ng mga tao, nalulugod kaming tanggapin ito.”
6 Maliwanag na hindi natin layunin na mamahagi ng literatura kung kani-kanino lamang. Nais nating matulungan ng literatura ang taimtim na mga tao na matuto nang higit pa tungkol sa mga layunin ni Jehova. Pagsasayang lamang na mag-iwan ng literatura sa mga taong hindi nagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay. (Heb. 12:16) Paano ba natin malalaman kung may ipinakitang interes? Kung ang indibiduwal ay handang makipag-usap sa inyo, ito ay isang mabuting palatandaan. Kung siya ay nagbibigay-pansin kapag nagsasalita ka, o nagpapahayag ng kaniyang opinyon, o nagbabangon ng tanong, ito ay nagpapamalas ng interes. Kung siya ay nakikipag-usap sa inyo sa isang mabait at magalang na paraan, ito ay nagpapahiwatig ng mabait na pag-uugali. Ang pagsubaybay niya habang binabasa ninyo ang Bibliya ay nagpapahiwatig ng paggalang sa Salita ng Diyos. Kapag nakita ninyo ang gayong mga palatandaan ng taimtim na interes, malamang na babasahin at pahahalagahan ng indibiduwal ang tinanggap niyang literatura.
7 Anumang kontribusyon na natanggap mula sa publiko ay dapat na ilagay sa kahon ng kontribusyon na nasa Kingdom Hall na may markang “Contributions for the Society’s Worldwide Work.—Matthew 24:14.” Pinahahalagahan namin ang gayong mga kontribusyon, ngunit ang totoo, ang gayong mga abuloy mula sa publiko ay hindi magiging sapat upang pagtakpan ang lahat ng gastusing nasasangkot. Kung gayon, sino ngayon ang may pangunahing pananagutan na suportahan ang pambuong daigdig na gawain, na dito’y kabilang ang paggawa, pagpapadala, at pamamahagi ng literatura at mga magasin? Ang bayan mismo ni Jehova ang sumusuporta sa pambuong daigdig na gawain. Kaya, pasimula sa Enero, tayong lahat ay kailangang maging palaisip at sistematiko sa pagbibigay ng kontribusyon. Mas gusto ng marami na magbigay ng kontribusyon sa panahong kinukuha nila ang kanilang literatura at mga magasin mula sa dispatso (counter) sa Kingdom Hall, yamang sa paraang ito ay napaaalalahanan sila na ang literatura ay gumugol ng salapi upang magawa ito, at sa katunayan, ay bahagi ng pambuong daigdig na gawaing pangangaral.
8 Bagaman ang mga kontribusyon ay dati nang ibinibigay nang boluntaryo, ang kaayusang ito ay nagpapahintulot sa pagkukusa at dibdibang pansin ng bawat isa upang matugunan ang mga gastusin ng inaakay-ng-espiritung organisasyon ni Jehova. Ngayon, bawat isa sa atin ay may higit na pananagutang moral at pribilehiyo na parangalan si Jehova sa pamamagitan ng ating mahahalagang bagay. (Kaw. 3:9) Kung paano tayo tumutugon sa pag-akay ng espiritu ni Jehova habang nagbibigay tayo ng ating mga kontribusyon ay magpapamalas ng ating higit na kamalayan na itinuturing tayo ni Jehova na mapagkakatiwalaan.—1 Cor. 4:1, 2.
9 Ang pagbabagong ito sa ating paraan ng pangangaral ay nagbibigay ng ibayong patotoo sa mga tao na “hindi tayo mga tagapaglako ng salita ng Diyos.” (2 Cor. 2:17) Pinatutunayan din nito na tayo ay ibang-iba at hiwalay mula sa sanlibutan.—Juan 17:14.
10 Kami’y nagtitiwala na yaong mga nagpapahalaga sa mahalagang katotohanan ng Salita ng Diyos at sa kahalagahan ng mga paglalaan ng Samahan, kabilang na ang paggawa ng mga publikasyon, ay patuloy na mapakikilos mula sa puso na bukas-palad na magbigay ng kontribusyon para sa gawaing ito hanggang sa wakas ng sistemang ito. (2 Cor. 9:6-14) Makapaglalagak tayo ng buong tiwala kay Jehova, sa pagkaalam na siya’y “makagagawa ng ibayong higit pa kaysa napakasagana sa lahat ng mga bagay na ating hingin o mailarawan.” (Efe. 3:20) Gayunman, upang tanggapin ang buong pagpapala ni Jehova, tiyakin nating ginagawa natin ang ating bahagi sa paggamit ng ating literatura nang may katalinuhan at sa ‘pagdadala sa kamalig ng lahat ng ikasampung bahagi.’ (Mal. 3:10) Nawa’y pagpalain ni Jehova ang ating sama-samang pagsisikap na isagawa ito sa darating na taon.