Isang Pribilehiyo na Bukás Para sa mga Kabataan
1 Natutuwang gunitain ng marami sa naging mga magulang na ngayon ang pribilehiyong kanilang tinamasa noon bilang mga batang lumalaki sa katotohanan—ang gawain sa Araw ng Magasin. Ang gawaing yaon ay pinasimulan sa lahat ng kongregasyon noong 1949. Isang araw sa isang linggo, ang bawat isa ay dapat na magpako ng pansin sa pamamahagi ng Ang Bantayan at Gumising! sa mga lansangan, sa bahay-bahay, sa mga tindahan, at sa iba pang mga paraan. Ang mga nakababatang mamamahayag lalo na ay nananabik sa pakikibahagi sa gawaing ito dahil sa ito’y nagbibigay sa kanila ng pagkakataong makibahagi sa gayunding gawain gaya ng mga adulto sa kongregasyon. Totoo ba ito sa inyo noong kayo’y bata pa?
2 Isangkot ang Inyong mga Anak: Ang mga musmos na hindi pa handa para pasimulan ang pakikipag-usap sa Kasulatan sa pintuan ay makapag-aalok pa rin ng mga magasin. Nangangailangan lamang na matuto ng isang simpleng presentasyon sa ilang maiikling pangungusap. Ang isang maikling komento, marahil sa ilustrasyon sa pabalat, ay maaaring sapat na. Maraming maybahay ang tumatanggap kaagad ng mga babasahin mula sa ating mga kabataan, na kadalasa’y nagkokomento nang mabuti hinggil sa kataimtiman at mabuting paggawi ng mga kabataang ito. Sa pamamagitan ng kaunting tulong, magagawang mabuti ng mga bata ang paglilingkod na ito, na gumagawa ng mahalagang kontribusyon sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian. Sabihin pa, habang ang mga bata ay gumugulang, nanaisin ng kanilang mga magulang na tulungan silang patuloy na pagbutihin ang kanilang mga kakayahan sa pagpapatotoo.
3 Si Manuel ay nagpasimulang mangaral sa bahay-bahay nang siya’y tatlong taóng gulang. Tinuruan siya ng kaniyang mga magulang na isaulo ang isang maikling presentasyon. Siya’y masigasig na nangangaral kasama nila, anupat nakapaglalagay ng maraming magasin, brosyur, at mga tract. Siya’y nagpapatotoo rin nang di-pormal. Sa isang pagkakataon nang siya’y ipasyal ng kaniyang mga magulang sa isang parke para maglibang, kusa siyang nagpasakamay ng mga tract sa mga taong naroroon. Bagaman siya’y napakabata pa, ang kasiglahan ni Manuel sa ministeryo ay nagsilbing tunay na pampatibay-loob sa kaniyang mga magulang at sa buong kongregasyon.—Kaw. 22:6.
4 Ang bawat Sabado ay itinalaga bilang “Araw ng Magasin” sa 2000 Calendar of Jehovah’s Witnesses. Mga magulang, inirerekomenda namin na magkaroon kayo ng panibagong interes sa gawaing ito, na tinutulungan ang inyong mga anak na makibahagi nang palagian hangga’t maaari sa pribilehiyong ito ng paglilingkod.