“Hindi Namin Magagawang Tumigil sa Pagsasalita”
1 Maingat na sinusubaybayan ni Jesu-Kristo ang gawaing pangangaral. (Mat. 28:20; Mar. 13:10) Bagaman halos anim na milyon ang aktibong tagapaghayag na nagpapatotoo sa 234 na lupain, hindi tayo dapat mag-akala na tapos na ang ating pagpapatotoo. Hanggang sa ipahayag ng Diyos na tapos na ang gawain, ‘hindi natin magagawang tumigil sa pagsasalita’ hinggil sa mga bagay na ating natutuhan.—Gawa 4:20.
2 Manalig sa Espiritu ng Diyos: Si Satanas ay gumagawa ng matinding panggigipit upang sirain ang ating loob. (Apoc. 12:17) Sinasalot din tayo ng ating di-sakdal na laman ng maraming suliranin. Maaaring ilihis ng gayong mga bagay ang ating pansin sa napakahalagang gawaing pangangaral. Gayunman, kung tayo ay magtitiwala kay Jehova, ang kaniyang espiritu ay tutulong sa atin na harapin ang anumang hadlang.
3 Nang matinding pag-usigin ang unang-siglong kongregasyong Kristiyano, ang mga kapatid ay humingi ng tulong sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin upang patuloy na sabihin ang kaniyang salita nang buong tapang. Dininig ni Jehova ang kanilang panalangin, anupat ipinagkaloob sa kanila ang kaniyang espiritu at binigyan sila ng kinakailangang sigasig at determinasyon upang patuloy na makapangaral. Bilang resulta, sila’y walang humpay na nagpatuloy sa paghahayag ng mabuting balita nang may katapangan.—Gawa 4:29, 31; 5:42.
4 Huwag Katakutan ang Negatibong Pananalita: Ang pangkalahatang opinyon o mapanirang publisidad ay maaaring magdulot ng takot sa atin. Gayunman, tandaan ang may katapangang pananalita ni Pedro at ng iba pang mga apostol sa Sanedrin, na nakaulat sa Gawa 5:29-32. Gaya ng inamin ng guro sa Kautusan na si Gamaliel, ang gawa ng Diyos ay hindi maibabagsak. Hindi ito naisasakatuparan sa pamamagitan ng ating kapangyarihan. Ang dakilang gawaing ito ay inaalalayan ng Diyos at siya lamang ang makagagawa nito!—Zac. 4:6.
5 Mamanhik tayo kay Jehova sa araw-araw para sa kaniyang espiritu na tulungan tayo upang masigasig na maipahayag ang mabuting balita. Masabi nawa natin, tulad ni Jeremias, na ang mensahe ng Kaharian ay gaya ng isang nagniningas na apoy sa ating mga buto. (Jer. 20:9) Hindi tayo maaaring manahimik!