“Ang Lahat ng Bagay ay Maganap Ukol sa Pagpapatibay”
1 Sa pakikitungo sa ating mga kapatid, dapat nating gawin kung ano ang mabuti ukol sa kanilang ikatitibay. Ito ay nangangahulugan ng pagkabahala upang mapangalagaan ang kanilang espirituwal na mga kapakanan. Kung tayo ay nagsasagawa ng ilang uri ng sekular na gawain may kaugnayan sa pagtataguyod ng isang produkto o paglilingkod, kailangan tayong maging maingat na wala tayong ginagawang anuman na makatitisod sa ating mga kapatid.—2 Cor. 6:3; Fil. 1:9, 10.
2 Ang ilan ay nasangkot sa iba’t ibang klase ng negosyo, na ang pinupuntirya ay ang mga kapuwa Kristiyano bilang potensiyal na mga parokyano. Hinihimok ng ilang organisasyon sa pangangalakal ang kanilang mga ahente na malasin ang lahat bilang isang potensiyal na parokyano—lakip na yaong mga karelihiyon nila. Ang ilang mga kapatid ay nagsaayos ng malalaking pagtitipon ng mga Saksi upang himukin silang sumali sa isang negosyo. Itinaguyod ng ilan ang kanilang negosyo sa pamamagitan ng kusang pagpapadala ng mga artikulo, brosyur, impormasyon sa Internet, o mga tape sa mga kapananampalataya. Wasto ba para sa isang Kristiyano na gamitin ang kaniyang teokratikong mga koneksiyon upang pagsamantalahan ang kaniyang espirituwal na mga kapatid? Hindi!—1 Cor. 10:23, 24, 31-33.
3 Dapat Mag-ingat ang mga Kapatid: Hindi ito nangangahulugan na ang isang Kristiyano ay hindi maaaring makipagnegosyo sa isang kapatid. Iyon ay isang personal na bagay. Gayunman, pinasimulan ng ilan ang mga ideya sa negosyo na humihikayat sa kasakiman, at kanilang inuudyukan ang mga kapananampalataya na maging kasosyo nila o mga mamumuhunan. Marami sa mga negosyong ito ang bumagsak, anupat nalulugi ang mga kasosyo ng malaking halaga ng salapi. Bagaman yaong mga sumali sa negosyo ay maaaring naudyukan ng pagnanais na magkaroon ng dagling pakinabang, hindi dapat makadama ang tagapagtatag nito na wala siyang kasalanan kapag nabigo ang negosyo. Kailangang maingat niyang isaalang-alang nang patiuna kung paano maaapektuhan ang espirituwal at pisikal na kapakanan ng kaniyang mga kapatid kapag hindi nagtagumpay ang negosyong iyon. Yaong may hinahawakang teokratikong pananagutan ang lalo nang dapat mag-ingat hinggil sa kanilang sekular na pagsusumakit sapagkat maaaring malasin sila ng iba taglay ang paggalang anupat maglagak sa kanila ng malaking pagtitiwala. Magiging mali na abusuhin ang pagtitiwalang iyon. Maaaring mawala ang mga pribilehiyo ng sagradong paglilingkod kapag naiwala ng isang kapatid ang paggalang ng iba.
4 Ang ating tunguhin ay dapat na “ang lahat ng bagay ay maganap ukol sa pagpapatibay.” (1 Cor. 14:26) Dapat nating iwasan ang paggawa ng anumang bagay na magpapasok ng mga gawaing komersiyal sa loob ng kongregasyon o magtataguyod ng mga ito. Ang gayong mga bagay ay walang kaugnayan sa ating maka-Kasulatang mga dahilan para magtipong magkakasama.—Heb. 10:24, 25.