Tanong
◼ Kapag nagsasama ng mga magtu-tour sa Bethel, ano ang dapat na ingatan sa isip hinggil sa pananamit at pag-aayos?
Sa pagtalakay sa kahalagahan ng wastong pananamit at pag-aayos, ang Organisado Upang Ganapin ang Ating Ministeryo ay nagkomento hinggil sa pangangailangan ng pisikal na kalinisan, mahinhing pananamit, at mabuting pag-aayos kapag nasa ministeryo sa larangan at dumadalo sa Kristiyanong mga pagpupulong. Pagkatapos, sa pahina 131, parapo 2, ito ay nagsasabi: “Kumakapit din ito kapag tayo ay dumadalaw sa tahanang Bethel sa Brooklyn o sa alinmang tanggapang pansangay ng Samahan. Tandaan, ang pangalang Bethel ay nangangahulugang ‘Bahay ng Diyos,’ kaya ang ating pananamit, pag-aayos at paggawi ay dapat na maging katulad niyaong inaasahan sa atin kapag dumadalo sa mga pulong ukol sa pagsamba sa Kingdom Hall.”
Bagaman ang karamihan sa mga kapatid na dumadalaw sa Bethel ay angkop ang pananamit, napansin na ang ilang mga kapatid na lalaki at babae ay mahilig pa ring manamit nang masyadong kasuwal kapag nasa bakuran ng Bethel. Hinggil sa bagay na ito, kagaya sa lahat ng iba pang aspekto ng ating Kristiyanong pamumuhay, nais nating mapanatili ang gayunding matataas na pamantayan na naghihiwalay sa atin mula sa matandang sanlibutan. Kaya kapag dumadalaw sa Bethel, tanungin ang inyong sarili: ‘Ang akin bang pananamit at pag-aayos ay mahinhin? Mabuti ba ang ipinakikita nito para sa Diyos na aking sinasamba? Ikagagalit kaya ng iba ang aking hitsura? Ako ba ay nagbibigay ng wastong halimbawa para sa ibang kasama namin na nagtu-tour sa Bethel, na marahil ay sa unang pagkakataon?’
Napansin na ang karamihan sa mga hindi nakadamit nang wasto sa mga tour sa Bethel ay mga estudyante sa Bibliya o mga taong interesado. Kaya, bago anyayahan ang mga ito sa Bethel, mahalaga na ipaliwanag natin sa kanila nang patiuna ang mga pamantayan sa Bethel sa pananamit at pag-aayos upang sila’y makapaghanda at makapanamit nang tama. Bagaman maaari tayong mag-atubili sa paggawa nito, tiyak na ito’y higit na maibigin kaysa mapahiya sila dahilan sa pagpunta sa Bethel na nakadamit nang hindi tama.
Tayo nawa sa tuwina, gayundin ang mga nakikipag-aral sa atin, sa pamamagitan ng ating pananamit at pag-aayos ay “magayakan ang turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, sa lahat ng bagay.”—Tito 2:10.