Akayin ang mga Estudyante sa Bibliya Tungo sa Organisasyon
1 Kailangang maging pamilyar ang mga estudyante sa Bibliya sa organisasyon ni Jehova. Kailangan nilang maunawaan na ang pagiging bahagi ng organisasyong iyan ay mahalaga sa kanilang kaligtasan. (Apoc. 7:9, 10, 15) Kung gayon, kailangang pasimulan nating akayin ang ating mga estudyante sa Bibliya tungo sa organisasyon sa sandaling maitatag ang isang pag-aaral sa Bibliya.
2 Tulungan ang iyong mga estudyante sa Bibliya na maging pamilyar sa maraming katangian ng organisasyon ni Jehova, anupat ipinakikita sa kanila na sinusunod nito ang parisan ng mga Kristiyano noong unang siglo. Paano ito magagawa?
3 Gamitin ang Brosyur na Mga Saksi ni Jehova: Ang brosyur na pinamagatang Mga Saksi ni Jehova—Sino Sila? Ano ang Pinaniniwalaan Nila? ay naglalaman ng malawak na impormasyon hinggil sa organisasyon ni Jehova at sa kaniyang mga Saksi. Dito sa Pilipinas, ito ay makukuha sa limang wika gayundin sa Ingles. Gumugugol ka ba ng ilang minuto bawat linggo upang gamitin ang brosyur na ito upang pasidhiin ang pagpapahalaga ng iyong estudyante sa organisasyon? Binigyan mo na ba ng kopya ang iyong estudyante sa Bibliya? Nagdadala ka ba ng iyong kopya kapag nagdaraos ka ng pag-aaral sa Bibliya?
4 Ang pahina 6 hanggang 11 ng brosyur na ito ay sumasaklaw sa kasaysayan at paglago ng bayan ng Diyos sa makabagong panahon. Ang pahina 12 at 13 ay nagbibigay ng maikling buod ng ating mga paniniwala. Ipinakikita ng pahina 25 at 26 ang pambuong-daigdig na lawak ng organisasyon, samantalang tinatalakay ng pahina 27 hanggang 30 ang mga tanong na madalas ibangon ng interesadong mga tao.
5 Ang pinakamainam na paraan upang maging pamilyar ang iyong estudyante sa organisasyon ay ang anyayahan siya na dumalo sa mga pulong. Bago mo gawin iyan, baka nanaisin mong repasuhin muna sa kaniya ang unang tanong sa pahina 30 ng brosyur. O, kung dumadalaw ang tagapangasiwa ng sirkito sa linggong iyan, baka nanaisin mong repasuhin ang unang parapo sa ilalim ng pamagat na “Ang Kanilang Pandaigdig na Organisasyon at Gawain” sa pahina 25. Kung aanyayahan mo ang iyong estudyante sa isang kombensiyon o asamblea, o para dumalaw sa Bethel, masusumpungan mong nakatutulong ang impormasyon sa pahina 10 at 11 upang pasidhiin ang kaniyang pananabik sa mga ito.
6 Sa pamamagitan ng paggamit sa espesipikong mga punto mula sa brosyur na Mga Saksi ni Jehova kung may pagkakataon o may pangangailangan, matutulungan mo ang estudyante na magpahalaga sa organisasyon at magnais na makisama rito. Habang ginagawa mo ito, tiyakin mong ikaw, “na nagtuturo sa iba,” ay nagpapakita ng mabuting halimbawa sa pagpapahalaga sa organisasyon ni Jehova. (Roma 2:21) Sa paggawa nito, matutulungan mo ang iba na sumama sa “isang kawan” na inaakay ni Jesus tungo sa buhay na walang hanggan.—Juan 10:16.