Damtan Ninyo ang Inyong Sarili ng Kapakumbabaan
1 Isang pastol ang nagtiwala kay Jehova at tinalo ang isang makapangyarihang mandirigma. (1 Sam. 17:45-47) Isang mayamang lalaki ang matiising nagbata ng malaking kapahamakan. (Job 1:20-22; 2:9, 10) Iniukol ng Anak ng Diyos sa kaniyang Ama ang lahat ng papuri sa kaniyang pagtuturo. (Juan 7:15-18; 8:28) Sa bawat isa sa mga halimbawang ito, nagkaroon ng mahalagang papel ang kapakumbabaan. Gayundin sa ngayon, mahalaga ang kapakumbabaan sa mga situwasyong kinakaharap natin.—Col. 3:12.
2 Kapag Nangangaral: Bilang mga ministrong Kristiyano, mapagpakumbaba nating ibinabahagi ang mabuting balita sa lahat ng uri ng tao, anupat hindi sila hinuhusgahan dahil sa kanilang lahi, kultura, o pinagmulan. (1 Cor. 9:22, 23) Kapag ang ilan ay walang galang o may-kapalaluang tumatanggi sa mensahe ng Kaharian, hindi tayo gumaganti kundi matiisin nating hinahanap ang mga karapat-dapat. (Mat. 10:11, 14) Sa halip na sikaping pahangain ang iba sa pamamagitan ng ating kaalaman o edukasyon, inaakay natin ang kanilang pansin sa Salita ng Diyos, anupat kinikilalang mas mapanghikayat ito kaysa sa anumang maaari nating sabihin. (1 Cor. 2:1-5; Heb. 4:12) Bilang pagtulad kay Jesus, ibinibigay natin ang lahat ng kapurihan kay Jehova.—Mar. 10:17, 18.
3 Sa Kongregasyon: Ang mga Kristiyano ay dapat ding “magbigkis ng kababaan ng pag-iisip sa pakikitungo sa isa’t isa.” (1 Ped. 5:5) Kung ituturing natin ang iba na mas nakahihigit sa atin, hahanap tayo ng mga paraan upang paglingkuran ang ating mga kapatid sa halip na asahan nating paglilingkuran nila tayo. (Juan 13:12-17; Fil. 2:3, 4) Hindi natin madarama na libre na tayo sa mga gawaing tulad ng paglilinis ng Kingdom Hall.
4 Ang kapakumbabaan ay tumutulong sa atin na ‘pagtiisan ang isa’t isa sa pag-ibig’ at sa gayo’y naitataguyod ang kapayapaan at pagkakaisa sa kongregasyon. (Efe. 4:1-3) Tumutulong ito sa atin na magpasakop sa mga hinirang na manguna sa atin. (Heb. 13:17) Gumaganyak ito sa atin na tanggapin ang anumang payo o disiplina na maaaring ibigay sa atin. (Awit 141:5) At inuudyukan tayo ng kapakumbabaan na magtiwala kay Jehova kapag ating inaasikaso ang anumang pribilehiyo na maaari nating matanggap sa kongregasyon. (1 Ped. 4:11) Tulad ni David, kinikilala natin na ang tagumpay ay nakasalalay hindi sa kakayahan ng tao kundi sa pagpapala ng Diyos.—1 Sam. 17:37.
5 Sa Harap ng Ating Diyos: Higit sa lahat, kailangan nating ‘magpakababa sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos.’ (1 Ped. 5:6) Kung kailangan tayong makipagpunyagi sa mahihirap na kalagayan, baka labis nating panabikan ang kaginhawahang idudulot ng Kaharian. Ngunit mapagpakumbaba tayong nagtitiis, anupat naghihintay kay Jehova na tuparin ang kaniyang mga pangako sa kaniyang itinakdang panahon. (Sant. 5:7-11) Gaya ni Job na nag-ingat ng katapatan, ang ating pangunahing ikinababahala ay ang “patuloy na pagpalain ang pangalan ni Jehova.”—Job 1:21.
6 Si propeta Daniel ay ‘nagpakumbaba sa harap ng kaniyang Diyos’ at siya ay pinagpala ni Jehova ng paglingap at maraming maiinam na pribilehiyo. (Dan. 10:11, 12) Nawa’y damtan din natin ang ating sarili ng kapakumbabaan, sa pagkaalam na “ang bunga ng kapakumbabaan at ng pagkatakot kay Jehova ay kayamanan at kaluwalhatian at buhay.”—Kaw. 22:4.