Paramihin ang Ating Naipapasakamay na Magasin
1 Sa loob ng 124 na taon, Ang Bantayan ay nagsilbing tagapagtanggol ng katotohanan ng Kaharian at sa ngayon, mahigit na 25 milyon sa bawat isyu ang inilalathala sa 147 wika. Ang Gumising! din ay matagal nang tagapagtaguyod ng Salita ng Diyos at mahigit na 22 milyon sa bawat isyu ang inilalathala sa 85 wika.—Ihambing ang Colosas 1:23.
2 Pinupunan ng mga Magasin ang Espirituwal na Pangangailangan: Ang ating mga magasin ay tumutulong upang manatili tayong mapagbantay sa espirituwal at aktibo sa paglilingkod kay Jehova. Naglalaman din ang mga ito ng praktikal na mga artikulo hinggil sa makadiyos na paggawi at Kristiyanong moralidad. Dahil dito ay nagtatamasa tayo ng mas mahusay na kalidad ng pamumuhay ngayon habang hinihintay natin ang higit na mas mabubuting bagay na ipinangako ni Jehova.—Isa. 48:17; 1 Tim. 6:19.
3 Ngunit ang ating mga magasin ay hindi inilalathala para lamang sa mga Saksi ni Jehova. Gaya ng ipinakikita ng estadistika sa parapo 1, milyun-milyong tao na mga di-Saksi ang nasisiyahan sa pagbabasa ng ating mga publikasyon at marami ang natuto ng katotohanan sa ganitong paraan.
4 Maging Mapagbigay sa Pag-aalok ng mga Magasin: Sa 1 Timoteo 6:18, pinasisigla tayo na “maging mapagbigay, handang mamahagi,” at kasama rito ang ating pamamahagi ng magasin. Ang mga mamamahayag ay madalas na nag-aatubiling mag-iwan ng mga magasin kung ang may-bahay ay hindi nagbigay ng kontribusyon para sa pambuong-daigdig na gawain. Gayunman, hindi ba mas mabuting maging “mapagbigay” upang ang lahat ng nagnanais makabasa ng mga magasin ay magkaroon ng pagkakataon na gawin ito? Sabihin pa, hindi natin gustong iwanan ang mga magasin sa mga taong hindi nagpapakita ng interes at hindi magbabasa ng mga ito, ngunit sa kabilang dako naman, huwag tayong mag-atubiling iwanan ang mga magasin sa mga taong nagpapakita ng tunay na interes kahit na wala silang maibigay na kontribusyon.
5 Gayunman, upang makapagpasakamay ng mas maraming magasin, kailangan nating magkaroon ng sapat na suplay. Iminumungkahi na bawat mamamahayag at payunir ay magkaroon ng regular na pidido sa lingkod sa magasin upang may sapat silang maipapasakamay. Mayroon ka bang personal na pidido? Dapat isaayos ng mga lingkod sa magasin na tanggapin ang personal na mga pidido matapos mabasa ang artikulong ito at pagkatapos, kung kulang ang suplay ng kongregasyon, maaaring magpadala ng pidido sa tanggapang pansangay upang dagdagan ang suplay ng magasin.
6 Sinasabi ng Eclesiastes 11:6: “Sa umaga ay ihasik mo ang iyong binhi at hanggang sa kinagabihan ay huwag mong pagpahingahin ang iyong kamay; sapagkat hindi mo nalalaman kung saan ito magtatagumpay.” Ang gawaing pagmamagasin ay gaya ng paghahasik ng binhi. Kaya maging mapagbigay sa paghahasik ng mga ito at magtiwala kay Jehova na siyang magbibigay ng tagumpay sa takdang panahon.—1 Cor. 3:6.