Isang Gawain na Humihiling ng Kapakumbabaan
1 Hinihimok tayo ng Salita ng Diyos na maging “mapagpakumbaba sa pag-iisip, na hindi gumaganti ng pinsala sa pinsala . . . kundi, sa kabaligtaran, naggagawad ng pagpapala.” (1 Ped. 3:8, 9) Tiyak na kumakapit ang payong iyan sa gawaing pangangaral. Ang totoo, maaaring maging pagsubok sa ating kapakumbabaan ang ministeryong Kristiyano.
2 Ang kapakumbabaan ay isang katangian na tumutulong sa atin na batahin ang di-kaayaayang mga kalagayan. Kapag nangangaral, nilalapitan natin ang mga estranghero kahit hindi nila tayo inaanyayahan, bagaman batid natin na ang ilan ay tutugon sa magaspang na paraan. Kailangan ang kapakumbabaan upang makapagpatuloy sa pangangaral bagaman pinakikitunguhan sa gayong paraan. Sa isang napakahirap na teritoryo, dalawang payunir na sister ang araw-araw na nagbabahay-bahay sa loob ng dalawang taon nang walang sinuman ang tumanggap! Gayunman, nagmatiyaga sila, at sa ngayon ay may dalawa nang kongregasyon sa lugar na iyon.
3 Pagharap sa Magaspang na Pakikitungo: Tutulungan tayo ng kapakumbabaan na tularan si Jesus kapag ang iba ay di-mabait o di-magalang. (1 Ped. 2:21-23) Sa isang bahay ay pinagsalitaan nang masama ang isang sister, una ng asawang babae at pagkatapos ng asawang lalaki, anupat pinalayas siya sa bakuran nila. Ngumiti lamang ang sister at sinabing umaasa siyang makausap sila sa ibang pagkakataon. Labis na humanga rito ang mag-asawa anupat nakinig sila sa sumunod na Saksi na dumalaw sa kanila at tinanggap nila ang isang paanyaya na dumalo sa Kingdom Hall. Ang sister na hiniya noong una ay naroroon upang batiin sila at magbigay ng karagdagang patotoo. Maaari rin nating mapaamo ang mga di-tumatanggap sa pamamagitan ng pagpapakita ng “mahinahong kalooban at matinding paggalang.”—1 Ped. 3:15; Kaw. 25:15.
4 Iwasan ang Pagmamataas: Ang ating kaalaman sa Bibliya ay hindi nagbibigay sa atin ng karapatan para maliitin o laitin ang mga tao. (Juan 7:49) Sa halip, pinapayuhan tayo ng Salita ng Diyos na “huwag magsalita nang nakapipinsala tungkol sa kaninuman.” (Tito 3:2) Kapag mababa ang ating puso, gaya ni Jesus, nakagiginhawa tayo sa iba. (Mat. 11:28, 29) Nagiging lalong kaakit-akit ang ating mensahe kapag mapagpakumbaba ang ating paglapit.
5 Oo, ang kapakumbabaan ay tumutulong sa atin na magmatiyaga sa mahihirap na teritoryo. Maaaring mapaamo nito ang mga di-tumatanggap, at inaakit nito ang iba sa mensahe ng Kaharian. Higit sa lahat, nakalulugod ito kay Jehova, na ‘nagbibigay ng di-sana-nararapat na kabaitan sa mga mapagpakumbaba.’—1 Ped. 5:5.