“Pumaroon Tayo sa Bahay ni Jehova”
1 Si David ay tumugon nang buong pananabik sa paanyayang: “Pumaroon tayo sa bahay ni Jehova.” (Awit 122:1) Ang “bahay” ni Jehova noon ay ang dakong pinagtitipunan ng mga nagnanais sumamba sa tunay na Diyos. Sa ngayon, ang pandaigdig na kongregasyong Kristiyano ang “bahay” ng Diyos, “isang haligi at suhay ng katotohanan.” (1 Tim. 3:15) Ipinagkakaloob ang lahat ng paglalaan para sa kaligtasan sa pamamagitan ng alulod na ito. Sa dahilang iyan, ‘doon dapat humugos ang lahat ng mga bansa’ kung nais nilang tamasahin ang mga pagpapala ng Kaharian ng Diyos.—Isa. 2:2.
2 Ang “bahay” na ito ay binubuo ng mahigit na 94,000 kongregasyon sa 234 na lupain. Bukás ang mga pintuan ng mga Kingdom Hall sa palibot ng daigdig, na may mahigit sa anim na milyong masisigasig na manggagawa na nagpapaabot ng paanyayang: “Halika! . . . Ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apoc. 22:17) Nabubuhay tayo ngayon sa mga panahong mapanganib, at mabilis na papalapit ang wakas ng sistemang ito. Kaya, apurahan na ang mga tao ay magsikap na ‘lumapit sa Diyos’ sa pamamagitan ng pagiging higit na malapit sa kaniyang organisasyon. (Sant. 4:8) Paano natin sila matutulungan?
3 Akayin ang Interes sa Organisasyon: Mula pa sa ating unang pakikipag-ugnayan sa interesadong mga tao, dapat na nating akayin ang kanilang pansin sa organisasyon. Maaari nating ipaliwanag sa kanila na ang lahat ng natututuhan natin ay nagmumula sa organisasyon, na ang alulod ay ang uring alipin na naglalaan ng “pagkain sa tamang panahon.” (Mat. 24:45-47) Sa simula pa lamang, kailangang matanto na ng mga baguhan na ang dalisay na pagsamba ay nagsasangkot ng higit pa kaysa sa lokal na kongregasyon lamang; may organisado, teokratiko, at pandaigdig na lipunan na umiiral sa ilalim ng patnubay ni Jehova.
4 Ipaalam sa mga interesado ang adres ng Kingdom Hall sa inyong lugar gayundin ang mga oras ng pagpupulong. Ipaliwanag ang mga pagkakaiba ng ating mga pagpupulong at ng relihiyosong mga pagtitipon na maaaring nadaluhan na nila noon. Malugod na tinatanggap ang lahat, walang mga koleksiyon o personal na mga pangingilak ng pondo. Bagaman hinirang na mga ministro ang nangangasiwa sa mga programa, ang lahat ay may pagkakataong magkomento at makibahagi sa mga programa. Malugod na tinatanggap ang mga pamilya; kasali ang mga bata sa ating mga talakayan sa Bibliya. Ang Kingdom Hall ay simple at walang mga kandila, istatuwa, o imahen. Puwede mong ipaliwanag na ang mga dumadalo ay karaniwan nang mga residente ng lokal na pamayanan.
5 Unti-unting Akayin ang Interes sa mga Pag-aaral sa Bibliya: Bukod sa pagtuturo ng katotohanan sa Bibliya, dapat ding linangin sa isang pag-aaral sa Bibliya ang pagpapahalaga ng estudyante sa organisasyon ni Jehova at tulungan siyang makita ang pangangailangang maging bahagi nito. Noong unang siglo, tinipon ng mga alagad ni Jesus ang mga taimtim na tao sa mga kongregasyon sa ilalim ng sentral na lupong tagapamahala. Yaong mga umugnay ay napalakas sa espirituwal, anupat natulungang batahin ang kapighatian. (Heb. 10:24, 25; 1 Ped. 5:8-10) Sa ating panahon, layunin ni Jehova na “muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo.” (Efe. 1:9, 10) Bilang resulta, mayroon tayong pandaigdig na “samahan ng mga kapatid.”—1 Ped. 2:17.
6 Gumugol ng ilang minuto sa idinaraos mong pag-aaral sa Bibliya bawat linggo para ilahad o ilarawan ang isang bagay hinggil sa organisasyon at kung paano ito kumikilos. Makasusumpong ka ng nakatutulong na materyal sa brosyur na Mga Saksi ni Jehova—Sino Sila? Ano ang Pinaniniwalaan Nila? Tinatalakay ng brosyur na ito ang pangunahing mga aspekto ng organisasyon at kung paano makikinabang ang estudyante sa mga ito. Maaari ka ring gumawa ng mga kaayusan kung saan posibleng mapanood ng mga estudyante ang video na Jehovah’s Witnesses—The Organization Behind the Name. Kung hindi ka naman masyadong malayo sa Bethel, maaari mong isaayos na makapag-tour doon ang iyong mga estudyante, sa gayo’y matutulungan silang makita mismo kung paano tumatakbo ang organisasyon. Ang ilan ay nagtamo ng magagandang resulta dahil sa pagbibigay sa mga estudyante ng kopya ng 2003 Taunang Aklat para basahin, yamang ito ay espesipikong tumatalakay sa kasaysayan ng gawain sa Pilipinas. Marami pa tayong suplay sa Bethel ng Taunang Aklat na ito sa Cebuano, Iloko, Ingles, at Tagalog, kaya pinasisigla namin ang matatanda na isaayos na pumidido ng ilan para sa mga kapatid upang magamit sa kanilang idinaraos na mga pag-aaral sa Bibliya.
7 Ang pakikipagkilala sa ibang mga Saksi ay makatutulong din upang mapalawak ang kanilang pananaw sa organisasyon. Anyayahan ang ibang mamamahayag na sumama sa pag-aaral sa pana-panahon. Marahil maaari kang samahan ng isang elder para lamang makipagkilala. Ang pagsasaayos na madalaw ng tagapangasiwa ng sirkito o ng kaniyang asawa ang estudyante ng Bibliya ay maaaring maging isang tunay na pagpapala.
8 Pasiglahin ang mga Baguhan na Dumalo sa mga Pagpupulong: Kailangang matanto ng mga baguhan ang kahalagahan ng pagdalo sa mga pagpupulong. Sikaping pukawin ang kanilang interes. Ipakita ang mga artikulo na sasaklawin sa Pag-aaral sa Bantayan. Banggitin ang pamagat ng pahayag pangmadla. Ilahad ang mga tampok na bahagi ng materyal na sasaklawin sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Sabihin sa kanila kung gaano kalaki ang pakinabang mo sa pagdalo sa mga pagpupulong at kung bakit nakadarama ka ng pangangailangang dumalo.
9 Kapag dumalo ang isang estudyante ng Bibliya sa pagpupulong, ipadama sa kaniya na malugod siyang tinatanggap. Ipakilala siya sa iba, pati na sa matatanda. Kapag dumalo siya sa pahayag pangmadla, ipakilala siya sa tagapagsalita. Ilibot siya sa Kingdom Hall. Ipaliwanag ang layunin ng mga iskaparate ng literatura at magasin, mga kahon ng kontribusyon, aklatan, at taunang teksto. Ipaalam sa kaniya na ang bulwagan ay hindi lamang bahay ng pagsamba kundi sentro rin ng gawaing pangangaral.
10 Ipaliwanag kung paano idinaraos ang mga pagpupulong. Banggitin na ang Bibliya ang ating pangunahing aklat-aralin at ang ating mga publikasyon ay mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Ipaliwanag na ang lahat ng musika at liriko sa ating aklat-awitan ay kinatha ng mga Saksi ni Jehova para gamitin sa ating pagsamba. Itawag-pansin ang sari-saring pinagmulan ng mga dumadalo. Magbigay ng positibong mga komento tungkol sa palakaibigan at mapagpatuloy na saloobin. Ang mapagmalasakit na interes na ito ay maaaring maging isa sa pinakamalaking dahilan upang muling dumalo ang estudyante.
11 Kung Bakit Waring Nag-aatubili ang Ilan: Kadalasan, sa kabila ng lahat ng ginagawa mo, ang ilan ay nag-aatubiling maging mas malapít sa organisasyon. Huwag kaagad susuko. Sikaping unawain ang kanilang damdamin. Maaaring hindi sila sanay dumalo sa relihiyosong mga pagtitipon maliban sa espesyal na mga okasyon. Maaaring ginigipit sila ng mga miyembro ng pamilya o malalapít na kaibigan. Maaaring nasisiraan sila ng loob dahil sa kanilang mga kapitbahay. Gayundin, maaaring abala sila sa kanilang materyal na mga pangangailangan o kaya ay nagagambala ng panlipunang mga hangarin. Maaaring kailangan mo silang tulungan na magkaroon ng tamang pangmalas at “matiyak . . . ang mga bagay na higit na mahalaga.”—Fil. 1:10.
12 Magbigay ng maka-Kasulatang mga dahilan upang magmatiyaga. Idiin na tayong lahat ay nangangailangan ng pampasigla at espirituwal na pampatibay-loob na natatamo natin mula sa ating pagsasamahan. (Roma 1:11, 12) Niliwanag ni Jesus na ang pagsalansang ng pamilya ay hindi makatuwirang dahilan upang mag-atubili. (Mat. 10:34-39) Kailangang kontrolin ang personal na mga hangarin at pang-abala; kung hindi ay magiging silo ang mga ito. (Luc. 21:34-36) Yaong mga karapat-dapat sa pagpapala ni Jehova ay kailangang maging buong kaluluwa, at hindi kailanman may pusong hati. (Col. 3:23, 24) Ang pagkikintal ng pagpapahalaga sa gayong mga simulain ng Bibliya ay maaaring magbukas ng daan para sumulong sila sa espirituwal.
13 Ang mga Pintuan ay Bukás: Ang bahay ni Jehova para sa tunay na pagsamba ang pinakamataas sa lahat. Ang paanyaya ay inihahayag sa 234 na lupain sa buong daigdig: “Halikayo, . . . umahon tayo sa bundok ni Jehova, . . . at tuturuan niya tayo tungkol sa kaniyang mga daan, at lalakad tayo sa kaniyang mga landas.” (Isa. 2:3) Ang positibong pagtugon ng mga baguhan ay makapagliligtas ng kanilang buhay. Ang pag-akay sa kanilang interes sa organisasyon ni Jehova ang isa sa pinakamainam na paraan upang matulungan natin sila.