Mga Kabataan—Basahin Ninyo ang Salita ng Diyos!
1 Ang pagiging nasa kabataan ay isang panahon ng mga hamon at mabibigat na pasiya. Marami sa inyo na mga kabataang Kristiyano ang napapaharap araw-araw sa mga panggigipit na lumabag sa mga pamantayan ng Diyos sa paggawi. Bago pa man kayo personal na magpasiya may kinalaman sa edukasyon, trabaho, at pag-aasawa, dapat na naisaayos muna ninyo ang inyong espirituwal na mga tunguhin. Tanging sa paraang iyan lamang kayo makagagawa ng iba pang pasiyang mapapakinabangan ninyo sa inyong buong buhay. Ang espesipikong mga espirituwal na tunguhin ay tutulong sa inyo na kumilos nang may karunungan at gawing matagumpay ang inyong lakad. Sa regular na pagbabasa at pagbubulay-bulay ng Salita ng Diyos, mauudyukan kayong mamuhay kasuwato ng kinasihang payo nito, at ang inyong wastong mga pagsisikap ay magtatagumpay.—Jos. 1:8; Awit 1:2, 3.
2 Paano Kayo Makikinabang Dito? Ang sanlibutan ni Satanas ay punung-puno ng tukso na magtutulak sa inyo na gumawa ng masama. (1 Juan 2:15, 16) Maaaring may kilala kayong mga kaklase o ibang kaedad ninyo na napahamak dahil sa nagpadala sila sa panggigipit ng mga kasama. Ang paninindigan sa payo ng Bibliya ang magbibigay sa inyo ng moral at espirituwal na lakas upang matanggihan ang makasalanang landasin. Isa pa, ang payo ng Salita ng Diyos ay tutulong sa inyo na makaiwas sa tusong mga pakana ni Satanas. (2 Cor. 2:11; Heb. 5:14) Ang paglakad sa mga daan ng Diyos ay magdudulot sa inyo ng tunay na kaligayahan—personal na kasiyahan sa inyong landasin sa buhay.—Awit 119:1, 9, 11.
3 Ang di-nagbabagong mga simulain ng Salita ng Diyos ay nakahihigit sa karunungan ng tao. (Awit 119:98-100) Ang kaalaman sa mga simulain ng Bibliya at pagbubulay-bulay sa isiniwalat na mga layunin ni Jehova kasabay ng taimtim na panalangin ay makatutulong sa inyo na magkaroon ng isang malapít na kaugnayan sa pinakamarunong-sa-lahat na Awtor ng Bibliya, ang Diyos na Jehova. Nangako siya: “Pagkakalooban kita ng kaunawaan at tuturuan kita hinggil sa daan na dapat mong lakaran. Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.”—Awit 32:8.
4 Magtakda ng Panahon na Basahin Ito: Ginawang tunguhin ng isang kabataang Kristiyano na basahin ang buong Bibliya, at natapos niya ito sa loob ng isang taon. Paano siya nakinabang? Naaalaala pa niya: “Napakarami kong natutuhan tungkol kay Jehova—mga bagay na naging dahilan upang ako’y lalong mápalapít sa kaniya at matakot sa kaniya habang ako’y nabubuhay.” (Sant. 4:8) Nabasa mo na ba ang buong Bibliya? Kung hindi pa, bakit hindi mo ito gawing tunguhin? Tiyak na pagpapalain ni Jehova ang iyong mga pagsisikap, at aani ka ng dakilang mga gantimpala.