Tanong
◼ Paano natin dapat gampanan ang ating mga atas sa kongregasyon?
Ang maayos na gawain ng isang kongregasyon ng bayan ni Jehova ay resulta ng nagkakaisang pagsisikap. (1 Cor. 14:33, 40) Isipin kung ano ang nasasangkot kahit sa isang pagpupulong lamang ng kongregasyon. Bukod sa programa mismo, maraming gawain ang nasasangkot bago at pagkatapos ng pulong habang ginagampanan ng mga kapatid ang iba’t ibang atas. Mahalaga rin ang iba pang inaasikasong gawain na hindi nakikita ng iba. Paano makatutulong ang bawat isa sa atin sa kaayusang ito?
Maging handang maglingkod. Masusumpungan niyaong mga nagkukusa na marami silang maaaring gawin. (Awit 110:3) Magmalasakit sa mga may karamdaman at may-edad na. Tumulong sa paglilinis ng Kingdom Hall. Maaari tayong magkusa na gampanan ang kapaki-pakinabang na mga gawain. Ang kailangan lamang natin ay ang pagnanais na tumulong.
Maglingkod nang may kahinhinan. Ang mahinhing mga tao ay maligayang naglilingkod sa iba. (Luc. 9:48) Ang kahinhinan ay pipigil sa atin sa pagtanggap ng higit pang pananagutan na hindi naman natin kayang balikatin. Bukod diyan, kahinhinan ang hahadlang sa atin na magmalabis sa ating awtoridad.—Kaw. 11:2.
Maging mapagkakatiwalaan. Hinimok si Moises na pumili ng “mga lalaking mapagkakatiwalaan” upang humawak ng katungkulan sa sinaunang Israel. (Ex. 18:21) Kailangan din ang ganitong katangian sa ngayon. Buong-katapatang gampanan ang bawat atas na natatanggap mo. (Luc. 16:10) Kung hindi mo magagampanan ang isang atas, tiyaking gumawa ng wastong mga kaayusan upang maasikaso ito ng iba samantalang wala ka.
Ibigay ang iyong buong makakaya. Pinapayuhan ang mga Kristiyano na maging buong kaluluwa kahit sa mga gawaing walang kinalaman sa espirituwal na mga bagay. (Col. 3:22-24) May higit tayong dahilan na maging buong kaluluwa sa mga gawaing magpapasulong ng tunay na pagsamba. Kahit na waring hamak at hindi gaanong mahalaga ang isang gawain, nakikinabang ang kongregasyon kapag ginampanan ito nang mahusay.
Ang bawat atas ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong ipakita ang ating pag-ibig kay Jehova at sa ating mga kapatid. (Mat. 22:37-39) Buong-katapatan nawa nating gampanan ang anumang gawaing ipinagkatiwala sa atin.