Makapagpapasimula Ka Ba ng Pag-aaral sa Bibliya sa Setyembre?
1. Anong pantanging pagsisikap ang ating gagawin sa Setyembre, at ano ang nasasangkot dito?
1 Sa Setyembre, gagawa tayo ng pantanging pagsisikap na makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya sa unang pagdalaw gamit ang aklat na Itinuturo ng Bibliya. Ano ang nasasangkot dito? Bukod sa pagpapasakamay ng publikasyon, sisikapin din nating ipakipag-usap sa may-bahay ang ilang parapo at isaayos na ituloy ang pag-uusap sa susunod na mga pagdalaw.
2. Paano natin magagamit ang pahina 4 at 5 ng aklat na Itinuturo ng Bibliya para makapagpasimula ng pag-uusap sa Bibliya?
2 Maaari tayong magsimula sa pamamagitan ng pagbuklat sa mga ilustrasyon sa pahina 4 at 5 ng aklat at pagsasabi, “Hindi ba’t napakaganda kung aktuwal na mangyayari ang mga pagbabagong nasa mga larawang ito?” Pakinggang mabuti ang tugon. Kapag nagpakita ang may-bahay ng interes sa isa sa mga paksa, ipakita sa kaniya kung ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol dito at talakayin ang parapo o mga parapo sa aklat na nagpapaliwanag sa tekstong iyon. Halimbawa, kapag interesado siya na makitang mawawala na ang sakit ayon sa inihula sa Isaias 33:24 o Isa 35:5, 6, buksan sa pahina 36 at talakayin ang parapo 22.
3. (a) Nang gamitin mo ang isang presentasyong katulad ng iminumungkahi sa parapo 3, paano tumugon ang may-bahay? (b) Ano pang ibang presentasyon ang nagamit mo na sa iyong pagsisikap na makapagpasimula ng pag-aaral sa Bibliya sa unang pagdalaw?
3 Maaaring maging mabisa ang mga presentasyong agad umaakay sa pag-uusap sa Bibliya gamit ang aklat. Yamang gusto ng mga tao ang maligayang buhay pampamilya, puwede mong tanungin ang may-bahay, “Sa palagay ninyo, makatutulong kaya sa mga tao ang payong ito ng Bibliya para magkaroon sila ng maligayang buhay pampamilya?” Basahin ang Efeso 5:33, at hintayin ang sagot. Baka ang pambungad na mga tanong sa kabanata 14 ay makatawag ng pansin ng taong iyon anupat matalakay ninyo ang unang dalawang parapo. Habang pinag-uusapan ninyo ang impormasyon, simula na ito ng pag-aaral sa Bibliya.
4. Kung makapagpasimula tayo ng pag-aaral sa unang pagdalaw, paano natin isasaayos na ituloy ang pag-uusap?
4 Isaayos na Magbalik: Sa pagtatapos ng unang pakikipag-aral, maaari mong isaayos na ituloy ang pag-uusap sa pagsasabi: “Sa loob lamang ng ilang minuto, nalaman natin kung ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa isang mahalagang paksa. Sa susunod, pag-uusapan naman natin [mag-iwan ng tanong na tatalakayin]. Puwede ba akong bumalik sa isang linggo sa ganito ring oras?” Gumawa ng malinaw na kaayusan para sa iyong pagbabalik, at tiyaking tutuparin mo ang inyong usapan. (Mat. 5:37) Kapag naitatag na ang regular na pag-aaral, talakayin ang aklat sa sistematikong paraan mula sa umpisa hanggang sa katapusan.
5. Ano ang gagawin natin kung ayaw ng may-bahay na makipag-aral ng Bibliya sa unang pagdalaw?
5 Kung nakapagpasakamay ka ng isang kopya ng aklat na Itinuturo ng Bibliya pero ayaw naman ng may-bahay na makipag-aral sa unang pagdalaw, balikan pa rin siya sa layuning makapagbukas ng pag-aaral sa Bibliya.