Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr20 Enero p. 1-12
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2020
  • Subtitulo
  • ENERO 6-12
  • ENERO 13-19
  • ENERO 20-26
  • ENERO 27–PEBRERO 2
  • KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 9-11
  • ‘Iisa Lang ang Wika ng Buong Lupa’
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2020
mwbr20 Enero p. 1-12

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

ENERO 6-12

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 1-2

“Ang Paglalang ni Jehova sa Lupa”

(Genesis 1:3, 4) Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng liwanag.” At nagkaroon ng liwanag. 4 Pagkatapos, nakita ng Diyos na ang liwanag ay mabuti, at pinaghiwalay ng Diyos ang liwanag at ang dilim.

(Genesis 1:6) Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng kalawakan sa pagitan ng mga tubig para mahiwalay ang tubig sa tubig.”

(Genesis 1:9) Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Matipon sa isang lugar ang tubig na nasa ilalim ng langit, at lumitaw ang tuyong lupa.” At iyon nga ang nangyari.

(Genesis 1:11) Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Tubuan ang lupa ng damo, mga halamang may binhi, at mga puno na ang bunga ay may buto, ayon sa kani-kanilang uri.” At iyon nga ang nangyari.

it-2 666

Paglalang, Nilalang

Nang sabihin ng Diyos noong Unang Araw na, “Magkaroon ng liwanag,” lumilitaw na tumagos sa mga suson ng ulap ang kalát na liwanag, bagaman hindi pa nakikita mula sa ibabaw ng lupa ang mga pinagmumulang iyon ng liwanag. Waring unti-unti ang prosesong ito, gaya ng ipinahihiwatig ng tagapagsalin na si J. W. Watts: “At unti-unti, ang liwanag ay umiral.” (Gen 1:3, A Distinctive Translation of Genesis) Pinaghiwalay ng Diyos ang liwanag at ang kadiliman, anupat tinawag na Araw ang liwanag at tinawag namang Gabi ang kadiliman. Ipinahihiwatig nito na ang lupa ay umiinog sa axis nito habang umiikot ito sa palibot ng araw, upang ang mga hemisperyo nito, ang silangan at ang kanluran, ay magkaroon ng mga yugto ng liwanag at kadiliman.​—Gen 1:3, 4.

Noong Ikalawang Araw, gumawa ang Diyos ng isang kalawakan [expanse] sa pamamagitan ng pagpapangyaring mahiwalay “ang tubig sa tubig.” Ang ibang tubig ay nanatili sa lupa, ngunit ang malaking bahagi ng tubig ay pinailanlang nang mataas sa ibabaw ng lupa, at sa pagitan ng dalawang ito ay nagkaroon ng isang kalawakan. Tinawag ng Diyos na Langit ang kalawakan, ngunit ito’y may kaugnayan lamang sa lupa, yamang ang tubig na nakalutang sa ibabaw ng kalawakang iyon ay hindi sinasabing naglalaman ng mga bituin o iba pang mga bagay sa kalangitan.​—Gen 1:6-8; tingnan ang KALAWAKAN.

Noong Ikatlong Araw, sa pamamagitan ng himala ng kapangyarihan ng Diyos, ang tubig sa lupa ay natipon at lumitaw ang tuyong lupa, na tinawag ng Diyos na Lupa. Nang araw ring iyon, hindi sa pamamagitan ng pagbabakasakali o mga proseso ng ebolusyon, kumilos ang Diyos upang ilakip sa mga atomo ng materya ang simulain ng buhay, anupat umiral ang damo, pananim, at mga namumungang punungkahoy. Ang bawat isa sa tatlong pangkalahatang dibisyong ito ay may kakayahang magparami ayon sa “uri” nito.​—Gen 1:9-13.

(Genesis 1:14) Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng mga tanglaw sa langit para maghiwalay ang araw at ang gabi, at ang mga iyon ay magiging batayan ng mga panahon at ng mga araw at taon.

(Genesis 1:20) Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa tubig ng maraming buháy na nilalang, at magliparan sa ibabaw ng lupa ang lumilipad na mga nilalang sa langit.”

(Genesis 1:24) Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa lupa ng buháy na mga nilalang ayon sa kani-kanilang uri—maaamong hayop, gumagapang na mga hayop, at maiilap na hayop, ayon sa mga uri nito.” At iyon nga ang nangyari.

(Genesis 1:27) At nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang larawan, ayon sa larawan ng Diyos ay nilalang niya siya; nilalang niya sila na lalaki at babae.

it-2 667 ¶2-5

Paglalang, Nilalang

Kapansin-pansin din na hindi ginamit sa Genesis 1:16 ang pandiwang Hebreo na ba·raʼʹ, na nangangahulugang “lumalang.” Sa halip, ginamit doon ang pandiwang Hebreo na ʽa·sahʹ, na nangangahulugang “gumawa.” Yamang ang araw, buwan, at mga bituin ay kasama sa “langit” na binanggit sa Genesis 1:1, nalalang na ang mga ito matagal na panahon bago pa ang Ikaapat na Araw. Noong ikaapat na araw, ‘gumawa’ ang Diyos upang ang mga bagay na ito sa kalangitan ay magkaroon ng bagong kaugnayan sa lupa at sa kalawakang nasa ibabaw niyaon. Nang sabihing, “Inilagay ng Diyos ang mga iyon sa kalawakan ng langit upang sumikat sa ibabaw ng lupa,” ipinahihiwatig nito na maaari nang makita ang mga iyon mula sa lupa, na para bang ang mga iyon ay nasa kalawakang iyon. Gayundin, ang mga tanglaw ay “magsisilbing mga tanda at para sa mga kapanahunan at para sa mga araw at mga taon,” anupat magiging giya ng tao sa iba’t ibang paraan.​—Gen 1:14.

Noong Ikalimang Araw, nilalang sa lupa ang unang mga kaluluwang di-tao. Hindi ito iisang nilikha na nilayon ng Diyos na magbago tungo sa ibang mga anyo, kundi literal na kulu-kulupon ng mga kaluluwang buháy ang iniluwal ng kapangyarihan ng Diyos. Sinasabi ng ulat: “Pinasimulang lalangin ng Diyos ang malalaking dambuhalang hayop-dagat at bawat kaluluwang buháy na gumagalaw, na ibinukal ng tubig ayon sa kani-kanilang uri, at bawat may-pakpak na lumilipad na nilalang ayon sa uri nito.” Palibhasa’y nalugod sa Kaniyang nilikha, pinagpala ng Diyos ang mga iyon at, sa diwa’y sinabihan sila na “magpakarami,” na posible naman, sapagkat ang mga nilalang na ito mula sa maraming iba’t ibang uri ng pamilya ay pinagkalooban Niya ng kakayahang magparami “ayon sa kani-kanilang uri.”​—Gen 1:20-23.

Noong Ikaanim na Araw, “pinasimulang gawin ng Diyos ang mailap na hayop sa lupa ayon sa uri nito at ang maamong hayop ayon sa uri nito at bawat gumagalang hayop sa lupa ayon sa uri nito,” anupat ang gawang ito ay naging mabuti, gaya ng lahat ng naunang mga gawang paglalang ng Diyos.​—Gen 1:24, 25.

Sa pagtatapos ng ikaanim na araw ng gawaing paglalang, lumikha ang Diyos ng isang bago at naiibang uri ng nilalang na nakahihigit sa mga hayop, bagaman mas mababa kaysa sa mga anghel. Ito ay ang tao, na nilalang ayon sa larawan ng Diyos at ayon sa kaniyang wangis. Sa maikli, binanggit ng Genesis 1:27 na “nilalang niya [ng Diyos] sila na lalaki at babae.” Ipinakikita naman ng katulad na ulat sa Genesis 2:7-9 na inanyuan ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok ng lupa, inihihip sa mga butas ng ilong nito ang hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy, na pinaglaanan ng paraisong tahanan at ng pagkain. Dito, ginamit ni Jehova ang mga elemento ng planetang Lupa at pagkatapos, nang maanyuan niya ang lalaki, nilalang naman niya ang babaing tao sa pamamagitan ng paggamit sa isa sa mga tadyang ni Adan bilang pundasyon. (Gen 2:18-25) Pagkatapos malalang ang babae, ang tao ay nakumpleto bilang isang “uri.”​—Gen 5:1, 2.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Genesis 1:1) Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.

w15 6/1 5

Kung Paano Apektado ng Siyensiya ang Buhay Mo

Edad ng lupa at ng uniberso

Tinataya ng mga siyentipiko na ang lupa ay mga 4 na bilyong taon nang umiiral at na ang uniberso ay mga 13 hanggang 14 na bilyong taon. Hindi nagbibigay ang Bibliya ng petsa kung kailan nilalang ang uniberso. Hindi rin nito binabanggit na ang edad ng lupa ay ilang libong taon lang. Sinasabi ng unang talata sa Bibliya: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Mula sa pananalitang iyan, puwedeng alamin ng mga siyentipiko ang edad ng lupa at ng uniberso ayon sa tumpak na mga prinsipyo sa siyensiya.

(Genesis 1:26) Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis, at sila ang mamamahala sa mga isda sa dagat at sa lumilipad na mga nilalang sa langit at sa maaamong hayop at sa bawat gumagapang na hayop sa ibabaw ng lupa, at pangangalagaan nila ang buong lupa.”

it-1 1198

Jesu-Kristo

Hindi kapuwa-Maylalang. Bagaman nakibahagi ang Anak sa mga gawang paglalang, hindi siya naging kapuwa-Maylalang ng kaniyang Ama. Ang kapangyarihang ginamit sa paglalang ay nanggaling sa Diyos sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa. (Gen 1:2; Aw 33:6) At yamang si Jehova ang Bukal ng lahat ng buhay, siya ang pinagkakautangan ng buhay ng lahat ng nilalang na buháy, nakikita man o di-nakikita. (Aw 36:9) Samakatuwid, sa halip na maging kapuwa-Maylalang, ang Anak ang siyang ahente o kasangkapan na sa pamamagitan niya ay gumawa si Jehova, ang Maylalang. Iniukol ni Jesus mismo sa Diyos ang kapurihan para sa paglalang, gaya ng ginagawa ng buong Kasulatan.​—Mat 19:4-6; tingnan ang PAGLALANG, NILALANG.

Pagbabasa ng Bibliya

(Genesis 1:1-19) Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa. 2 Ang lupa noon ay walang anyo at walang laman, at madilim sa ibabaw ng malalim na katubigan, at ang aktibong puwersa ng Diyos ay gumagalaw sa ibabaw ng tubig. 3 Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng liwanag.” At nagkaroon ng liwanag. 4 Pagkatapos, nakita ng Diyos na ang liwanag ay mabuti, at pinaghiwalay ng Diyos ang liwanag at ang dilim. 5 Tinawag ng Diyos ang liwanag na Araw, pero ang dilim ay tinawag niyang Gabi. At lumipas ang gabi at ang umaga, ang unang araw. 6 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng kalawakan sa pagitan ng mga tubig para mahiwalay ang tubig sa tubig.” 7 At iyon nga ang nangyari. Ginawa ng Diyos ang kalawakan; pinaghiwalay niya ang tubig kaya nagkaroon ng tubig sa ilalim ng kalawakan at sa ibabaw ng kalawakan. 8 Tinawag ng Diyos ang kalawakan na Langit. At lumipas ang gabi at ang umaga, ang ikalawang araw. 9 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Matipon sa isang lugar ang tubig na nasa ilalim ng langit, at lumitaw ang tuyong lupa.” At iyon nga ang nangyari. 10 Tinawag ng Diyos ang tuyong bahagi na Lupa, pero ang natipong tubig ay tinawag niyang Dagat. At nakita ng Diyos na iyon ay mabuti. 11 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Tubuan ang lupa ng damo, mga halamang may binhi, at mga puno na ang bunga ay may buto, ayon sa kani-kanilang uri.” At iyon nga ang nangyari. 12 At ang lupa ay tinubuan ng damo, mga halamang may binhi, at mga puno na ang bunga ay may buto, ayon sa kani-kanilang uri. At nakita ng Diyos na iyon ay mabuti. 13 At lumipas ang gabi at ang umaga, ang ikatlong araw. 14 Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng mga tanglaw sa langit para maghiwalay ang araw at ang gabi, at ang mga iyon ay magiging batayan ng mga panahon at ng mga araw at taon. 15 Ang mga iyon ay magsisilbing tanglaw sa langit para magbigay ng liwanag sa lupa.” At iyon nga ang nangyari. 16 At ginawa ng Diyos ang dalawang maliliwanag na tanglaw, ang isang tanglaw para sumikat nang maliwanag kapag araw at ang isa pa para magbigay ng mahinang liwanag kapag gabi. Ginawa rin niya ang mga bituin. 17 Inilagay ng Diyos ang mga iyon sa langit para magbigay ng liwanag sa lupa, 18 para maging tanglaw sa araw at sa gabi, at para maghiwalay ang liwanag at ang dilim. At nakita ng Diyos na iyon ay mabuti. 19 At lumipas ang gabi at ang umaga, ang ikaapat na araw.

ENERO 13-19

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 3-5

“Ang Masaklap na Resulta ng Unang Kasinungalingan”

(Genesis 3:1-5) At ang ahas ang pinakamaingat sa lahat ng maiilap na hayop sa parang na ginawa ng Diyos na Jehova. Kaya sinabi nito sa babae: “Talaga bang sinabi ng Diyos na hindi kayo puwedeng kumain ng bunga mula sa lahat ng puno sa hardin?” 2 Sumagot ang babae sa ahas: “Puwede kaming kumain ng bunga ng mga puno sa hardin. 3 Pero kung tungkol sa bunga ng puno na nasa gitna ng hardin, sinabi ng Diyos: ‘Huwag kayong kakain ng bunga mula sa punong iyon at huwag ninyong hihipuin iyon para hindi kayo mamatay.’” 4 At sinabi ng ahas sa babae: “Tiyak na hindi kayo mamamatay. 5 Dahil alam ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo ng bunga mula sa punong iyon, mabubuksan ang mga mata ninyo at magiging tulad kayo ng Diyos, na nakaaalam ng mabuti at masama.”

w17.02 5 ¶9

Matutupad ang Layunin ni Jehova!

9 Gamit ang isang serpiyente, dinaya ni Satanas na Diyablo si Eva para sumuway sa kaniyang Ama na si Jehova. (Basahin ang Genesis 3:1-5; Apoc. 12:9) Ginawang isyu ni Satanas ang bagay na hindi pinahintulutang kumain ang tao “mula sa bawat punungkahoy sa hardin.” Para bang sinasabi niya: ‘Ibig mong sabihin, hindi ninyo puwedeng gawin ang gusto ninyo?’ Pagkatapos, nagbitiw siya ng isang napakalaking kasinungalingan: “Tiyak na hindi kayo mamamatay.” Saka niya sinikap kumbinsihin si Eva na hindi nito kailangang makinig sa Diyos: “Nalalaman ng Diyos na sa mismong araw na kumain kayo mula roon ay madidilat nga ang inyong mga mata.” Pinalitaw ni Satanas na ayaw ni Jehova na kumain sila ng bungang iyon dahil maliliwanagan sila. May-kasinungalingan pang nangako si Satanas: “Kayo nga ay magiging tulad ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.”

(Genesis 3:6) Dahil dito, nakita ng babae na ang bunga ng puno ay katakam-takam at magandang tingnan, oo, masarap itong tingnan. Kaya pumitas siya ng bunga at kinain iyon. At nang kasama na niya ang kaniyang asawa, binigyan din niya ito at kumain ito.

w00 11/15 25-26

May Matututuhan Tayo Mula sa Unang Mag-asawa

Ang kasalanan ba ni Eva ay isang bagay na hindi maiiwasan? Hinding-hindi! Ilagay mo ang iyong sarili sa kalagayan niya. Ang pag-aangkin ng serpiyente ay lubusang taliwas sa sinabi ng Diyos kay Adan. Ano ang madarama mo kung pinaratangan ng isang di-kilalang tao na manlilinlang ang isang tao na iyong minamahal at pinagtitiwalaan? Iba sana ang dapat na naging tugon ni Eva, anupat nagpakita siya ng pagkayamot at galit, hanggang sa tanggihan pa nga niya itong pakinggan. Tutal, sino nga ba ang serpiyenteng ito upang kuwestiyunin ang pagiging matuwid ng Diyos at ang sinabi ng kaniyang asawa? Bilang paggalang sa simulain ng pagkaulo, dapat na humingi sana ng payo si Eva bago gumawa ng anumang pasiya. Gayundin ang dapat nating gawin kung sakali mang may impormasyon na mapaharap sa atin na laban sa bigay-Diyos na mga utos. Subalit, pinagtiwalaan ni Eva ang sinabi ng Manunukso, at naghangad na siya ang magpasiya sa sarili niya kung ano ang mabuti at kung ano ang masama. Habang pinag-iisipan niyang mabuti ang ideya, lalo naman itong nagiging kaakit-akit para sa kaniya. Anong laking pagkakamali ang ginawa niya nang pag-isipan niya ang maling pagnanasa, sa halip na alisin ito sa kaniyang isipan o ipakipag-usap ito sa ulo ng kaniyang pamilya!—1 Corinto 11:3; Santiago 1:14, 15.

Nakinig si Adan sa Tinig ng Kaniyang Asawa

Hindi nagtagal at naakit ni Eva na makisali si Adan sa kaniyang pagkakasala. Paano natin ipaliliwanag ang walang katatagang pagsang-ayon niya? (Genesis 3:6, 17) Nagdalawang-isip si Adan sa pagpapakitaan ng katapatan. Susundin ba niya ang kaniyang Maylalang, na siyang nagbigay sa kaniya ng lahat, pati na ang kaniyang pinakamamahal na kabiyak, si Eva? Susundin ba ni Adan ang tagubilin ng Diyos sa gagawin niya ngayon? O makikisama na lamang ang lalaki sa ginawa ng kaniyang asawa? Alam na alam ni Adan na nakalilinlang ang hinahangad na matamo ng babae sa pamamagitan ng pagkain ng ipinagbabawal na bunga. Si apostol Pablo ay kinasihang sumulat: “Si Adan ay hindi nalinlang, kundi ang babae ang lubusang nalinlang at nahulog sa pagsalansang.” (1 Timoteo 2:14) Kaya kusang pinili ni Adan na sumuway kay Jehova. Ang pagkatakot niya na mapahiwalay sa kaniyang asawa ay mas matindi kaysa sa kaniyang pananampalataya sa kakayahan ng Diyos na lutasin ang situwasyon.

(Genesis 3:15-19) At maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng supling mo at ng supling niya. Dudurugin ng supling niya ang ulo mo, at susugatan mo ito sa sakong.” 16 At sinabi niya sa babae: “Patitindihin ko ang kirot ng pagdadalang-tao mo; mahihirapan ka sa panganganak, at magiging labis-labis ang paghahangad mo sa iyong asawa, at pamumunuan ka niya.” 17 At sinabi niya kay Adan: “Kahit inutusan kita, ‘Huwag kang kakain ng bunga mula sa punong iyon,’ pinakinggan mo pa rin ang asawa mo at kumain ka nito; kaya sumpain ang lupa dahil sa iyo. Sa lahat ng araw ng buhay mo, maghihirap ka bago makakuha ng bunga mula rito. 18 Tutubuan ito ng mga damo at matitinik na halaman, at kakainin mo ang pananim sa parang. 19 Pagpapawisan ka at maghihirap bago makakuha ng pagkain hanggang sa bumalik ka sa lupa, dahil diyan ka kinuha. Ikaw ay alabok, kaya sa alabok ka babalik.”

w12 9/1 4 ¶2

May Malasakit ba ang Diyos sa mga Babae?

Isinumpa ba ng Diyos ang mga babae?

Hindi. Ang “orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo,” ang “isinumpa” ng Diyos. (Apocalipsis 12:9; Genesis 3:14) Nang sabihin ng Diyos na “pamumunuan” ni Adan ang kaniyang asawa, hindi ipinahihiwatig ng Diyos na sinasang-ayunan niya ang paniniil ng lalaki sa babae. (Genesis 3:16) Inihuhula lang niya ang mapapait na ibubunga ng kasalanan sa unang mag-asawa.

w04 1/1 29 ¶2

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Genesis—I

3:17—Sa anong paraan isinumpa ang lupa, at gaano katagal? Ang sumpang ipinahayag sa lupa ay nangangahulugan na magiging napakahirap na ngayong bungkalin ito. Damang-dama ng mga inapo ni Adan ang mga epekto ng lupang isinumpa na may mga tinik at dawag anupat binanggit ng ama ni Noe, si Lamec, ang “kirot ng ating mga kamay dahil sa lupang isinumpa ni Jehova.” (Genesis 5:29) Pagkatapos ng Baha, pinagpala ni Jehova si Noe at ang kaniyang mga anak na lalaki, anupat sinasabi ang Kaniyang layunin na punuin nila ang lupa. (Genesis 9:1) Maliwanag na inalis na ng Diyos ang sumpa sa lupa.​—Genesis 13:10.

it-2 91-92

Kirot ng Pagdaramdam

Ang kapighatiang kaugnay ng panganganak. Matapos itong magkasala, ipinahayag ng Diyos sa unang babae, si Eva, kung ano ang ibubunga niyaon sa pag-aanak. Kung nanatili siyang masunurin, patuloy sanang sasakaniya ang pagpapala ng Diyos at pawang kagalakan sana ang idudulot ng pag-aanak, sapagkat, “ang pagpapala ni Jehova—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.” (Kaw 10:22) Ngunit magmula noon, sa pangkalahatan, ang di-sakdal na paggana ng katawan ay magiging sanhi ng kirot. Kaya naman sinabi ng Diyos (yamang kadalasan, ang mga bagay na ipinahihintulot niya ay sinasabing ginagawa niya): “Palulubhain ko ang kirot ng iyong pagdadalang-tao; sa mga hapdi ng panganganak ay magluluwal ka ng mga anak.”​—Gen 3:16.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Genesis 4:23, 24) Pagkatapos, kinatha ni Lamec ang tulang ito para sa mga asawa niyang sina Ada at Zila: “Dinggin ang aking tinig, kayong mga asawa ni Lamec; Pakinggan ninyo ang sasabihin ko: Pinatay ko ang isang lalaki dahil sinugatan niya ako, Oo, isang kabataang lalaki dahil sa pananakit sa akin. 24 Kung 7 ulit na ipaghihiganti si Cain, Si Lamec naman ay 77.”

it-2 168 ¶1

Lamec

Ang tulang kinatha ni Lamec para sa kaniyang mga asawa (Gen 4:23, 24) ay nagpapabanaag sa marahas na saloobin ng mga tao noong panahong iyon. Ang tula ni Lamec ay nagsasabi: “Dinggin ninyo ang aking tinig, kayong mga asawa ni Lamec; pakinggan ninyo ang aking pananalita: Isang lalaki ang pinatay ko dahil sinugatan ako, oo, isang kabataang lalaki dahil sa panununtok sa akin. Kung pitong ulit na ipaghihiganti si Cain, kung gayon si Lamec ay pitumpung ulit at pito.” Maliwanag na naghaharap si Lamec ng isang kaso ng pagtatanggol sa sarili, anupat nangangatuwiran na ang ginawa niya ay hindi sinasadyang pagpaslang, na gaya niyaong kay Cain. Inangkin ni Lamec na bilang pagtatanggol sa kaniyang sarili, napatay niya ang lalaki na nanakit at sumugat sa kaniya. Samakatuwid, ang kaniyang tula ay nagsisilbing pakiusap na huwag siyang patayin ng sinumang naghahangad na ipaghiganti ang lalaking dumaluhong sa kaniya.

(Genesis 4:26) Nagkaroon din si Set ng isang anak na lalaki, at pinangalanan niya itong Enos. Nang panahong iyon, pinasimulan ng mga tao ang pagtawag sa pangalan ni Jehova.

it-2 786 ¶9

Pamumusong

Malamang na ang “pagtawag sa pangalan ni Jehova” na nagsimula noong panahon ni Enos bago ang Baha ay hindi matuwid at wasto, sapagkat walang alinlangang malaon pa bago niyaon ay ginagamit na ni Abel ang banal na pangalan sa pakikipag-ugnayan sa Diyos. (Gen 4:26; Heb 11:4) Kung ang pagtawag na ito sa pangalan ng Diyos ay tumutukoy sa maling paggamit dito at di-wastong pagkakapit ng pangalan ni Jehova sa mga tao o sa mga bagay na idolatroso, gaya ng pinanghahawakan ng ilang iskolar, ito samakatuwid ay isang pamumusong.​—Tingnan ang ENOS.

Pagbabasa ng Bibliya

(Genesis 4:17–5:8) Pagkatapos, nakipagtalik si Cain sa asawa niya, at nagdalang-tao ito at isinilang nito si Enoc. At nagtayo si Cain ng isang lunsod at ipinangalan ito sa anak niyang si Enoc. 18 Pagkatapos, naging anak ni Enoc si Irad. At naging anak ni Irad si Mehujael, at naging anak ni Mehujael si Metusael, at naging anak ni Metusael si Lamec. 19 Si Lamec ay kumuha ng dalawang asawa. Ang pangalan ng una ay Ada, at ang ikalawa ay Zila. 20 Isinilang ni Ada si Jabal. Si Jabal ang unang tao na tumira sa mga tolda at nag-alaga ng mga hayop. 21 Ang kapatid niya ay si Jubal. Si Jubal ang ama ng lahat ng tumutugtog ng alpa at ng tipano. 22 Isinilang naman ni Zila si Tubal-cain, ang panday ng bawat uri ng kasangkapang tanso at bakal. At ang kapatid na babae ni Tubal-cain ay si Naama. 23 Pagkatapos, kinatha ni Lamec ang tulang ito para sa mga asawa niyang sina Ada at Zila: “Dinggin ang aking tinig, kayong mga asawa ni Lamec; Pakinggan ninyo ang sasabihin ko: Pinatay ko ang isang lalaki dahil sinugatan niya ako, Oo, isang kabataang lalaki dahil sa pananakit sa akin. 24 Kung 7 ulit na ipaghihiganti si Cain, Si Lamec naman ay 77.” 25 Muling nakipagtalik si Adan sa asawa niya, at nanganak ito ng isang lalaki. Pinangalanan ito ni Eva na Set, dahil ang sabi niya: “Binigyan ako ng Diyos ng isa pang anak kapalit ni Abel, dahil pinatay siya ni Cain.” 26 Nagkaroon din si Set ng isang anak na lalaki, at pinangalanan niya itong Enos. Nang panahong iyon, pinasimulan ng mga tao ang pagtawag sa pangalan ni Jehova.

5 Ito ang aklat ng kasaysayan ni Adan. Nang araw na lalangin ng Diyos si Adan, ginawa Niya siya ayon sa wangis ng Diyos. 2 Nilalang niya sila na lalaki at babae. Nang araw na lalangin sila, pinagpala niya sila at tinawag na Tao. 3 Si Adan ay 130 taóng gulang nang magkaroon siya ng isang anak na lalaki na kagayang-kagaya niya, at pinangalanan niya itong Set. 4 Nang maisilang ang anak niyang si Set, nabuhay pa si Adan nang 800 taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae. 5 Kaya nabuhay si Adan nang 930 taon, at siya ay namatay. 6 Si Set ay 105 taóng gulang nang maging anak niya si Enos. 7 Nang maisilang ang anak niyang si Enos, nabuhay pa si Set nang 807 taon. At nagkaroon siya ng iba pang anak na lalaki at babae. 8 Kaya nabuhay si Set nang 912 taon, at siya ay namatay.

ENERO 20-26

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 6-8

“Gayong-gayon ang Ginawa Niya”

(Genesis 6:9) Ito ang kasaysayan ni Noe. Si Noe ay isang matuwid na lalaki. Siya ay walang pagkukulang kung ihahambing sa mga kapanahon niya. Si Noe ay lumakad na kasama ng tunay na Diyos.

(Genesis 6:13) Pagkatapos, sinabi ng Diyos kay Noe: “Napagpasiyahan kong puksain ang lahat ng tao. Ang lupa ay punô ng karahasan dahil sa kanila, kaya ipapahamak ko sila, pati ang lupa.

w18.02 4 ¶4

Tularan ang Pananampalataya at Pagkamasunurin Nina Noe, Daniel, at Job

4 Mga hamong napaharap kay Noe. Noong panahon ni Enoc, na lolo sa tuhod ni Noe, masyado nang di-makadiyos ang mga tao. Nagsasalita pa nga sila ng “nakapangingilabot na mga bagay” laban kay Jehova. (Jud. 14, 15) Tumitindi ang karahasan. Sa katunayan, noong panahon ni Noe, “ang lupa ay napuno ng karahasan.” Ang masasamang anghel ay nagkatawang-tao, kumuha ng mga asawa, at nagkaroon ng mga anak na malulupit at mararahas. (Gen. 6:2-4, 11, 12) Pero ibang-iba si Noe. “Si Noe ay nakasumpong ng lingap sa paningin ni Jehova. . . . Siya ay walang pagkukulang sa gitna ng kaniyang mga kapanahon. Si Noe ay lumakad na kasama ng tunay na Diyos.”​—Gen. 6:8, 9.

(Genesis 6:14-16) Gumawa ka ng isang arka mula sa madagtang mga puno. Lagyan mo iyon ng mga silid at pahiran mo ng alkitran sa loob at labas. 15 Ganito ang dapat mong gawin sa arka: Dapat na 300 siko ang haba nito, 50 siko ang lapad, at 30 siko ang taas. 16 Gumawa ka ng bintana para makapasok ang liwanag sa arka, isang siko mula sa itaas. Ilagay mo ang pasukan ng arka sa tagiliran nito, at gawan mo ito ng una, ikalawa, at ikatlong palapag.

w13 4/1 14 ¶1

Siya ay “Lumakad na Kasama ng Tunay na Diyos”

Inabot nang ilang dekada ang paggawa ng arka, marahil 40 hanggang 50 taon. Kinailangang magpatumba ng mga puno, maghakot ng mga troso, at magtabas ng mga bigang pagkakabit-kabitin. Ang arka ay dapat na may tatlong palapag, mga silid, at isang pintuan sa gilid. Malamang na may mga bintana ito sa itaas at padalisdis na bubong para hindi maipon doon ang tubig.​—Genesis 6:14-16.

(Genesis 6:22) At ginawa ni Noe ang lahat ayon sa iniutos ng Diyos sa kaniya. Gayong-gayon ang ginawa niya.

w11 9/15 18 ¶13

Takbuhin Nang May Pagbabata ang Takbuhan

13 Ano ang nakatulong sa mga lingkod na ito ni Jehova na magbata at magtagumpay sa takbuhan? Pansinin ang isinulat ni Pablo tungkol kay Noe. (Basahin ang Hebreo 11:7.) “Ang delubyo ng tubig sa ibabaw ng lupa [na lilipol sa] lahat ng laman” ay isang bagay na “hindi pa nakikita” ni Noe. (Gen. 6:17) Hindi pa ito nangyayari kailanman. Pero hindi inisip ni Noe na imposible ito. Bakit? Dahil nananampalataya siyang gagawin ni Jehova ang anumang sabihin Niya. Hindi nadama ni Noe na napakahirap ng ipinagagawa sa kaniya. Sa halip, “gayung-gayon ang ginawa niya.” (Gen. 6:22) Kung iisipin ang lahat ng kailangang gawin ni Noe—pagtatayo ng arka, pagtitipon ng mga hayop, pag-iimbak ng pagkain sa arka para sa mga tao at hayop, pangangaral ng babalang mensahe, at paglalaan ng espirituwal na pagkain sa kaniyang pamilya—hindi madaling gawin nang “gayung-gayon” ang iniutos sa kaniya. Pero dahil sa pananampalataya at pagbabata ni Noe, siya at ang kaniyang pamilya ay naligtas at pinagpala.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Genesis 7:2) Magpasok ka sa arka ng pito sa bawat malinis na hayop, lalaki at babae; at sa bawat di-malinis na hayop ay dalawa lang, lalaki at babae;

w04 1/1 29-30 ¶7

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Genesis—I

7:2—Ano ang ginamit bilang saligan ng pagkakaiba ng malilinis at maruruming hayop? Ang saligan ng pagkakaiba ay maliwanag na may kaugnayan sa paggamit ng mga hain sa pagsamba at hindi sa kung ano ang maaari at hindi maaaring kainin. Hindi bahagi ng pagkain ng tao bago ang Baha ang karne ng hayop. Ang mga katawagang “malinis” at “marumi” para sa pagkain ay umiral lamang sa Kautusang Mosaiko, at natapos ang mga pagbabawal na iyon nang pawiin ito. (Gawa 10:9-16; Efeso 2:15) Maliwanag, alam ni Noe kung ano ang angkop na hain sa pagsamba kay Jehova. Paglabas nila sa arka, siya ay “nagsimulang magtayo ng isang altar para kay Jehova at kumuha ng ilan sa lahat ng malilinis na hayop at sa lahat ng malilinis na lumilipad na nilalang at naghandog ng mga handog na sinusunog sa ibabaw ng altar.”​—Genesis 8:20.

(Genesis 7:11) Nang ika-600 taon ng buhay ni Noe, noong ika-17 araw ng ikalawang buwan, nabuksan ang lahat ng bukal ng tubig sa langit at ang mga pintuan ng tubig ng langit.

w04 1/1 30 ¶1

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Genesis—I

7:11—Saan nanggaling ang tubig na nagpangyari sa pangglobong Baha? Noong ikalawang yugto ng paglalang, o “araw,” nang anyuan ang atmosperikong “kalawakan” ng lupa, may tubig na nasa ‘ilalim ng kalawakan’ at tubig sa ‘ibabaw ng kalawakan.’ (Genesis 1:6, 7) Ang tubig na nasa ‘ilalim’ ay yaong nasa lupa na. Ang tubig sa ‘ibabaw’ ay ang napakaraming halumigmig na lumulutang sa ibabaw ng lupa, anupat bumubuo ng isang “malawak na matubig na kalaliman.” Ang tubig na ito ang bumagsak sa lupa noong panahon ni Noe.

Pagbabasa ng Bibliya

(Genesis 6:1-16) At nang magsimulang dumami ang tao sa ibabaw ng lupa at magkaroon sila ng mga anak na babae, 2 napansin ng mga anak ng tunay na Diyos na magaganda ang mga anak na babae ng tao. Kaya kinuha nila bilang asawa ang lahat ng magustuhan nila. 3 At sinabi ni Jehova: “Hindi ko pagtitiisan ang tao magpakailanman, dahil siya ay laman lang. Kaya 120 taon na lang siyang mabubuhay.” 4 Noong mga araw na iyon at sa lumipas pang mga panahon, may mga Nefilim sa lupa dahil ang mga anak ng tunay na Diyos ay patuloy na nakipagtalik sa mga anak na babae ng tao, at nanganak ang mga ito ng mga lalaki. Sila ang mga Nefilim, malalakas na lalaki na bantog noon. 5 Dahil dito, nakita ni Jehova na laganap na sa lupa ang kasamaan ng tao at ang laman ng isip at puso nito ay lagi na lang masama. 6 Ikinalungkot ni Jehova na ginawa niya ang mga tao sa lupa, at nasaktan ang puso niya. 7 Kaya sinabi ni Jehova: “Lilipulin ko sa ibabaw ng lupa ang mga taong nilalang ko, mga tao kasama ang maaamong hayop, gumagapang na mga hayop, at lumilipad na mga nilalang sa langit, dahil ikinalungkot ko na ginawa ko sila.” 8 Pero si Noe ay kalugod-lugod sa paningin ni Jehova. 9 Ito ang kasaysayan ni Noe. Si Noe ay isang matuwid na lalaki. Siya ay walang pagkukulang kung ihahambing sa mga kapanahon niya. Si Noe ay lumakad na kasama ng tunay na Diyos. 10 Nang maglaon, nagkaroon si Noe ng tatlong anak na lalaki, sina Sem, Ham, at Japet. 11 Pero ang lupa ay nasira sa paningin ng tunay na Diyos, at ang lupa ay napuno ng karahasan. 12 Oo, tiningnan ng Diyos ang lupa at nakitang ito ay nasira; napakasama ng ginagawa ng lahat ng tao sa lupa. 13 Pagkatapos, sinabi ng Diyos kay Noe: “Napagpasiyahan kong puksain ang lahat ng tao. Ang lupa ay punô ng karahasan dahil sa kanila, kaya ipapahamak ko sila, pati ang lupa. 14 Gumawa ka ng isang arka mula sa madagtang mga puno. Lagyan mo iyon ng mga silid at pahiran mo ng alkitran sa loob at labas. 15 Ganito ang dapat mong gawin sa arka: Dapat na 300 siko ang haba nito, 50 siko ang lapad, at 30 siko ang taas. 16 Gumawa ka ng bintana para makapasok ang liwanag sa arka, isang siko mula sa itaas. Ilagay mo ang pasukan ng arka sa tagiliran nito, at gawan mo ito ng una, ikalawa, at ikatlong palapag.

ENERO 27–PEBRERO 2

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 9-11

‘Iisa Lang ang Wika ng Buong Lupa’

(Genesis 11:1-4) Nang panahong iyon, iisa lang ang wika at bokabularyo ng buong lupa. 2 Habang naglalakbay ang mga tao pasilangan, natuklasan nila ang isang kapatagan sa lupain ng Sinar, at tumira sila roon. 3 Pagkatapos, sinabi nila sa isa’t isa: “Halikayo! Gumawa tayo ng mga laryo at lutuin ang mga iyon sa apoy.” Kaya gumamit sila ng laryo sa halip na bato at ng bitumen bilang argamasa. 4 At sinabi nila: “Halikayo! Magtayo tayo ng isang lunsod para sa ating sarili at ng isang tore na aabot sa langit ang taluktok at gawin nating tanyag ang ating pangalan, para hindi tayo mangalat sa ibabaw ng buong lupa.”

it-1 286

Babilonyang Dakila

Mga Katangian ng Sinaunang Babilonya. Itinatag ang lunsod ng Babilonya sa Kapatagan ng Sinar kasabay ng pagsisikap na itayo ang Tore ng Babel. (Gen 11:2-9) Ang dahilan sa pagtatayo ng tore at lunsod ay, hindi upang dakilain ang pangalan ng Diyos, kundi upang ang mga tagapagtayo ay ‘makagawa ng bantog na pangalan’ para sa kanilang sarili. Ang mga toreng ziggurat na natuklasan hindi lamang sa mga guho ng sinaunang Babilonya kundi pati sa iba pang dako ng Mesopotamia ay waring nagpapatotoo na ang orihinal na tore, anuman ang anyo o istilo nito, ay pangunahin nang nauugnay sa relihiyon. Yamang agad-agad na kumilos ang Diyos na Jehova upang pahintuin ang pagtatayo ng templo, maliwanag na ipinakikita nito na iyon ay nagmula sa huwad na relihiyon. Bagaman ang Hebreong pangalan na Babel na ibinigay sa lunsod ay nangangahulugang “Kaguluhan,” ang pangalan nito sa Sumeriano (Ka-dingir-ra) at sa Akkadiano (Bab-ilu) ay kapuwa nangangahulugang “Pintuang-daan ng Diyos.” Sa gayon, binago ng nalalabing mga tumatahan sa lunsod ang anyo ng pangalan nito upang maiwasan ang orihinal na di-kaayaayang kahulugan nito, ngunit ipinakikita pa rin ng bago o kahaliling pangalan ang kaugnayan ng lunsod sa relihiyon.

it-2 1398 ¶3

Wika

Inilalarawan ng ulat ng Genesis ang pagsasama-sama ng ilang bahagi ng pamilya ng tao pagkaraan ng Baha sa isang proyektong salungat sa kalooban ng Diyos na sinabi noon kay Noe at sa mga anak nito. (Gen 9:1) Sa halip na mangalat at ‘punuin ang lupa,’ ipinasiya nilang isentralisado ang lipunan ng tao, anupat maninirahan lamang sila sa isang lugar na nakilala bilang ang Kapatagan ng Sinar sa Mesopotamia. Maliwanag, ito ay magiging isang sentro rin ng relihiyon, na may isang relihiyosong tore.​—Gen 11:2-4.

(Genesis 11:6-8) At sinabi ni Jehova: “Sila ay iisang bayan na may iisang wika, at ito ang ginawa nila. Ngayon, anumang bagay na maiisip nilang gawin ay magagawa nila. 7 Halika! Bumaba tayo roon at guluhin natin ang wika nila para hindi nila maintindihan ang wika ng isa’t isa.” 8 Kaya mula roon ay pinangalat sila ni Jehova sa ibabaw ng buong lupa, at nang maglaon ay itinigil nila ang pagtatayo ng lunsod.

it-2 1398 ¶4

Wika

Pinigilan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang kanilang pangahas na proyekto sa pamamagitan ng pagsira sa nagkakaisa nilang pagkilos, anupat isinagawa niya ito sa pamamagitan ng paggulo sa kanilang iisang wika. Dahil dito, naging imposible ang anumang nagkakaisang paggawa sa kanilang proyekto at humantong ito sa pangangalat nila sa lahat ng bahagi ng globo. Ang paggulo sa kanilang wika ay makahahadlang o makapagpapabagal din sa pagsulong sa hinaharap tungo sa isang maling direksiyon, isang direksiyon na salansang sa Diyos, yamang malilimitahan nito ang kakayahan ng sangkatauhan na pagsama-samahin ang intelektuwal at pisikal na lakas nila para sa ambisyosong mga pakana at sa pamamagitan din nito ay magiging mahirap na magamit ang natipong kaalaman ng iba’t ibang nabuong mga grupo na may kani-kaniyang wika—kaalamang hindi mula sa Diyos kundi natamo sa pamamagitan ng karanasan at pananaliksik ng tao. (Ihambing ang Ec 7:29; Deu 32:5.) Kaya bagaman lumikha ito ng isang malaking salik na nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi sa lipunan ng tao, sa totoo ay nakinabang ang lipunan ng tao sa paggulo sa pananalita ng tao dahil napabagal nito ang pag-abot sa mapanganib at nakapipinsalang mga tunguhin. (Gen 11:5-9; ihambing ang Isa 8:9, 10.) Kailangan lamang na isaalang-alang ng isa ang ilang pangyayari sa ating sariling panahon, na resulta ng natipong sekular na kaalaman at ng maling paggamit dito ng tao, upang matanto kung ano ang patiuna at matagal nang nakita ng Diyos na mangyayari kung hindi hahadlangan ang mga pagsisikap sa Babel.

(Genesis 11:9) Iyan ang dahilan kung bakit tinawag itong Babel, dahil doon ay ginulo ni Jehova ang wika ng buong lupa, at mula roon ay pinangalat sila ni Jehova sa ibabaw ng buong lupa.

it-1 317

Bansa

Palibhasa’y nagkaroon na ng pagkakaiba-iba sa wika, ang bawat grupong may iisang wika ay nagkaroon ng sarili nitong kultura, sining, mga kaugalian, mga katangian, at relihiyon—anupat bawat isa ay may sarili nitong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. (Lev 18:3) Yamang hiwalay na sa Diyos, ang iba’t ibang grupo ng mga tao ay gumawa ng maraming idolo para sa kanilang kathang-isip na mga bathala.​—Deu 12:30; 2Ha 17:29, 33.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Genesis 9:20-22) At sinimulan ni Noe na sakahin ang lupa, at nagtanim siya ng mga ubas. 21 Nang uminom siya ng alak, nalasing siya at naghubad sa loob ng tolda niya. 22 Nakita ni Ham, na ama ni Canaan, ang kahubaran ng kaniyang ama at sinabi iyon sa dalawang kapatid niya na nasa labas.

(Genesis 9:24, 25) Nang magising si Noe at mawala ang kalasingan, nalaman niya ang ginawa sa kaniya ng bunso niyang anak, 25 kaya sinabi niya: “Sumpain si Canaan. At siya ang maging pinakamababang alipin ng mga kapatid niya.”

it-1 882 ¶6

Ham

Posibleng si Canaan mismo ay tuwirang nasangkot sa insidenteng iyon at nabigo ang kaniyang amang si Ham na ituwid siya. O patiunang nakita ni Noe, na makahulang nagsalita sa ilalim ng pagkasi, na ang masamang hilig ni Ham, na marahil ay namamalas na sa kaniyang anak na si Canaan, ay mamanahin ng mga supling ni Canaan. Bahagyang natupad ang sumpa nang sakupin ng Semitikong mga Israelita ang mga Canaanita. Yaong mga hindi nalipol (tulad ng mga Gibeonita [Jos 9]) ay ginawang mga alipin ng Israel. Pagkaraan ng maraming siglo, nagkaroon ng higit pang katuparan ang sumpa nang ang mga inapo ng anak ni Ham na si Canaan ay mapasailalim sa pamumuno ng Japetikong mga kapangyarihang pandaigdig ng Medo-Persia, Gresya, at Roma.

(Genesis 10:9, 10) Siya ay naging makapangyarihang mangangaso na kumakalaban kay Jehova. Kaya naman may kasabihan: “Gaya ni Nimrod, isang makapangyarihang mangangaso na kumakalaban kay Jehova.” 10 Nagsimula ang kaharian niya sa Babel, Erec, Acad, at Calne, na nasa lupain ng Sinar.

it-2 479

Nimrod

Kabilang sa pasimula ng kaharian ni Nimrod ang mga lunsod ng Babel, Erec, Acad, at Calne, na pawang nasa lupain ng Sinar. (Gen 10:10) Kaya malamang na sinimulang itayo ang Babel at ang tore nito sa ilalim ng kaniyang pangunguna. Ang konklusyong ito ay kasuwato rin ng tradisyonal na pangmalas ng mga Judio. Isinulat ni Josephus: “Unti-unting binago [ni Nimrod] ang mga kalagayan upang maging mapaniil, anupat naniniwala na mapapawi sa mga tao ang pagkatakot sa Diyos tanging kung magagawa niya na patuloy silang umasa sa kaniya mismong kapangyarihan. Nagbanta siyang maghihiganti siya sa Diyos kung ibig Niyang muling magpabaha sa lupa; sapagkat magtatayo siya ng isang tore na mas mataas pa sa maaabot ng tubig at ipaghihiganti niya ang pagkapuksa ng kanilang mga ninuno. Sabik ang mga tao na sundin ang panukalang ito ni [Nimrod], anupat itinuring na pagkaalipin ang pagpapasakop sa Diyos; kaya pinasimulan nilang itayo ang tore . . . at naitayo ito sa bilis na higit sa lahat ng inaasahan.”​—Jewish Antiquities, I, 114, 115 (iv, 2, 3).

Pagbabasa ng Bibliya

(Genesis 10:6-32) Ang mga anak ni Ham ay sina Cus, Mizraim, Put, at Canaan. 7 Ang mga anak ni Cus ay sina Seba, Havila, Sabta, Raama, at Sabteca. Ang mga anak ni Raama ay sina Sheba at Dedan. 8 Naging anak ni Cus si Nimrod. Siya ang unang tao na naging makapangyarihan sa lupa. 9 Siya ay naging makapangyarihang mangangaso na kumakalaban kay Jehova. Kaya naman may kasabihan: “Gaya ni Nimrod, isang makapangyarihang mangangaso na kumakalaban kay Jehova.” 10 Nagsimula ang kaharian niya sa Babel, Erec, Acad, at Calne, na nasa lupain ng Sinar. 11 Mula sa lupaing iyon, pumunta siya sa Asirya at itinayo ang Nineve, Rehobot-Ir, Cala, 12 at Resen na nasa pagitan ng Nineve at Cala: Ito ang dakilang lunsod. 13 Naging anak ni Mizraim sina Ludim, Anamim, Lehabim, Naptuhim, 14 Patrusim, Casluhim (ang ninuno ng mga Filisteo), at Captorim. 15 Naging anak ni Canaan si Sidon, na panganay niya, at si Het; 16 siya rin ang ninuno ng mga Jebusita, Amorita, Girgasita, 17 Hivita, Arkeo, Sinita, 18 Arvadita, Zemarita, at Hamateo. Pagkatapos, nangalat ang mga pamilya ng mga Canaanita. 19 Kaya ang teritoryo ng mga Canaanita ay mula sa Sidon hanggang sa Gerar na malapit sa Gaza, at hanggang sa Sodoma, Gomorra, Adma, at Zeboiim, na malapit sa Lasa. 20 Ito ang mga anak ni Ham ayon sa kani-kanilang pamilya, wika, lupain, at bansa. 21 Nagkaroon din ng mga anak si Sem, na ninuno ng lahat ng anak ni Eber at kapatid ng panganay na si Japet. 22 Ang mga anak ni Sem ay sina Elam, Asur, Arpacsad, Lud, at Aram. 23 Ang mga anak ni Aram ay sina Uz, Hul, Geter, at Mas. 24 Naging anak ni Arpacsad si Shela, at naging anak ni Shela si Eber. 25 Nagkaroon si Eber ng dalawang anak na lalaki. Ang pangalan ng isa ay Peleg, dahil nagkabaha-bahagi ang lupa noong panahon niya. Ang pangalan ng isa pa ay Joktan. 26 Naging anak ni Joktan sina Almodad, Selep, Hazarmavet, Jera, 27 Hadoram, Uzal, Dikla, 28 Obal, Abimael, Sheba, 29 Opir, Havila, at Jobab; silang lahat ang anak na lalaki ni Joktan. 30 Ang teritoryong tinitirhan nila ay mula sa Mesa hanggang sa Separ, ang mabundok na rehiyon ng Silangan. 31 Ito ang mga anak ni Sem ayon sa kani-kanilang pamilya, wika, lupain, at bansa. 32 Ito ang mga pamilya ng mga anak ni Noe ayon sa kani-kanilang angkan at bansa. Mula sa mga ito, nangalat sa lupa ang mga bansa pagkatapos ng Baha.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share