Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr20 Oktubre p. 1-12
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2020
  • Subtitulo
  • OKTUBRE 5-11
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
  • OKTUBRE 12-18
  • OKTUBRE 19-25
  • OKTUBRE 26–NOBYEMBRE 1
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2020
mwbr20 Oktubre p. 1-12

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

OKTUBRE 5-11

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EXODO 31-32

“Tumakas Mula sa Idolatriya”

(Exodo 32:1) Samantala, napansin ng bayan na natatagalan si Moises sa pagbaba sa bundok. Kaya pinalibutan ng bayan si Aaron at sinabi: “Igawa mo kami ng isang diyos na mangunguna sa amin, dahil hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa Moises na iyon, ang lalaking naglabas sa amin sa Ehipto.”

w09 5/15 11 ¶11

Sumulong sa Pagkamaygulang Dahil “ang Dakilang Araw ni Jehova ay Malapit Na”

11 Maaaring hindi madaling ikapit ang ating natututuhan mula sa Kasulatan, lalo na kapag nasa gipit na mga kalagayan. Halimbawa, hindi pa natatagalan nang palayain ni Jehova ang Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto, ‘nakipagtalo sila kay Moises’ at laging “inilalagay si Jehova sa pagsubok.” Bakit? Kasi wala silang mainom na tubig. (Ex. 17:1-4) Wala pang dalawang buwan matapos silang makipagtipan sa Diyos at sumang-ayon na gawin “ang lahat ng mga salita na sinalita ni Jehova,” nilabag nila ang kaniyang batas hinggil sa idolatriya. (Ex. 24:3, 12-18; 32:1, 2, 7-9) Dahil kaya ito sa takot kasi matagal na nawala si Moises nang siya’y binibigyan ng mga tagubilin sa Bundok Horeb? Naisip kaya nila na baka muling sumugod ang mga Amalekita at malupig sila dahil wala si Moises, na siyang ginamit ni Jehova nang magapi nila ang mga ito noon? (Ex. 17:8-16) Anuman ang dahilan, “tumangging maging masunurin” ang mga Israelita. (Gawa 7:39-41) Hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano na ‘gawin ang kanilang buong makakaya’ na hindi “mahulog sa gayunding uri ng pagsuway” na ginawa ng mga Israelita nang matakot silang pumasok sa Lupang Pangako.​—Heb. 4:3, 11.

(Exodo 32:4-6) Kinuha niya ang ginto mula sa kanila, at inanyuan niya iyon gamit ang isang pang-ukit at ginawang estatuwang guya. At pinasimulang sabihin ng bayan: “Ito ang iyong Diyos, O Israel, na naglabas sa iyo sa Ehipto.” 5 Nang makita ito ni Aaron, nagtayo siya ng isang altar sa harap nito. At sinabi ni Aaron: “May kapistahan para kay Jehova bukas.” 6 Kaya maaga silang bumangon kinabukasan at naghain ng mga handog na sinusunog at mga haing pansalo-salo. Pagkatapos, umupo ang bayan para kumain at uminom. At tumayo sila para magsaya.

w12 10/15 25 ¶12

Sumunod at Makinabang sa Sinumpaang Pangako ng Diyos

12 Agad na tinupad ni Jehova ang mga pangako niya sa kaniyang tipan sa Israel sa pamamagitan ng pagsasaayos ng isang tolda ng pagsamba at isang pagkasaserdote na tutulong para makalapit sa kaniya ang makasalanang mga tao. Sa kabaligtaran, agad na nakalimutan ng Israel ang kanilang pag-aalay sa Diyos at “pinasakitan nila maging ang Banal ng Israel.” (Awit 78:41) Halimbawa, habang tumatanggap si Moises ng karagdagang tagubilin sa Bundok Sinai, nainip ang mga Israelita at nagsimulang mawalan ng pananampalataya sa Diyos, sa pag-aakalang pinabayaan sila ni Moises. Kaya gumawa sila ng ginintuang imahen ng isang guya at sinabi: “Ito ang iyong Diyos, O Israel, na nag-ahon sa iyo mula sa lupain ng Ehipto.” (Ex. 32:1, 4) Pagkatapos ay nagdaos sila ng tinawag nilang “isang kapistahan para kay Jehova” at yumukod sila at naghain sa imaheng ginawa nila. Nang makita ito ni Jehova, sinabi niya kay Moises: “Sila ay lumihis nang dali-dali mula sa daan na iniutos kong lakaran nila.” (Ex. 32:5, 6, 8) Nakalulungkot na mula noon, nakaugalian ng Israel na gumawa ng mga panata sa Diyos at pagkatapos ay sirain ang mga iyon.​—Bil. 30:2.

(Exodo 32:9, 10) Sinabi pa ni Jehova kay Moises: “Nakita ko na matigas ang ulo ng bayang ito. 10 Ginalit nila ako nang husto kaya hayaan mo akong lipulin sila, at gagawin kitang isang malaking bansa kapalit nila.”

w18.07 20 ¶14

“Sino ang Nasa Panig ni Jehova?”

14 Alam ng bayan na isang malubhang kasalanan kay Jehova ang idolatriya. (Ex. 20:3-5) Pero di-nagtagal, sumamba sila sa ginintuang guya! Kahit kitang-kita ang pagsuway na ito, dinaya ng mga Israelita ang kanilang sarili at inisip na nasa panig pa rin sila ni Jehova. Aba, sinabi pa nga ni Aaron na ang pagsamba nila sa guya ay “isang kapistahan para kay Jehova”! Ano ang naging reaksiyon ni Jehova? Nadama niyang pinagtaksilan siya. Sinabi ni Jehova kay Moises na ang bayan ay “gumawi nang kapaha-pahamak” at ‘lumihis mula sa daan na iniutos Niyang lakaran nila.’ Dahil ‘lumagablab ang galit’ ni Jehova, inisip pa nga niyang lipulin ang bagong-tatag na bansang Israel.​—Ex. 32:5-10.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Exodo 31:17) Ito ay isang tanda sa pagitan ko at ng bayang Israel hanggang sa panahong walang takda, dahil sa loob ng anim na araw ay ginawa ni Jehova ang langit at ang lupa at sa ikapitong araw ay nagpahinga siya.’”

w19.12 3 ¶4

“May Takdang Panahon” Para Magtrabaho at Magpahinga

4 Dahil masipag si Jehova at si Jesus, ibig bang sabihin, hindi na tayo puwedeng magpahinga? Hindi naman. Hindi napapagod si Jehova, kaya hindi niya kailangang magpahinga. Pero sinasabi ng Bibliya na “nagpahinga” si Jehova pagkatapos niyang lalangin ang langit at lupa. (Ex. 31:17) Lumilitaw na ang ibig sabihin nito ay tumigil si Jehova sa paggawa para tingnan ang mga nilalang niya at masiyahan dito. At kahit nagtrabaho nang husto si Jesus noong nandito siya sa lupa, tiniyak niya na may panahon siya para magpahinga at kumaing kasama ng mga kaibigan niya.​—Mat. 14:13; Luc. 7:34.

(Exodo 32:32, 33) Pero kung maaari, patawarin mo ang kasalanan nila; kung hindi, pakisuyong burahin mo ako sa aklat na isinulat mo.” 33 Pero sinabi ni Jehova kay Moises: “Buburahin ko sa aking aklat kung sino ang nagkasala sa akin.

w87 9/1 29

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Ang isang taong nasa alaala at sinasang-ayunan (yamang “nasa aklat ng buhay” ang kaniyang pangalan) ay hindi nangangahulugan na siya’y garantisadong may buhay na walang-hanggan, na para bagang ito’y itinalaga na antimano o hindi na mababago. Tungkol sa mga Israelita, si Moises ay nagtanong kay Jehova: “Ngayon kung iyong ipatatawad ang kanilang kasalanan,—at kung hindi, ay pakisuyo ngang alisin mo ako sa iyong aklat na isinulat mo.” Ang tugon ng Diyos: “Sinumang magkasala laban sa akin, siya’y aalisin ko sa aking aklat.” (Exodo 32:32, 33) Oo, kahit na pagkatapos itala ng Diyos ang sinuman na kaniyang sinang-ayunan sa kaniyang “aklat,” baka ang indibiduwal ay sumuway o mawalan ng pananampalataya. Kung sakaling magkagayon, “papawiin [ng Diyos] ang kaniyang pangalan sa aklat ng buhay.”​—Apocalipsis 3:5.

Pagbabasa ng Bibliya

(Exodo 32:15-35) Pagkatapos, bumaba si Moises sa bundok dala ang dalawang tapyas ng Patotoo sa kamay niya. Ang mga tapyas ay may sulat sa magkabilang panig—sa harap at sa likod. 16 Ang mga tapyas ay gawa ng Diyos, at ang sulat ay sulat ng Diyos na nakaukit sa mga tapyas. 17 Nang marinig ni Josue ang ingay ng bayan dahil sa hiyawan nila, sinabi niya kay Moises: “May ingay ng labanan sa kampo.” 18 Pero sinabi ni Moises: “Hindi ito pag-awit dahil sa tagumpay, At hindi ito pag-iyak dahil sa pagkatalo; Ibang pag-awit ang naririnig ko.” 19 Nang malapit na si Moises sa kampo at makita niya ang guya at ang sayawan, nagalit siya nang husto, at inihagis niya ang mga tapyas at nabasag ang mga iyon sa paanan ng bundok. 20 Kinuha niya ang ginawa nilang guya, sinunog iyon, at dinurog iyon hanggang sa maging pulbos; pagkatapos, isinaboy niya iyon sa tubig at ipinainom sa mga Israelita. 21 At sinabi ni Moises kay Aaron: “Ano ang ginawa ng bayang ito sa iyo at pinangunahan mo sila sa ganito kalaking kasalanan?” 22 Sumagot si Aaron: “Huwag kang magalit, panginoon ko. Alam na alam mo na laging masama ang ginagawa ng bayang ito. 23 Kaya sinabi nila sa akin, ‘Igawa mo kami ng isang diyos na mangunguna sa amin, dahil hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa Moises na iyon, ang lalaking naglabas sa amin sa Ehipto.’ 24 Kaya sinabi ko, ‘Kung may ginto ang sinuman sa inyo, hubarin ninyo iyon at ibigay sa akin.’ At inihagis ko iyon sa apoy at lumabas ang guyang ito.” 25 Nakita ni Moises na hindi makontrol ang bayan dahil hinahayaan lang sila ni Aaron, kaya naging kahiya-hiya sila sa mga kaaway nila. 26 Pumuwesto si Moises sa pintuang-daan ng kampo at nagsabi: “Sino ang nasa panig ni Jehova? Pumunta sa akin!” At lumapit sa kaniya ang lahat ng Levita. 27 Sinabi niya ngayon sa kanila: “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng Israel, ‘Dalhin ng bawat isa sa inyo ang espada niya at suyurin ninyo ang buong kampo, mula sa isang pintuang-daan hanggang sa isa pang pintuang-daan, at patayin ng bawat isa ang kaniyang kapatid, kapitbahay, at malapít na kaibigan.’” 28 Ginawa ng mga Levita ang sinabi ni Moises. Kaya mga 3,000 lalaki ang napatay nang araw na iyon. 29 Pagkatapos, sinabi ni Moises: “Pabanalin ninyo ang inyong sarili ngayon para sa paglilingkod kay Jehova. Kinalaban ng bawat isa sa inyo ang sarili niyang anak at kapatid, kaya ngayon ay pagpapalain niya kayo.” 30 Kinabukasan, sinabi ni Moises sa bayan: “Napakalaki ng kasalanang ginawa ninyo, kaya aakyat ako ngayon sa bundok para humarap kay Jehova at titingnan ko kung may magagawa ako para mapatawad niya ang kasalanan ninyo.” 31 Kaya bumalik si Moises kay Jehova at nagsabi: “Napakalaki ng pagkakasala ng bayang ito! Gumawa sila ng gintong diyos nila! 32 Pero kung maaari, patawarin mo ang kasalanan nila; kung hindi, pakisuyong burahin mo ako sa aklat na isinulat mo.” 33 Pero sinabi ni Jehova kay Moises: “Buburahin ko sa aking aklat kung sino ang nagkasala sa akin. 34 Bumalik ka na, at akayin mo ang bayan sa lugar na sinabi ko sa iyo. Ang anghel ko ay mauuna sa iyo. At sa araw ng paghatol ko, paparusahan ko sila dahil sa mga kasalanan nila.” 35 At sinalot ni Jehova ang bayan dahil sa ginawa nilang guya, ang ginawa ni Aaron para sa kanila.

OKTUBRE 12-18

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EXODO 33-34

“Ang Magagandang Katangian ni Jehova”

(Exodo 34:5) At bumaba si Jehova sa ulap at tumayong kasama niya at ipinahayag ang pangalan ni Jehova.

it-2 813

Pangalan

Pinatototohanan ng materyal na sangnilalang ang pag-iral ng Diyos, ngunit hindi nito isinisiwalat ang pangalan ng Diyos. (Aw 19:1; Ro 1:20) Ang pagkilala ng isang indibiduwal sa pangalan ng Diyos ay nagpapahiwatig ng higit pa sa basta pagkakaroon ng kabatiran sa salitang iyon. (2Cr 6:33) Nangangahulugan ito ng aktuwal na pagkilala sa Persona—sa kaniyang mga layunin, gawain, at mga katangian gaya ng isinisiwalat sa kaniyang Salita. (Ihambing ang 1Ha 8:41-43; 9:3, 7; Ne 9:10.) Makikita ito sa kaso ni Moises, isang lalaking ‘kilala ni Jehova sa pangalan,’ samakatuwid nga, lubos na kilala. (Exo 33:12) Nagkapribilehiyo si Moises na makita ang isang pagtatanghal ng kaluwalhatian ni Jehova at gayundin ‘marinig na ipinahayag ang pangalan ni Jehova.’ (Exo 34:5) Ang paghahayag na iyon ay hindi lamang basta pag-uulit ng pangalang Jehova kundi isang kapahayagan hinggil sa mga katangian at mga gawain ng Diyos. “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan, nag-iingat ng maibiging-kabaitan sa libu-libo, nagpapaumanhin sa kamalian at pagsalansang at kasalanan, ngunit sa anumang paraan ay wala siyang pinaliligtas sa kaparusahan, naglalapat ng kaparusahan sa mga anak at sa mga apo dahil sa kamalian ng mga ama, sa ikatlong salinlahi at sa ikaapat na salinlahi.” (Exo 34:6, 7) Sa katulad na paraan, inilalahad ng awit ni Moises, na naglalaman ng mga salitang “sapagkat ipahahayag ko ang pangalan ni Jehova,” ang mga pakikitungo ng Diyos sa Israel at inilalarawan nito ang Kaniyang personalidad.​—Deu 32:3-44.

(Exodo 34:6) Dumaan si Jehova sa harap niya at ipinahayag: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at mapagmalasakit, hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig at katotohanan,

w09 5/1 18 ¶3-5

Nang Ilarawan ni Jehova ang Kaniyang Sarili

Una, sinabi ni Jehova na siya ay “isang Diyos na maawain at magandang-loob.” (Talata 6) Ayon sa isang iskolar, ang salitang Hebreo na isinaling “maawain” ay tumutukoy sa “magiliw na pagkamahabagin [ng Diyos], gaya ng isang ama sa kaniyang mga anak.” Ang salitang isinaling “magandang-loob” ay nauugnay sa pandiwang “naglalarawan sa isang tao na naudyukan ng kaniyang puso na tumulong sa isa na nangangailangan.” Maliwanag, gusto ni Jehova na malaman nating pinangangalagaan niya ang kaniyang mga mananamba na gaya ng mga magulang sa kanilang mga anak—may magiliw na pagmamahal at pagkabahala sa kanilang mga pangangailangan.​—Awit 103:8, 13.

Sumunod, sinabi ni Jehova na siya ay “mabagal sa pagkagalit.” (Talata 6) Hindi siya madaling magalit sa kaniyang mga lingkod sa lupa. Sa halip, matiisin siya sa kanila, anupat pinagtitiisan ang kanilang mga pagkakamali habang binibigyan sila ng panahon na magbago.​—2 Pedro 3:9.

Sinabi pa ng Diyos na siya ay “sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan.” (Talata 6) Ang maibiging-kabaitan, o matapat na pag-ibig, ay isang mahalagang katangian na nagbubuklod kay Jehova at sa kaniyang bayan—isang buklod na matibay at di-nagbabago. (Deuteronomio 7:9) Si Jehova rin ang bukal ng katotohanan. Hindi siya nanlilinlang ni napalilinlang man. Yamang siya ang “Diyos ng katotohanan,” lubusan tayong makapagtitiwala sa lahat ng sinasabi niya, pati na ang mga pangako niya sa hinaharap.​—Awit 31:5.

(Exodo 34:7) nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa libo-libo, nagpapatawad sa pagkakamali at pagsuway at kasalanan, pero tinitiyak niyang mapaparusahan ang mga may kasalanan at pinaparusahan ang mga anak at mga apo dahil sa kasalanan ng mga ama, pati na ang ikatlo at ikaapat na henerasyon.”

w09 5/1 18 ¶6

Nang Ilarawan ni Jehova ang Kaniyang Sarili

Ang isa pang mahalagang katotohanan na gustong ipaalam sa atin ni Jehova tungkol sa kaniya ay na pinatatawad niya ang “kamalian at pagsalansang at kasalanan.” (Talata 7) Siya ay “handang magpatawad” sa mga nagsisising makasalanan. (Awit 86:5) Pero hindi naman kinukunsinti ni Jehova ang kasamaan. Sinabi niya na “sa anumang paraan ay wala siyang pinaliligtas sa kaparusahan.” (Talata 7) Parurusahan ng banal at makatarungang Diyos ang mga kusang gumagawa ng kasalanan. Sa malao’t madali, pagbabayaran nila ang kanilang kasalanan.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Exodo 33:11) Kinakausap ni Jehova si Moises nang mukhaan, kung paanong nakikipag-usap ang isang tao sa isa pang tao. Kapag bumabalik siya sa kampo, hindi umaalis sa tolda ang katulong at lingkod niyang si Josue, na anak ni Nun.

(Exodo 33:20) Pero idinagdag niya: “Hindi mo puwedeng makita ang aking mukha, dahil walang tao ang makakakita sa akin at mabubuhay pa.”

w04 3/15 27 ¶5

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Exodo

33:11, 20—Paano nagsalita “nang mukhaan” ang Diyos kay Moises? Ang pananalitang ito ay nagpapahiwatig ng pribadong pag-uusap ng dalawang panig. Nakipag-usap si Moises sa kinatawan ng Diyos at tumanggap ng bibigang tagubilin mula kay Jehova sa pamamagitan nito. Ngunit hindi nakita ni Moises si Jehova, yamang ‘walang tao ang makakakita sa Diyos at mabubuhay pa.’ Sa katunayan, hindi personal na nakipag-usap kay Moises si Jehova. Ang Kautusan “ay inihatid ng mga anghel sa pamamagitan ng kamay ng isang tagapamagitan,” ang sabi ng Galacia 3:19.

(Exodo 34:23, 24) “Tatlong beses sa isang taon, ang lahat ng lalaki ay haharap sa tunay na Panginoon, si Jehova, ang Diyos ng Israel. 24 Dahil palalayasin ko ang mga bansa sa harap mo, at palalawakin ko ang teritoryo mo, at walang magtatangkang umangkin sa iyong lupain kapag umaalis ka para humarap sa iyong Diyos na si Jehova nang tatlong beses sa isang taon.

w98 9/1 20 ¶5

Tiyaking Unahin ang mga Bagay na Dapat Unahin!

Tatlong beses sa isang taon, bawat lalaking Israelita at proselita sa lupain ay inutusang humarap kay Jehova. Sa pagkatanto na ang buong pamilya ay makikinabang sa espirituwal na paraan sa gayong mga okasyon, maraming ulo ng pamilya ang nagsaayos na samahan sila ng kanilang asawa’t mga anak. Ngunit sino ang magsasanggalang sa kanilang tahanan at mga bukid mula sa kaaway samantalang malayo ang pamilya? Nangako si Jehova: “Walang sinuman ang magnanasa ng iyong lupain habang pumaparoon ka upang makita ang mukha ni Jehova na iyong Diyos nang tatlong beses sa isang taon.” (Exodo 34:24) Kinailangan ng mga Israelita ng pananampalataya para maniwala na kung uunahin nila ang espirituwal na mga kapakanan, hindi sila mawawalan ng materyal na mga bagay. Tinupad ba ni Jehova ang kaniyang sinabi? Talagang tinupad niya!

Pagbabasa ng Bibliya

(Exodo 33:1-16) Sinabi pa ni Jehova kay Moises: “Magpatuloy ka sa paglalakbay kasama ang bayang inilabas mo sa Ehipto. Pumunta kayo sa lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac, at Jacob nang sabihin ko, ‘Ibibigay ko ito sa mga supling mo.’ 2 Magsusugo ako ng isang anghel sa unahan mo, at itataboy ko ang mga Canaanita, Amorita, Hiteo, Perizita, Hivita, at Jebusita. 3 Pumunta kayo sa isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan. Pero hindi ako sasama sa inyo, dahil kayo ay isang bayang matigas ang ulo at baka malipol ko kayo sa daan.” 4 Nang marinig ng bayan ang masamang balitang ito, nagdalamhati sila, at walang isa man ang nagsuot ng mga palamuti. 5 Sinabi ni Jehova kay Moises: “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Kayo ay isang bayang matigas ang ulo. Sa isang saglit lang, makakapunta ako sa gitna ninyo at kaya ko kayong lipulin. Kaya huwag muna ninyong isuot ang mga palamuti ninyo habang pinag-iisipan ko kung ano ang gagawin ko sa inyo.’” 6 Kaya hindi na nagsuot ng palamuti ang mga Israelita mula noong pagkakataong iyon sa Bundok Horeb. 7 At kinuha ni Moises ang tolda niya at itinayo ito sa labas ng kampo, malayo-layo sa kampo, at tinawag niya itong isang tolda ng pagpupulong. Ang lahat ng humihingi ng patnubay ni Jehova ay lumalabas sa kampo para pumunta sa tolda ng pagpupulong. 8 Kapag pumupunta si Moises sa tolda, ang buong bayan ay tumatayo sa pasukan ng kani-kanilang tolda, at pinagmamasdan nila si Moises hanggang sa makapasok siya sa tolda. 9 Kapag pumapasok si Moises sa tolda, bumababa ang haliging ulap at pumupuwesto sa pasukan ng tolda habang kausap ng Diyos si Moises. 10 Kapag nakita ng buong bayan ang haliging ulap na nakapuwesto sa pasukan ng tolda, ang bawat isa ay tumatayo sa pasukan ng kani-kaniyang tolda at yumuyukod. 11 Kinakausap ni Jehova si Moises nang mukhaan, kung paanong nakikipag-usap ang isang tao sa isa pang tao. Kapag bumabalik siya sa kampo, hindi umaalis sa tolda ang katulong at lingkod niyang si Josue, na anak ni Nun. 12 Sinabi ni Moises kay Jehova: “Sinasabi mo sa akin, ‘Akayin mo ang bayang ito,’ pero hindi mo ipinaaalam sa akin kung sino ang isusugo mo na kasama ko. At sinabi mo, ‘Kilalang-kilala kita, at kalugod-lugod ka rin sa paningin ko.’ 13 Pakisuyo, kung kalugod-lugod ako sa iyong paningin, ipaalám mo sa akin ang iyong mga daan para makilala kita at patuloy kang malugod sa akin. Alalahanin mo rin na ang bansang ito ay iyong bayan.” 14 Kaya sinabi niya: “Sasama ako sa iyo, at bibigyan kita ng kapayapaan.” 15 Sinabi ni Moises: “Kung hindi ka sasama, huwag mo na kaming paalisin sa lugar na ito. 16 Paano malalaman ng mga tao na kalugod-lugod ako sa paningin mo, ako at ang iyong bayan? Hindi ba sa pagsama mo sa amin? Kung sasama ka, ako at ang iyong bayan ay mapapaiba sa lahat ng iba pang bayan na nasa ibabaw ng lupa.”

OKTUBRE 19-25

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EXODO 35-36

“Tinulungan Para Maisagawa ang Atas Mula kay Jehova”

(Exodo 35:25, 26) Ang lahat ng bihasang babae ay nag-ikid gamit ang mga kamay nila, at dinala nila ang mga inikid nila: asul na sinulid, purpurang lana, matingkad-na-pulang sinulid, at magandang klase ng lino. 26 At ang lahat ng bihasang babae na naudyukan ng puso nila ay nag-ikid ng balahibo ng kambing.

w14 12/15 4 ¶4

Pinagpapala ni Jehova ang mga Nagkukusa

Pero ang higit na nakapagpasaya kay Jehova ay hindi ang mga bagay na inihandog kundi ang pagkukusa ng mga sumuporta sa tunay na pagsamba. Napakilos din silang gamitin ang kanilang panahon at lakas para sa gawain. “Ang lahat ng mga babae na may pusong marunong ay nag-ikid sa pamamagitan ng kanilang mga kamay,” ang sabi ng ulat. Oo, “ang lahat ng mga babae na naudyukan ng kanilang mga puso taglay ang karunungan ay nag-ikid ng balahibo ng kambing.” Bukod diyan, binigyan ni Jehova si Bezalel ng ‘karunungan, unawa, at kaalaman sa bawat uri ng kasanayan sa paggawa.’ Sa katunayan, ipinagkaloob ng Diyos kina Bezalel at Oholiab ang kasanayang kailangan para magawa ang lahat ng iniutos niya sa kanila.​—Ex. 35:25, 26, 30-35.

(Exodo 35:30-35) Pagkatapos, sinabi ni Moises sa mga Israelita: “Tingnan ninyo, pinili ni Jehova si Bezalel na anak ni Uri na anak ni Hur na mula sa tribo ni Juda. 31 Pinuspos niya ito ng espiritu ng Diyos at binigyan ng karunungan, unawa, at kaalaman sa bawat uri ng kasanayan, 32 sa paggawa ng magagandang disenyo, sa paggawa gamit ang ginto, pilak, at tanso, 33 sa pagtabas ng mga bato at paggawa ng mga lalagyan nito, at sa paggawa ng lahat ng uri ng kagamitang yari sa kahoy na may magagandang disenyo. 34 At inilagay ng Diyos sa puso niya ang kakayahang magturo, sa kaniya at kay Oholiab na anak ni Ahisamac na mula sa tribo ni Dan. 35 Binigyan niya sila ng kasanayan para magawa ang lahat ng gawain ng bihasang manggagawa, ng burdador, at ng manghahabi gamit ang asul na sinulid, purpurang lana, matingkad-na-pulang sinulid, at magandang klase ng lino, pati ang gawain ng manggagawa sa habihan. Ang mga lalaking ito ay gagawa ng lahat ng klase ng trabaho at ng lahat ng klase ng disenyo.

w11 12/15 19 ¶6

Mga Tapat Noong Una​—Ginabayan ng Espiritu ng Diyos

6 Makikita rin sa karanasan ng kapanahon ni Moises na si Bezalel kung paano kumikilos ang espiritu ng Diyos. (Basahin ang Exodo 35:30-35.) Inatasan si Bezalel na manguna sa paggawa ng mga kagamitang kailangan sa tabernakulo. May kasanayan ba siya sa mga gawang-kamay bago magsimula ang malaking proyektong ito? Posible. Pero malamang na ang huling trabaho niya ay ang paggawa ng laryo para sa mga Ehipsiyo. (Ex. 1:13, 14) Kaya paano gagawin ni Bezalel ang mahirap na proyektong ito? “Pinuspos . . . siya ng espiritu ng Diyos sa karunungan, sa unawa at sa kaalaman at sa bawat uri ng kasanayan sa paggawa at sa pagdidisenyo ng mga kagamitan . . . upang gumawa ng lahat ng uri ng kasangkapang mahusay ang pagkagawa.” Anuman ang likas na kakayahan ni Bezalel, nahasa ito sa tulong ng banal na espiritu. Ganiyan din ang nangyari kay Oholiab. Malamang na natuto nang husto ang dalawang ito dahil nagampanan nila ang kanilang tungkulin at nakapagturo pa sila sa iba. Oo, inilagay ng Diyos sa kanilang puso na sila ay makapagturo.

(Exodo 36:1, 2) “Si Bezalel ay gagawang kasama ni Oholiab at ng lahat ng bihasang lalaki na binigyan ni Jehova ng karunungan at unawa para malaman kung paano gagawin ang lahat ng gawain para sa banal na paglilingkod ayon sa lahat ng iniutos ni Jehova.” 2 Tinawag ni Moises sina Bezalel at Oholiab at ang lahat ng bihasang lalaking binigyan ni Jehova ng karunungan, ang bawat isang naudyukan ng puso niya na magboluntaryo para sa gawain.

w11 12/15 19 ¶7

Mga Tapat Noong Una​—Ginabayan ng Espiritu ng Diyos

7 May isa pang patotoo na pinatnubayan ng espiritu ng Diyos sina Bezalel at Oholiab. Ito ay ang kalidad ng kanilang trabaho. Ginagamit pa rin ang mga bagay na ginawa nila pagkaraan ng mga 500 taon. (2 Cro. 1:2-6) Di-tulad ng ibang tao sa ngayon na gustong sumikat sa mga produktong gawa nila, hindi naghangad ng katanyagan sina Bezalel at Oholiab. Gusto nilang mapunta kay Jehova ang lahat ng kaluwalhatian.​—Ex. 36:1, 2.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Exodo 35:1-3) Nang maglaon, tinipon ni Moises ang buong bayan ng Israel at sinabi sa kanila: “Ito ang mga iniutos ni Jehova na kailangang gawin: 2 Puwede kayong magtrabaho nang anim na araw, pero ang ikapitong araw ay magiging banal para sa inyo, isang sabbath, isang espesyal na araw ng pamamahinga para kay Jehova. Ang sinumang magtrabaho sa araw na iyon ay papatayin. 3 Huwag kayong magpapaningas ng apoy sa inyong mga tirahan sa araw ng Sabbath.”

w05 5/15 23 ¶14

Inaalam ang mga Daan ni Jehova

14 Unahin ang espirituwal na mga bagay. Hindi dapat hayaan ng bansang Israel na mapabayaan ang espirituwal na mga gawain dahil sa labis na pag-aasikaso sa pisikal na mga pangangailangan. Hindi dapat iukol ng mga Israelita ang kanilang buhay sa pangkaraniwang mga gawain lamang. Nagtakda si Jehova ng panahon bawat linggo na itinalaga niyang sagrado, panahon na gagamitin lamang sa gawaing may kaugnayan sa pagsamba sa tunay na Diyos. (Exodo 35:1-3; Bilang 15:32-36) Taun-taon, may karagdagang panahon na itinatakda para sa espesipikong banal na mga kombensiyon. (Levitico 23:4-44) Maglalaan ito ng mga pagkakataon upang isalaysay ang makapangyarihang mga gawa ni Jehova, upang ipaalaala ang kaniyang mga daan, at upang pasalamatan siya sa lahat ng kabutihan niya. Habang ipinahahayag ng mga tao ang kanilang debosyon kay Jehova, sisidhi ang kanilang makadiyos na pagkatakot at pag-ibig at matutulungan silang lumakad sa kaniyang mga daan. (Deuteronomio 10:12, 13) Ang mabubuting simulain na nakapaloob sa mga tagubiling iyon ay kapaki-pakinabang sa mga lingkod ni Jehova sa ngayon.​—Hebreo 10:24, 25.

(Exodo 35:21) At dumating ang lahat ng naudyukan ng kanilang puso at lahat ng napakilos na magdala ng abuloy para kay Jehova na magagamit sa tolda ng pagpupulong, sa lahat ng paglilingkod dito, at sa banal na kasuotan.

w00 11/1 29 ¶1

Nagdudulot ng Kagalakan ang Saganang Pagkabukas-Palad

Kung gayon, gunigunihin kung ano ang nadama ng mga Israelita. Nagdusa ang mga salinlahi sa mapait na pang-aalipin at kakapusan. Ngayon ay malaya na sila at mayaman sa materyal na mga ari-arian. Ano kaya ang madarama nila sa pagbahagi ng ilan sa mga ari-ariang iyon? Maaaring madama nila na dapat lamang na sa kanila ang mga iyon at may karapatan silang sarilinin ang mga iyon. Gayunman, nang tinawagan silang mag-abuloy ng salapi upang suportahan ang dalisay na pagsamba, gayon ang ginawa nila—at walang pag-aatubili o pagmamaramot! Hindi nila kinalimutan na si Jehova ang dahilan ng pagkakaroon nila ng mga materyal na bagay na iyon. Kaya naman, sagana silang nagbigay ng kanilang pilak at ginto at hayupan. Sila’y “nagkukusang-loob.” Ang kanilang ‘mga puso ay naudyukan.’ ‘Napakilos sila ng kanilang espiritu.’ Tunay na ito’y isang “kusang-loob na handog kay Jehova.”​—Exodo 25:1-9; 35:4-9, 20-29; 36:3-7.

Pagbabasa ng Bibliya

(Exodo 35:1-24) Nang maglaon, tinipon ni Moises ang buong bayan ng Israel at sinabi sa kanila: “Ito ang mga iniutos ni Jehova na kailangang gawin: 2 Puwede kayong magtrabaho nang anim na araw, pero ang ikapitong araw ay magiging banal para sa inyo, isang sabbath, isang espesyal na araw ng pamamahinga para kay Jehova. Ang sinumang magtrabaho sa araw na iyon ay papatayin. 3 Huwag kayong magpapaningas ng apoy sa inyong mga tirahan sa araw ng Sabbath.” 4 At sinabi ni Moises sa buong bayan ng Israel: “Ito ang iniutos ni Jehova, 5 ‘Lumikom kayo ng abuloy para kay Jehova mula sa inyong sarili. Mag-abuloy kay Jehova ang bawat isa na gustong magbigay nang bukal sa puso: ginto, pilak, tanso, 6 asul na sinulid, purpurang lana, matingkad-na-pulang sinulid, magandang klase ng lino, balahibo ng kambing, 7 balat ng lalaking tupa na tinina sa pula, balat ng poka, kahoy ng akasya, 8 langis para sa ilawan, balsamong gagamitin sa langis para sa pag-aatas at sa mabangong insenso, 9 batong onix, at iba pang bato na ilalagay sa epod at pektoral. 10 “‘Lumapit ang lahat ng bihasa sa inyo at gawin ang lahat ng iniutos ni Jehova: 11 ang tabernakulo kasama ang tolda at pantakip nito, ang mga pangawit at mga hamba nito, ang mga barakilan nito, ang mga haligi nito, at ang may-butas na mga patungan nito; 12 ang Kaban at mga pingga nito, ang pantakip, at ang kurtinang pantabing; 13 ang mesa at mga pingga nito at lahat ng kagamitan nito at ang tinapay na pantanghal; 14 ang kandelero at mga kagamitan nito at mga ilawan nito at ang langis para sa mga ilawan; 15 ang altar ng insenso at mga pingga nito; ang langis para sa pag-aatas at ang mabangong insenso; ang pantabing sa pasukan ng tabernakulo; 16 ang altar ng handog na sinusunog at tansong parilya nito, ang mga pingga at lahat ng kagamitan nito; ang tipunan ng tubig at patungan nito; 17 ang nakasabit na mga tabing para sa looban, ang mga haligi nito at may-butas na mga patungan nito; ang pantabing sa pasukan ng looban; 18 ang mga tulos na pantolda para sa tabernakulo at ang mga tulos na pantolda para sa looban at mga panali ng mga ito; 19 ang mga kasuotang mahusay ang pagkakahabi para sa paglilingkod sa santuwaryo, ang banal na kasuotan para kay Aaron na saserdote, at ang mga kasuotan ng mga anak niya para sa paglilingkod bilang saserdote.’” 20 Pagkatapos, umalis sa harap ni Moises ang buong bayan ng Israel. 21 At dumating ang lahat ng naudyukan ng kanilang puso at lahat ng napakilos na magdala ng abuloy para kay Jehova na magagamit sa tolda ng pagpupulong, sa lahat ng paglilingkod dito, at sa banal na kasuotan. 22 Patuloy silang nagdatingan, ang mga lalaki kasama ang mga babae, ang bawat isa na gustong magbigay nang bukal sa puso. Nagdala sila ng mga alpiler, hikaw, singsing, at iba pang alahas, pati ng iba’t ibang uri ng kagamitang ginto. Ibinigay nilang lahat kay Jehova ang kanilang mga gintong handog. 23 At ang lahat ng may asul na sinulid, purpurang lana, matingkad-na-pulang sinulid, magandang klase ng lino, balahibo ng kambing, balat ng lalaking tupa na tinina sa pula, at balat ng poka ay nagdala ng mga iyon. 24 Ang lahat ng nag-aabuloy ng pilak at tanso ay nagdala ng mga ito bilang abuloy kay Jehova, at ang lahat ng may kahoy ng akasya na magagamit sa proyekto ay nagdala nito.

OKTUBRE 26–NOBYEMBRE 1

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EXODO 37-38

“Mga Altar sa Tabernakulo at ang Kahalagahan Nito sa Tunay na Pagsamba”

(Exodo 37:25) Ginawa niya ang altar ng insenso gamit ang kahoy ng akasya. Iyon ay parisukat, isang siko ang haba, isang siko ang lapad, at dalawang siko ang taas. Ang mga sungay at ang altar ay walang dugtong.

it-1 96 ¶7

Altar

Altar ng insenso. Ang altar ng insenso (tinatawag ding “ang altar na ginto” [Exo 39:38]) ay gawa rin sa kahoy ng akasya, at ang pinakaibabaw at mga tagiliran nito ay kinalupkupan ng ginto. Isang sinepang ginto ang nakapalibot sa pinakaibabaw nito. Ang altar ay may sukat na 44.5 sentimetro (17.5 pulgada) kuwadrado at taas na 89 na sentimetro (2.9 piye), at mayroon ding “mga sungay” na nakausli mula sa apat na panulukan nito sa pinakaibabaw. Iginawa ito ng dalawang argolyang ginto upang doon isuksok ang mga pambuhat na pingga na yari sa akasya na kinalupkupan ng ginto, at ang mga argolyang ito ay nasa ibaba ng sinepang ginto sa magkabilang tagiliran ng altar. (Exo 30:1-5; 37:25-28) Isang espesyal na insenso ang sinusunog sa altar na ito makalawang ulit bawat araw, sa umaga at sa gabi. (Exo 30:7-9, 34-38) Binanggit sa ibang mga talata ang paggamit ng insensaryo, o lalagyan ng apoy, para sa pagsusunog ng insenso, at maliwanag na ginamit din iyon may kaugnayan sa altar ng insenso. (Lev 16:12, 13; Heb 9:4; Apo 8:5; ihambing ang 2Cr 26:16, 19.) Ang altar ng insenso ay nasa loob ng tabernakulo sa harap mismo ng kurtina ng Kabanal-banalan, kung kaya tinutukoy ito bilang nasa “harap ng kaban ng patotoo.”​—Exo 30:1, 6; 40:5, 26, 27.

(Exodo 37:29) Ginawa rin niya ang banal na langis para sa pag-aatas at ang puro at mabangong insenso; mahusay ang pagkakatimpla sa mga ito.

it-1 1080

Insenso

Ang sagradong insenso na iniutos na gamitin sa tabernakulo sa ilang ay gawa sa mamahaling materyales na iniabuloy ng kongregasyon. (Exo 25:1, 2, 6; 35:4, 5, 8, 27-29) Nang ibigay ni Jehova ang banal na pormula para sa timpladang ito na binubuo ng apat na sangkap, sinabi niya kay Moises: “Kumuha ka ng mga pabango: mga patak na estacte at onica at mabangong galbano at dalisay na olibano. Dapat na magkaroon ng pare-parehong dami ng bawat isa. At iyon ay gagawin mong insenso, na pinaghalu-halong mga espesya, na gawa ng isang manggagawa ng ungguento, inasnan, dalisay, banal. At didikdikin mo ang iba niyaon hanggang sa maging pinong pulbos at ilalagay mo ang iba niyaon sa harap ng Patotoo sa tolda ng kapisanan, kung saan ako makikipagtagpo sa iyo. Iyon ay magiging kabanal-banalan sa inyo.” Pagkatapos, upang idiin sa kanila na eksklusibo at banal ang insensong ito, sinabi pa ni Jehova: “Ang sinumang gagawa ng anumang tulad nito upang langhapin ang amoy nito ay lilipulin mula sa kaniyang bayan.”​—Exo 30:34-38; 37:29.

(Exodo 38:1) Ginawa niya ang altar ng handog na sinusunog gamit ang kahoy ng akasya. Iyon ay parisukat, limang siko ang haba, limang siko ang lapad, at tatlong siko ang taas.

it-1 96 ¶5

Altar

Mga Altar ng Tabernakulo. Nang itayo ang tabernakulo, dalawang altar ang ginawa ayon sa parisang ibinigay ng Diyos. Ang altar ng handog na sinusunog (tinatawag ding “ang tansong altar” [Exo 39:39]) ay gawa sa kahoy ng akasya at parang hungkag na kahon, anupat lumilitaw na wala itong takip sa ibabaw at sa ilalim. Ito ay may sukat na 2.2 m (7.3 piye) kuwadrado at taas na 1.3 m (4.4 piye), at may “mga sungay” na nakausli mula sa apat na panulukan nito sa pinakaibabaw. Ang buong labas nito ay kinalupkupan ng tanso. Isang parilya, o kayariang tila lambat, na yari sa tanso ang inilagay sa bandang ibaba ng gilid ng altar “sa pinakaloob,” “sa bandang gitna.” Apat na argolya ang inilagay sa apat na sulok nito malapit sa parilya, at lumilitaw na sa mga argolya ring ito isinusuksok ang dalawang pingga na gawa sa kahoy ng akasya at kinalupkupan ng tanso bilang pambuhat ng altar. Maaaring nangangahulugan ito na binutasan ang dalawang tagiliran ng altar upang maipasok ang lapád na parilya, anupat ang mga argolya ay nakausli sa magkabilang tagiliran. Iba-iba ang opinyon ng mga iskolar hinggil dito, at ipinapalagay ng marami na malamang na dalawang set ng mga argolya ang ginamit, anupat ang ikalawang set, na pinagsusuksukan ng mga pambuhat na pingga, ay nakakabit sa labas ng altar. May ginawa ring mga kagamitang tanso gaya ng mga lata at mga pala para sa mga abo, mga mangkok na sahuran ng dugo ng mga hayop, mga tinidor na pangkuha ng karne, at mga lalagyan ng apoy.​—Exo 27:1-8; 38:1-7, 30; Bil 4:14.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Exodo 37:1) At ginawa ni Bezalel ang Kaban gamit ang kahoy ng akasya—dalawa at kalahating siko ang haba, isa at kalahating siko ang lapad, at isa at kalahating siko ang taas.

(Exodo 37:10) Gumawa siya ng mesa na yari sa kahoy ng akasya—dalawang siko ang haba, isang siko ang lapad, at isa at kalahating siko ang taas.

(Exodo 37:25) Ginawa niya ang altar ng insenso gamit ang kahoy ng akasya. Iyon ay parisukat, isang siko ang haba, isang siko ang lapad, at dalawang siko ang taas. Ang mga sungay at ang altar ay walang dugtong.

it-1 69

Akasya

Ang akasya ay may maraming mahahabang tinik na nakausli sa mahahabang sanga nito. Kadalasan, ang mga sanga ng magkakatabing akasya ay nagkakasala-salabid anupat nagiging buhul-buhol na mga palumpungan, at walang alinlangang ito ang dahilan kung bakit ang anyong pangmaramihan na shit·timʹ ang halos laging ginagamit sa rekord ng Bibliya. Ang akasya ay maaaring tumaas nang 6 hanggang 8 m (20 hanggang 26 na piye), ngunit kadalasan ay tulad-palumpong ang hitsura nito. Ito ay may mga dahong malambot at tulad ng sa sampalok at hitik sa mababangong dilaw na bulaklak, na nagsisibol ng nakakurba at papakitid na mga supot ng buto na pinakabunga nito. Mayroon itong magaspang at maitim na talob na bumabalot sa mabigat na kahoy nito na napakatigas at may pinong hilatsa anupat hindi nasisira ng mga insekto. Dahil sa mga katangiang ito at dahil madaling makakuha nito sa disyerto, ang akasya ay naging napakaangkop na materyales para sa tabernakulo at sa mga kagamitan nito. Ginamit ito sa paggawa ng kaban ng tipan (Exo 25:10; 37:1), mesa ng tinapay na pantanghal (Exo 25:23; 37:10), mga altar (Exo 27:1; 37:25; 38:1), mga pingga na pambuhat sa mga bagay na ito (Exo 25:13, 28; 27:6; 30:5; 37:4, 15, 28; 38:6), mga haligi para sa kurtina at pantabing (Exo 26:32, 37; 36:36), at ng mga hamba (Exo 26:15; 36:20) at mga barakilan na dugtungan ng mga iyon (Exo 26:26; 36:31).

(Exodo 38:8) Ginawa niya ang tansong tipunan ng tubig at tansong patungan nito; ginamit niya ang mga salamin ng mga babae na inorganisa para maglingkod sa pasukan ng tolda ng pagpupulong.

w15 4/1 15 ¶4

Alam Mo Ba?

Di-tulad ng mga babasagíng salamin ngayon, ang mga salamin noong panahon ng Bibliya ay karaniwan nang yari sa napakakintab na metal—kadalasan nang bronse. Pero puwede rin itong yari sa tanso, pilak, ginto, o elektrum. Ang mga salamin ay unang binanggit sa Bibliya may kaugnayan sa pagtatayo ng tabernakulo, ang unang sentro ng pagsamba ng Israel. Nag-abuloy ang mga babae ng mga salamin para sa paggawa ng sagradong hugasang tanso at ng patungan nito. (Exodo 38:8) Malamang na kailangang tunawin ang mga salamin para sa layuning ito.

Pagbabasa ng Bibliya

(Exodo 37:1-24) At ginawa ni Bezalel ang Kaban gamit ang kahoy ng akasya—dalawa at kalahating siko ang haba, isa at kalahating siko ang lapad, at isa at kalahating siko ang taas. 2 Binalutan niya iyon ng purong ginto sa loob at labas at pinalibutan ng gintong dekorasyon ang itaas na bahagi nito. 3 Pagkatapos, naghulma siya ng apat na gintong argolya para dito, na ikakabit sa itaas ng apat na paa nito, dalawang argolya sa isang panig at dalawa sa kabila. 4 Sumunod, gumawa siya ng mga pingga na yari sa kahoy ng akasya at binalutan ng ginto ang mga iyon. 5 At ipinasok niya ang mga pingga sa mga argolya na nasa mga gilid ng Kaban para mabuhat ang Kaban. 6 Gumawa siya ng pantakip na purong ginto—dalawa at kalahating siko ang haba at isa at kalahating siko ang lapad. 7 Gumawa rin siya ng dalawang kerubin na yari sa pinukpok na ginto para sa magkabilang dulo ng pantakip. 8 Ang isang kerubin ay nasa isang dulo, at ang isa pang kerubin ay nasa kabilang dulo. Ginawa niya ang mga kerubin na nasa magkabilang dulo ng pantakip. 9 Nakaunat paitaas ang mga pakpak ng dalawang kerubin, at natatakpan ng mga pakpak nila ang pantakip. Nakaharap sila sa isa’t isa at nakayuko sa pantakip. 10 Gumawa siya ng mesa na yari sa kahoy ng akasya—dalawang siko ang haba, isang siko ang lapad, at isa at kalahating siko ang taas. 11 Binalutan niya iyon ng purong ginto at pinalibutan ng gintong dekorasyon ang itaas na bahagi nito. 12 Pagkatapos, gumawa siya para sa palibot nito ng isang panggilid na sinlapad-ng-kamay at nilagyan niya ng gintong dekorasyon ang palibot ng panggilid. 13 At naghulma siya ng apat na gintong argolya para dito at inilagay ang mga argolya sa apat na kanto kung saan nakakabit ang apat na paa. 14 Malapit sa panggilid ang mga argolya, na pagsusuotan ng mga pingga na pambuhat sa mesa. 15 At gamit ang kahoy ng akasya, gumawa siya ng mga pingga na pambuhat sa mesa, at binalutan niya ng ginto ang mga iyon. 16 Pagkatapos, ginawa niya ang mga kagamitang nasa ibabaw ng mesa gamit ang purong ginto—ang mga pinggan, kopa, at mga mangkok at pitsel nito na gagamitin para ibuhos ang mga handog na inumin. 17 Ginawa niya ang kandelero na yari sa purong ginto. Pinukpok na ginto ang ginamit niya sa paggawa nito. Isang buong piraso ito na may paanan, pinakakatawan, mga sanga, mga kalis, mga buko, at mga bulaklak. 18 May anim na sanga na nasa pinakakatawan nito, tatlong sanga sa isang panig ng kandelero at tatlong sanga sa kabilang panig. 19 Ang bawat sanga sa isang panig ay may tatlong kalis na kahugis ng bulaklak ng almendras, at ang bawat kalis ay sinasalitan ng buko at bulaklak. Ganiyan din ang bawat sanga sa kabilang panig. Ganito ang hitsura ng anim na sanga ng kandelero. 20 At ang pinakakatawan ng kandelero ay may apat na kalis na kahugis ng bulaklak ng almendras, at ang bawat kalis ay sinasalitan ng buko at bulaklak. 21 May buko sa ilalim ng unang dalawang sanga na nasa pinakakatawan ng kandelero. May buko rin sa ilalim ng sumunod na dalawang sanga at sa ilalim ng sumunod pang dalawang sanga. Ito ang puwesto ng anim na sanga sa pinakakatawan ng kandelero. 22 Ang mga buko, mga sanga, at ang buong kandelero ay isang buong piraso ng pinukpok na purong ginto. 23 At ginawa niya ang pitong ilawan, mga pang-ipit ng mitsa, at mga lalagyan ng baga nito gamit ang purong ginto. 24 Ginawa niya ito, pati na ang lahat ng kagamitan nito, gamit ang isang talento ng purong ginto.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share