Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr22 Hulyo p. 1-9
  • Mga Reperensiya Para sa “Workbook sa Buhay at Ministeryo”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa “Workbook sa Buhay at Ministeryo”
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2022
  • Subtitulo
  • HULYO 4-10
  • HULYO 11-17
  • HULYO 18-24
  • HULYO 25-31
  • AGOSTO 1-7
  • AGOSTO 8-14
  • AGOSTO 15-21
  • AGOSTO 22-28
  • AGOSTO 29–SETYEMBRE 4
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2022
mwbr22 Hulyo p. 1-9

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

HULYO 4-10

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 SAMUEL 18-19

“Tularan si Barzilai—Alam Niya ang Limitasyon Niya”

w07 7/15 14 ¶5

Barzilai—Isang Lalaking Nakaaalam ng Kaniyang mga Limitasyon

Walang alinlangan na lubhang pinahalagahan ni David ang naitulong ni Barzilai. Hindi naman ibig sabihin nito na gusto lamang makaganti ng hari sa pamamagitan ng pagbibigay ng materyal na mga bagay. Hindi kailangan ni Barzilai ang gayong tulong dahil mayaman siya. Maaaring ang nais sana ni David ay mapabilang ang may-edad nang lalaking ito sa maharlikang korte dahil sa kaniyang mahuhusay na katangian. Isang karangalan na magkaroon ng permanenteng posisyon doon at magbibigay ito ng pagkakataon kay Barzilai na maging tanyag at makinabang sa pagiging kaibigan ng hari.

w07 7/15 14 ¶7

Barzilai—Isang Lalaking Nakaaalam ng Kaniyang mga Limitasyon

Ang isang dahilan marahil sa pasiya ni Barzilai ay ang kaniyang katandaan at ang mga limitasyong kaakibat nito. Maaaring nararamdaman niya na hindi na magtatagal ang kaniyang buhay. (Awit 90:10) Ginawa na niya ang lahat upang suportahan si David, pero alam din niya na dahil sa kaniyang edad, may mga bagay na hindi na niya kayang gawin. Bagaman alam ni Barzilai na maaari siyang maging prominente dahil sa alok ni David, makatuwiran pa rin niyang isinaalang-alang ang kaniyang mga kakayahan. Di-tulad ng pangahas na si Absalom, nagpakita ng kahinhinan si Barzilai.​—Kawikaan 11:2.

w07 7/15 15 ¶1-2

Barzilai—Isang Lalaking Nakaaalam ng Kaniyang mga Limitasyon

Ang ulat tungkol kay Barzilai ay nagdiriin na kailangan nating maging makatuwiran. Sa isang panig, hindi natin dapat tanggihan o iwasan ang isang pribilehiyo ng paglilingkod dahil ayaw natin ng pananagutan o iniisip nating hindi natin kayang gampanan ang isang responsibilidad. Kayang punan ng Diyos ang ating mga kakulangan kung aasa tayo sa kaniya para sa lakas at karunungan.​—Filipos 4:13; Santiago 4:17; 1 Pedro 4:11.

Sa kabilang panig, dapat nating tanggapin ang ating mga limitasyon. Halimbawa, marahil ay labis nang abala ang isang Kristiyano sa espirituwal na mga gawain. Napag-isip-isip niya na kung tatanggap pa siya ng karagdagang mga atas, baka mapabayaan na niya ang maka-Kasulatang mga pananagutan gaya ng paglalaan para sa kaniyang pamilya. Sa gayong kalagayan, hindi ba pagpapakita ng kahinhinan at pagiging makatuwiran sa kaniyang bahagi kung tatanggihan niya ang karagdagang mga atas sa kasalukuyan?​—Filipos 4:5; 1 Timoteo 5:8.

Espirituwal na Hiyas

w20.04 30 ¶19

‘Tapusin Ninyo ang Takbuhan’

19 Kung may mga limitasyon ka at pakiramdam mo ay walang nakakaunawa sa iyo, mapapatibay ka ng halimbawa ni Mepiboset. (2 Sam. 4:4) May kapansanan siya, at pinaratangan siya ni Haring David. Hindi naman niya kasalanan kung bakit nangyari sa kaniya ang mga iyon. Pero hindi siya naging negatibo; pinahalagahan niya ang mabubuting bagay sa buhay niya. Pinasalamatan niya ang kabaitang ipinakita sa kaniya ni David. (2 Sam. 9:6-10) Kaya nang paratangan siya ni David, inunawa niya ang buong sitwasyon. Hindi siya naghinanakit kay David. Hindi rin niya sinisi si Jehova sa ginawa ni David. Nagpokus si Mepiboset sa pagsuporta sa piniling hari ni Jehova. (2 Sam. 16:1-4; 19:24-30) Ipinasulat ni Jehova sa kaniyang Salita ang napakagandang halimbawa ni Mepiboset para makinabang tayo.​—Roma 15:4.

HULYO 11-17

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 SAMUEL 20-21

“Si Jehova ay Diyos ng Katarungan”

it-1 825 ¶2

Gibeon

Sa paglipas ng maraming siglo, ang orihinal na mga Gibeonita ay patuloy na umiral bilang isang bayan, bagaman nagpakana si Haring Saul na lipulin sila. Gayunman, matiyagang naghintay ang mga Gibeonita na isiwalat ni Jehova ang kawalang-katarungang ito. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng tatlong-taóng taggutom noong paghahari ni David. Matapos sumangguni kay Jehova at malaman na may nasasangkot na pagkakasala sa dugo, si David ay nakipag-usap sa mga Gibeonita upang alamin kung ano ang dapat gawin bilang pagbabayad-sala. May-kawastuang sumagot ang mga Gibeonita na hindi iyon “tungkol sa pilak o ginto,” sapagkat, ayon sa Kautusan, hindi maaaring tumanggap ng pantubos para sa isang mamamaslang. (Bil 35:30, 31) Kinilala rin nila na hindi sila maaaring pumatay ng isang tao nang walang legal na awtorisasyon. Kaya naman, hinintay muna nilang magtanong pa si David at saka nila hiniling na pitong “anak” ni Saul ang ibigay sa kanila. Dahil binanggit na ang pagkakasala sa dugo ay sumasa kay Saul at sa kaniyang sambahayan, bagaman malamang na si Saul ang nanguna sa mapamaslang na pagkilos, ipinahihiwatig nito na maaaring ang “mga anak” ni Saul ay nakibahagi nang tuwiran o di-tuwiran sa gayong pagkilos. (2Sa 21:1-9) Kung ganito ang nangyari, hindi ito isang kaso kung saan namatay ang mga anak dahil sa mga kasalanan ng kanilang mga ama (Deu 24:16) kundi ito’y paglalapat ng ganting katarungan kaayon ng kautusang “kaluluwa ang magiging para sa kaluluwa.”​—Deu 19:21.

Espirituwal na Hiyas

w13 1/15 31 ¶14

Mga Elder—‘Mga Kamanggagawa Ukol sa Ating Kagalakan’

14 Sa buong daigdig, isinasagawa nating mga Saksi ni Jehova ang ating ministeryo sa kabila ng pagsalansang ni Satanas at ng kaniyang mga kampon. Ang ilan sa atin ay napaharap sa gahiganteng mga pagsubok, pero dahil lubos tayong nagtiwala kay Jehova, dinaig natin ang tulad-Goliat na mga pagsubok na ito. Pero kung minsan, napapagod at nasisiraan din tayo ng loob dahil sa walang-tigil na pakikipaglaban sa sanlibutan ni Satanas. Sa ganitong mga pagkakataon, mahina tayo at nanganganib ‘mapabagsak’ ng mga problemang karaniwan nang kaya nating batahin. Dito natin kailangan ang pag-alalay ng isang elder para mapanumbalik ang ating kagalakan at lakas. Marami na ang tumanggap ng ganiyang tulong. Sinabi ng isang payunir na mahigit nang 60 anyos: “May pagkakataon noon na hindi maganda ang pakiramdam ko, at nanghihimagod ako sa ministeryo. Napansin ng isang elder na matamlay ako kaya nilapitan niya ako. Pinatibay niya ako sa pamamagitan ng isang ulat sa Bibliya. Ikinapit ko ang mga mungkahi niya, at nakinabang ako.” Idinagdag pa niya: “Talagang mapagmalasakit ang elder na iyon. Tinulungan niya ako nang mapansin niyang nanghihina ako!” Oo, nakaaantig malaman na may mga elder na maibiging nagbabantay sa atin. Gaya ni Abisai, nakahanda silang “sumaklolo” sa atin.

HULYO 18-24

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 SAMUEL 22

“Umasa kay Jehova”

cl 19 ¶11

Talaga Bang ‘Makalalapit Ka sa Diyos’?

11 Isang bagay ang mabasa na ‘malakas ang kapangyarihan’ ng Diyos. (Isaias 40:26) Subalit ibang-iba naman ang mabasa kung paano niya iniligtas ang Israel sa Dagat na Pula at pagkatapos ay tinustusan ang bansa sa iláng sa loob ng 40 taon. Maaari mong gunigunihin ang umaalimbukay na tubig habang ito’y nahahati. Mailalarawan mo sa iyong isip ang bansa—marahil ay 3,000,000 lahat-lahat—na tumatawid sa tuyong sahig ng dagat, habang ang namuong tubig ay nakatindig na parang pagkálalakíng pader sa magkabilang panig. (Exodo 14:21; 15:8) Makikita mo ang katibayan ng maingat na pangangalaga ng Diyos habang nasa iláng. Ang tubig ay dumaloy mula sa bato. Ang pagkain, na tulad ng mapuputing buto, ay lumitaw sa ibabaw ng lupa. (Exodo 16:31; Bilang 20:11) Isinisiwalat dito ni Jehova hindi lamang ang pagtataglay niya ng kapangyarihan kundi ang paggamit niya nito alang-alang sa kaniyang bayan. Hindi ba’t nakapagpapalakas-loob na malaman na ang ating mga panalangin ay pumapailanlang sa isang makapangyarihang Diyos na siyang “kanlungan at kalakasan para sa atin, isang tulong na kaagad na masusumpungan sa panahon ng mga kabagabagan”?​—Awit 46:1.

w10 6/1 26 ¶4-6

“Kikilos Ka Nang May Pagkamatapat”

Suriin nating mabuti ang mga salitang ito ni David. Ang salitang Hebreo na isinaling ‘kikilos nang may pagkamatapat’ ay maaari ding isalin na ‘kikilos nang may maibiging-kabaitan.’ Nakasalig sa pag-ibig ang tunay na katapatan. Iniibig ni Jehova ang mga tapat sa kaniya.

Tandaan din na ang katapatan ay hindi lamang basta damdamin; ito ay may kasamang pagkilos. Kumikilos si Jehova nang may katapatan, gaya ng naranasan mismo ni David. Sa pinakamahihirap na sandali sa buhay ni David, tinulungan siya ni Jehova. Patuloy siyang ipinagsanggalang at pinatnubayan ni Jehova bilang kaniyang tapat na hari. Kinilala ni David na si Jehova lamang ang makapagliligtas sa kaniya “mula sa palad ng lahat ng kaniyang mga kaaway.”​—2 Samuel 22:1.

Ano ang kahulugan para sa atin ng mga salita ni David? Hindi nagbabago si Jehova. (Santiago 1:17) Hindi nagbabago ang kaniyang mga pamantayan at lagi niyang tinutupad ang kaniyang mga pangako. Sa isa pang awit ni David, ganito ang sinabi niya tungkol kay Jehova: “Hindi niya iiwan ang kaniyang mga matapat.”​—Awit 37:28.

Espirituwal na Hiyas

w12 11/15 17 ¶7

Linangin ang Saloobin ng Isang Nakabababa

7 Napakalaki ng epekto kay David ng kapakumbabaan ng Diyos. Umawit siya kay Jehova: “Ibibigay mo sa akin ang iyong kalasag ng kaligtasan, at pinadadakila ako ng iyong kapakumbabaan.” (2 Sam. 22:36) Kinilala ni David na anumang kadakilaang natamo niya sa Israel ay utang niya sa kapakumbabaan ni Jehova—sa pagpapakababa ng Diyos para magbigay-pansin sa kaniya. (Awit 113:5-7) Ganiyan din naman tayo. Pagdating sa mga katangian, abilidad, at pribilehiyo, ano ba ang mayroon tayo na “hindi [natin] tinanggap” mula kay Jehova? (1 Cor. 4:7) Ang taong gumagawi bilang isang nakabababa ay nagiging “dakila” dahil nagiging mas kapaki-pakinabang siyang lingkod ni Jehova. (Luc. 9:48) Tingnan natin kung paano.

HULYO 25-31

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 SAMUEL 23-24

“Handa Ka Bang Magsakripisyo?”

it-1 175

Arauna

Lumilitaw na inialok ni Arauna nang walang bayad ang lugar na iyon, kasama ang mga baka at mga kagamitang kahoy para sa paghahain, ngunit nagpumilit si David na magbayad. Ipinakikita ng ulat sa 2 Samuel 24:24 na binili ni David ang giikan at ang mga baka sa halagang 50 siklong pilak ($110). Gayunman, sinasabi ng ulat sa 1 Cronica 21:25 na nagbayad si David ng 600 siklong ginto (humigit-kumulang $77,000) para sa lugar na iyon. Ang binanggit lamang ng manunulat ng Ikalawang Samuel ay ang pagbili sa mismong dako na pagtatayuan ng altar at sa mga materyales na ginamit sa paghahain noong pagkakataong iyon, sa gayo’y lumilitaw na ang tinukoy niyang halaga ay para lamang sa mga bagay na ito. Sa kabilang dako naman, tinalakay ng manunulat ng Unang Cronica ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa templo na itinayo sa dakong iyon nang maglaon at iniugnay niya sa pagtatayong iyon ang isinagawang bilihan noon. (1Cr 22:1-6; 2Cr 3:1) Yamang napakalaki ng kabuuang lugar ng templo, lumilitaw na ang halagang 600 siklong ginto ay kabayaran para sa malawak na lugar na iyon sa halip na sa maliit na loteng kinailangan para sa altar na unang itinayo ni David.

w12 1/15 18 ¶8

Matuto Mula sa ‘Balangkas ng Katotohanan’

8 Ang isang Israelita ay maaaring kusang-loob na maghandog kay Jehova para ipakita ang kaniyang pasasalamat. O maaari din niyang hilingin ang pagsang-ayon ni Jehova sa pamamagitan ng kusang-loob na pagbibigay ng handog na sinusunog. Sa gayong mga kaso, malamang na hindi siya magdadalawang-isip na ihandog kay Jehova ang pinakamainam. Sa ngayon, ang mga Kristiyano ay hindi na naghahandog ng literal na mga haing itinakda ng Kautusan; pero naghahain pa rin sila, sa diwa na isinasakripisyo nila ang kanilang panahon, lakas, at ari-arian para paglingkuran si Jehova. Sinabi ni apostol Pablo na ang “pangmadlang pagpapahayag” ng ating pag-asa at ang “paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba” ay mga haing nagpapalugod sa Diyos. (Heb. 13:15, 16) Ipinahihiwatig ng saloobin natin sa gayong mga gawain kung gaano kalaki ang ating pagpapahalaga sa lahat ng ginawa ng Diyos para sa atin. Kaya tulad ng mga Israelita, kailangang suriin natin ang ating saloobin at motibo sa paglilingkod sa Diyos.

Espirituwal na Hiyas

w05 5/15 19 ¶6

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Ikalawang Samuel

23:15-17. Gayon na lamang katindi ang paggalang ni David sa kautusan ng Diyos hinggil sa buhay at dugo anupat hindi niya ginawa sa pagkakataong ito ang isang bagay na kahit sa wari lamang ay paglabag sa kautusang iyon. Dapat tayong maglinang ng gayunding saloobin hinggil sa lahat ng utos ng Diyos.

AGOSTO 1-7

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 HARI 1-2

“Natututo Ka Ba sa mga Pagkakamali Mo?”

it-2 1189 ¶3

Solomon

Nang marinig ang tunog ng musika sa Gihon, na hindi gaanong kalayuan, at ang hiyaw ng bayan: “Mabuhay si Haring Solomon,” si Adonias at ang kaniyang mga kasabuwat ay tumakas dahil sa takot at pagkalito. Patiunang ipinakita ni Solomon na magiging mapayapa ang kaniyang pamamahala nang tumanggi siyang mabahiran ng paghihiganti ang kaniyang pagluklok sa trono. Kung nabaligtad ang mga pangyayari, malamang na napatay si Solomon. Tumakas si Adonias patungo sa santuwaryo upang doon manganlong, kaya ipinakuha siya roon ni Solomon upang dalhin sa harap niya. Matapos sabihan si Adonias na mananatili siyang buháy malibang may kasamaang masumpungan sa kaniya, pinauwi siya ni Solomon sa kaniyang bahay.​—1Ha 1:41-53.

it-1 49

Adonias

Gayunman, pagkamatay ni David, lumapit si Adonias kay Bat-sheba at kinumbinsi ito na maging tagapamagitan niya sa harap ni Solomon upang hilingin si Abisag na kabataang tagapag-alaga at kasama ni David para maging kaniyang asawa. Ang pananalita ni Adonias na “ang paghahari ay magiging akin sana, at sa akin itinuon ng buong Israel ang kanilang mukha upang ako ang maging hari” ay nagpapahiwatig na nadama niyang ipinagkait sa kaniya ang kaniyang karapatan, kahit kinilala niyang may patnubay ng Diyos ang bagay na iyon. (1Ha 2:13-21) Bagaman ang kaniyang kahilingan ay maaaring para lamang sa isang kabayaran dahil nawala sa kaniya ang kaharian, mariin nitong ipinahihiwatig na nagniningas pa rin kay Adonias ang apoy ng ambisyon, yamang ayon sa isang alituntunin sa sinaunang Silangan, ang mga asawa at mga babae ng isang hari ay magiging pag-aari lamang ng kaniyang legal na kahalili. (Ihambing ang 2Sa 3:7; 16:21.) Gayon ang naging tingin ni Solomon sa kahilingang ito na ipinaabot sa pamamagitan ng kaniyang ina kung kaya iniutos niyang patayin si Adonias, na kaagad namang isinagawa ni Benaias.​—1Ha 2:22-25.

Espirituwal na Hiyas

w05 7/1 30 ¶1

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Unang Hari

2:37, 41-46. Tunay na mapanganib ngang isipin na maaari mong labagin ang kautusan ng Diyos nang walang kaparusahan! Mararanasan ng mga kusang lumilihis sa pagsunod sa ‘masikip na daan na umaakay patungo sa buhay’ ang mga resulta ng di-matalinong desisyong iyon.​—Mateo 7:14.

AGOSTO 8-14

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 HARI 3-4

“Mahalaga ang Karunungan”

w11 12/15 8 ¶4-6

Siya Ba’y Mabuting Halimbawa sa Iyo o Isang Babala?

4 Nang maging hari si Solomon, nagpakita sa kaniya ang Diyos sa isang panaginip at tinanong siya kung ano ang gusto niyang hilingin. Alam ni Solomon na wala siyang karanasan, kaya humiling siya ng karunungan. (Basahin ang 1 Hari 3:5-9.) Nalugod ang Diyos dahil karunungan ang hiniling ni Solomon at hindi kayamanan at kaluwalhatian, kaya binigyan Niya siya ng “isang marunong at may-unawang puso,” pati na ng kasaganaan. (1 Hari 3:10-14) Talagang namumukod-tangi ang karunungan ni Solomon anupat sinabi ni Jesus na naglakbay nang malayo ang reyna ng Sheba para marinig ang karunungan ni Solomon.​—1 Hari 10:1, 4-9.

5 Sinabi ni Solomon na “si Jehova ay nagbibigay ng karunungan.” Pero hindi tayo umaasa na makahimala tayong pagkakalooban ni Jehova ng karunungan. Sa halip, sinabi ni Solomon na dapat tayong magsikap para matamo ang makadiyos na katangiang ito. Isinulat niya: “Magbigay-pansin sa karunungan ang iyong tainga, upang ikiling mo ang iyong puso sa kaunawaan.” Gumamit din si Solomon ng mga pananalitang gaya ng ‘tumawag,’ ‘patuloy na hanapin,’ at ‘patuloy na saliksikin’ ang karunungan. (Kaw. 2:1-6) Oo, maaari tayong magtamo ng karunungan.

6 Makabubuting tanungin natin ang ating sarili, ‘Pinahahalagahan ko ba ang makadiyos na karunungan gaya ni Solomon?’ Dahil sa hirap ng buhay, marami ang nagbubuhos ng pansin sa kanilang trabaho at pananalapi. Nakaaapekto rin ito sa uri at dami ng edukasyong pinagsisikapan nilang abutin. Kumusta ka at ang iyong pamilya? Ipinakikita ba ng inyong pagpapasiya na hinahanap at pinahahalagahan ninyo ang makadiyos na karunungan? Kailangan kaya ninyong baguhin ang inyong pangmalas sa salapi at edukasyon para magtamo kayo ng higit na karunungan? Makikinabang kayo sa karunungang ito habambuhay. Isinulat ni Solomon: “Kung magkagayon ay mauunawaan mo ang katuwiran at ang kahatulan at ang katapatan, ang buong landasin ng kabutihan.”​—Kaw. 2:9.

Espirituwal na Hiyas

w98 2/1 11 ¶15

Si Jehova ay Isang Diyos ng mga Tipan

15 Palibhasa’y organisado na ang mga inapo ni Abraham bilang isang bansang nasa ilalim ng Batas, sila’y pinagpala ni Jehova alinsunod sa kaniyang pangako sa patriyarka. Noong 1473 B.C.E., inakay ng kahalili ni Moises, si Josue, ang Israel tungo sa Canaan. Ang kasunod na paghahati ng lupain sa mga tribo ay tumupad sa pangako ni Jehova na magbibigay ng lupain sa binhi ni Abraham. Kapag ang Israel ay tapat, tinutupad ni Jehova ang kaniyang pangako na pagtatagumpayin sila sa kanilang mga kaaway. Ito ay lalo nang totoo noong namamahala si Haring David. Nang dumating ang panahon ng anak ni David na si Solomon, natupad ang ikatlong aspekto ng Abrahamikong tipan. “Ang Juda at ang Israel ay marami, tulad ng mga butil ng buhangin na nasa tabi ng dagat sa karamihan, kumakain at umiinom at nagsasaya.”​—1 Hari 4:20.

AGOSTO 15-21

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 HARI 5-6

“Buong Puso Nilang Itinayo ang Templo”

w11 2/1 15

Alam Mo Ba?

Ang sedro ng Lebanon ay kilalang-kilala sa tibay, ganda, at bango ng kahoy nito. Hindi rin ito pinepeste ng mga insekto. Kaya masasabing mahuhusay na materyales ang ginamit ni Solomon para sa templo. Sa ngayon, iilang maliliit na kakahuyan na lamang ang natira sa dating malawak na kagubatan ng mga sedro na bumalot sa mga kabundukan ng Lebanon.

it-2 1119

Sedro

Ang gayong malawakang paggamit ng tablang sedro ay nangailangan ng libu-libong manggagawa para sa pagpuputol ng mga punungkahoy, pagdadala ng mga iyon sa Tiro o Sidon na nasa baybaying dagat ng Mediteraneo, pagbibigkis ng mga iyon upang maging mga balsa, at pagpapaanod ng mga iyon sa dagat, malamang ay patungong Jope. Pagkatapos ay iniahon ang mga iyon sa katihan patungong Jerusalem. Isinagawa ito batay sa isang kontrata sa pagitan nina Solomon at Hiram. (1Ha 5:6-18; 2Cr 2:3-10) Mula noon, tuluy-tuloy na ang pagdating ng kahoy anupat noong panahon ng paghahari ni Solomon, masasabing pinangyari niya na ‘ang tablang sedro ay maging tulad ng puno ng sikomoro dahil sa dami.’—1Ha 10:27; ihambing ang Isa 9:9, 10.

it-2 1289 ¶2

Templo

Sa pag-oorganisa ni Solomon sa gawain, tumawag siya ng 30,000 lalaki mula sa Israel, at isinugo niya ang mga ito sa Lebanon sa rilyebong 10,000 bawat buwan, anupat sa pagitan ng kanilang mga rilyebo ay nananatili sila nang dalawang buwan sa kanilang mga tahanan. (1Ha 5:13, 14) Mula sa “mga naninirahang dayuhan” sa lupain ay tumawag din siya ng 70,000 lalaki bilang mga tagapagdala ng pasan, at bilang mga maninibag, 80,000. (1Ha 5:15; 9:20, 21; 2Cr 2:2) Bilang mga kapatas na namamahala sa gawain, nag-atas si Solomon ng 550 lalaki at ng 3,300 iba pa na lumilitaw na nagsilbing mga katulong ng mga iyon. (1Ha 5:16; 9:22, 23) Waring sa mga ito, 250 ay mga Israelita at 3,600 ay “mga naninirahang dayuhan” sa Israel.​—2Cr 2:17, 18.

Espirituwal na Hiyas

g 5/12 17, kahon

Ang Bibliya—Aklat ng Mapananaligang mga Hula, Bahagi 1

TUMPAK NA PAGPEPETSA

Ang isang halimbawa kung bakit mahalaga ang tumpak na pagpepetsa ng Bibliya ay makikita sa 1 Hari 6:1, na tumutukoy sa panahon kung kailan sinimulan ni Haring Solomon ang pagtatayo ng templo sa Jerusalem. Mababasa roon: “At nangyari nang ikaapat na raan at walumpung taon [479 na buong taon] pagkalabas ng mga anak ni Israel mula sa lupain ng Ehipto, noong ikaapat na taon [ng paghahari ni Solomon], nang buwan ng Ziv, samakatuwid ay noong ikalawang buwan, pagkatapos na si Solomon ay maging hari sa Israel, na pinasimulan niyang itayo ang bahay para kay Jehova.”

Ayon sa kronolohiya ng Bibliya, ang ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon ay noong 1034 B.C.E. Kung bibilang ng 479 na taon pabalik mula sa petsang iyon, ang taon ng Pag-alis ng Israel sa Ehipto ay papatak ng 1513 B.C.E.

AGOSTO 22-28

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 HARI 7

“Ang Matututuhan Natin sa Dalawang Haligi”

w13 12/1 13 ¶3

‘Mula sa mga Bundok ay Magmimina Ka ng Tanso’

Gumamit ng napakaraming tanso si Haring Solomon sa templo sa Jerusalem. Karamihan dito ay nakuha ng kaniyang amang si David sa pananakop sa mga Siryano. (1 Cronica 18:6-8) Ang tansong “binubong dagat,” ang napakalaking palanggana na ginagamit ng mga saserdote sa paghuhugas, ay makapaglalaman ng 66,000 litro at maaaring tumimbang nang hanggang 30 tonelada. (1 Hari 7:23-26, 44-46) Pagkatapos, may dalawang pagkalaki-laking haliging tanso sa pasukan ng templo. Ang mga ito ay may taas na 8 metro at may mga kapital na mga 2.2 metro ang taas. Ang mga haligi ay hungkag, na may kapal na 7.5 sentimetro, at 1.7 metro ang diyametro. (1 Hari 7:15, 16; 2 Cronica 4:17) Nakalulula ang dami ng tansong ginamit sa paggawa pa lang ng mga ito.

it-1 437

Boaz, II

Sa dalawang pagkalaki-laking tansong haligi na itinayo sa harap ng beranda ng maringal na templo ni Solomon, ang haliging nasa gawing hilaga ay pinanganlang Boaz, posibleng nangangahulugang “Sa Lakas.” Ang haligi naman na nasa gawing timog ay tinawag na Jakin na nangangahulugang “Itatag Nawa [ni Jehova] Nang Matibay.” Kaya kung pagsasamahin ang mga ito at babasahin mula sa kanan pakaliwa kapag nakaharap ang isa sa S, ang ideyang itatawid nito ay ‘Itatag nawa [ni Jehova] nang matibay [ang templo] sa lakas.’—1Ha 7:15-21; tingnan ang KAPITAL.

Espirituwal na Hiyas

it-2 776

Paliligo, Paghuhugas

Ang pisikal na kalinisan ay kahilingan sa mga sumasamba kay Jehova ukol sa kabanalan at kadalisayan. Ipinakikita ito ng kaayusan sa tabernakulo at gayundin ng paglilingkod sa templo nang maglaon. Noong italaga ang mataas na saserdoteng si Aaron at ang kaniyang mga anak, naligo muna sila bago nagbihis ng opisyal na mga kasuutan. (Exo 29:4-9; 40:12-15; Lev 8:6, 7) Para sa paghuhugas ng kanilang mga kamay at mga paa, ang mga saserdote ay gumagamit ng tubig mula sa hugasang tanso na nasa looban ng tabernakulo, at nang maglaon, mula sa pagkalaki-laking binubong dagat sa templo ni Solomon. (Exo 30:18-21; 40:30-32; 2Cr 4:2-6) Sa araw ng Pagbabayad-Sala, dalawang ulit na naliligo ang mataas na saserdote. (Lev 16:4, 23, 24) Yaong mga nagdala sa kambing na para kay Azazel at sa mga labí ng mga haing hayop at sa hain na pulang baka patungo sa labas ng kampo ay hinihilingang paliguan ang kanilang laman at labhan ang kanilang mga kasuutan bago sila pumasok muli sa kampo.​—Lev 16:26-28; Bil 19:2-10.

AGOSTO 29–SETYEMBRE 4

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 HARI 8

“Ang Mapagpakumbaba at Taimtim na Panalangin ni Solomon sa Harap ng mga Tao”

w09 11/15 9 ¶9-10

Pasulungin ang Iyong Panalangin sa Tulong ng Pag-aaral ng Bibliya

9 Para dinggin ang panalangin, dapat itong magmula sa puso. Sa 1 Hari kabanata 8, taos-pusong nanalangin si Solomon sa harap ng mga taong nagkakatipon sa Jerusalem para sa inagurasyon ng templo ni Jehova noong 1026 B.C.E. Matapos mailagay ang kaban ng tipan sa Kabanal-banalan at mapuno ng ulap ni Jehova ang templo, pinuri ni Solomon ang Diyos.

10 Pag-aralan ang panalangin ni Solomon, at pansinin ang mga pagtukoy nito sa puso. Kinilala ni Solomon na si Jehova lamang ang nakaaalam sa puso ng isang tao. (1 Hari 8:38, 39) Ipinakikita rin nito na may pag-asa pa ang nagkasala kung ‘manunumbalik siya sa Diyos nang kaniyang buong puso.’ Kapag may bumihag sa bayan ng Diyos, diringgin ang kanilang pagsusumamo kung ang kanilang puso ay sakdal kay Jehova. (1 Hari 8:48, 58, 61) Kaya talagang dapat magmula sa puso ang iyong panalangin.

w99 1/15 17 ¶7-8

Itaas ang Matapat na mga Kamay sa Panalangin

7 Tayo man ay nananalangin sa madla o sa pribado, ang isang mahalagang simulain sa Kasulatan na dapat tandaan ay na dapat tayong magpamalas ng mapagpakumbabang saloobin sa ating mga panalangin. (2 Cronica 7:13, 14) Si Haring Solomon ay nagpakita ng pagpapakumbaba sa kaniyang pangmadlang panalangin sa pag-aalay ng templo ni Jehova sa Jerusalem. Katatapos lamang ni Solomon ng isa sa pinakamagagarang gusali na naitayo kailanman sa lupa. Gayunman, buong-pagpapakumbaba siyang nanalangin: “Ang Diyos ba’y mananahanan sa ibabaw ng lupa? Narito! Sa langit, oo, sa langit ng mga langit, ay hindi ka magkasya; gaano pa kaya sa bahay na ito na aking itinayo!”—1 Hari 8:27.

8 Tulad ni Solomon, dapat tayong maging mapagpakumbaba kapag kumakatawan sa iba sa pangmadlang panalangin. Bagaman dapat nating iwasan ang magbanal-banalan, ang pagpapakumbaba ay maipakikita sa pamamagitan ng tono ng ating boses. Ang mapagpakumbabang mga panalangin ay hindi matayog o madrama. Ang mga ito ay umaakay ng pansin, hindi sa taong nananalangin, kundi sa Isa na dinadalanginan. (Mateo 6:5) Makikita rin ang kapakumbabaan sa kung ano ang sinasabi natin sa panalangin. Kung mapagpakumbaba tayong nananalangin, hindi natin ito gagawin na para bang iginigiit sa Diyos na gawin niya ang ilang bagay sa paraang gusto natin. Sa halip, makikiusap tayo na kumilos sana si Jehova sa paraan na kasuwato ng kaniyang sagradong kalooban. Ipinakita ng salmista ang tamang saloobin nang magsumamo siya: “Pakisuyong magligtas ka ngayon, O Jehova! Pakisuyong magkaloob ka ng tagumpay, O Jehova!”—Awit 118:25; Lucas 18:9-14.

Espirituwal na Hiyas

it-2 176 ¶6

Langit

Si Solomon, ang tagapagtayo ng templo sa Jerusalem, ay nagsabi na sa “mga langit, oo, sa langit ng mga langit” ay hindi magkasya ang Diyos. (1Ha 8:27) Bilang Maylalang ng mga langit, ang posisyon ni Jehova ay malayong mas mataas sa lahat nga mga ito, at “ang kaniyang pangalan lamang ang di-maabot sa kataasan. Ang kaniyang dangal ay nasa itaas ng lupa at langit.” (Aw 148:13) Sinusukat ni Jehova ang pisikal na langit anupat kasindali lamang iyon ng pagsukat ng isang tao sa isang bagay sa pamamagitan ng pag-uunat ng kaniyang mga daliri upang ang bagay na iyon ay malagay sa pagitan ng mga dulo ng hinlalaki at ng kalingkingan. (Isa 40:12) Ang sinabi ni Solomon ay hindi nangangahulugan na walang espesipikong tirahan ang Diyos. Ni nangangahulugan man iyon na siya ay omnipresente sa diwa na literal siyang nasa lahat ng dako at nasa lahat ng bagay. Mauunawaan natin ito yamang binanggit din ni Solomon na si Jehova ay nakikinig “mula sa langit, ang iyong tatag na dakong tinatahanan,” samakatuwid nga, ang langit na dako ng mga espiritu.​—1Ha 8:30, 39.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share