Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr24 Enero p. 1-11
  • Mga Reperensiya Para sa “Workbook sa Buhay at Ministeryo”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa “Workbook sa Buhay at Ministeryo”
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2024
  • Subtitulo
  • ENERO 1-7
  • ENERO 8-14
  • ENERO 15-21
  • ENERO 22-28
  • ENERO 29–PEBRERO 4
  • PEBRERO 5-11
  • PEBRERO 12-18
  • PEBRERO 19-25
  • PEBRERO 26–MARSO 3
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2024
mwbr24 Enero p. 1-11

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

© 2023 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania

ENERO 1-7

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOB 32-33

Patibayin ang mga May Pinagdadaanan

it-1 679

Elihu

Si Elihu ay walang itinangi, anupat hindi siya naggawad ng labis na mapamuring titulo sa kaninuman. Kinilala niya na siya, tulad ni Job, ay gawa sa luwad at na ang Makapangyarihan-sa-lahat ang kaniyang Maylalang. Hindi intensiyon ni Elihu na sindakin si Job kundi kinausap niya ito bilang isang tunay na kaibigan, anupat tinawag si Job sa pangalan, bagay na hindi ginawa nina Elipaz, Bildad, o Zopar.​—Job 32:21, 22; 33:1, 6.

w14 6/15 25 ¶8-10

Ang Pananaw Mo ba sa mga Kahinaan ng Tao ay Gaya ng kay Jehova?

8 Ano ang makakatulong para maging mas maunawain tayo sa ating mga kapatid? Tandaan na ang ilan sa kanila ay nanghihina dahil sa mahihirap na kalagayan—pagkakasakit, depresyon, o pagsalansang ng pamilya. Posibleng mangyari din iyan sa atin. Bago pumasok sa Lupang Pangako, ang mga Israelita, na naging mahirap at mahina sa lupain ng Ehipto, ay pinaalalahanang huwag ‘patigasin ang kanilang puso’ sa mga kapatid nilang napipighati. Inaasahan ni Jehova na tutulungan nila ang mahihirap at mahihina.​—Deut. 15:7, 11; Lev. 25:35-38.

9 Sa halip na husgahan o pagsuspetsahan ang mga nasa mahihirap na kalagayan, dapat natin silang tulungan sa espirituwal. (Job 33:6, 7; Mat. 7:1) Pag-isipan ito: Kapag naaksidente ang isang nagmomotorsiklo at isinugod sa ospital, nag-uusisa ba muna ang mga doktor at nars kung sino ang may kasalanan sa aksidente? Hindi, inaasikaso nila siya agad. Sa katulad na paraan, kapag nanghihina ang isang kapatid dahil sa personal na mga problema, ang priyoridad natin ay tulungan siya sa espirituwal.​—Basahin ang 1 Tesalonica 5:14.

10 Kung pag-iisipan nating mabuti ang kalagayan ng mga kapatid na sa tingin natin ay mahihina, baka magbago ang pananaw natin sa kanila. Isipin ang mga sister na maraming taon nang nagtitiis sa pagsalansang ng kanilang pamilya. Ang ilan sa kanila ay baka simple lang at mukhang mahina, pero hindi ba’t kahanga-hanga ang kanilang pananampalataya at katatagan? Kapag nakikita natin ang isang nagsosolong ina na regular na dumadalo sa mga pulong kasama ang kaniyang mga anak, hindi ka ba humahanga sa pananampalataya niya at determinasyon? Isipin din ang mga tin-edyer na naninindigan sa katotohanan kahit maraming masasamang impluwensiya sa paaralan. Masasabi nga natin na ang gayong mga kapatid na parang mas mahihina ay maaaring ‘mayaman din sa pananampalataya’ gaya ng ibang kapatid na mas maganda ang kalagayan.​—Sant. 2:5.

w20.03 23 ¶17-18

Kailan Tayo Dapat Magsalita?

17 Ang ikaapat na lalaking pumunta kay Job ay si Elihu na kamag-anak ni Abraham. Nakinig siya sa pag-uusap ni Job at ng tatlong lalaki. Masasabing nakinig siyang mabuti kasi nakapagbigay siya ng mabait pero direktang payo na nakatulong kay Job na ituwid ang kaisipan niya. (Job 33:1, 6, 17) Ang pinakamahalaga kay Elihu ay ang parangalan si Jehova, hindi ang sarili niya o ang sinuman. (Job 32:21, 22; 37:23, 24) Natutuhan natin kay Elihu na may panahon ng pagtahimik at pakikinig. (Sant. 1:19) Natutuhan din natin na kapag nagpapayo, dapat na pangunahin sa atin na maparangalan si Jehova at hindi ang sarili natin.

18 Maipapakita nating mahalaga sa atin ang kakayahan nating magsalita kapag sinusunod natin ang payo ng Bibliya kung kailan at kung paano magsasalita. Isinulat ng matalinong haring si Solomon: “Gaya ng mga gintong mansanas sa lalagyang pilak ang salitang sinabi sa tamang panahon.” (Kaw. 25:11) Kapag nakikinig tayong mabuti sa sinasabi ng iba at nag-iisip bago magsalita, ang mga salita natin ay magiging gaya ng gintong mansanas na mahalaga at maganda. Sa gayon, marami man o kaunti ang sabihin natin, mapapatibay ang iba at mapapasaya natin si Jehova. (Kaw. 23:15; Efe. 4:29) Napakaganda ngang paraan para maipakita natin ang pagpapahalaga sa regalong ito ng Diyos!

Espirituwal na Hiyas

w13 1/15 19 ¶10

Patuloy na Lumapit kay Jehova

10 Angkop din na mabahala tayo sa ating hitsura. Pero hindi natin dapat sikaping burahin ang lahat ng bakas ng pagtanda. Ang mga ito ay maaaring palatandaan ng pagkamaygulang, dignidad, at panloob na kagandahan. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya: “Ang ulong may uban ay korona ng kagandahan kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran.” (Kaw. 16:31) Ganiyan ang pangmalas ni Jehova, at dapat nating tularan iyan. (Basahin ang 1 Pedro 3:3, 4.) Kung gayon, katalinuhan bang sumailalim sa di-kinakailangan at peligrosong pagpaparetoke o iba pang pamamaraan para lang gumanda? “Ang kagalakan kay Jehova” ang pinagmumulan ng tunay na kagandahan, anuman ang ating edad o kalagayan ng kalusugan. (Neh. 8:10) Sa bagong sanlibutan lang tayo magiging lubusang malusog at muling babata. (Job 33:25; Isa. 33:24) Samantala, magpakita tayo ng karunungan at manampalataya sa mga pangako ni Jehova. Sa gayon, masisiyahan tayo sa buhay sa halip na labis na mabahala sa ating kalusugan.​—1 Tim. 4:8.

ENERO 8-14

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOB 34-35

Kapag Parang Hindi Makatarungan ang Buhay

wp19.1 8 ¶2

Anong Uri Siya ng Diyos?

Laging ginagawa ng Diyos ang tama. Ang totoo, “malayong gumawi nang may kabalakyutan ang tunay na Diyos, at na gumawi nang di-makatarungan ang Makapangyarihan-sa-lahat!” (Job 34:10) Matuwid ang mga hatol niya, gaya ng sinabi ng salmista kay Jehova: “Hahatulan mo ang mga bayan sa katuwiran.” (Awit 67:4) Dahil “tumitingin [si Jehova] sa kung ano ang nasa puso,” hindi siya madadaya ng pagkukunwari. Lagi niyang nalalaman ang katotohanan at lagi siyang humahatol nang tama. (1 Samuel 16:7) Alam din ni Jehova ang lahat ng kawalang-katarungan at katiwalian dito sa lupa, at nangangako siya na ang ‘mga balakyot ay lilipulin mula sa mismong lupa.’—Kawikaan 2:22.

w17.04 10 ¶5

Ano ang Mawawala Kapag Dumating Na ang Kaharian ng Diyos?

5 Ano ang gagawin ni Jehova? Sa ngayon, binibigyan ni Jehova ng pagkakataong magbago ang masasamang tao. (Isa. 55:7) Bilang indibiduwal, hindi pa sila napapatawan ng pangwakas na hatol, di-gaya ng sistemang ito na nahatulan na. Pero kumusta naman ang mga indibiduwal na ayaw magbago, na patuloy na sumusuporta sa sistemang ito hanggang sa panahon ng malaking kapighatian? Nangako si Jehova na aalisin niya sa lupa ang masasamang tao magpakailanman. (Basahin ang Awit 37:10.) Baka inaakala ng masasama na ligtas sila sa hatol na iyon. Marami ang natutong magtago ng ginagawa nila, at kadalasan, parang natatakasan nila ang hustisya at parusa. (Job 21:7, 9) Pero ipinaaalaala sa atin ng Bibliya tungkol sa Diyos: “Ang kaniyang mga mata ay nasa mga lakad ng tao, at ang lahat ng hakbang nito ay nakikita niya. Walang kadiliman ni matinding karimlan upang doon magkubli ang mga nagsasagawa ng bagay na nakasasakit.” (Job 34:21, 22) Walang makapagtatago sa Diyos na Jehova. Walang impostor ang makapandaraya sa kaniya; walang karimlang napakadilim o napakatindi na makahahadlang sa sakdal na paningin ng Diyos. Pagkatapos ng Armagedon, kapag hinanap natin ang masasama, hindi na natin sila makikita. Mawawala na sila—magpakailanman!—Awit 37:12-15.

w21.05 7 ¶19-20

Matitisod Ka Ba Dahil kay Jesus?

19 Ganiyan din ba ang problema ngayon? Oo. Marami sa ngayon ang natitisod dahil neutral tayo pagdating sa politika. Inaasahan nilang boboto tayo sa eleksiyon. Pero para kay Jehova, kung pipili tayo ng isang taong lider na mamamahala sa atin, itinatakwil natin Siya. (1 Sam. 8:4-7) Iniisip din nila siguro na dapat tayong magtayo ng paaralan at ospital at magkawanggawa. Natitisod sila dahil nakapokus tayo sa pangangaral, hindi sa paglutas sa kasalukuyang problema ng mundo.

20 Paano natin maiiwasang matisod? (Basahin ang Mateo 7:21-23.) Dapat na nakapokus tayo sa gawaing iniutos ni Jesus. (Mat. 28:19, 20) Hindi tayo dapat mailihis ng mga isyu sa politika at lipunan ng sanlibutang ito. Mahal natin ang mga tao at iniisip natin ang mga problema nila, pero alam natin na ang pinakamagandang paraan ng pagtulong sa kapuwa ay ang turuan sila tungkol sa Kaharian ng Diyos at tulungan silang maging kaibigan ni Jehova.

Espirituwal na Hiyas

w17.04 29 ¶3

Purihin Mo si Jehova sa Iyong Pagkukusang-Loob!

3 Hindi itinuwid ni Jehova si Elihu nang magtanong ito: “Kung ikaw ay talagang nasa tama, ano ang ibinibigay mo sa kaniya [sa Diyos], o ano ang tinatanggap niya mula sa iyong kamay?” (Job 35:7) Ipinahihiwatig ba ni Elihu na walang kabuluhan ang mga pagsisikap nating paglingkuran ang Diyos? Hindi. Ibig niyang sabihin, hindi nakadepende si Jehova sa ating pagsamba. Kumpleto na si Jehova. Hindi natin siya mapayayaman o mapalalakas. Sa katunayan, anumang magandang katangian, talento, o kakayahang taglay natin ay mula sa Diyos, at binibigyang-pansin niya kung paano natin ito ginagamit.

ENERO 15-21

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOB 36-37

Kung Bakit Makakapagtiwala Ka sa Pangako ng Diyos na Buhay na Walang Hanggan

w15 10/1 13 ¶1-2

Posible Ba Talagang Makilala ang Diyos?

WALANG-HANGGANG PAG-IRAL NG DIYOS: Itinuturo ng Bibliya na ang Diyos ay umiiral “mula pa sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda.” (Awit 90:2) Ibig sabihin, ang Diyos ay walang pasimula at walang wakas. Sa pananaw ng tao, “ang bilang ng kaniyang mga taon ay hindi masasaliksik.”​—Job 36:26.

Kung paano ka makikinabang: Ang Diyos ay nangangako ng buhay na walang hanggan kung kikilalanin mo siya. (Juan 17:3) Maaasahan mo ba ang pangakong iyan kung ang Diyos mismo ay hindi nabubuhay nang walang hanggan? Tanging ang “Haring walang hanggan” ang makatutupad ng gayong pangako.​—1 Timoteo 1:17.

w20.05 22 ¶6

Pinapahalagahan Mo Ba ang mga Regalo ng Diyos?

6 Likido ang tubig natin dahil tamang-tama ang distansiya ng lupa mula sa araw. Kung napalapit ito nang kaunti, matutuyo ang lahat ng tubig dahil sa init at walang mabubuhay sa lupa. Kung napalayo naman ito nang kaunti, magyeyelo ang lahat ng tubig at matatakpan ng yelo ang lupa. Inilagay ni Jehova ang lupa sa tamang lokasyon kaya napapanatili ng water cycle ang buhay sa lupa. Dahil sa araw, umiinit ang tubig sa mga karagatan at sa lupa at nag-e-evaporate ito para maging ulap. Taon-taon, halos 500,000 cubic kilometer ng tubig ang nag-e-evaporate. Ang tubig na nag-evaporate ay nananatili sa atmospera nang mga 10 araw bago maging ulan o snow. Pagkatapos, babalik ito sa mga karagatan at sa iba pang anyo ng tubig, at mauulit ang cycle. Dinisenyo ni Jehova ang cycle na ito para laging may tubig sa lupa. Pinapatunayan nito na si Jehova ay marunong at makapangyarihan.​—Job 36:27, 28; Ecles. 1:7.

w22.10 28 ¶16

Patuloy na Patibayin ang Pag-asa Mo

16 Ang pag-asa na mabuhay nang walang hanggan ay isang napakahalagang regalo ng Diyos. Nasasabik na tayo sa isang napakagandang kinabukasan na siguradong mangyayari. Ang pag-asa natin ay gaya ng angkla na nagpapatatag sa atin para matiis ang mga pagsubok, makayanan ang mga pag-uusig, at maharap pa nga ang kamatayan. Gaya rin ito ng helmet na pumoprotekta sa isip natin para maiwasan ang masama at magawa ang tama. Dahil sa pag-asa natin mula sa Bibliya, lalo tayong napapalapít sa Diyos at nadarama natin kung gaano niya tayo kamahal. Talagang nakikinabang tayo habang pinapatibay natin ang pag-asa natin.

Espirituwal na Hiyas

it-2 763

Pakikipagtalastasan

Sa mga lupain sa Bibliya noong sinaunang panahon, ang impormasyon at mga ideya ay inihahatid mula sa isang tao tungo sa ibang tao sa iba’t ibang paraan. Ang malaking bahagi ng pangkaraniwang mga balitang lokal at mula sa ibayong-dagat ay itinatawid nang bibigan. (2Sa 3:17, 19; Job 37:20) Ang mga manlalakbay, na kadalasa’y nagbibiyahe kasama ng mga pulutong na naglalakbay, ang naglalahad ng mga balitang galing sa malalayong lugar kapag sila’y huminto upang kumain, uminom, at kumuha ng iba pang mga panustos sa mga lunsod o mga lugar sa kahabaan ng mga ruta ng mga pulutong na naglalakbay. Dahil natatangi ang lokasyon ng lupain ng Palestina may kaugnayan sa Asia, Aprika, at Europa, binabagtas ito ng mga pulutong na naglalakbay patungo sa at mula sa malalayong lugar. Kaya naman ang mga tumatahan dito ay madaling makasasagap ng impormasyon hinggil sa mahahalagang pangyayari sa mga lupaing banyaga. Maaaring makuha ang mga balitang pambansa at mula sa ibayong-dagat mula sa pamilihan ng lunsod.

ENERO 22-28

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOB 38-39

Naglalaan Ka Ba ng Panahon Para Obserbahan ang mga Nilalang?

w21.08 9 ¶7

Maghihintay Ka Ba kay Jehova?

7 Sinasabi ng Bibliya na nang lalangin ni Jehova ang lupa, itinakda niya ang “mga sukat nito,” ibinaon ang “mga tuntungan nito,” at inilagay ang “batong-panulok nito.” (Job 38:5, 6) Naglaan pa nga siya ng panahon para pagmasdan ang mga ginawa niya. (Gen. 1:10, 12) Naiisip ba ninyo kung ano ang nararamdaman ng mga anghel habang nakikita nila na unti-unting natatapos ni Jehova ang mga nilalalang niya? Siguradong tuwang-tuwa sila! ‘Napasigaw pa nga sila ng papuri.’ (Job 38:7) Ano ang matututuhan natin dito? Libo-libong taon bago natapos ni Jehova ang paglalang, pero nang pagmasdan niya ang lahat ng ginawa niya, sinabi niya na iyon ay “napakabuti.”​—Gen. 1:31.

w20.08 14 ¶2

Pagkabuhay-Muli—Patunay ng Pag-ibig, Karunungan, at Pagtitiis ng Diyos

2 Una, nilalang ni Jehova ang kaniyang Anak na si Jesus. Pagkatapos, sa pamamagitan ni Jesus, “nilalang ang lahat ng iba pang bagay,” kasama na ang milyon-milyong anghel. (Col. 1:16) Tuwang-tuwa si Jesus na maging kamanggagawa ng kaniyang Ama. (Kaw. 8:30) At masayang-masaya rin ang mga anghel. Kitang-kita nila nang gawin ni Jehova at ng kaniyang Dalubhasang Manggagawa na si Jesus ang langit at lupa. Ano ang ginawa ng mga anghel? “Sumigaw [sila] ng papuri” nang lalangin ang lupa, at tiyak na patuloy nilang pinupuri si Jehova sa bawat paglalang niya kasama na ang kaniyang obra maestra, ang tao. (Job 38:7; Kaw. 8:31, tlb.) Makikita sa bawat nilalang na ito ang pag-ibig at karunungan ni Jehova.​—Awit 104:24; Roma 1:20.

w23.03 17 ¶8

Obserbahan ang mga Nilalang ni Jehova Para Mas Makilala Siya

8 Makakapagtiwala tayo kay Jehova. Tinulungan ni Jehova si Job na mas magtiwala sa Kaniya. (Job 32:2; 40:6-8) Sa pag-uusap nila, binanggit ng Diyos ang mga nilalang Niya, gaya ng mga bituin, ulap, at kidlat. Binanggit din ni Jehova ang mga hayop, gaya ng torong-gubat at kabayo. (Job 38:32-35; 39:9, 19, 20) Kitang-kita sa mga ito, hindi lang ang kapangyarihan ng Diyos, kundi pati na ang pag-ibig at karunungan niya. Dahil sa pag-uusap nila, mas nagtiwala si Job kay Jehova. (Job 42:1-6) Kapag pinag-aaralan natin ang mga nilalang, nakikita rin natin na mas marunong at mas makapangyarihan si Jehova kaysa sa atin. Siguradong gusto niyang tapusin ang mga problema natin, at kaya niyang gawin iyon. Kung tatandaan natin iyan, mas magtitiwala tayo sa kaniya.

Espirituwal na Hiyas

it-2 1223

Tagapagbigay-Kautusan

Si Jehova Bilang ang Tagapagbigay-Kautusan. Ang totoo, si Jehova ang kaisa-isang tunay na Tagapagbigay-Kautusan sa sansinukob. Sa kaniya nagmula ang mga pisikal na batas na umuugit sa mga nilalang na walang buhay (Job 38:4-38; Aw 104:5-19), at sa buhay-hayop. (Job 39:1-30) Ang tao rin, palibhasa’y nilalang ni Jehova, ay sakop ng mga pisikal na batas ni Jehova, at yamang ang tao ay isang nilalang na may moralidad at talino, anupat may kakayahang mangatuwiran at maaaring magkaroon ng espirituwalidad, sakop din siya ng mga batas ng Diyos hinggil sa moral. (Ro 12:1; 1Co 2:14-16) Bukod pa rito, inuugitan din ng batas ni Jehova ang mga espiritung nilalang, ang mga anghel.​—Aw 103:20; 2Pe 2:4, 11.

Hindi maaaring labagin ang mga pisikal na batas ni Jehova. (Jer 33:20, 21) Sa kilala at nakikitang sansinukob, ang kaniyang mga batas ay lubhang matatag at maaasahan anupat, sa mga larangan na doo’y may kaalaman sa mga batas na ito ang mga siyentipiko, nagagawa nilang kalkulahin nang may katumpakan ang mga galaw ng buwan, mga planeta, at ng iba pang mga bagay sa kalangitan. Kung sasalungatin ng isang tao ang mga pisikal na batas, agad siyang daranas ng masasaklap na resulta ng gayong pagkilos. Sa katulad na paraan, ang mga batas ng Diyos hinggil sa moral ay di-mababago at hindi maaaring lusutan o labagin nang ligtas sa anumang parusa. Ang mga ito ay tiyak na ipatutupad gaya ng Kaniyang mga batas sa kalikasan, bagaman maaaring hindi agad-agad na inilalapat ang kaparusahan. “Ang Diyos ay hindi isa na malilibak. Sapagkat anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.”​—Gal 6:7; 1Ti 5:24.

ENERO 29–PEBRERO 4

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOB 40-42

Mga Aral Mula sa mga Nangyari kay Job

w10 10/15 3-4 ¶4-6

“Sino ang Nakaaalam ng Pag-iisip ni Jehova?”

4 Habang binubulay-bulay ang mga gawa ni Jehova, dapat nating iwasan ang tendensiyang hatulan ang Diyos ayon sa pamantayan ng tao. Ang ganitong tendensiya ay ipinahihiwatig ng sinabi ni Jehova sa Awit 50:21: “Inakala mong ako ay tiyak na magiging gaya mo.” Kaayon ito ng sinabi ng isang iskolar sa Bibliya mahigit 175 taon na ang nakalilipas: “May tendensiya ang mga tao na hatulan ang Diyos ayon sa kanilang pamantayan at isiping dapat siyang sumunod sa mga batas na sinusunod nila.”

5 Hindi natin dapat iayon sa sarili nating mga pamantayan at kagustuhan ang ating pangmalas kay Jehova. Bakit? Sa pag-aaral natin ng Bibliya, baka sa tingin natin ay parang hindi tama ang ilang pagkilos ni Jehova batay sa ating limitado at di-sakdal na pananaw. Ganiyan ang naging kaisipan ng mga Israelita, anupat nagkaroon sila ng maling konklusyon tungkol sa pakikitungo ni Jehova sa kanila. Pansinin ang sinabi ni Jehova: “Kayo ay tiyak na magsasabi: ‘Ang daan ni Jehova ay hindi nakaayos nang wasto.’ Dinggin mo, pakisuyo, O sambahayan ng Israel. Hindi ba nakaayos nang wasto ang aking sariling daan? Hindi ba ang mga daan ninyo ang hindi nakaayos nang wasto?”—Ezek. 18:25.

6 Para maiwasan nating hatulan si Jehova ayon sa ating pamantayan, dapat nating kilalanin na limitado ang ating pananaw at kung minsan ay maling-mali pa nga. Natutuhan ni Job ang aral na ito. Sa kaniyang pamimighati, mas inisip niya ang kaniyang sarili. Nalimutan niya ang mas mahahalagang isyu. Pero tinulungan siya ni Jehova na magkaroon ng mas malawak na pananaw. Nagharap Siya kay Job ng mahigit 70 tanong, na ni isa man ay hindi nito nasagot. Sa gayon ay naidiin ni Jehova na limitado ang unawa ni Job. Nagpakumbaba naman si Job at binago ang kaniyang pananaw.​—Basahin ang Job 42:1-6.

w17.06 25 ¶12

Magpokus sa Malaking Isyu

12 Naging malupit ba si Jehova dahil nagbigay siya ng tuwirang payo kay Job gayong katatapos lang nitong magdusa nang matindi? Hindi, at hindi rin ganiyan ang inisip ni Job. Sa kabila ng pinagdaanan niya, naging mapagpahalaga si Job. Sinabi pa nga niya: “Binabawi ko ang aking sinabi, at ako ay nagsisisi sa alabok at abo.” Iyan ang naging epekto kay Job ng tuwiran pero nakagiginhawang payo ni Jehova. (Job 42:1-6) Bago nito, nakatanggap din ng pagtutuwid at payo si Job mula sa nakababatang si Elihu. (Job 32:5-10) Tumugon si Job sa pagsaway sa kaniya at itinuwid ang kaniyang pananaw. Kaya naman, ipinahayag ni Jehova sa iba na sinasang-ayunan niya ang katapatan ni Job sa ilalim ng pagsubok.​—Job 42:7, 8.

w22.06 25 ¶17-18

“Umasa Ka kay Jehova”

17 Isa lang si Job sa mga lingkod ni Jehova na nanatiling matatag at malakas ang loob sa panahon ng matitinding pagsubok. Marami pang lingkod ng Diyos ang binanggit ni apostol Pablo sa liham niya sa mga Hebreo, at tinawag niya silang isang ‘malaking ulap ng mga saksi.’ (Heb. 12:1) Matitindi ang pagsubok na pinagdaanan nila. Pero nanatili silang tapat kay Jehova. (Heb. 11:36-40) Nasayang ba ang mga pagtitiis at pagsisikap nila? Hinding-hindi! Hindi man nila nakita ang katuparan ng lahat ng pangako ng Diyos noong nabubuhay sila, patuloy pa rin silang umasa kay Jehova. At dahil kumbinsido silang sinasang-ayunan sila ni Jehova, nagtitiwala silang makikita nila ang katuparan ng mga pangako niya. (Heb. 11:4, 5) Mapapatibay ng mga halimbawa nila ang determinasyon natin na patuloy na umasa kay Jehova.

18 Sa ngayon, nabubuhay tayo sa isang mundo na lalo pang sásamâ. (2 Tim. 3:13) Hindi pa tapos si Satanas. Patuloy pa rin niyang sinusubok ang mga lingkod ng Diyos. Anuman ang mangyari sa hinaharap, magsikap sana tayo nang husto para kay Jehova dahil “umaasa tayo sa isang buháy na Diyos.” (1 Tim. 4:10) Tandaan kung paano pinagpala ng Diyos si Job nang bandang huli. Nakita natin na “si Jehova ay napakamapagmahal at maawain.” (Sant. 5:11) Manatili rin sana tayong tapat kay Jehova at magtiwalang gagantimpalaan niya ang “mga humahanap sa kaniya nang buong puso.”​—Basahin ang Hebreo 11:6.

Espirituwal na Hiyas

it-2 847 ¶5

Panunuya

Sa kabila ng matinding panunuya, nanatiling tapat ang lalaking si Job. Ngunit siya ay nagkaroon ng maling pangmalas at nakagawa ng pagkakamali, at dahil dito ay itinuwid siya. Sinabi ni Elihu tungkol sa kaniya: “Sinong matipunong lalaki ang tulad ni Job, na umiinom ng kaalipustaan na tulad ng tubig?” (Job 34:7) Labis na ikinabahala ni Job ang pagbabangong-puri sa kaniyang sarili at hindi ang sa Diyos, at nakahilig siyang dakilain ang kaniyang sariling katuwiran sa halip na ang sa Diyos. (Job 35:2; 36:24) Nang siya ay tinutuya ng kaniyang tatlong “kasamahan,” inisip niya na iyon ay laban sa kaniya sa halip na laban sa Diyos. Naging tulad siya ng isang taong nagpapaubaya ng kaniyang sarili sa pag-alipusta at panunuya at nalulugod dito, anupat tinatanggap niya iyon na para bang buong-kasiyahan siyang umiinom ng tubig. Nang maglaon, ipinaliwanag ng Diyos kay Job na sa katunayan (kung tutuusin), ang mga manunuyang ito ay nagsalita ng kabulaanan laban sa Diyos. (Job 42:7) Sa katulad na paraan, nang humiling ang Israel ng isang hari, sinabi ni Jehova sa propetang si Samuel: “Hindi ikaw ang itinatakwil nila, kundi ako ang itinatakwil nila mula sa pagiging hari sa kanila.” (1Sa 8:7) At sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kayo ay magiging mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa [hindi dahil sa inyong sarili, kundi] dahil sa aking pangalan.” (Mat 24:9) Kung iingatan ng isang Kristiyano sa isipan ang mga bagay na ito, tutulong ito sa kaniya upang mabata ang panunuya taglay ang tamang espiritu at magiging kuwalipikado siyang tumanggap ng gantimpala dahil sa kaniyang pagbabata.​—Luc 6:22, 23.

PEBRERO 5-11

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | AWIT 1-4

Pumanig sa Kaharian ng Diyos

w21.09 15 ¶8

“Uugain Ko ang Lahat ng Bansa”

8 Ano ang reaksiyon ng mga tao sa mensaheng ito? Negatibo ang reaksiyon ng karamihan. (Basahin ang Awit 2:1-3.) Nagalit ang mga bansa. Ayaw nilang tanggapin ang inatasang Tagapamahala ni Jehova. Para sa kanila, hindi ‘mabuting balita’ ang mensahe ng Kaharian na ipinapangaral natin. Ipinagbawal pa nga ng ilang gobyerno ang gawaing pangangaral! Kahit sinasabi ng maraming tagapamahala ng mga bansa na pinaglilingkuran nila ang Diyos, ayaw naman nilang isuko ang kanilang kapangyarihan at awtoridad. Kaya gaya ng ginawa ng mga tagapamahala noong panahon ni Jesus, kinakalaban ng mga tagapamahala ngayon ang pinili ni Jehova. Inaatake nila ang tapat na mga tagasunod ni Jesu-Kristo.​—Gawa 4:25-28.

w16.04 29 ¶11

Manatiling Neutral sa Nababahaging Daigdig

11 Materyalismo. Kung masyadong mahalaga sa atin ang ating mga ari-arian, posibleng makipagkompromiso tayo kapag napaharap sa pagsubok. Nakita ni Ruth, taga-Malawi, na ginawa ito ng ilang Saksi nang pag-usigin sila noong dekada ’70. Ikinuwento niya: “Hindi nila maiwan ang komportableng buhay. Magkakasama kaming ipinatapon pero nang maglaon, may ilang sumama sa politikal na partido at bumalik sa kanilang bahay dahil ayaw nilang dumanas ng hirap sa refugee camp.” Pero ang karamihan sa bayan ng Diyos ay nanatiling neutral sa kabila ng kahirapan o pagkawala pa nga ng lahat ng pag-aari nila.​—Heb. 10:34.

Espirituwal na Hiyas

it-1 1082

Ipa

Ang manipis na balot o balat ng mga binutil na gaya ng sebada at trigo. Bagaman makasagisag ang mga pagtukoy ng Bibliya sa ipa, masasalamin sa mga pagtukoy na ito ang mga kaugalian sa paggigiik na karaniwan noong sinaunang panahon. Pagkatapos ng pag-aani, wala nang silbi ang di-nakakaing balat na ito ng mahahalagang butil, kaya naman angkop itong maging sagisag ng isang bagay na magaan, walang halaga, at di-kanais-nais, anupat dapat ihiwalay sa bahaging mabuti at saka itapon.

Sa pamamagitan ng paggigiik, humihiwalay ang ipa sa butil. Pagkatapos, sa pagtatahip, ang magaan na ipa ay tinatangay ng hangin gaya ng alabok. (Tingnan ang PAGTATAHIP.) Inilalarawan nito kung paano inaalis ng Diyos na Jehova ang mga apostata mula sa kaniyang bayan at kung paano rin niya nililipol ang mga taong balakyot at mga bansang sumasalansang. (Job 21:18; Aw 1:4; 35:5; Isa 17:13; 29:5; 41:15; Os 13:3) Dudurugin ng Kaharian ng Diyos ang mga kaaway nito anupat gaya ng ipa ay madali silang tatangayin ng hangin.​—Dan 2:35.

Kadalasan, ang walang-silbing ipa ay tinitipon at sinusunog upang huwag na itong tangayin ng hangin at mapahalong muli sa mga bunton ng butil. Sa katulad na paraan, inihula ni Juan na Tagapagbautismo ang dumarating at nagliliyab na pagkapuksa ng balakyot at bulaang mga relihiyonista kung saan titipunin ng Manggigiik na si Jesu-Kristo ang trigo, “ngunit ang ipa ay kaniyang susunugin sa apoy na hindi mapapatay.”​—Mat 3:7-12; Luc 3:17; tingnan ang PAGGIGIIK.

PEBRERO 12-18

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | AWIT 5-7

Manatiling Tapat Anuman ang Gawin ng Iba

w21.03 15 ¶7-8

Paano Ka Makakakuha ng Lakas Mula sa Kasulatan?

7 Tinraidor ka ba ng kaibigan o kapamilya mo? Kung oo, makakatulong sa iyo kung pag-aaralan mo ang ulat tungkol sa anak ni Haring David na si Absalom, na nagtraidor sa kaniyang ama at nagtangkang agawin ang trono nito.​—2 Sam. 15:5-14, 31; 18:6-14.

8 (1) Manalangin. Habang pinag-iisipan ang ulat, sabihin kay Jehova ang nararamdaman mo tungkol sa masamang ginawa sa iyo. (Awit 6:6-9) Maging espesipiko. Pagkatapos, hilingin kay Jehova na tulungan kang makita ang mga simulain na makakatulong sa iyo habang sinisikap mong mapagtagumpayan ang mahirap na hamong ito.

w20.07 8-9 ¶3-4

Maging Kumbinsido na Nasa Katotohanan Ka

3 Ang pananampalataya natin ay hindi lang dapat nakabatay sa tulad-Kristong pag-ibig ng bayan ng Diyos. Bakit? Paano kung nakagawa ng malubhang kasalanan ang isang kapananampalataya—baka elder o payunir pa nga? O nasaktan ka ng isang kapatid? O baka naging apostata ang isa at ipinipilit niyang wala sa atin ang katotohanan. Kung mangyari ang mga iyan, matitisod ka ba at hihinto sa paglilingkod kay Jehova? Ang aral: Kung ibabatay mo lang ang pananampalataya mo sa paggawi ng iba sa halip na sa kaugnayan mo kay Jehova, hindi ito magiging matibay. Ang pananampalataya mo ay gaya ng isang bahay. Hindi ito magiging matibay kung puro malambot na materyales lang ang gagamitin mo. Sa katulad na paraan, hindi magiging matibay ang pananampalataya mo kung puro emosyon lang. Kailangan mong pag-aralang mabuti ang Bibliya at maintindihan ito para mapatunayan mong totoo ang itinuturo nito tungkol kay Jehova.​—Roma 12:2.

4 Sinabi ni Jesus na may ilang tatanggap ng katotohanan “nang masaya” pero hihina ang kanilang pananampalataya kapag nagkaproblema. (Basahin ang Mateo 13:3-6, 20, 21.) Baka hindi nila naiintindihan na ang pagsunod kay Jesus ay may kasamang hamon at paghihirap. (Mat. 16:24) O baka iniisip nila na ang mga Kristiyano ay ligtas sa mga problema—puro pagpapala lang at walang mga hamon. Pero punong-puno ng problema ang mundong ito. Nagbabago rin ang kalagayan, kaya puwedeng mawala ang kagalakan natin.​—Awit 6:6; Ecles. 9:11.

Espirituwal na Hiyas

it-2 207

Libingan

Sa Roma 3:13, sinipi ng apostol na si Pablo ang Awit 5:9, anupat inihalintulad niya sa “isang bukás na libingan” ang lalamunan ng mga taong balakyot at mapanlinlang. Kung paanong ang isang bukás na libingan ay naglalaman ng patay at kabulukan, ang kanilang mga lalamunan ay naglalabas ng nakamamatay at bulok na pananalita.​—Ihambing ang Mat 15:18-20.

PEBRERO 19-25

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | AWIT 8-10

“Pupurihin Kita, O Jehova”!

w21.08 3 ¶6

Pahalagahan ang Pag-asa na Maging Miyembro ng Pamilya ni Jehova

6 Naghanda si Jehova ng espesyal na tahanan para sa atin. Bago pa lalangin si Adan, inihanda na ni Jehova ang lupa para sa mga tao. (Job 38:4-6; Jer. 10:12) Dahil mapagmalasakit at mapagbigay si Jehova, naglaan siya ng maraming mabubuting bagay para maging masaya tayo. (Awit 104:14, 15, 24) May mga panahon na pinagmasdan niya ang mga nilikha niya, at “nakita ng Diyos na iyon ay mabuti.” (Gen. 1:10, 12, 31) Binigyang-dangal ni Jehova ang mga tao nang “pinamahala” niya sila sa lahat ng ginawa niya dito sa lupa. (Awit 8:6) Layunin ng Diyos na maging masaya ang mga perpektong tao magpakailanman habang pinapangalagaan nila ang mga ginawa niya. Lagi ka bang nagpapasalamat kay Jehova dahil dito?

w20.05 23 ¶10

Pinapahalagahan Mo Ba ang mga Regalo ng Diyos?

10 Maipapakita nating pinapahalagahan natin ang kakayahang magsalita kung ipapaliwanag natin sa mga naniniwala sa ebolusyon ang tungkol sa paglalang. (Awit 9:1; 1 Ped. 3:15) Naniniwala ang mga ito na walang nagdisenyo sa lupa at sa mga nabubuhay rito. Kung gagamitin natin ang Bibliya at ang mga puntong tinalakay sa artikulong ito, maipagtatanggol natin ang ating Ama sa langit at maipapaliwanag sa mga nakikinig kung bakit tayo kumbinsidong si Jehova ang Maylalang ng langit at lupa.​—Awit 102:25; Isa. 40:25, 26.

w22.04 7 ¶13

Isa Ka Bang “Halimbawa . . . Pagdating sa Pagsasalita”?

13 Kumanta nang mula sa puso. Ang pinakamahalagang dahilan kaya tayo kumakanta sa mga pulong ay para purihin si Jehova. Iniisip ng sister na si Sara na hindi siya magaling kumanta. Pero gusto niyang kumanta para purihin si Jehova. Kaya kapag naghahanda siya sa pulong, pinapraktis na rin niya ang mga kakantahin. Pinag-iisipan niya kung ano ang kaugnayan ng mga awit sa mga tatalakayin sa pulong. “Kaya mas nakapokus ako sa mensahe ng kanta kaysa sa pagkanta ko,” ang sabi niya.

Espirituwal na Hiyas

it-1 525

Daliri

Sa makasagisag na paraan, tinutukoy ang Diyos bilang gumaganap ng gawain sa pamamagitan ng kaniyang “(mga) daliri,” gaya ng pagsulat ng Sampung Utos sa mga tapyas na bato (Exo 31:18; Deu 9:10), pagsasagawa ng mga himala (Exo 8:18, 19), at paglalang sa langit (Aw 8:3). Ipinahihiwatig ng ulat ng paglalang sa Genesis na ang “mga daliri” ng Diyos na ginamit sa gawaing paglalang ay tumutukoy sa kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa, yamang sinasabi roon na ang aktibong puwersa (ruʹach, “espiritu”) ng Diyos ay gumagalaw sa ibabaw ng tubig. (Gen 1:2) Gayunman, ibinibigay ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang susi upang maunawaan nang tumpak ang makasagisag na paggamit na ito, anupat ipinaliliwanag ng ulat ni Mateo na pinalayas ni Jesus ang mga demonyo sa pamamagitan ng ‘banal na espiritu ng Diyos’ at sinasabi naman sa atin ng ulat ni Lucas na iyon ay sa pamamagitan ng “daliri ng Diyos.”​—Mat 12:28; Luc 11:20.

PEBRERO 26–MARSO 3

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | AWIT 11-15

Isiping Nasa Mapayapang Bagong Sanlibutan Ka

w06 5/15 18 ¶3

Mga Tampok na Bahagi sa Unang Aklat ng mga Awit

11:3—Anong mga pundasyon ang nagiba? Ito ang mismong mga pundasyon ng lipunan ng tao—kautusan, kaayusan, at katarungan. Kapag hindi ito nasunod, nagkakagulo ang lipunan at nawawala ang katarungan. Kapag nagkaganito, ang “sinumang matuwid” ay dapat na lubusang magtiwala sa Diyos.​—Awit 11:4-7.

wp16.4 11

Posible Ba ang Isang Daigdig na Walang Karahasan?

Ang Bibliya ay nangangako na hindi na magtatagal at aalisin ng Diyos ang karahasan sa lupa. Ang marahas na daigdig sa ngayon ay mapapaharap sa “araw ng paghuhukom [ng Diyos] at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.” (2 Pedro 3:5-7) Mawawala na ang mga taong mararahas na nagpapahirap sa iba. Paano tayo nakatitiyak na talagang gusto ng Diyos na pawiin ang karahasan?

“Ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan” ng Diyos, ang sabi ng Bibliya. (Awit 11:5) Iniibig ng Maylalang ang kapayapaan at katarungan. (Awit 33:5; 37:28) Kaya hindi niya pahihintulutang manatili magpakailanman ang mga taong marahas.

w17.08 7 ¶15

Handa Ka Bang Maging Matiisin at Maghintay?

15 Bakit handang magtiis at maghintay si David? Sinasagot niya ito sa mismong awit kung saan apat na beses siyang nagtanong: “Hanggang kailan?” Sinabi niya: “Sa ganang akin, nagtiwala ako sa iyong maibiging-kabaitan; magalak nawa ang aking puso sa iyong pagliligtas. Aawit ako kay Jehova, sapagkat ginawan niya ako ng mabuti.” (Awit 13:5, 6) Nagtiwala si David sa maibiging-kabaitan, o matapat na pag-ibig, ni Jehova. Masaya niyang inasam ang pagliligtas ni Jehova at binulay-bulay ang kabutihan Niya sa kaniya. Oo, nadama ni David na sulit ang maghintay.

kr 236 ¶16

Isinasakatuparan ng Kaharian ang Kalooban ng Diyos sa Lupa

16 Katiwasayan. Sa wakas, ang napakagandang hula sa Isaias 11:6-9 ay lubusan nang matutupad, maging sa literal na paraan. Magiging ligtas at tiwasay ang mga lalaki, babae, at mga bata saan man sila pumunta. Walang nilalang, tao man o hayop, ang mananakit sa kanila. Isipin mong parang sarili mong tahanan ang buong planeta, kung saan malaya kang makalalangoy sa mga ilog, lawa, at dagat at makapapasyal sa mga kabundukan at kabukiran. Pagsapit ng gabi, hindi ka pa rin mag-aalala. Matutupad ang sinasabi sa Ezekiel 34:25 na ang bayan ng Diyos ay posible pa ngang ‘tumahan sa ilang nang tiwasay at matulog sa mga kagubatan.’

Espirituwal na Hiyas

w13 9/15 19 ¶12

Nagbagong-Anyo Ka Na Ba?

12 Nakalulungkot, maraming tao sa ngayon ang gaya ng inilarawan ni Pablo. Malamang na iniisip nilang makaluma o kakitiran ng isip na sumunod sa mga pamantayan at simulain at pasunurin din dito ang iba. Maraming guro at magulang ang kunsintidor at promotor ng pagiging “liberal.” Para sa kanila, depende sa indibiduwal kung ano ang tama o mali. Marami na nag-aangking relihiyoso ang nag-iisip na puwede nilang gawin kung ano ang inaakala nilang tama, at na hindi sila obligadong sundin ang Diyos at ang kaniyang mga utos. (Awit 14:1) Mapanganib sa mga tunay na Kristiyano ang pagkakaroon ng gayong saloobin. Kung hindi mapagbantay ang isa, baka ganito ang maging saloobin niya sa mga teokratikong kaayusan. Baka hindi siya makipagtulungan sa mga kaayusan ng kongregasyon at magreklamo pa nga tungkol sa mga bagay na hindi niya nagugustuhan. O baka hindi niya seryosohin ang mga payong batay sa Bibliya tungkol sa paglilibang, paggamit ng Internet, at pagkuha ng mataas na edukasyon.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share