Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
© 2024 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
MAYO 5-11
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 12
Pinagpapala ang Masipag
Makadiyos na Katangian na Mas Mahalaga Kaysa sa Diamante
Ang ilang lingkod ni Jehova ay gipit sa materyal. Sa halip na magkapera sa maling paraan, sinisikap nilang magtrabaho nang mabuti at maging masipag. Kaya naman naipakikita nilang mas mahalaga sa kanila ang mga katangian ng Diyos, gaya ng katapatan, kaysa sa anumang materyal na bagay.—Kaw. 12:24; Efe. 4:28.
Kung Paano Masisiyahan sa Mabibigat na Trabaho
Pinakamagandang pag-isipan ang huling tanong dahil magiging mas kasiya-siya ang trabaho kung nakikita mong nakatutulong ito sa iba. Sinabi mismo ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Bukod sa direktang nakikinabang sa ginagawa natin—gaya ng mga kostumer o employer—may iba pang nakikinabang sa ating pagtatrabaho. Kasama na rito ang ating pamilya at mga nangangailangan.
Pamilya. Kapag nagtatrabaho nang husto ang ama para paglaanan ang kaniyang pamilya, nakikinabang ang mga ito. Paano? Una, tinitiyak niya na nailalaan ang kanilang mga pangangailangan—pagkain, pananamit, at tirahan. Sa gayon, tinutupad niya ang kaniyang bigay-Diyos na pananagutang “[maglaan] para roon sa mga sariling kaniya.” (1 Timoteo 5:8) Ikalawa, naituturo niya ang kahalagahan ng pagtatrabaho nang puspusan. “Huwaran ang tatay ko pagdating sa pagkakaroon ng magandang kaugalian sa trabaho,” ang sabi ni Shane na binanggit sa naunang artikulo. “Tapat siya at nagtrabaho nang mabuti buong buhay niya bilang isang karpintero. Natutuhan ko sa kaniyang halimbawa ang kahalagahan ng mano-manong trabaho—paggawa ng mga bagay na magagamit ng iba.”
Mga nangangailangan. Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na “magtrabaho [sila] nang masikap . . . upang may maipamahagi [sila] sa sinumang nangangailangan.” (Efeso 4:28) Oo, kung magtatrabaho tayo nang puspusan para paglaanan ang ating sarili at ang ating pamilya, maaari din tayong makatulong sa mahihirap. (Kawikaan 3:27) Kaya dahil sa mabibigat na trabaho, makadarama tayo ng higit na kaligayahan sa pagbibigay.
Espirituwal na Hiyas
Gaano Ako Katatag?
● Magkaroon ng tamang pananaw sa problema. Alamin kung ano ang malaki o maliit na mga problema. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mangmang ay nagpapakita agad ng pagkainis, pero hindi pinapansin ng marunong ang insulto.” (Kawikaan 12:16) Hindi lahat ng problema ay kailangang makaapekto sa iyo nang malaki.
“Sa school, sobrang mag-react ang mga bata kahit sa simpleng mga bagay. Pagkatapos, kakampihan sila ng mga kaibigan nila sa social media—na lalo pang magpapagalit sa kanila, kung kaya mas nahihirapan silang harapin ang mga problema.”—Joanne.
MAYO 12-18
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 13
Huwag Magpadaya sa “Lampara ng Masasama”
it-2 170 ¶7-8
Lampara
Iba Pang Makasagisag na mga Paggamit. Anumang bagay na inaasahan ng isang tao upang magbigay-liwanag sa kaniyang daan ay isinasagisag ng lampara. Sa pamamagitan ng gayong paglalarawan, ipinakita sa isang kawikaan ang pagkakaiba ng matuwid at ng balakyot, anupat sinabi roon: “Ang liwanag ng mga matuwid ay magsasaya; ngunit ang lampara ng mga balakyot—ito ay papatayin.” (Kaw 13:9) Ang liwanag ng matuwid ay higit at higit na nagniningning, ngunit kahit waring napakaningning ng lampara ng balakyot at tila napakasagana ng kaniyang daan, titiyakin ng Diyos na mauuwi siya sa kadiliman, kung saan walang pagsalang matitisod ang kaniyang paa. Ganiyan ang kahahantungan ng taong sumusumpa sa kaniyang ama at ina.—Kaw 20:20.
Kapag ‘pinatay ang lampara’ ng isang tao, nangangahulugan din ito na wala nang kinabukasang naghihintay sa kaniya. Sinasabi ng isa pang kawikaan: “Sapagkat walang kinabukasan para sa sinumang masama; ang lampara ng mga taong balakyot ay papatayin.”—Kaw 24:20.
Maglingkod sa Diyos ng Kalayaan
3 Kung nahikayat ni Satanas ang dalawang sakdal na tao—pati na ang maraming espiritung nilalang—na talikuran ang soberanya ng Diyos, magagawa rin niya iyan sa atin. Hindi nagbabago ang mga taktika niya. Gusto niya tayong papaniwalain na pabigat ang mga pamantayan ng Diyos at hindi tayo magiging masaya kung susundin natin ang mga ito. (1 Juan 5:3) Ganiyan ang kaisipan ng mga tao sa sanlibutan, at madali tayong mahahawa kung madalas natin silang kasama. “Naimpluwensiyahan ako ng masasamang kasama dahil takót akong mapaiba sa aking mga kaibigan,” ang sabi ng isang 24-anyos na sister na nagkasala ng imoralidad. Marahil naranasan mo na rin kung gaano kalakas ang panggigipit ng iyong mga kasamahan.
“Ang Bawat Matalino ay Gagawi Nang May Kaalaman”
Ang isang taong maingat at matuwid na gumagawi nang may tunay na kaalaman ay pagpapalain. Tinitiyak sa atin ni Solomon: “Ang matuwid ay kumakain hanggang sa mabusog ang kaniyang kaluluwa, ngunit ang tiyan ng mga balakyot ay hindi malalagyan ng laman.” (Kawikaan 13:25) Alam ni Jehova kung ano ang mabuti para sa atin sa anumang pitak ng buhay—sa mga gawain ng ating pamilya, sa ating mga kaugnayan sa iba, sa ating ministeryo, o kapag dinidisiplina tayo. At sa pamamagitan ng matalinong pagkakapit ng payo na masusumpungan sa kaniyang Salita, tiyak na tatamasahin natin ang pinakamagaling na paraan ng pamumuhay.
Espirituwal na Hiyas
it-2 605 ¶4
Pag-ibig
Ang pag-ibig ay maaaring maging mali. Sa nabanggit na mga kadahilanan, maliwanag na ang isang tao ay posibleng magkaroon ng tunay at wastong pag-ibig tangi lamang kung hinahanap at sinusunod niya ang espiritu ng Diyos at ang kaalamang nagmumula sa Kaniyang Salita. Halimbawa, maaaring minamahal ng isang magulang ang kaniyang anak. Ngunit baka hayaan niyang magkaroon ng depekto ang pag-ibig na iyon o baka malihis siya ng landas dahil sa sentimyento, anupat ibinibigay niya sa bata ang lahat ng magustuhan nito. Baka hindi niya gamitin ang kaniyang awtoridad bilang magulang upang magbigay ng disiplina at, sa ilang pagkakataon, ng aktuwal na pagpaparusa. (Kaw 22:15) Ang gayong diumano’y pag-ibig ay maaari pa ngang dahil ipinagmamapuri ng isa ang kaniyang pamilya, na nagpapakita naman ng pagiging makasarili. Sinasabi ng Bibliya na ang gayong tao ay hindi umiibig, kundi napopoot, sapagkat hindi niya isinasagawa ang pagkilos na magliligtas sa buhay ng kaniyang anak.—Kaw 13:24; 23:13, 14.
MAYO 19-25
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 14
Pag-isipan ang mga Gagawin Mo Kapag Nagkaroon ng Sakuna
Pahalagahan ang Buhay na Regalo ng Diyos
10 Hindi natin laging maiiwasan ang mga delikadong sitwasyon, gaya ng likas na sakuna, epidemya, at kaguluhan. Pero kapag nangyari iyon, maiiwasan natin ang ilang panganib kung susundin natin ang mga tagubilin ng gobyerno pagdating sa curfew, evacuation, at iba pang restriksiyon. (Roma 13:1, 5-7) Puwedeng paghandaan ang ilang sakuna, kaya dapat nating alamin ang mga tagubilin ng gobyerno para dito. Halimbawa, baka kailangan nating magtabi ng suplay ng tubig, pagkaing hindi madaling masira, at first-aid kit.
11 Paano kung may nakakahawang sakit na kumakalat sa lugar natin? Dapat nating sundin ang mga protocol ng gobyerno, gaya ng paghuhugas ng kamay, social distancing, pagsusuot ng mask, at pagku-quarantine. Kapag masunurin tayo, ipinapakita natin na mahalaga sa atin ang buhay na regalo ng Diyos.
12 Kapag may sakuna, baka may marinig tayong maling impormasyon mula sa ating mga kaibigan, kapitbahay, at sa media. Imbes na paniwalaan ang “lahat ng naririnig” natin, makikinig lang tayo sa mapagkakatiwalaang impormasyon mula sa gobyerno at mga doktor. (Basahin ang Kawikaan 14:15.) Sinisikap ng Lupong Tagapamahala at ng mga tanggapang pansangay na makakuha ng tamang impormasyon bago magbigay ng tagubilin tungkol sa mga pulong at pangangaral natin. (Heb. 13:17) Kung susundin natin ang mga kaayusan, maiingatan natin hindi lang ang sarili natin kundi pati na ang iba. Magiging maganda rin ang tingin ng ibang tao sa mga Saksi ni Jehova.—1 Ped. 2:12.
Tularan ang Katapangan ni Zadok
11 Kapag kinailangan ng mga kapatid ang tulong natin sa mapanganib na mga sitwasyon, paano natin matutularan ang katapangan ni Zadok? (1) Sumunod sa mga tagubilin. Kailangan ang pagkakaisa sa mapanganib na mga sitwasyon, kaya napakahalagang maging masunurin tayo. Sundin ang mga tagubilin ng tanggapang pansangay. (Heb. 13:17) Dapat na regular na pag-aralan ng mga elder ang mga tagubilin kung paano maghahanda kapag may sakuna sa lugar nila, pati na ang mga tagubilin ng organisasyon sa panahon ng sakuna. (1 Cor. 14:33, 40) (2) Maging matapang pero maingat. (Kaw. 22:3) Mag-isip nang mabuti bago kumilos. Isipin ang pinakaligtas na paraan kung paano ka makakatulong. (3) Umasa kay Jehova. Tandaan na talagang nagmamalasakit si Jehova sa iyo at sa mga kapatid at gusto niya na manatili kayong ligtas. Kaya siguradong gagabayan ka niya na magawa ang tamang desisyon sa pagtulong sa mga kapatid.
Espirituwal na Hiyas
it-1 1347
Kakayahang Mag-isip
Gayunman, posible rin na maging tudlaan ng pagkapoot ang isang taong tunay na gumagamit ng kakayahang mag-isip. Maaaring ito ang ipinahihiwatig sa Kawikaan 14:17: “Ang taong may kakayahang mag-isip ay kinapopootan.” Kadalasan, yaong mga gumagamit ng kanilang mental na mga kakayahan ay hindi kinalulugdan ng mga taong hindi palaisip. Gayundin, sa diwa, yaong mga gumagamit ng kanilang isip sa paggawa ng kalooban ng Diyos ay kinapopootan. Gaya ng sinabi ni Jesu-Kristo: “Sapagkat hindi kayo bahagi ng sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula sa sanlibutan, dahil dito ay napopoot sa inyo ang sanlibutan.” (Ju 15:19) Sabihin pa, sa Kawikaan 14:17, ang termino sa orihinal na wika para sa “kakayahang mag-isip” ay maaaring sumaklaw sa mapaminsalang kaisipan. Samakatuwid, ang tekstong iyon ay maaari ring mangahulugan na ang isang taong kumakatha ng masama ay kinapopootan, at, kaayon nito, ang ilang salin ay kababasahan ng ganito: “At ang isang taong may masasamang pakana ay kinapopootan.”—JP, Ro.
MAYO 26–HUNYO 1
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 15
Tulungan ang Iba na Maging Masaya
Lalakad Tayo sa Ating Katapatan!
16 Si Job ay mapagpatuloy. (Job 31:31, 32) Kahit hindi tayo mayaman, puwede pa rin nating ‘sundan ang landasin ng pagkamapagpatuloy.’ (Roma 12:13) Maaari tayong maghanda ng simpleng pagkain para sa iba, yamang “mas mabuti ang pagkaing gulay na doon ay may pag-ibig kaysa sa pinatabang toro na may kasamang poot.” (Kaw. 15:17) Ang pakikisalo sa isa na nag-iingat din ng katapatan ay kasiya-siya pa rin kahit simple lang ang pagkain at tiyak na makapagpapatibay sa atin.
Patibaying-Loob ang Isa’t Isa “Lalung-lalo Na” Ngayon
16 Nagkakamali tayo kung iniisip nating hindi tayo nakapagpapatibay-loob dahil hindi tayo mahusay makipag-usap. Ang totoo, kahit simpleng bagay ay puwedeng pagmulan ng pampatibay-loob—isang matamis na ngiti kapag binabati ang iba. Kapag hindi sinuklian ang ating ngiti, baka may pinagdaraanan sila. Makapagbibigay tayo ng kaaliwan kung pakikinggan natin sila.—Sant. 1:19.
17 Talagang napakasakit kay Henri, isang kabataang brother, nang iwan ng kaniyang malalapít na kamag-anak ang katotohanan. Kasama na rito ang kaniyang ama, na dating respetadong elder. Niyaya si Henri ng isang tagapangasiwa ng sirkito para magkape. Matiyaga itong nakinig habang ikinukuwento ni Henri ang kaniyang niloloob. Nakita ni Henri na matutulungan lang niya ang kaniyang mga kapamilya na bumalik sa katotohanan kung siya mismo ay mananatiling tapat. Napatibay rin siya sa pagbabasa ng Awit 46; Zefanias 3:17; at Marcos 10:29, 30.
18 Ipinakikita ng mga karanasan ni Marthe at ni Henri na puwede nating mapatibay-loob ang isang kapatid na nangangailangan ng kaaliwan. Ganito ang isinulat ni Haring Solomon: “Ang salita sa tamang panahon, O anong buti! Ang ningning ng mga mata ay nagpapasaya ng puso; ang mabuting ulat ay nagpapataba ng mga buto.” (Kaw. 15:23, 30) Mapasisigla rin natin ang isang nalulumbay kung magbabasa tayo sa kaniya ng mga artikulo mula sa Bantayan o sa ating website. Ipinakita ni Pablo na puwedeng pagmulan ng pampatibay-loob ang sama-samang pagkanta ng awiting pang-Kaharian. Isinulat niya: “Patuloy na magturo at magpaalalahanan sa isa’t isa sa pamamagitan ng mga salmo, mga papuri sa Diyos, mga espirituwal na awit na may kagandahang-loob, na umaawit sa inyong mga puso kay Jehova.”—Col. 3:16; Gawa 16:25.
Espirituwal na Hiyas
Puwede Bang Magpagamot ang mga Kristiyano?
2. Dapat ba akong kumonsulta sa iba pang doktor? Makakatulong ang ‘maraming tagapayo’ lalo na kung seryoso ang kondisyon mo.—Kawikaan 15:22.
HUNYO 2-8
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 16
Tatlong Tanong Para Makagawa ng Tamang Desisyon
Gumawa ng Matatalinong Desisyon sa Panahon ng Kabataan
11 Ang pinakamalaking kaligayahan natin ay nagmumula sa paglilingkod kay Jehova. (Kaw. 16:20) Lumilitaw na nakalimutan iyan ni Baruc, ang kalihim ni Jeremias. May panahong nawala ang kagalakan niya sa paglilingkod kay Jehova. Sinabi ni Jehova sa kaniya: “Patuloy kang humahanap ng mga dakilang bagay para sa iyong sarili. Huwag ka nang maghanap. Sapagkat narito, magpapasapit ako ng kapahamakan sa lahat ng laman, . . . at ibibigay ko sa iyo ang iyong kaluluwa bilang samsam sa lahat ng dako na iyong paroroonan.” (Jer. 45:3, 5) Sa palagay mo, alin ang mas makapagpapasaya kay Baruc—ang paghahanap ng mga dakilang bagay o ang makaligtas sa pagkawasak ng Jerusalem bilang tapat na lingkod ng Diyos?—Sant. 1:12.
12 Isa si Ramiro sa mga naging maligaya dahil sa paglilingkod sa iba. Sinabi niya: “Mahirap lang kami at nakatira sa isang nayon sa Kabundukan ng Andes. Kaya nang alukin ako ni Kuya na pag-aaralin niya ako sa unibersidad, isang malaking oportunidad iyon. Pero kababautismo ko lang bilang Saksi ni Jehova, at may isa pang alok sa akin—inanyayahan ako ng isang payunir na sumama sa kaniya sa pangangaral sa isang maliit na bayan. Pumunta ako roon, nag-aral maggupit ng buhok, at nagbukas ng barberya para masuportahan ang sarili ko. Marami ang tumatanggap ng pag-aaral sa Bibliya. Nang maglaon, umugnay ako sa isang bagong-tatag na kongregasyon na gumagamit ng isang katutubong wika. Sampung taon na ako ngayon sa buong-panahong paglilingkod. Walang ibang propesyon ang makapagbibigay sa akin ng kagalakang naranasan ko sa pagtulong sa mga tao na malaman ang mabuting balita sa sarili nilang wika.”
Nagbagong-Anyo Ka Na Ba?
MAY malaking impluwensiya sa atin ang ating kinalakhan at kapaligiran, samakatuwid nga, ang ating mga kaibigan, kultura, at komunidad. Iyan ang dahilan kung bakit may mga gusto tayong pagkain, sariling istilo ng pananamit, at gumagawi tayo sa partikular na paraan.
2 Pero may mga bagay na mas mahalaga kaysa sa gusto nating pagkain at istilo ng damit. Halimbawa, depende sa ating kinalakhan kung ano ang itinuturing nating tama at katanggap-tanggap at kung ano naman ang hindi. Marami sa gayong mga bagay ay personal na desisyon at depende sa indibiduwal. Ang mga pasiya natin ay maaari pa ngang dahil sa idinidikta ng ating budhi. Sinasabi ng Bibliya na kadalasan, “ang mga tao ng mga bansa na walang kautusan ay likas na gumagawa ng mga bagay na nasa kautusan.” (Roma 2:14) Pero ibig bang sabihin, hangga’t walang malinaw na utos mula sa Diyos, basta na lang tayo susunod sa mga paggawi at pamantayang kinagisnan natin?
3 May dalawang mahahalagang dahilan kung bakit hindi ganiyan ang pamantayan ng mga Kristiyano. Una, pinaaalalahanan tayo ng Bibliya: “May daan na matuwid sa harap ng isang tao, ngunit ang mga daan ng kamatayan ang huling wakas nito.” (Kaw. 16:25) Dahil hindi tayo sakdal, limitado ang kakayahan nating alamin kung ano talaga ang pinakamabuti para sa atin. (Kaw. 28:26; Jer. 10:23) Ikalawa, ipinakikita ng Bibliya na ang mga kausuhan at pamantayan sa sanlibutan ay minamaniobra at kinokontrol ni Satanas, “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (2 Cor. 4:4; 1 Juan 5:19) Kaya naman kung gusto nating pagpalain tayo at sang-ayunan ni Jehova, kailangan nating sundin ang payo sa Roma 12:2.—Basahin.
Espirituwal na Hiyas
it-1 600 ¶4
Disiplina
Mga Resulta ng Pakikinig at ng Pagwawalang-bahala. Ipinakikita ng mga balakyot, mga mangmang, o niyaong mga salat sa moral ang kanilang pagkapoot sa disiplina ni Jehova sa pamamagitan ng lubusang pagtatakwil dito. (Aw 50:16, 17; Kaw 1:7) Ang masasamang resulta ng gayong kamangmangan ay nagsisilbing karagdagang disiplina, na kadalasa’y isang matinding kaparusahan. Gaya ng sabi ng isang kawikaan: “Ang pagdisiplina sa mga mangmang ay kamangmangan.” (Kaw 16:22) Maaari silang magdulot sa kanilang sarili ng karalitaan, kadustaan, sakit, at maging ng di-inaasahang kamatayan. Ipinakikita ng kasaysayan ng mga Israelita kung gaano kalaking pinsala ang maaaring sumapit sa isa. Hindi nila binigyang-pansin ang pagsaway at pagtutuwid ng mga propeta bilang disiplina sa kanila. Hindi sila tumugon nang disiplinahin sila ni Jehova sa pamamagitan ng pagkakait ng proteksiyon at pagpapala. Nang dakong huli, dinanas nila ang matinding disiplina na patiunang inihula, ang pananakop at pagpapatapon sa kanila.—Jer 2:30; 5:3; 7:28; 17:23; 32:33; Os 7:12-16; 10:10; Zef 3:2.
HUNYO 9-15
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 17
Kung Paano Mapapanatiling Maganda ang Pagsasama Ninyong Mag-asawa
Kung Paano Aalisin ang Hinanakit
Tapatang suriin ang iyong sarili. Sinasabi ng Bibliya na may mga taong “magagalitin” at “madaling magngalit.” (Kawikaan 29:22) Ganiyan ka ba? Tanungin ang sarili: ‘Ugali ko bang magkimkim ng sama ng loob? Madali ba akong magdamdam? May tendensiya ba akong palakihin ang maliliit na bagay?’ Sinasabi ng Bibliya na “siyang salita nang salita tungkol sa isang bagay ay naghihiwalay niyaong malalapít sa isa’t isa.” (Kawikaan 17:9; Eclesiastes 7:9) Puwede ring mangyari iyan sa mga mag-asawa. Kaya kung may tendensiya kang maghinanakit, tanungin ang sarili, ‘Puwede ba akong maging mas mapagpasensiya sa asawa ko?’—Simulain sa Bibliya: 1 Pedro 4:8.
Paglutas sa mga Problema
1. Magtakda ng panahon para pag-usapan ang problema. “Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon, . . . panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.” (Eclesiastes 3:1, 7) Gaya ng ipinakikita sa sagutan ng mag-asawa kanina, may mga problema na maaaring makapagpainit ng ulo. Kapag nagkaganito, kontrolin mo ang iyong sarili at tumigil muna—‘tumahimik’—bago sumiklab ang galit. Hindi lulubha ang problema kung susundin mo ang payo ng Bibliya: “Ang pasimula ng pagtatalo ay gaya ng isang nagpapakawala ng tubig; kaya bago sumiklab ang away, umalis ka na.”—Kawikaan 17:14.
Pero mayroon din namang “panahon ng pagsasalita.” Ang mga problema ay parang damong lumalago kapag napabayaan. Kaya huwag mong ipagwalang-bahala ang problema, sa pag-asang lilipas din ito. Kapag sinabi mong huwag munang pag-usapan ang problema, ipakita mo ang paggalang sa iyong kabiyak sa pamamagitan ng pagpili ng ibang panahon kung kailan ninyo ito pag-uusapan. Ang gayong pangako ay tutulong sa inyong mag-asawa na ikapit ang payo ng Bibliya: “Huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay pukáw sa galit.” (Efeso 4:26) Mangyari pa, dapat mong tuparin ang iyong pangako.
Espirituwal na Hiyas
it-2 338 ¶3
Mata, Paningin
Ang galaw ng mga mata ay malinaw na nagpapahayag ng damdamin ng isang indibiduwal. Ang mga ito ay maaaring magpakita ng habag o ng kawalan niyaon (Deu 19:13); maaaring ‘ikindat’ ang mga ito sa pang-aalipusta, o upang magpakana ng kataksilan. (Aw 35:19; Kaw 6:13; 16:30) Ang isa na ayaw tumupad o ayaw gumawa ng isang bagay para sa iba ay maaaring sabihing nagpipikit o nagkukubli ng kaniyang mga mata. (Mat 13:15; Kaw 28:27) Ang mga mata ng hangal ay sinasabing “nasa dulo ng lupa,” na nagpaparoo’t parito nang walang tiyak na tinatanaw, anupat ang kaniyang kaisipan ay kung saan-saan nakararating at hindi sa dapat nitong pagtuunan. (Kaw 17:24) Pati ang kalusugan, sigla, o kaligayahan ng isang tao ay makikita sa hitsura ng kaniyang mga mata. (1Sa 14:27-29; Deu 34:7; Job 17:7; Aw 6:7; 88:9) Sinabi ni Haring Jehosapat kay Jehova: “Ang aming mga mata ay nakatuon sa iyo.”—2Cr 20:12.
HUNYO 16-22
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 18
Patibayin ang mga May Problema sa Kalusugan
Sumisigaw ang Tunay na Karunungan
17 Mag-isip muna bago magsalita. Kung hindi tayo maingat, puwedeng makasakit ang mga sinasabi natin. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga salitang hindi pinag-isipan ay gaya ng mga saksak ng espada, pero ang dila ng marurunong ay nagpapagaling.” (Kaw. 12:18) Kapag iniiwasan nating itsismis ang pagkakamali ng iba, naiingatan natin ang magandang kaugnayan natin sa kanila. (Kaw. 20:19) Kung gusto nating makapagpatibay at hindi makasakit ang mga salita natin, dapat nating regular na basahin at pag-isipan ang Salita ng Diyos. (Luc. 6:45) Kapag ginawa natin iyan, ang mga pananalita natin ay magiging tulad ng ‘karunungang umaagos na gaya ng ilog,’ na nakakarepresko sa iba.—Kaw. 18:4.
mrt artikulo 19 kahon
Ano ang Puwede Mong Gawin Kapag Bigla Kang Nagkasakit?
Makinig sa kaniya. Ang isa sa pinakamagandang paraan para matulungan mo ang kaibigan mo ay ang makinig sa kaniya kapag gusto niyang magkuwento. Huwag mong isipin na kailangan mong magkomento sa lahat ng sasabihin niya. Madalas, ang kailangan lang niya ay ang makikinig sa kaniya. Unawain mo siya at huwag mo siyang husgahan. Huwag mong isipin na alam mo na ang nararamdaman ng kaibigan mo, lalo na kung hindi halata na may sakit siya.—Kawikaan 11:2.
Magsalita ng positibo. Baka hindi mo alam ang sasabihin mo, pero kung masasabi mo man lang na alam mong mahirap ang pinagdaraanan niya, mas mabuti pa rin iyon kaysa wala kang masabi. Puwede mo ring sabihin, “Hindi ko talaga alam kung ano’ng sasabihin ko, pero gusto kong malaman mo na nandito ako para sa ’yo.” Kahit simple lang basta mula sa puso, sapat na iyon. Iwasan ang mga pananalitang gaya ng “At least, ganiyan lang, y’ong iba nga . . . . ”
Maipapakita mong nagmamalasakit ka sa kaibigan mo kung aalamin mo ang tungkol sa sakit niya. Malamang na maa-appreciate niya ang pagsisikap mong maintindihan siya, at mas makakatulong din ang mga sasabihin mo. (Kawikaan 18:13) Pero huwag magbigay ng payo kung hindi naman niya ito hinihingi.
Magbigay ng praktikal na tulong. Huwag mong isipin na alam mo na kung ano ang maitutulong mo—mas maganda kung tatanungin mo siya. Pero tandaan na posibleng tanggihan niya ang tulong mo dahil ayaw niyang maging pabigat. Kung mangyari iyan, subukan pa ring mag-alok kung puwede kang mag-shopping para sa kaniya, maglinis, o gumawa ng iba pang gawain.—Galacia 6:2.
Huwag sumuko. Baka may mga panahon na hindi siya tumutupad sa usapan o ayaw niyang makipag-usap sa iyo dahil sa sakit niya. Maging mapagpasensiya at maunawain. Patuloy na ibigay ang tulong na kailangan niya.—Kawikaan 18:24.
Paano Matutulungan ang mga May Problema sa Mental na Kalusugan?
“Patibayin ang mga pinanghihinaan ng loob.”—1 TESALONICA 5:14.
Baka sobrang nag-aalala ang kaibigan mo o pakiramdam niya, wala siyang halaga. Pero kung titiyakin mo sa kaniya na nagmamalasakit ka, mapapatibay mo siya kahit hindi mo alam ang eksaktong sasabihin mo.
“Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon.”—KAWIKAAN 17:17.
Mag-alok ng praktikal na tulong. Sa halip na isiping alam mo na ang gagawin para makatulong, tanungin mo siya. Kung nahihirapan siyang sabihin kung ano ang kailangan niya, yayain mo siyang maglakad-lakad, samahan siya sa pagsa-shopping, paglilinis, o iba pang mga gawain.—Galacia 6:2.
“Maging mapagpasensiya.”—1 TESALONICA 5:14.
Baka hindi pa handang makipag-usap ang kaibigan mo. Tiyakin mo sa kaniya na handa kang makinig kapag gusto na niyang magkuwento. Dahil sa sakit ng kaibigan mo, baka may masabi siya o magawa na makakasakit sa iyo. Baka kanselahin pa nga niya ang mga plano ninyo o maging iritable. Maging maunawain at mapagpasensiya habang tinutulungan mo siya.—Kawikaan 18:24.
Espirituwal na Hiyas
it-2 766
Palabunot, Palabunutan
Ang pagpapalabunutan ay isang sinaunang kaugalian na ginagawa upang pagpasiyahan ang isang usaping pinagtatalunan. Sa pamamaraang ito, naghahagis ng maliliit na bato o maliliit na piraso o tapyas ng kahoy o ng bato sa loob ng mga tupi ng isang kasuutan, “ang kandungan,” o sa loob ng isang plorera, at pagkatapos ay inaalog ang mga iyon. Ang may-ari ng palabunot na nahulog o nabunot ang siyang napili. Tulad ng isang sumpa [sa Ingles, oath], ang palabunutan ay nagpapahiwatig ng panalangin. Ang panalangin ay alinman sa binibigkas o ipinahihiwatig, anupat hinihiling at inaasam na sana’y mamagitan si Jehova. Ang palabunot (sa Heb., goh·ralʹ) ay ginagamit sa literal at sa makasagisag na mga paraan anupat may diwa na “sukat,” “bahagi,” o “takdang bahagi.”—Jos 15:1; Aw 16:5; 125:3; Isa 57:6; Jer 13:25.
Mga Pinaggagamitan. Sinasabi ng Kawikaan 16:33: “Sa kandungan inihahagis ang palabunot, ngunit ang bawat pasiya sa pamamagitan nito ay mula kay Jehova.” Sa Israel, ang wastong gamit ng palabunutan ay upang wakasan ang isang kontrobersiya: “Ang palabunutan ay nagpapatigil ng mga pagtatalo, at pinaghihiwa-hiwalay nito kahit ang mga makapangyarihan.” (Kaw 18:18) Hindi ito ginamit para sa paglilibang, paglalaro, o pagsusugal. Walang kasangkot na taya, pustahan, o papremyo—walang natatalo o nananalo. Hindi ito ginagawa upang payamanin ang templo o ang mga saserdote, ni ginagawa man ito para sa kawanggawa. Kabaligtaran nito, makasariling pakinabang ang iniisip ng mga kawal na Romano nang magpalabunutan sila para sa mga kasuutan ni Jesus gaya ng inihula sa Awit 22:18.—Mat 27:35.
HUNYO 23-29
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 19
Maging Tunay na Kaibigan sa mga Kapatid
Paano Natin Mapapanatiling Masidhi ang Pag-ibig Natin sa Isa’t Isa?
16 Magpokus sa magagandang katangian ng mga kapatid; huwag sa mga negatibo. Isipin na nasa isang gathering ka kasama ng mga kapatid, at napakasaya ninyo. Bago kayo umuwi, nagpa-picture kayong lahat. Kumuha din kayo ng dalawa pang shot sakaling hindi maayos ang unang picture. Pero napansin mo na sa isang picture, nakasimangot ang isang brother. Ano ang gagawin mo? Idi-delete mo iyon kasi may dalawa pa namang picture na nakangiti ang lahat, kasama na ang brother.
17 Isipin na ang mga picture na iyon ay gaya ng mga bagay na gusto nating tandaan. Siyempre, mayroon tayong magagandang alaala kasama ang mga kapatid. Pero baka may pagkakataon na may nasabi o nagawang hindi maganda sa atin ang isang kapatid. Ano ang dapat nating gawin? Dapat nating kalimutan, o i-delete, ang alaalang iyon gaya ng gagawin natin sa isang picture. (Kaw. 19:11; Efe. 4:32) Puwede nating kalimutan ang maliit na pagkakamali sa atin ng kapatid kasi marami naman tayong magagandang alaala kasama siya. At ang mga iyon ang ayaw nating kalimutan.
Palalimin ang Pag-ibig Mo
10 Naghahanap din tayo ng mga paraan para tumulong sa mga kapatid. (Heb. 13:16) Tingnan ang karanasan ni Anna, na binanggit sa naunang artikulo. Pagkatapos ng malakas na bagyo, pinuntahan nilang mag-asawa ang bahay ng isang pamilyang Saksi at nakita nilang nawasak ang bubong nito. Dahil doon, walang maisuot na malinis na damit ang pamilya. Sinabi ni Anna: “Nilabhan namin ang mga damit nila at ibinalik namin nang plantsado at nakatupi. Maliit na bagay lang iyon para sa amin. Pero dahil doon, naging mas malapít kami sa kanila.” Nakatulong kay Anna at sa asawa niya ang pag-ibig sa mga kapatid para magbigay ng praktikal na mga tulong.—1 Juan 3:17, 18.
11 Kapag mabait tayo sa iba at ipinapakitang mahal natin sila, nakikita nila ang pagsisikap natin na tularan si Jehova. Baka higit pa sa iniisip natin ang pagpapahalaga nila dito. Naaalala ni Khanh, na binanggit kanina, ang mga tumulong sa kaniya. Sinabi niya: “Talagang nagpapasalamat ako sa mga sister na nagsasama sa akin sa ministeryo. Sinusundo nila ako, niyayaya ako sa meryenda o tanghalian, at inihahatid nila ulit ako sa bahay. Na-realize ko na hindi iyon madali. Pero masaya sila na gawin iyon.” Siyempre, hindi laging makakapagpasalamat ang iba sa ginagawa natin para sa kanila. Sinabi ni Khanh tungkol sa mga tumulong sa kaniya: “Sana masuklian ko ang lahat ng kabaitan nila sa akin. Kaya lang, hindi ko na alam kung saan sila nakatira ngayon. Pero alam ni Jehova kung nasaan sila, at ipinapanalangin ko na pagpalain niya sila sa kabutihan nila sa akin.” Tama si Khanh. Talagang nakikita ni Jehova ang ginagawa natin para sa iba, gaano man kaliit iyon. Para sa kaniya, isa itong handog at isang utang na siya ang magbabayad.—Basahin ang Kawikaan 19:17.
Patuloy na Magpakita ng Tapat na Pag-ibig sa Isa’t Isa
6 Sa ngayon, masasabing tapat na empleado ang isa kung matagal na siyang nagtatrabaho sa isang kompanya. Pero sa tagal niya roon, baka hindi pa niya nakikilala ang mga may-ari nito. Baka may mga patakaran din sa kompanya na ayaw niya. Hindi naman niya talaga gusto ang kompanya pero dahil binabayaran siya nito, masaya na rin siya. Patuloy siyang magtatrabaho roon hanggang sa magretiro siya, maliban na lang kung may mag-alok sa kaniya ng mas magandang posisyon sa ibang kompanya.
7 Ang kaibahan ng katapatan sa parapo 6 at ng tapat na pag-ibig ay ang motibo ng tao. Sa Bibliya, ano ang motibo ng mga lingkod ng Diyos sa pagpapakita nila ng tapat na pag-ibig? Ginawa nila iyon, hindi dahil obligado silang gawin iyon, kundi dahil gusto nila. Ganiyan ang naging halimbawa ni David. Nagpakita siya ng tapat na pag-ibig sa kaibigan niyang si Jonatan kahit gusto siyang patayin ng tatay nito. Kahit matagal nang namatay si Jonatan, patuloy na nagpakita si David ng tapat na pag-ibig sa anak ni Jonatan na si Mepiboset.—1 Sam. 20:9, 14, 15; 2 Sam. 4:4; 8:15; 9:1, 6, 7.
Espirituwal na Hiyas
it-2 884
Payo, Tagapayo
Si Jehova ang nagtataglay ng karunungan sa ganap na diwa nito. Siya lamang ang hindi nangangailangan ng sinumang magpapayo sa kaniya. (Isa 40:13; Ro 11:34) Ang kaniyang Anak ay nakagaganap bilang “Kamangha-manghang Tagapayo,” anupat naglalaan ng patnubay at pangangasiwa, dahil tumanggap siya ng payo mula sa kaniyang Ama at sinunod niya ito, at taglay niya ang espiritu ng Diyos. (Isa 9:6; 11:2; Ju 5:19, 30) Idiniriin nito na upang ang payo ay maging kapaki-pakinabang, kailangang isaalang-alang si Jehova. Walang kabuluhan ang anumang payo na sumasalungat sa Kataas-taasan. Hindi iyon maituturing na payo.—Kaw 19:21; 21:30.
HUNYO 30–HULYO 6
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 20
Kung Paano Magiging Matagumpay ang Pagliligawan at Pakikipagkasintahan
Ang Panahon ng Pagiging Magkasintahan
3 Totoo, masaya ang panahon ng pagiging magkasintahan. Pero seryosong hakbang din ito na papunta sa pag-aasawa. Sa panahon ng kasal, mananata sa harap ni Jehova ang lalaki at babae na mamahalin nila at irerespeto ang isa’t isa habang nabubuhay sila. Bago tayo gumawa ng anumang panata, dapat na pag-isipan natin itong mabuti. (Basahin ang Kawikaan 20:25.) Totoo rin iyan sa panata sa pag-aasawa. Tumutulong ang panahon ng pagiging magkasintahan para makilalang mabuti ng lalaki at babae ang isa’t isa at makagawa ng tamang desisyon. Minsan, ang tamang desisyon ay magpakasal; kung minsan naman, ang tamang desisyon ay maghiwalay. Kung naghiwalay ang magkasintahan, walang mali doon. Ipinapakita lang niyan na naging epektibo ang panahon ng pagiging magkasintahan nila—nakatulong iyon para makagawa sila ng tamang desisyon.
4 Bakit mahalagang magkaroon tayo ng tamang pananaw sa pagliligawan at pagiging magkasintahan? Kung tama ang pananaw ng isang tao tungkol dito, hindi siya manliligaw kung wala siyang intensiyong mag-asawa. Pero hindi lang ang mga single ang dapat magkaroon ng tamang pananaw dito—lahat tayo. Halimbawa, iniisip ng ilan na kapag magkasintahan na, wala nang ibang pupuntahan iyon kundi kasal. Ano ang epekto ng ganitong pananaw sa mga single na Kristiyano? Sinabi ni Melissa, isang single na sister na taga-United States: “Kapag magkasintahan na ang isang brother at isang sister, inaasahan na ng ibang kapatid na magpapakasal sila. Dahil dito, may ilang magkasintahan na natatakot maghiwalay kahit nakita na nilang hindi sila bagay sa isa’t isa. May ilan naman na hindi na lang nakipagligawan. Talagang nakaka-stress ito!”
Kung Paano Ka Makakahanap ng Mapapangasawa
8 Paano mo maoobserbahan ang isa nang hindi niya napapansin? Sa mga pulong o gathering, posibleng may mapansin ka sa espirituwalidad niya, katangian, at paggawi. Sino ang mga kaibigan niya, at ano ang bukambibig niya? (Luc. 6:45) Pareho ba kayo ng mga goal? Puwede kang magtanong sa mga elder nila sa kongregasyon o sa ibang may-gulang na Kristiyano na kilalang-kilala siya. (Kaw. 20:18) Puwede mong itanong kung ano ang mga katangian niya o kung anong reputasyon mayroon siya. (Ruth 2:11) Habang inoobserbahan mo siya, tiyakin mong hindi ka makagawa ng bagay na maiilang siya. Igalang mo ang nararamdaman niya at privacy niya.
Ang Panahon ng Pagiging Magkasintahan
7 Paano mo makikilala nang husto ang kasintahan mo? Magagawa mo ito kung mag-uusap kayo nang masinsinan, magiging totoo sa isa’t isa, at makikinig nang mabuti. (Kaw. 20:5; Sant. 1:19) Puwede kayong makapag-usap nang mabuti habang kumakain kayo, naglalakad sa lugar na maraming tao, o kapag nangangaral kayong magkasama. Mas makikilala rin ninyo ang isa’t isa kapag kasama ninyo ang mga kaibigan at pamilya ninyo. Bukod diyan, magplano ng mga gawain kung saan makikita mo kung paano gumagawi ang kasintahan mo sa iba’t ibang sitwasyon kasama ang iba’t ibang tao. Tingnan kung ano ang sinikap na gawin ni Aschwin, na taga-Netherlands, noong magkasintahan pa lang sila ni Alicia. Ikinuwento niya: “Naghahanap kami ng mga gawaing tutulong sa amin na mas makilala ang isa’t isa. Halimbawa, magkasama kaming nagluluto o gumagawa ng ilang simpleng gawain. Dahil dito, nakikita namin ang magagandang katangian at kahinaan ng isa’t isa.”
8 Mas makikilala rin ninyo ang isa’t isa kung pag-aaralan ninyong magkasama ang espirituwal na mga bagay. Kapag mag-asawa na kayo, kailangan ninyo ng panahon para sa family worship. Tutulong ito na maging mahalagang bahagi ng pagsasama ninyo ang Diyos. (Ecles. 4:12) Kaya ngayon pa lang, habang magkasintahan kayo, puwede na kayong mag-iskedyul ng panahon na mag-aral nang magkasama. Siyempre, hindi pa rin kayo maituturing na isang pamilya at hindi pa rin ulo ng sister ang brother. Pero makakatulong ang pag-aaral ninyong magkasama para makita ninyo ang espirituwalidad ng isa’t isa. May nakita pang pakinabang dito sina Max at Laysa, na taga-United States. Sinabi ni Max: “Noong bago pa lang kaming magkasintahan, pinag-aralan na agad namin ang mga publikasyon tungkol sa pagde-date, pag-aasawa, at buhay ng may pamilya. Dahil doon, napag-usapan namin ang maraming mahahalagang bagay na mahirap simulang pag-usapan.”
Espirituwal na Hiyas
it-2 171 ¶4
Lampara
Ayon sa Kawikaan 20:27, “ang hininga ng makalupang tao ay ang lampara ni Jehova, na maingat na sumasaliksik sa lahat ng mga kaloob-loobang bahagi ng tiyan.” Sa pamamagitan ng “inihihinga,” o ibinubulalas, ng isang tao, mabubuti o masasamang pananalita man, isinisiwalat o binibigyang-liwanag niya ang kaniyang personalidad o kaloob-loobang katauhan.—Ihambing ang Gaw 9:1.