ARALING ARTIKULO 30
Isang Hula na May Epekto sa Iyo
“Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae.”—GEN. 3:15.
AWIT 15 Purihin ang Panganay ni Jehova!
NILALAMANa
1. Ano agad ang ginawa ni Jehova pagkatapos magkasala nina Adan at Eva? (Genesis 3:15)
PAGKATAPOS magkasala nina Adan at Eva, nagbigay agad si Jehova ng pag-asa sa mga inapo nila sa pamamagitan ng isang hula. Makikita ang mga sinabi niya sa Genesis 3:15.—Basahin.
2. Bakit mahalaga ang hulang ito?
2 Ang hulang iyan ay nasa unang aklat ng Bibliya. Pero sa paanuman, may sinasabi rin tungkol sa hulang ito ang lahat ng iba pang aklat sa Bibliya. Kung paanong pinagsasama-sama ng glue o tahi ang lahat ng pahina ng isang aklat, pinagdurugtong ng Genesis 3:15 ang lahat ng aklat ng Bibliya para makabuo ng iisang mensahe. Ang mensaheng ito ay ang pagsusugo ng Diyos ng isang Tagapagligtas na pupuksa sa Diyablo at sa lahat ng tagasunod nito.b Isang pagpapala iyan para sa mga nagmamahal kay Jehova!
3. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
3 Sa artikulong ito, sasagutin natin ang sumusunod na mga tanong sa hula sa Genesis 3:15: Sino ang mga tauhan na binanggit dito? Paano natupad ang hulang ito? At paano ito makakatulong sa atin?
SINO ANG MGA TAUHAN SA HULANG ITO?
4. Sino ang “ahas,” at paano natin iyan nalaman?
4 Binanggit sa Genesis 3:14, 15 ang isang “ahas,” “supling” ng ahas, isang “babae,” at “supling” ng babae. Ipinapakilala ng Bibliya kung sino sila.c Una, ang “ahas.” Hindi maiintindihan ng isang literal na ahas ang sinabi ni Jehova sa hardin ng Eden. Kaya ang hinatulan ni Jehova ay tiyak na isang matalinong nilalang. Sino? Malinaw na ipinapakilala ng Apocalipsis 12:9 kung sino ang ahas na ito. Ang “orihinal na ahas” ay si Satanas na Diyablo. Sino naman ang supling ng ahas?
ANG AHAS
Si Satanas na Diyablo, na ipinakilala sa Apocalipsis 12:9 bilang ang “orihinal na ahas” (Tingnan ang parapo 4)
5. Sino ang supling ng ahas?
5 Kung minsan, ginagamit ng Bibliya ang salitang supling para tukuyin ang mga nag-iisip at kumikilos na gaya ng isa na tinutularan nila, at masasabing anak sila nito. Kaya tumutukoy ang supling ng ahas sa mga espiritung nilalang at mga tao na lumalaban sa Diyos na Jehova at sumasalansang sa bayan Niya, gaya ni Satanas. Kasama riyan ang mga anghel na iniwan ang mga atas nila sa langit noong panahon ni Noe, pati na ang masasamang tao na gumagawi na kagaya ng kanilang amang Diyablo.—Gen. 6:1, 2; Juan 8:44; 1 Juan 5:19; Jud. 6.
ANG SUPLING NG AHAS
Masasamang espiritung nilalang at mga tao na lumalaban sa Diyos na Jehova at sumasalansang sa Kaniyang bayan (Tingnan ang parapo 5)
6. Bakit hindi puwedeng si Eva ang “babae”?
6 Sino naman ang “babae”? Hindi siya puwedeng tumukoy kay Eva. Bakit? Isipin ito: Sinasabi ng hula na “dudurugin” ng supling ng babae ang ulo ng ahas. Gaya ng nalaman natin, ang ahas ay tumutukoy sa masamang anghel na si Satanas, at walang di-perpektong tao na supling ni Eva ang may kakayahang durugin siya. Kaya paano pupuksain si Satanas?
7. Ayon sa Apocalipsis 12:1, 2, 5, 10, sino ang babae na binanggit sa Genesis 3:15?
7 Sa huling aklat ng Bibliya, ipinakilala kung sino ang babae sa Genesis 3:15. (Basahin ang Apocalipsis 12:1, 2, 5, 10.) Hindi siya ordinaryong babae! May buwan sa ilalim ng mga paa niya at sa ulo niya ay may isang koronang gawa sa 12 bituin. Hindi pangkaraniwan ang anak na isinilang niya—ang Kaharian ng Diyos. Nasa langit ang Kaharian, kaya nasa langit din ang babae. Lumalarawan siya sa makalangit na bahagi ng organisasyon ni Jehova na binubuo ng tapat na mga espiritung nilalang.—Gal. 4:26.
ANG BABAE
Ang makalangit na bahagi ng organisasyon ni Jehova na binubuo ng kaniyang tapat na mga espiritung nilalang (Tingnan ang parapo 7)
8. Sino ang pangunahing supling ng babae, at kailan siya naging gayon? (Genesis 22:15-18)
8 Tinutulungan din tayo ng Salita ng Diyos na makilala ang pangunahing supling ng babae. Dapat na isa siyang inapo ni Abraham. (Basahin ang Genesis 22:15-18.) Gaya ng inihula, si Jesus ay inapo ng patriyarkang si Abraham. (Luc. 3:23, 34) Pero ang supling na ito ay mas makapangyarihan kaysa sa isang tao dahil lubusan niyang dudurugin si Satanas na Diyablo. At noong mga 30 taóng gulang si Jesus, ang Anak na ito ng Diyos ay pinahiran ng banal na espiritu. At mula noon, naging pangunahing bahagi siya ng supling ng babae. (Gal. 3:16) Nang mamatay at buhaying muli si Jesus, “kinoronahan [siya ng Diyos] ng kaluwalhatian at karangalan” at “ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa [kaniya] sa langit at sa lupa,” pati na ang awtoridad na “sirain ang mga gawa ng Diyablo.”—Heb. 2:7; Mat. 28:18; 1 Juan 3:8.
ANG SUPLING NG BABAE
Si Jesu-Kristo at ang 144,000 pinahiran na kasama niyang mamamahala (Tingnan ang parapo 8-9)
9-10. (a) Sino pa ang bahagi ng supling ng babae, at kailan sila nagiging gayon? (b) Ano ang susunod na tatalakayin natin?
9 Pero may pangalawahing bahagi ang supling. Ipinakilala ito ni apostol Pablo nang sabihin niya sa mga Judio at Gentil na naging mga pinahirang Kristiyano: “Kung kayo ay kay Kristo, talagang supling kayo ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa pangako.” (Gal. 3:28, 29) Kapag pinahiran ni Jehova ng banal na espiritu ang isang Kristiyano, nagiging bahagi siya ng supling ng babae. Kaya ang supling ay tumutukoy kay Jesu-Kristo at sa 144,000 na kasama niyang tagapamahala. (Apoc. 14:1) Silang lahat ay nag-iisip at kumikilos kagaya ng kanilang Ama, ang Diyos na Jehova.
10 Ngayong nakilala na natin ang mga tauhan sa Genesis 3:15, talakayin naman natin kung paano unti-unting tinutupad ni Jehova ang hulang ito at kung paano tayo nakikinabang.
PAANO NATUPAD ANG HULA?
11. Paano masasabing nasugatan “sa sakong” ang supling ng babae?
11 Ayon sa hula sa Genesis 3:15, susugatan ng ahas “sa sakong” ang supling ng babae. Natupad iyan nang impluwensiyahan ni Satanas ang mga Judio at Romano na ipapatay ang Anak ng Diyos. (Luc. 23:13, 20-24) Kapag nasugatan tayo sa sakong, pansamantala tayong hindi makakalakad. Ganiyan din nang mamatay si Jesus. Wala siyang nagawang anuman habang nasa libingan siya sa loob ng tatlong araw.—Mat. 16:21.
12. Paano at kailan dudurugin ang ulo ng ahas?
12 Ipinapakita ng hula sa Genesis 3:15 na hindi mananatiling nasa libingan si Jesus. Bakit? Dahil ayon sa hula, dudurugin ng supling ang ulo ng ahas. Ibig sabihin, kailangang gumaling ang sugat ni Jesus sa sakong. At ganiyan nga ang nangyari! Tatlong araw pagkamatay ni Jesus, binuhay-muli siya bilang imortal na espiritu. Sa takdang panahon ng Diyos, lubusang dudurugin ni Jesus si Satanas. (Heb. 2:14) Pupuksain ni Kristo at ng mga kasama niyang mamamahala ang lahat ng kaaway ng Diyos—ang supling ng ahas.—Apoc. 17:14; 20:4, 10.d
PAANO TAYO MAKIKINABANG SA HULANG ITO?
13. Paano tayo nakikinabang sa katuparan ng hulang ito?
13 Kung isa kang nakaalay na lingkod ng Diyos, makikinabang ka sa katuparan ng hulang ito. Bumaba si Jesus sa lupa bilang tao. Natularan niya nang eksaktong-eksakto ang personalidad ng kaniyang Ama. (Juan 14:9) Dahil sa kaniya, nakilala natin at minahal ang Diyos na Jehova. Makikinabang din tayo sa mga turo ni Jesus at sa patnubay niya habang pinangungunahan niya ang kongregasyong Kristiyano sa ngayon. Tinuruan din niya tayo kung paano mamumuhay para mapasaya si Jehova. At dahil namatay si Jesus, o sinugatan sa sakong, lahat tayo ay nakinabang. Paano? Nang buhaying muli si Jesus, tinanggap ni Jehova ang dugo ng kaniyang Anak bilang perpektong handog na ‘naglilinis sa lahat ng kasalanan’ natin.—1 Juan 1:7.
14. Dapat bang asahan ng mga tao na agad na matutupad ang hula sa Eden? Ipaliwanag.
14 Ipinapahiwatig ng mga sinabi ni Jehova sa Eden na kailangan ng panahon bago lubusang matupad ang hulang ito. Kailangan ng panahon para maipanganak ng babae ang ipinangakong supling, para magkaroon ng mga tagasunod ang Diyablo, at para magkaroon ng alitan sa pagitan ng dalawang grupong ito. Kung naiintindihan natin ang hulang ito, makikinabang tayo dahil nagbababala ito na kapopootan ng mundong kontrolado ni Satanas ang mga mananamba ni Jehova. Nang maglaon, ganiyan din ang babalang ibinigay ni Jesus sa mga alagad niya. (Mar. 13:13; Juan 17:14) Kitang-kita natin ang katuparan ng bahaging iyan ng hula, lalo na nitong nakaraang 100 taon. Bakit natin nasabi iyan?
15. Bakit lalong tumindi ang galit ng sanlibutan sa bayan ng Diyos, pero bakit hindi tayo dapat matakot kay Satanas?
15 Matapos iluklok si Jesus bilang Mesiyanikong Hari noong 1914, pinalayas si Satanas sa langit. Nandito na siya ngayon sa lupa, at naghihintay ng kaniyang pagkapuksa. (Apoc. 12:9, 12) Pero hindi siya naghihintay nang walang ginagawa. Galit na galit si Satanas kaya ibinubuhos niya ang galit niya sa bayan ng Diyos. (Apoc. 12:13, 17) Dahil dito, lalo pang tumindi ang galit ng sanlibutan ni Satanas sa bayan ng Diyos. Pero wala tayong dahilan para matakot kay Satanas at sa mga tagasunod niya. Nagtitiwala tayo kagaya ni apostol Pablo. Isinulat niya: “Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang lalaban sa atin?” (Roma 8:31) Lubos tayong makakapagtiwala kay Jehova kasi gaya ng nakikita natin, natutupad na ang malaking bahagi ng hula sa Genesis 3:15.
16-18. Paano nakinabang sina Curtis, Ursula, at Jessica nang maunawaan nila ang Genesis 3:15?
16 Makakatulong ang pangako ni Jehova sa Genesis 3:15 para makayanan natin ang anumang pagsubok. Sinabi ni Curtis na isang misyonero sa Guam: “Kung minsan, may mga nararanasan ako na sumusubok sa katapatan ko kay Jehova. Pero nakatulong sa akin ang hula sa Genesis 3:15 para patuloy na magtiwala sa aking Ama sa langit.” Inaasam-asam ni Curtis ang araw na wawakasan na ni Jehova ang lahat ng pagsubok.
17 Sinabi naman ni Ursula, isang sister sa Bavaria, na nakatulong sa kaniya ang Genesis 3:15 para maniwalang ang Bibliya ay talagang mula sa Diyos. Nakita niya kung ano ang kaugnayan ng lahat ng iba pang hula sa hulang ito, at talagang humanga siya rito. Sinabi pa niya: “Na-touch ako nang malaman ko na kumilos agad si Jehova para magkaroon ng pag-asa ang mga tao.”
18 Sinabi naman ni Jessica na taga-Micronesia: “Tandang-tanda ko pa ang naramdaman ko nang matagpuan ko ang katotohanan! Natutupad na ang Genesis 3:15. Ipinaalala nito sa akin na hindi ito ang tunay na buhay. Pinatibay nito ang pananampalataya ko na ang paglilingkod kay Jehova ang makapagbibigay sa atin ng pinakamagandang buhay ngayon at sa hinaharap.”
19. Bakit tayo makakatiyak na matutupad ang huling bahagi ng hula?
19 Gaya ng nakita natin, natutupad na ang Genesis 3:15. Malinaw nang natukoy kung sino ang supling ng babae at supling ng ahas. Gumaling ang sugat sa sakong ni Jesus, ang pangunahing bahagi ng supling ng babae. At ngayon ay isa na siyang makapangyarihan at imortal na Hari. Napili na rin ni Jehova ang halos lahat ng kabilang sa pangalawahing bahagi ng supling. Dahil natupad na ang unang bahagi ng hula, makakapagtiwala tayo na ang huling bahagi nito, ang pagdurog sa ulo ng ahas, ay matutupad din. Siguradong magsasaya ang mga lingkod ng Diyos kapag pinuksa na si Satanas! Habang hinihintay nating mangyari iyon, huwag tayong susuko. Makakapagtiwala tayo sa Diyos natin. Sa pamamagitan ng supling ng babae, ibubuhos niya ang mga pagpapala sa “lahat ng bansa sa lupa.”—Gen. 22:18.
AWIT 23 Nagsimula Nang Mamahala si Jehova
a Hindi natin lubusang maiintindihan ang Bibliya kung hindi natin nauunawaan ang hula sa Genesis 3:15. Sa pag-aaral tungkol sa hulang ito, mapapatibay ang pananampalataya natin kay Jehova at lalo tayong magtitiwala na tutuparin niya ang lahat ng pangako niya.
b Tingnan ang Apendise B1, “Ang Mensahe ng Bibliya,” sa Bagong Sanlibutang Salin.
c Tingnan ang kahong “Mga Tauhan sa Genesis 3:14, 15.”
d Tingnan ang kahong “Mahahalagang Pangyayari Bilang Katuparan ng Genesis 3:15.”