TALAMBUHAY
Panatag Ako Kasi Nagtitiwala Ako kay Jehova
KAPAG tinatanong ako ng mga tao tungkol sa naging buhay ko, madalas, sinasabi ko sa kanila, “Para akong bag ni Jehova!” Ibig kong sabihin, kung paanong dinadala ko ang bag ko kung saan ko gustong pumunta, gusto ko na ganiyan din ang gawin sa akin ni Jehova at ng organisasyon niya—dalhin ako kung saan nila gusto at kung kailan. Tinanggap ko ang mahihirap na atas, kahit pa nga manganib ang buhay ko. Pero nakita ko na magiging panatag lang ako kung magtitiwala ako kay Jehova.
KUNG PAANO KO NAKILALA SI JEHOVA
Ipinanganak ako noong 1948 sa isang maliit na nayon sa timog-kanluran ng Nigeria. Noong panahong iyon, nabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova si Tito Moustapha, ang mas batang kapatid ni Tatay, at pagkatapos, si Kuya Wahabi, ang panganay namin. Namatay si Tatay noong nine ako. Lungkot na lungkot ako noon. Sinabi sa akin ni Kuya Wahabi na makikita namin ulit si Tatay kapag binuhay itong muli. Dahil diyan, napakilos akong mag-aral ng Bibliya. Nabautismuhan ako noong 1963. Di-nagtagal, nabautismuhan din ang tatlo ko pang kapatid.
Noong 1965, sumama ako sa kuya kong si Wilson sa Lagos at nakasama ko ang mga regular pioneer sa Igbobi Congregation. Nag-enjoy talaga ako doon! Nahawa ako sa saya at sigasig nila. Kaya noong Enero 1968, nagpayunir din ako.
Nagsaayos si Albert Olugbebi, isang brother sa Bethel, ng isang espesyal na miting kasama kaming mga kabataan. Sinabi niya na kailangan ng mga special pioneer sa hilagang Nigeria. Naaalala ko pa rin ang sinabi ni Brother Olugbebi: “Bata pa kayo. Puwede pa ninyong gamitin ang panahon at lakas ninyo para kay Jehova. Malaki ang gawain!” Gustong-gusto kong tularan si propeta Isaias, kaya nag-apply ako.—Isa. 6:8.
Noong Mayo 1968, naatasan akong maging special pioneer sa Kano, isang lunsod sa hilagang Nigeria. Nangyari ito noong panahon ng Biafran War (1967-1970). Napakaraming nagdusa at namatay dahil sa giyera. Pagkatapos, lumipat naman ito sa silangan ng Nigeria. Kinukumbinsi ako ng isang brother na huwag na akong pumunta sa atas ko. Sinabi ko sa kaniya: “Salamat sa malasakit mo. Pero kung inatasan ako ni Jehova na maglingkod doon, siguradong tutulungan niya ako.”
NAGTIWALA AKO KAY JEHOVA SA ISANG LUGAR NA NAPINSALA NG GIYERA
Nakakalungkot ang nangyari sa Kano. Sinira ng giyera sibil ang malaking lunsod na ito. Habang nasa ministeryo, nakakakita kami kung minsan ng mga bangkay ng mga taong napatay sa giyera. May ilang kongregasyon noon sa Kano, pero nag-alisan na ang karamihan sa mga kapatid. Wala pang 15 ang naiwan. Takot na takot sila at pinanghihinaan ng loob. Pero tuwang-tuwa sila nang dumating kaming anim na special pioneer. Nakatulong sa kanila ang pampatibay namin. Natulungan namin sila na ibalik ang espirituwal na rutin nila. Inirereport na rin nila ulit sa sangay ang mga paglilingkod nila, at nagre-request na ulit sila ng mga literatura.
Pinag-aralan naming mga special pioneer ang wikang Hausa. Marami ang nakinig sa amin kasi narinig nila ang mensahe ng Kaharian sa sarili nilang wika. Pero ayaw ng mga miyembro ng pinakamalaking relihiyon sa Kano ang pangangaral namin, kaya kailangan naming mag-ingat. Minsan, sa ministeryo, hinabol kami ng kapartner ko ng isang lalaking may kutsilyo. Buti na lang, mas mabilis kaming tumakbo sa kaniya! Kahit may mga panganib, ‘binigyan kami ni Jehova ng kapanatagan’ at dumami ang bilang ng mga mamamahayag. (Awit 4:8) Sa ngayon, mahigit 500 na ang mamamahayag sa 11 kongregasyon sa Kano.
PINAG-USIG KAMI SA NIGER
Naglilingkod bilang special pioneer sa Niamey, Niger
Mga ilang buwan pa lang ako sa Kano, noong Agosto 1968, ipinadala ako sa Niamey, ang kabisera ng Republic of Niger, na nasa West Africa. May kasama akong dalawa pang special pioneer. Nalaman namin na isa pala ang Niger sa pinakamainit na lugar sa buong mundo. Kailangan din naming pag-aralan ang French, ang opisyal na wika doon. Kahit mahirap ang sitwasyon, nagtiwala kami kay Jehova at nangaral kami sa Niamey kasama ang ilang kapatid na tagaroon. Sa maikling panahon lang, halos lahat ng taga-Niamey na marunong magbasa ay nabigyan na ng kopya ng Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, ang aklat na ginagamit sa Bible study. Mayroon pa ngang pumupunta sa amin para humingi ng aklat!
Di-nagtagal, nalaman namin na ayaw ng mga awtoridad sa mga Saksi ni Jehova. Noong Hulyo 1969, ginanap ang pinakaunang pansirkitong asamblea sa Niger; mga 20 ang dumalo. Excited na kami sa bautismo ng dalawang mamamahayag. Pero noong unang araw ng asamblea, may dumating na mga pulis at pinahinto nila ang programa. Dinala nila kaming mga special pioneer at ang tagapangasiwa ng sirkito sa istasyon ng pulis. Pagkatapos nila kaming pagtatanungin, pinapabalik nila kami kinabukasan. Nag-alala kami na baka manggulo ang mga pulis, kaya isinaayos namin na gawin sa isang bahay ang pahayag sa bautismo at palihim naming binautismuhan sa ilog ang mga kandidato.
Pagkalipas ng ilang linggo, pinapaalis na ako ng Ministry of the Interior at ang lima pang special pioneer sa Niger. Binigyan nila kami ng 48 oras para makaalis sa bansa, at kami na ang bahalang maghanap ng masasakyan namin. Sumunod kami. Agad kaming pumunta sa tanggapang pansangay sa Nigeria, at binigyan kami doon ng bagong atas.
Inatasan ako sa Orisunbare, isang nayon sa Nigeria. Nag-enjoy ako sa ministeryo doon kasama ang ilang kapatid na tagaroon. Pero pagkalipas ng anim na buwan, inatasan ako ng tanggapang pansangay na bumalik sa Niger nang mag-isa. Nagulat ako at kinabahan noong una, pero gustong-gusto ko nang makita ulit ang mga kapatid sa Niger!
Bumalik ako sa Niamey. Pagdating ko doon, kinabukasan, isang negosyanteng Nigerian ang nakapansin na isa akong Saksi. May mga tanong siya tungkol sa Bibliya. Nag-Bible study kami. Kaya inihinto niya ang paninigarilyo at paglalasing, at pagkatapos, nagpabautismo siya. Masaya ako na nagkaroon ako ng bahagi sa pangangaral sa iba’t ibang lugar sa Niger at makita ang pagsulong doon. Noong una akong dumating doon, 31 lang ang Saksi sa bansa; pag-alis ko, 69 na.
“WALA KAMING MASYADONG ALAM SA GAWAIN SA GUINEA”
Noong Disyembre 1977, bumalik ako sa Nigeria para tumanggap ng pagsasanay. Pagkatapos ng tatlong-linggong pagsasanay, may ipinabasang sulat sa akin ang koordineytor ng Komite ng Sangay, si Malcolm Vigo. Galing sa sangay sa Sierra Leone ang sulat. Naghahanap sila ng isang brother na single, payunir, maganda ang kalusugan, at nakakapagsalita ng English at French para maging tagapangasiwa ng sirkito sa Guinea. Sinabi ni Brother Vigo na para doon ang pagsasanay ko. Idiniin niya na mahirap ang atas na iyon. Sinabi niya, “Pag-isipan mo munang mabuti bago mo tanggapin.” Pero agad akong sumagot, “Si Jehova ang nagbigay sa akin ng atas, kaya pupunta ako.”
Pumunta ako sa Sierra Leone at nakausap ko ang mga kapatid sa tanggapang pansangay. Sinabi sa akin ng isang miyembro ng Komite ng Sangay, “Wala kaming masyadong alam sa gawain sa Guinea.” Magulo ang sitwasyon sa politika sa lugar na iyon. Kaya kahit nasa pangangasiwa ng sangay sa Sierra Leone ang Guinea, hindi nila nakakausap ang mga kapatid doon. Ilang beses sinubukan ng sangay na magpadala ng brother doon, pero hindi iyon naging posible. Kaya pinapunta ako sa Conakry, ang kabisera ng Guinea, para subukang kumuha ng residency.
“Si Jehova ang nagbigay sa akin ng atas, kaya pupunta ako”
Pagdating ko sa Conakry, pumunta ako sa Nigerian embassy at nakausap ko ang ambassador. Sinabi ko sa kaniya na gusto kong mangaral sa Guinea. Pero sinabi niya na umalis na ako doon kasi baka maaresto ako o mas malala pa ang mangyari sa akin. Sinabi niya: “Bumalik ka na sa Nigeria. Doon ka na lang mangaral.” Pero sinabi ko, “Hindi po ako aalis.” Kaya sinulatan niya ang Minister of the Interior ng Guinea para tulungan ako, at tinulungan nga ako nito.
Di-nagtagal, bumalik ako sa tanggapang pansangay sa Sierra Leone at sinabi ko ang desisyon ng minister. Napasigaw sa tuwa ang mga brother nang malaman nilang pinagpala ni Jehova ang paglalakbay ko. Nabigyan ako ng residency sa Guinea!
Nasa gawaing pansirkito sa Sierra Leone
Mula 1978 hanggang 1989, naglingkod ako sa gawaing pansirkito sa Guinea at Sierra Leone at naging substitute circuit overseer sa Liberia. Madalas akong magkasakit noong una, minsan, sa liblib na mga lugar pa. Pero talagang gumagawa ng paraan ang mga kapatid para madala ako sa ospital.
Minsan, nagkaroon ako ng malalang malaria at ng mga bulati sa katawan. Noong gumaling ako, nalaman ko na pinag-uusapan na pala ng mga kapatid kung saan ako ililibing! Kahit may ganitong mga sitwasyon, hindi ko naisip na iwan ang mga atas ko. Kasi kumbinsido ako na kaya tayong ingatan ng Diyos at kahit mamatay tayo, kaya niya tayong buhaying muli.
NAGTIWALA KAMI NG ASAWA KO KAY JEHOVA
Noong araw ng kasal namin noong 1988
Noong 1988, nakilala ko si Dorcas, isang payunir na napakamapagpakumbaba at mahal na mahal si Jehova. Nagpakasal kami, at sinamahan niya ako sa gawaing pansirkito. Napakamapagmahal at mapagsakripisyo niya. Para makapunta sa mga kongregasyon, magkasama kaming naglalakad nang hanggang 25 kilometro dala ang mga gamit namin. Kapag mas malayo ang kongregasyon, sinasakyan namin ang anumang puwedeng masakyan. Maputik at lubak-lubak ang mga dinadaanan namin.
Malakas ang loob ni Dorcas. Halimbawa, may mga pagkakataon na kailangan naming tumawid sa ilog na maraming buwaya. Minsan, naglakbay kami nang limang araw. Pero dahil sira ang mga tulay, kailangan naming magbangka. Noong tumayo si Dorcas para bumaba sa bangka, nahulog siya sa tubig. Malalim ang ilog, at pareho kaming hindi marunong lumangoy. Mayroon ding mga buwaya doon. Buti na lang, may mga kabataang sumagip sa kaniya! Ilang beses din naming napanaginipan ang nangyari, pero nagpatuloy kami sa atas namin.
Mga regalo sa amin ang mga anak naming sina Jahgift at Eric
Noong 1992, nagulat kami nang malaman naming buntis si Dorcas. Makakapaglingkod pa kaya kami nang buong panahon? Ang sabi namin, “Binigyan kami ni Jehova ng regalo!” Kaya Jahgift ang ipinangalan namin sa anak namin. Pagkalipas ng apat na taon, nasundan si Jahgift—si Eric. Talagang regalo sa amin ni Jehova ang dalawang anak namin! Nakapaglingkod nang ilang panahon si Jahgift sa remote translation office sa Conakry, at ministeryal na lingkod naman si Eric.
Kahit kinailangang huminto ni Dorcas sa pagiging special pioneer, nagpatuloy siya bilang regular pioneer habang pinapalaki ang mga anak namin. Sa tulong ni Jehova, nakapagpatuloy ako bilang special pioneer. Noong malaki na ang mga anak namin, naging special pioneer na ulit si Dorcas. Sa ngayon, pareho kaming naglilingkod bilang mga misyonero sa Conakry.
ANG MAKAKAPAGBIGAY NG TUNAY NA KAPANATAGAN
Lagi akong pumupunta saan man ako atasan ni Jehova. Madalas naming nararamdaman ng asawa ko ang proteksiyon Niya at pagpapala. Dahil nagtiwala kami kay Jehova imbes na sa materyal na mga bagay, nakaiwas kami sa maraming problema. Sa karanasan namin ni Dorcas, napatunayan namin na ang makakapagbigay lang ng tunay na kapanatagan ay si Jehova, ang “Diyos na [ating] tagapagligtas.” (1 Cro. 16:35) Sigurado ako na ang buhay ng lahat ng nagtitiwala sa kaniya ay “iingatang mabuti ni Jehova na [ating] Diyos sa sisidlan ng buhay.”—1 Sam. 25:29.