Tama at Mali: Resulta ng Pagsunod sa Payo ng Bibliya
Milyon-milyon ang nagtitiwala sa mga payo ng Bibliya. Tingnan ang apat na bahagi ng buhay kung saan sila natulungan ng mga payo nito.
1. Pag-aasawa
Iba-iba ang tingin ng mga tao tungkol sa pag-aasawa at kung paano magiging masaya ang pagsasama ng mag-asawa.
SINASABI NG BIBLIYA: “Mahalin ng bawat isa sa inyo ang kaniyang asawang babae gaya ng sarili niya; ang asawang babae naman ay dapat magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.”—Efeso 5:33.
IBIG SABIHIN: Galing sa Diyos ang pag-aasawa, kaya alam niya kung ano ang kailangan nila para maging masaya. (Marcos 10:6-9) Kapag iniisip ng mag-asawa ang maibibigay nila at hindi ang makukuha nila sa isa’t isa, magiging masaya sila. Magagawa ito ng asawang lalaki kung mabait siya sa asawa niya at inaalagaan ito. Magagawa naman ito ng asawang babae kung nirerespeto niya ang asawa niya sa salita at gawa.
RESULTA NG PAGSUNOD SA PAYO NG BIBLIYA: Hindi masaya noon ang pagsasama nina Quang at Thi na taga-Vietnam. Hindi mabait si Quang sa asawa niya. Sabi niya: “Wala akong pakialam sa nararamdaman ni Thi at madalas ko siyang ipahiya.” Kaya gusto ni Thi na makipagdiborsiyo. Sabi niya: “Wala na talaga akong respeto o tiwala sa asawa ko.”
Pero nalaman nina Quang at Thi ang itinuturo ng Bibliya at kung paano nila isasabuhay ang Efeso 5:33. “Nakita ko sa tekstong ’to na kailangan ko palang maging mabait,” ang sabi ni Quang. “Kailangan kong iparamdam kay Thi na mahal ko siya at ibigay ang materyal, pisikal, at emosyonal na pangangailangan niya. Nang gawin ko iyon, nakuha ko ang pagmamahal at respeto n’ya.” Sinabi naman ni Thi, “Habang sinusunod ko ang Efeso 5:33 at nirerespeto ang asawa ko, mas minamahal n’ya ako at pinoprotektahan, kaya naging panatag kami.”
Para sa iba pang impormasyon tungkol sa pag-aasawa, basahin sa jw.org ang Gumising! Blg. 2 2018, na may pamagat na “12 Sekreto ng Matagumpay na Pamilya.”
2. Pakikitungo sa Iba
Madalas na hindi maganda ang pakikitungo ng mga tao sa iba dahil sa kanilang lahi, hitsura, relihiyon, o kasarian.
SINASABI NG BIBLIYA: “Bigyang-dangal ninyo ang lahat ng uri ng tao.”—1 Pedro 2:17.
IBIG SABIHIN: Hindi sinasabi ng Bibliya na dapat nating ayawan ang mga homoseksuwal o ang mga taong iba ang lahi. Sinasabi kasi nito na dapat nating respetuhin ang lahat ng uri ng tao anuman ang lahi nila, o katayuan sa buhay. (Gawa 10:34) Kaya kahit iba ang paniniwala nila o paraan ng pamumuhay, puwede pa rin tayong maging mabait at magalang sa kanila.—Mateo 7:12.
RESULTA NG PAGSUNOD SA PAYO NG BIBLIYA: Itinuring ni Daniel na banta sa bansa nila ang mga taong mula sa Asia. Naiinis siya sa kanila at madalas niya silang insultuhin. “Makabayan kasi ako,” ang sabi niya. “Hindi ko naisip no’n na mali pala ang ginagawa ko.”
Pero nalaman ni Daniel ang itinuturo ng Bibliya. “Kailangan ko palang baguhin ang paraan ng pag-iisip ko,” ang sabi niya. “Kailangan ko palang ituring ang iba kung paano sila itinuturing ng Diyos. Para kasi sa Diyos, pantay-pantay tayo saanman tayo nagmula.” Iba na ang pakikitungo ni Daniel ngayon kapag may nakikilala siya. Sabi niya: “Madalas, hindi ko na iniisip kung saan sila nagmula. Nirerespeto ko na ang lahat ng uri ng tao. May mga kaibigan pa nga ako mula sa iba’t ibang bansa.”
Para sa iba pang impormasyon, basahin sa jw.org ang Gumising! Blg. 3, 2020, na may pamagat na “Maaalis Pa Ba ang Diskriminasyon?”
3. Pera
Iniisip ng maraming tao na kapag mayaman sila, magiging mas masaya sila at magkakaroon ng mas magandang kinabukasan.
SINASABI NG BIBLIYA: “Ang karunungan ay proteksiyon kung paanong ang pera ay proteksiyon, pero ito ang kahigitan ng kaalaman: Iniingatan ng karunungan ang buhay ng nagtataglay nito.”—Eclesiastes 7:12.
IBIG SABIHIN: Kailangan natin ang pera. Pero hindi ito garantiya na magiging masaya tayo o magkakaroon ng magandang kinabukasan. (Kawikaan 18:11; 23:4, 5) Mangyayari lang iyan kung susundin natin ang mga payo ng Diyos na nasa Bibliya.—1 Timoteo 6:17-19.
RESULTA NG PAGSUNOD SA PAYO NG BIBLIYA: Nagpayaman si Cardo na taga-Indonesia. “Nasa akin na ang lahat ng pinapangarap ng karamihan ng mga tao,” ang sabi niya. “Nakakapunta ako sa iba’t ibang lugar, at nakakabili ng mamahaling gamit, sasakyan, at bahay.” Pero hindi nagtagal ang lahat ng iyon. “Niloko ako! At sa isang iglap, nawala ang lahat ng perang pinaghirapan ko,” ang sabi ni Cardo. “Ilang taon din akong nagsikap para yumaman. Pero no’ng bandang huli, pakiramdam ko bale-wala ang lahat ng ginawa ko at na wala akong halaga.”
Sinunod ni Cardo ang payo ng Bibliya tungkol sa pera. Imbes na ubusin ang lakas niya sa pagpapayaman, namuhay siya nang simple. “Pakiramdam ko mayaman na talaga ako, kasi may malapít na kaugnayan na ako sa Diyos,” ang sabi niya. “Masarap na ang tulog ko sa gabi, at masayang-masaya ako.”
Para sa higit pang impormasyon sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa pera, basahin sa jw.org ang artikulong “Garantiya Ba ang Edukasyon at Pera?” sa Bantayan Blg. 3 2021.
4. Pakikipag-sex
Iba-iba ang opinyon ng mga tao tungkol sa sex.
SINASABI NG BIBLIYA: “Umiwas sa seksuwal na imoralidad. Dapat na alam ng bawat isa sa inyo kung paano kontrolin ang kaniyang katawan para mapanatili itong banal at marangal, na hindi nagpapadala sa sakim at di-makontrol na seksuwal na pagnanasa, gaya ng ginagawa ng mga bansa na hindi nakakakilala sa Diyos.”—1 Tesalonica 4:3-5.
IBIG SABIHIN: Sinasabi ng Bibliya na may limitasyon pagdating sa pakikipag-sex. Kasama sa “seksuwal na imoralidad” ang pangangalunya, prostitusyon, pakikipag-sex sa hindi asawa, homoseksuwalidad, at bestiyalidad. (1 Corinto 6:9, 10) Regalo ng Diyos sa isang lalaki at babaeng mag-asawa ang sex.—Kawikaan 5:18, 19.
RESULTA NG PAGSUNOD SA PAYO NG BIBLIYA: Sinabi ni Kylie na taga-Australia: “Noong single pa ’ko, akala ko mararamdaman ko ang pagmamahal at magiging panatag ako kapag nakipag-sex ako. Pero iba ang nangyari. Nasaktan lang ako at nawala ang tiwala ko sa sarili.”
Nalaman ni Kylie ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa sex at sinunod niya iyon. “Nakita ko na para sa ikakabuti natin ang mga pamantayan ng Diyos,” ang sabi niya. “Panatag na ako ngayon at nakakaramdam ng pagmamahal. Nakatulong ang mga payo ng Bibliya para ’di ako masaktan!”
Para sa iba pang impormasyon, basahin sa jw.org ang artikulong “Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pagli-live-in?”
Tinutulungan tayo ng ating Maylalang na malaman kung ano ang tama at mali. Hindi laging madaling sundin ang mga payo niya. Pero sulit iyon kasi lagi tayong makakapagtiwala na para sa ikakabuti natin iyon.