Alam Mo Ba?
Noong unang siglo, paano itinatapon ng mga saserdote ang dugo ng mga hayop na inihahandog sa altar?
NOONG unang siglo, naghahandog taon-taon ang mga saserdote sa Israel ng libo-libong hayop sa altar ng templo. Ayon sa Judiong istoryador noong unang siglo na si Josephus, mahigit 250,000 kordero ang inihahandog kapag Paskuwa. Dahil diyan, napakaraming dugo ang umaagos mula sa altar. (Lev. 1:10, 11; Bil. 28:16, 19) Paano itinatapon ang lahat ng dugong iyon?
Hinukay ng mga archaeologist ang palibot ng templo ni Herodes, na ginamit hanggang sa mawasak ito noong 70 C.E. May nakita silang lagusan ng tubig, o drainage system, at lumilitaw na ginamit ito para may madaanan ang dugo palabas ng templo.
Tingnan ang dalawang bagay na ito na ginagamit sa lagusan ng tubig para mapanatiling malinis ang altar:
Mga butas sa paanan ng altar: Mababasa sa Mishnah, isang nasusulat na koleksiyon ng mga tradisyong Judio na nakumpleto noong ikatlong siglo C.E., ang isang paglalarawan sa lagusan ng tubig para sa altar. Sinasabi doon na may dalawang butas sa may timog-kanluran ng altar. Doon napupunta ang dugo mula sa mga handog at ang tubig na ginagamit para linisin ang altar. Pagkatapos, dadaan na ang mga iyon sa lagusan ng tubig papunta sa Lambak ng Kidron.
Ganiyan din ang natuklasan ng mga archaeologist. Sinasabi ng The Cambridge History of Judaism na mayroon ngang lagusan ng tubig malapit sa templo. Malamang na dito dumadaloy ang tubig at ang dugo ng mga inihandog palabas ng templo.
Napakaraming tubig: Kailangan ng mga saserdote ng maraming tubig para mapanatiling malinis ang lugar sa palibot ng altar at ang lagusan ng tubig. Nakukuha nila ang tubig na iyon mula sa lunsod. Nakakarating ang tubig sa templo dahil sa sistema ng mga kanal at paagusan, at natitipon iyon sa mga imbakan ng tubig. Ganito ang sinabi ng archaeologist na si Joseph Patrich: “Talagang naiiba sa panahong iyon ang komplikadong sistemang ito ng pagkuha at pag-iipon ng tubig para sa paglilinis ng templo at pag-aalis ng maruming tubig.”