Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Agosto p. 26-30
  • Naging Misyonera Kahit Mahiyain

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Naging Misyonera Kahit Mahiyain
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • SIMULA NG BUONG-PANAHONG PAGLILINGKOD KO
  • NAGING GOAL KO NA ANG PAGMIMISYONERO
  • NAATASAN SA BANSANG MAY MGA DIGMAAN
  • ISANG BAGONG ATAS
  • PAGHARAP SA MGA PROBLEMA SA KALUSUGAN
  • NAGPAPASALAMAT AKO SA TULONG NI JEHOVA
  • Isang Bagay na Mas Mahalaga Kaysa sa Ating Buhay Ngayon
    Gumising!—2011
  • Nagtagumpay ang Espesyal na Kampanya sa Bulgaria
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Pinaglaanan ng Isang Pag-asa na Nagpapalakas sa Akin
    Gumising!—2000
  • Ang Panlabas na Anyo ba Lamang ang Nakikita Mo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Agosto p. 26-30
Si Marianne Wertholz.

TALAMBUHAY

Naging Misyonera Kahit Mahiyain

IKINUWENTO NI MARIANNE WERTHOLZ

NOONG bata ako, mahiyain ako at takot sa mga tao. Pero tinulungan ako ni Jehova na mahalin ang mga tao at maging misyonera. Paano? May mga ginamit siya para magawa iyan. Una, ginamit niya ang tatay ko na nagbigay ng magagandang payo sa akin. Nandiyan din ang isang masigasig na kabataang sister na nakilala ko. Malaking tulong din sa akin ang mabait at mahusay kong asawa. Hayaan ninyong ikuwento ko ang naging buhay ko.

Ipinanganak ako noong 1951 sa Vienna, Austria. Katoliko ang pamilya namin noon. Mahiyain ako at hirap makipag-usap sa mga tao, pero madalas akong manalangin at nasasabi ko ang nararamdaman ko sa Diyos. Noong siyam na taóng gulang ako, nakipag-aral sa mga Saksi ni Jehova ang tatay ko. Di-nagtagal, nakipag-aral na rin ang nanay ko.

Kasama ang kapatid kong si Elisabeth (nasa kaliwa)

Umugnay ang pamilya namin sa Döbling Congregation sa Vienna. Laging magkakasama ang pamilya namin sa iba’t ibang gawain. Magkakasama kaming nagbabasa at nag-aaral ng Bibliya, dumadalo sa pulong, at nagboboluntaryo sa mga asamblea. Bata pa lang ako, tinuruan na ako ng tatay ko na mahalin si Jehova. Panalangin pa nga niya noon na maging payunir kami ng kapatid kong babae. Pero hindi ko iyan goal noon.

SIMULA NG BUONG-PANAHONG PAGLILINGKOD KO

Nabautismuhan ako noong 1965, noong 14 ako. Pero hirap talaga akong mangaral sa mga hindi ko kilala. Madalas, nalulungkot ako kasi ikinukumpara ko ang sarili ko sa iba at masyado kong iniisip ang tingin ng ibang kabataan sa akin. Kaya di-nagtagal, nakipagkaibigan ako sa mga di-Saksi. Gusto ko silang kasama, pero nakokonsensiya ako kasi alam kong mali iyon. Iyon nga lang, parang hindi ko kayang ihinto ang pakikipagkaibigan sa kanila. Pero may nakatulong sa akin.

Sina Marianne at Dorothée.

Marami akong natutuhan kay Dorothée (nasa kaliwa)

Noong mga panahong iyon, umugnay sa kongregasyon namin si Dorothée. Nag-e-enjoy siya sa pangangaral kahit 16 pa lang siya. Mas matanda ako nang kaunti sa kaniya, pero hindi ako masigasig gaya niya. Kaya naisip ko: ‘Ako, Saksi ang mga magulang ko. Pero si Dorothée, siya lang ang Saksi sa pamilya nila. ’Tapos, may sakit pa ang nanay niya, pero lagi siyang nangangaral!’ Dahil sa halimbawa niya, gusto ko ring mas maglingkod pa kay Jehova. Naging partner ko sa pagpapayunir si Dorothée. Una, nag-auxiliary pioneer kami—vacation pioneer pa ang tawag dito noon. Pagkatapos, naging regular pioneer kami. Masayang-masaya si Dorothée sa pangangaral, kaya na-enjoy ko na rin iyon. Tinulungan niya akong magkaroon ng Bible study. At habang lumilipas ang panahon, mas nagiging madali na sa akin na makipag-usap sa mga tao sa bahay-bahay at sa iba pang lugar.

Noong unang taon ko ng pagiging regular pioneer, naatasan bilang special pioneer sa kongregasyon namin sa Vienna si Heinz. Austrian siya, pero nalaman niya ang katotohanan noong binisita niya ang kapatid niyang Saksi sa Canada. Noong nakilala ko siya, nagustuhan ko agad siya. Pero hindi ko iyon ipinahalata sa kaniya. Gusto kasi niyang maging misyonero, at hindi ko naman goal ’yon. Pero bandang huli, nagpasiya kami ni Heinz na mas kilalanin pa ang isa’t isa. Ikinasal kami at magkasama kaming nagpayunir sa Austria.

NAGING GOAL KO NA ANG PAGMIMISYONERO

Madalas pa ring sabihin sa akin ni Heinz na gusto niyang maging misyonero. Hindi naman niya ako pinipilit, pero madalas niya akong pag-isipin. Tinatanong niya ako, “Tingin mo, puwede kaya tayong mas makapaglingkod pa kay Jehova kasi wala naman tayong anak?” Talagang napakamahiyain ko noon, kaya ayaw kong maging misyonera. Nakayanan ko namang magpayunir, pero parang hindi ko talaga kayang maging misyonera. Pero napakatiyaga ni Heinz. Madalas pa rin niyang banggitin ang goal na iyon. Tinulungan din niya akong magpokus sa pagtulong sa mga tao para hindi ako magpokus sa sarili ko. Napakaganda talaga ng mga payo niya sa akin.

Si Heinz na nangunguna sa pag-aaral ng Bantayan sa isang maliit na kongregasyong nagsasalita ng Yugoslavian sa Salzburg, Austria, 1974

Unti-unti, naging goal ko na rin ang pagiging misyonera. Di-nagtagal, nag-apply na kami sa Gilead. Pero sinabi ng lingkod ng sangay na baka maganda kung mas matuto pa ako ng English, kaya sinimulan kong gawin iyon. Pero nagulat kami kasi pagkalipas ng tatlong taon, naatasan kami sa isang kongregasyong Serbo-Croatian sa Salzburg, Austria. Pitong taon kaming nangaral sa teritoryong nagsasalita ng Serbo-Croatian, kasama na ang isang taon sa circuit work. Mahirap ang wikang iyon, pero marami kaming Bible study.

Noong 1979, sinabihan kaming “magbakasyon” sa Bulgaria. Noong panahong iyon, ipinagbabawal ang gawain natin doon. Kaya hindi kami nangaral. Nagdala lang kami ng maliliit na literatura. Ibinigay namin ang mga iyon sa limang sister sa Sofia, ang capital ng Bulgaria. Talagang kinakabahan ako noon, pero tinulungan ako ni Jehova sa atas namin. Hangang-hanga rin ako sa limang sister doon. Malalakas ang loob nila at masaya sila kahit na puwede silang mabilanggo anumang oras. Nakatulong ang halimbawa nila para magkaroon ako ng lakas ng loob na gawin ang buong makakaya ko sa anumang atas na ibigay sa akin ni Jehova.

Di-nagtagal, nag-apply ulit kami sa Gilead, at naanyayahan na kaming mag-aral. Akala namin mag-aaral kami sa English class ng Gilead sa United States. Pero noong Nobyembre 1981, sinimulan ang Gilead Extension School sa sangay sa Wiesbaden, Germany. Kaya nakapag-aral kami sa unang klase ng Gilead sa wikang German. Mabuti na lang, kasi mas madali kong maintindihan ang German. Saan kaya kami maaatasan?

NAATASAN SA BANSANG MAY MGA DIGMAAN

Naatasan kami sa Kenya. Pero tinanong kami ng sangay sa Kenya kung gusto naming maglingkod sa Uganda. Nasa kanluran lang ng Kenya ang Uganda. Mahigit 10 taon bago nito, pinangunahan ni General Idi Amin ang isang kudeta laban sa gobyerno ng Uganda. Naging diktador siya. At sa mga sumunod na taon, libo-libo ang namatay at milyon-milyon ang nagdusa dahil sa pamamahala niya. Pero noong 1979, nagkaroon ng kudeta laban naman sa gobyerno niya. Kaya noong tinanong kami kung tatanggapin namin ang atas doon, medyo nag-alangan ako. Pero tinanggap din namin iyon kasi tinulungan kami ng Gilead na magtiwala kay Jehova.

Napakagulo sa Uganda noon. Ganito ang sinabi ni Heinz sa 2010 Taunang Aklat: “Marami ang napinsala, . . . gaya ng suplay ng tubig at sistema ng komunikasyon. . . . Karaniwan na lang ang barilan at nakawan, lalo na kung gabi. . . . Nasa bahay na lang ang mga tao—umaasa at nananalangin na sana’y walang mangyaring masama sa kanila sa magdamag.” Pero kahit napakaraming problema noon, patuloy pa ring naglilingkod nang masaya ang mga kapatid!

Naghahanda ng pagkain sa bahay ng pamilyang Waiswa

Noong 1982, dumating kami ni Heinz sa Kampala, ang capital ng Uganda. Limang buwan kaming nakituloy sa bahay nina Sam at Christina Waiswa. Kasama rin namin sa bahay ang lima nilang anak at apat na kamag-anak. Madalas, isang beses lang kumakain sa isang araw ang buong pamilya nila. Kaya hangang-hanga talaga kami sa pagiging mapagpatuloy nila. Napakarami rin naming natutuhan ni Heinz sa kanila. Nakatulong ang mga aral na iyon sa buhay namin bilang misyonero. Halimbawa, natuto kaming magtipid ng tubig. Noong kasama kasi namin ang mga Waiswa, ilang litro lang ng tubig ang ginagamit naming pampaligo at sinasahod pa namin ito para ipambuhos sa inidoro. Noong 1983, nakahanap kami ng bahay ni Heinz sa isang ligtas na lugar sa Kampala.

Na-enjoy talaga namin ang ministeryo. Naalala ko pa nga na minsan, mahigit 4,000 magasin ang naipamahagi namin sa isang buwan! Pero ang pinakanagustuhan talaga namin, y’ong reaksiyon ng mga tao. Malaki ang paggalang nila sa Diyos at sa Bibliya. Kaya karaniwan na, tig-10 hanggang 15 Bible study kami ni Heinz. Marami kaming natutuhan sa kanila. Halimbawa, kahit kailangan nilang maglakad papunta at pabalik galing sa mga pulong, masaya pa rin sila, laging nakangiti, at hindi nagrereklamo.

Noong 1985 at 1986, nagkaroon pa ng dalawang digmaan sa Uganda. Madalas kaming makakita ng mga batang may dalang malalaking baril. Pinagsusundalo sila at pinagbabantay sa mga checkpoint. Noong mga panahong iyon, lagi kaming nananalangin kay Jehova na tulungan kaming makapag-isip nang maayos at manatiling panatag habang nangangaral. At lagi rin niyang sinasagot ang mga iyon. Nawawala agad ang takot namin kapag may nakakausap kaming interesado sa mensahe.

Kasama namin ni Heinz si Tatjana (nasa gitna)

Gustong-gusto rin naming mangaral sa mga dayuhan. Isa na diyan ang mag-asawang Murat at Dilbar Ibatullin mula sa Tatarstan (Central Russia). Doktor si Murat. Nagpa-Bible study sila sa amin at naging Saksi. Naglilingkod pa rin sila kay Jehova hanggang ngayon. Nakilala ko rin si Tatjana Vileyska mula sa Ukraine. Depressed siya noon at nag-iisip nang magpakamatay. Pero nabautismuhan siya. Bumalik siya sa Ukraine at naging translator ng mga publikasyon natin.a

ISANG BAGONG ATAS

Noong 1991, habang nagbabakasyon kami ni Heinz sa Austria, sinulatan kami ng sangay doon. Sinabi nila na maaatasan na kami sa Bulgaria. Naikuwento ko kanina na noong ipinagbabawal pa ang gawain sa Bulgaria, inatasan kaming palihim na magpasok ng literatura doon. Pero ngayon, ipapadala na kami sa bansang iyon para mangaral. Malaya na kasi ang gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Bulgaria dahil bumagsak na ang komunismo sa Eastern Europe.

Sinabi ng sangay na huwag na kaming bumalik sa Uganda. Kaya hindi na kami nakabalik sa missionary home doon para mag-impake o magpaalam sa mga kaibigan namin. Nagpunta kami sa Bethel sa Germany. At mula doon, nagmaneho kami papuntang Bulgaria. Naatasan kami sa isang grupo ng mga 20 kapatid sa Sofia.

May mga naging hamon sa atas namin sa Bulgaria. Hindi kami marunong ng wikang Bulgarian. Bukod diyan, dadalawa lang ang publikasyon sa wikang iyon, ang mga aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan at Mga Kuwento sa Bibliya. Nahirapan din kaming makapagpasimula ng Bible study. Pero kahit may mga hamon, masigasig pa rin sa pangangaral ang maliit na grupo namin. Hindi nagustuhan ng Orthodox Church ang ginagawa namin, kaya sinimulan nila kaming pag-usigin.

Noong 1994, hindi na kinilala ng gobyerno ang mga Saksi bilang isang rehistradong relihiyon. Itinuring tayong isang ipinagbabawal na sekta. May mga kapatid na inaresto. Nagpakalat din ang media ng mga kasinungalingan tungkol sa atin. Halimbawa, hinahayaan lang daw ng mga Saksi na mamatay ang mga anak nila at sinasabihan daw nila ang mga miyembro nila na magpakamatay. Nahirapan kaming mangaral ni Heinz dahil diyan. Madalas, sinisigawan kami ng mga tao, tumatawag sila ng pulis, o binabato nila kami. Hindi na puwedeng magpasok ng literatura sa bansa. Napakahirap ding maghanap ng lugar na marerentahan para sa mga pulong. Pinahinto pa nga ng mga pulis ang isang kombensiyon natin. Ibang-iba iyan sa nakasanayan namin ni Heinz sa Uganda—napakabait ng mga tao doon at madaling pangaralan. Pero may nakatulong sa amin para maharap ang mga hamon.

Nanatili kaming masaya dahil lagi kaming nakikisama sa mga kapatid. Mahal na mahal nila ang katotohanan, at pinapahalagahan nila na nanatili kami doon kasama nila. Nagtutulungan kaming lahat, at sinusuportahan namin ang isa’t isa. Natutuhan namin doon na puwede kaming maging masaya sa anumang atas kung magpopokus kami sa mga tao imbes na sa mga problema.

Sina Marianne at Heinz Wertholz.

Sa sangay sa Bulgaria, 2007

Pagkalipas ng ilang taon, bumuti rin ang sitwasyon. Legal ulit na kinilala ang organisasyon natin noong 1998. Nadagdagan na rin ang mga publikasyong makukuha sa Bulgarian. At noong 2004, inialay ang bagong pasilidad ng sangay. Naaalala ko pa na noong una kaming dumating sa Sofia, lima lang ang kapatid doon na puro sister, pero ngayon, siyam na ang kongregasyon. Sa buong Bulgaria naman, may 2,953 mamamahayag na nakaugnay sa 57 kongregasyon. At nitong 2024, may 6,475 dumalo sa Memoryal. Talagang nakita namin na “ang munti ay [naging] isang libo.”—Isa. 60:22.

PAGHARAP SA MGA PROBLEMA SA KALUSUGAN

Nagkaroon din ako ng mga problema sa kalusugan. Ilang beses na may nakitang mga tumor ang mga doktor sa akin—brain tumor pa nga ang isa sa mga iyon. Nagpa-radiation therapy ako para lumiit ito. Pagkatapos, 12 oras naman akong inoperahan sa India para maalis ang malaking bahagi ng tumor na ito. Nanatili muna kami sa sangay sa India habang nagpapalakas ako, saka kami bumalik sa atas namin sa Bulgaria.

Nagkaroon naman si Heinz ng Huntington’s disease, isang di-pangkaraniwang sakit na namamana. Dahil diyan, nahirapan siyang maglakad, magsalita, at kontrolin ang iba pang bahagi ng katawan niya. At habang lumalala ang sakit niya, mas kailangan niyang umasa sa tulong ko. May mga panahong parang hindi ko na kaya at sobra akong nag-aalala sa mga posibleng mangyari. Pero malaking tulong sa amin ang isang kabataang brother na si Bobi. Madalas niyang isama si Heinz sa pangangaral. Hindi siya nahihiya sa magiging tingin ng mga tao sa kanila kapag kasama niya si Heinz. Lagi ko talagang maaasahan si Bobi. Nagdesisyon kami ni Heinz na sa Paraiso na kami magkakaroon ng anak. Pero pakiramdam namin, binigyan na kami ni Jehova ng anak—si Bobi.—Mar. 10:29, 30.

Nagka-cancer din si Heinz, at namatay siya noong 2015. Miss na miss ko na siya. Ngayong wala na siya, madalas parang hindi ko alam ang gagawin ko. Minsan, hindi pa rin ako makapaniwalang hindi ko na siya kasama. Sa isip ko kasi, buhay na buhay pa rin siya. (Luc. 20:38) Madalas kong maalala ang mga payo niya sa akin at kung paano niya sinasabi ang mga iyon. Talagang nagpapasalamat ako na nakasama kong maglingkod si Heinz sa loob ng maraming taon.

NAGPAPASALAMAT AKO SA TULONG NI JEHOVA

Talagang inalalayan ako ni Jehova sa lahat ng hamong napaharap sa akin. Tinulungan din niya akong maging misyonera kahit mahiyain ako. (2 Tim. 1:7) Sa tulong ni Jehova, pareho kaming nasa buong-panahong paglilingkod ng kapatid ko. Naglilingkod silang mag-asawa sa isang sirkitong Serbian sa Europe. Sinagot ni Jehova ang matagal nang panalangin ng tatay ko!

Nakakatulong sa akin para maging panatag ang pag-aaral ng Bibliya. Natutuhan ko ring ‘manalangin nang mas marubdob’ kapag may problema, gaya ng ginawa ni Jesus. (Luc. 22:44) Sagot ni Jehova sa mga panalangin ko ang mga kakongregasyon ko dito sa Nadezhda, Sofia. Ramdam na ramdam ko ang pagmamahal at malasakit nila sa akin. Madalas nila akong yayain, at lagi nilang sinasabi na mahalaga ako sa kanila. Talagang nagpapasaya iyan sa akin.

Madalas kong pag-isipan ang pagkabuhay-muli. Nai-imagine kong buo na ulit ang pamilya namin sa Paraiso. Nasa harap ng bahay namin ang mga magulang ko, na para bang bagong kasal lang sila. Naghahanda naman ng pagkain ang kapatid ko. At si Heinz, nakatayo sa tabi ng kabayo niya. Kapag naiisip ko iyan, napapalitan ang lungkot ko ng pasasalamat kay Jehova.

Habang binabalikan ko ang mga nangyari sa buhay ko at iniisip ang hinaharap, kitang-kita ko na totoo ang sinabi ni David sa Awit 27:13, 14: “Nasaan na ako ngayon kung wala akong pananampalataya na makikita ko ang kabutihan ni Jehova sa lupain ng mga buháy? Umasa ka kay Jehova; lakasan mo ang loob mo at magpakatatag ka. Oo, umasa ka kay Jehova.”

a Tingnan ang talambuhay ni Tatjana Vileyska sa Gumising! isyu ng Disyembre 22, 2000, p. 20-24.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share