Tampok na mga Pangyayari Noong Nakaraang Taon
Patuloy na sumusulong ang makalupang bahagi ng organisasyon ni Jehova! Halina’t basahin ang kapana-panabik na pagsulong noong nakaraang mga buwan.
Mga Ari-ariang Binili at Ibinenta
Bagong Lokasyon Para sa Punong-Tanggapan
Noong Hulyo 2009, bumili ng lote ang mga Saksi ni Jehova sa New York, E.U.A., para sa planong paglipat ng punong-tanggapan. Ang biniling 102-ektaryang lupa ay mga 80 kilometro sa hilagang-kanluran ng pasilidad ngayon, na nasa Brooklyn, New York, mula pa noong 1909.
Mga 800 Bethelite ang maninirahan at magtatrabaho sa bagong pasilidad. Tatayuan ito ng isang gusali para sa opisina, isa para sa mga serbisyong kailangan sa Bethel, mga gusali para sa pagmamantini, at apat na gusaling tirahan. Kasama rin sa plano ang isang museo tungkol sa makabagong-panahong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova.
Labing-walong ektarya lang ang magagamit sa pasilidad at walang malalawak na damuhan, kaya mananatiling kakahuyan at latian ang natitirang bahagi ng lote. Ang mga gusali ay dinisenyong maging matipid sa enerhiya kaya hindi ito magiging magastos patakbuhin at mantinihin at hindi rin makakasira sa kalikasan. Halimbawa, ang bubungan ng mga gusali ay tatamnan ng matitibay at madaling alagaang mga halaman para makontrol ang pag-agos ng tubig-ulan at ang temperatura sa loob ng mga gusali. Ang disenyo ng opisina ay tamang-tama rin para makapasok ang liwanag. Priyoridad din ang pagtitipid sa tubig.
Bakit naisip ang planong paglipat? Dati, sa Brooklyn lang ginagawa ang pag-iimprenta ng mga Bibliya at mga salig-Bibliyang publikasyon. Pero ngayon, ginagawa na rin ito ng ibang sangay. Noong 2004, inilipat ang pag-iimprenta at shipping sa Wallkill, New York, mga 145 kilometro mula sa hilagang-kanluran ng Brooklyn. Naging dahilan din ang gastusin. Magastos patakbuhin at mantinihin ang tumatanda na at magkakahiwalay na pasilidad sa Brooklyn. Mas masusulit ang iniaabuloy na pondo kung nasa isang lugar lang ang mga gusali.
Pinag-isang mga Tanggapang Pansangay
Mula Setyembre 2012, inilipat na sa malalaking tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova ang pangangasiwa sa mga 30 maliliit na sangay. May dalawang pangunahing dahilan:
1. Pinasimple ng teknolohiya ang gawain. Dahil sa pagsulong ng teknolohiya sa komunikasyon at pag-iimprenta nitong nagdaang mga taon, kaunting manggagawa na lang ang kailangan sa malalaking sangay. At yamang kaunti na lang ang nagtatrabaho sa malalaking sangay, may lugar na para sa ilang manggagawa mula sa maliliit na sangay sa ibang bansa.
Ngayon, mula sa malalaking sangay na ito, isang grupo ng makaranasang mga Saksi ang nangangasiwa sa gawain. Halimbawa, ang gawaing pangangaral sa Costa Rica, El Salvador, Guatemala, Honduras, Nicaragua, at Panama ay pinangangasiwaan na ngayon ng sangay sa Mexico. Kaya isinara na ang mga sangay sa anim na bansang iyon. Apatnapu mula sa mga sangay na iyon ang inatasan sa sangay sa Mexico. At mga 95 ang nanatili sa kani-kanilang bansa bilang buong-panahong ministro.
Ang ilang miyembro naman ng dating mga sangay na iyon sa Sentral Amerika ay nagtatrabaho pa rin sa mga translation office sa ilalim ng pangangasiwa ng Mexico. Halimbawa, mga 20 tagapagsalin sa Panama ang nagsasalin ng mga publikasyon sa katutubong mga wika. Sa Guatemala, 16 ang nagsasalin ng mga publikasyon sa apat na lokal na wika. Dahil sa reorganisasyong ito sa Sentral Amerika, ang dating 300 Bethelite ay 75 na lang ngayon.
2. Mas maraming buong-panahong mángangarál. Dahil pinag-isa na ang ilang sangay, mas makapagpopokus sa pangangaral ang mga kapatid na dating nagtatrabaho sa maliliit na sangay. Isinulat ng isang brother sa Aprika, na naatasan sa pangangaral: “Hindi madaling mag-adjust lalo na n’ong mga unang buwan. Pero dahil araw-araw akong nasa ministeryo, napakasaya ko at ang daming pagpapala. Ngayon, 20 ang Bible study ko, at dumadalo na sa pulong ang ilan sa kanila.”
Isang Napakatagal Nang Landmark sa Brooklyn
Sa loob ng mahigit 40 taon, gabi at araw, ang 15-piyeng pulang mga letra sa itaas ng pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova ay naging pamilyar na landmark sa New York City. Marami sa mga residente dito ang dumedepende sa landmark na ito para malaman ang oras at temperatura.
Ang dating may-ari ay naglagay ng sign sa gusaling iyon mahigit 70 taon na ang nakakaraan. Pero nang bilhin ito ng mga Saksi ni Jehova noong 1969, pinalitan nila iyon gaya ng makikita sa kasalukuyan.
Ilang beses in-adjust ang sign na ito para mas maging tumpak at kapaki-pakinabang. Noong kalagitnaan ng dekada ’80, idinagdag ang displey na temperatura sa Celsius na halinhinan sa dating displey na oras at temperatura sa Fahrenheit.
Sinabi ni Eboni, na nakatira sa isang apartment sa Brooklyn: “Bago pumasok sa trabaho, tumitingin ako sa sign na iyon para makita ang oras at temperatura. Kaya naibabagay ko sa temperatura ang suot ko at hindi ako nale-late.”
Nandoon pa rin kaya ang sign na iyon sa susunod na 40 taon? Sa planong paglipat ng punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, nakadepende ang sagot sa bagong magmamay-ari ng gusali.
Pagpapalaganap ng Salita
May Bago sa Manhattan
Noong Nobyembre 2011, isang grupo ng mga Saksi ni Jehova ang nagsikap na mapaabutan ang mga taga-Manhattan ng mensahe ng Bibliya sa pamamagitan ng mga displey ng literatura sa mga mesa at cart. Ginawa nila ito sa timugang bahagi ng Manhattan, ang pinakaabala at pinakamatandang bayan sa New York City. Hinati nila ang teritoryo sa apat na sona. Sa bawat sona, may mga lugar na nilagyan nila ng mesa o cart na puno ng literatura at binabantayan ng mga payunir na tagaroon. Karamihan sa mga displey na ito ay malapit o nasa mga terminal ng pampublikong sasakyan, na dinaraanan ng libu-libong tao araw-araw.
Sa mga lugar na ito, may pagkakataon ang mga taong maraming tanong sa Bibliya na masagot ang tanong nila. Para sa mga nagmamadali, puwede silang kumuha lang ng literatura. Available sa maraming wika ang mga literatura. Kung walang publikasyon sa wikang gusto nila, maaari nilang orderin ito at balikan pagkaraan ng ilang araw.
Natuwa ang publiko at mga awtoridad sa kampanyang ito. Sinabi ng isang pulis: “Bakit ngayon n’yo lang ginawa ito? Nasa inyo ang kailangan ng mga tao.” Napahinto sa paglalakad ang isang lalaki nang makita niya ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Napansin pala niya na binabasa ito ng mga tao sa subwey at naintriga siya kung saan makukuha ito. Ngayon, alam na niya.
Araw-araw sa loob ng anim na linggo, nadadaanan ng isang binatilyo ang isa sa mga mesa bago pumasok sa trabaho. Sa wakas, huminto siya at nagsabi, “Kailangan ko ng tulong.” Agad-agad namang tumulong ang mga kapatid na nagbabantay. Binigyan nila siya ng Bibliya at ipinakita nila kung paano siya matutulungan nito. May mga humihinto para makipag-usap tungkol sa Bibliya, at sa loob lang ng walong buwan, 1,748 ang tumanggap ng pag-aaral sa Bibliya. Pagtuntong ng Hunyo 2012, umabot na sa 27,934 na magasin at 61,019 na aklat ang nakuha ng publiko.
Ang Ating Magasin—Mas Kaunting Pahina, Mas Maraming Wika
Ang 32-pahinang Gumising! at pampublikong edisyon ng Ang Bantayan ay magiging 16 na pahina na lang mula sa isyu ng Enero 2013. Dahil mas kaunti ang mga artikulo, maisasalin ang mga ito sa mas maraming wika. Sa ngayon, isinasalin ang Gumising! sa 98 na wika at ang Bantayan naman sa 204. Ang edisyon para sa pag-aaral ng Ang Bantayan ay mananatiling 32 pahina.
Ang ilan sa mga artikulong dating lumalabas sa mga magasin ay lalabas na lang ngayon sa Web site na www.pr2711.com. Kasama rito ang “Para sa mga Kabataan,” “Mga Leksiyon Ko sa Bibliya,” at ang ulat tungkol sa Gradwasyon ng Gilead mula sa pampublikong edisyon ng Ang Bantayan at “Repaso Para sa Pamilya” at “Tanong ng mga Kabataan” mula sa Gumising!
Bukod diyan, isang serye ng mga artikulong lumalabas lang sa Web site ang nagbibigay ng simple at malinaw na mga sagot sa ilang mga tanong tungkol sa Bibliya at sa mga Saksi ni Jehova. Maida-download din mula sa Web site ang nakaimprentang publikasyon. Madaling maa-access ng sinumang may computer o mobile device ang ating mga publikasyon sa www.pr2711.com sa mahigit 440 wika.
Mas Pinagandang Web Site
Sa nagdaang mga buwan, isang grupo ng mga Saksi ni Jehova sa pandaigdig na punong-tanggapan sa New York ang nagtutulung-tulong para pagandahin at gawing mas madaling i-navigate ng publiko ang www.pr2711.com. May dalawa pang layunin kung bakit nila binago at pinaganda ang Web site:
1. Pag-isahin ang mga Web site. Ang dating tatlong opisyal na Web site ng mga Saksi ni Jehova ay isa na lang ngayon—www.pr2711.com. Wala na ang www.watchtower.org at www.jw-media.org. Kaya isa na lang ang pupuntahan ng mga naghahanap ng impormasyon tungkol sa mga Saksi o sa ating mga publikasyon. Halimbawa, puwede kang magbasa, makinig, o mag-imprenta ng mga pahina ng Bibliya o mga publikasyon sa maraming wika.
2. Magdagdag ng impormasyon. Mababasa sa Web site ang sagot sa mga tanong tungkol sa Bibliya; may impormasyon din tungkol sa pangangaral, mga tanggapang pansangay, Kingdom Hall, at kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang seksiyong “News” ay nag-uulat ng mga pangyayari tungkol sa mga kapatid sa buong daigdig. May mga activity rin para sa mga pamilya, tin-edyer, at mga bata.
Sa isang araw, daan-daang libo ang nagbabasa ng ating mga publikasyon online. Halos kalahating milyong audio, EPUB, PDF, o video sa wikang-pasenyas ang idina-download nila. Araw-araw, sandaan katao ang humihiling ng pag-aaral sa Bibliya.
Tulong Para sa Lahat ng Uri ng Tao
Ang Anim-na-Piyeng Bibliya
Ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin—na makukuha sa English, Spanish, at Italian Braille—ay binubuo ng 20 hanggang 28 tomo at kakain ng di-bababa sa anim at kalahating piyeng espasyo! Pero may mga format din sa Braille na hindi mangangailangan ng ganoon kalaking espasyo. Halimbawa, sa tulong ng Braille notetaker, ang mga bulag ay makakapagnota at makaka-access ng mga electronic file sa pamamagitan ng portable device na may mga pin na lumulubog at lumilitaw para makabuo ng simbolong Braille. Puwede ring mapuntahan at mapakinggan ng mga bulag ang ating mga publikasyon sa tulong ng screen reader, o isang computer program na bumabasa ng nakasulat na mga salita.
Sa loob ng mahigit 100 taon, nakapagprodyus na ang mga Saksi ng mga publikasyong salig-Bibliya para sa mga bulag, at available ang mga ito sa 19 na wika. Makukuha nang walang bayad ang mga publikasyong ito, pero marami ang nagbibigay ng boluntaryong donasyon.
Nakapagdebelop ang mga Saksi ng computer program na kayang i-convert ang text sa maraming wika sa Braille. Kapag nai-set na ang conversion table, na naglalaman ng vernacular print at ng mga karakter na Braille, puwede na nitong i-convert sa Braille ang text. Naipo-format din nito ang publikasyon para mas madali itong mabasa ng mga bulag. Sa pamamagitan ng program na ito, posible nang magprodyus ng mga publikasyong Braille, pati na ng Bibliya, sa anumang wika na may karakter na Braille, maging ang mga wikang hindi gumagamit ng alpabetong Romano.
Dati, kapag may bagong publikasyong inilalabas sa mga kombensiyon, ipinatatalastas na ang release sa Braille ay puwedeng maorder sa kongregasyon. Noong isang taon, nagsurbey ang sangay sa Estados Unidos sa mga kongregasyon para malaman kung saang mga kombensiyon planong dumalo ng mga bulag at kung anong format ang mas gusto nila (embossed paper, electronic notetaker, o electronic screen reader).
Nagpadala ng mga kopya ng embossed paper sa mga kombensiyon na may dumalong bulag para matanggap din nila sa mismong araw na iyon ang mga bagong publikasyon. Makalipas ang isang linggo, ang mga electronic format ay in-e-mail sa mga nag-request nito.
Isang sister na bulag ang nagsabi: “Napakasayang matanggap ang publikasyon kasabay ng iba pang kapatid. Sabi ng Awit 37:4, ibibigay ni Jehova ang kahilingan ng ating puso. Iyan mismo ang ginawa niya para sa akin sa kombensiyong ito!” Isa pang bulag na Saksi ang napaluha at nagsabi, “Salamat kay Jehova sa pagmamalasakit niya sa amin!”
Libu-libo ang Natututong Bumasa’t Sumulat
Noong 2011, mahigit 5,700 katao ang natulungan ng mga Saksi ni Jehova na bumasa’t sumulat. Ito ang nagaganap sa ilang bansa:
Ghana: Sa nakalipas na 25 taon, mahigit 9,000 ang natulungan nating bumasa’t sumulat.
Mozambique: Mahigit 19,000 ang natutong bumasa sa nakaraang 15 taon. Sinabi ng estudyanteng si Felizarda: “Napakasaya ko kasi mababasa ko na ang Bibliya para sa iba. Hindi ko magawa ’yan dati.”
Solomon Islands: Isinulat ng tanggapang pansangay: “Noon, maraming nakatira sa liblib na nayon ang hindi makapunta sa mga paaralan. At napakadalang pag-aralin ng mga magulang ang mga babae. Kaya nakinabang partikular na ang mga babae sa mga klase ng pagbasa’t pagsulat. Nagkaroon ng kumpiyansa ang mga nagtapos sa klase.”
Zambia: Mula 2002, halos 12,000 ang natutong bumasa’t sumulat. Sinabi ng 82-anyos na si Agnes: “Nang ipatalastas sa kongregasyon na magkakaroon ng klase sa pagbasa’t pagsulat, nagpatala kaagad ako. Sa unang sesyon, natutuhan kong isulat ang pangalan ko!”
Mga Awit ng Papuri sa Maraming Wika
Ang mga Saksi ni Jehova ay nagsasalin ng mga salig-Bibliyang literatura sa mga 600 wika. Hindi birong isalin ang aklat-awitan na may 135 awit. Pero sa loob lamang ng tatlong taon, ang bagong aklat-awitan, Umawit kay Jehova, ay naisalin sa 116 na wika. Ang 55-awit na bersiyon naman ay naisalin na sa 55 wika, at isinasalin pa ang aklat-awitan sa mas maraming wika.
Layunin ng mga tagapagsalin ng mga awit na makabuo ng makahulugan, maganda, at di-malilimutang mga liriko. Bukod diyan, dapat na simple lang ang mga salitang gagamitin para madaling maintindihan ang mensahe at layunin ng bawat parirala. Sa bawat wika, dapat ibagay ang mga salita sa saliw ng musika at gawin itong natural na para bang mga salita ito mismo ng umaawit.
Paano ito ginagawa ng mga tagapagsalin? Sa halip na maging salita por salitang salin ng mga liriko sa Ingles ng Umawit kay Jehova, lumilikha sila ng bagong liriko na magtatawid ng mensahe ng orihinal na awit. Habang sinisikap na palitawin ang maka-Kasulatang tema ng bawat awit, gumagamit ang mga tagapagsalin ng pang-araw-araw na pananalita sa kanilang wika na madaling maintindihan at matandaan.
Una, isinasalin nang literal ang Ingles na awit. Sumunod, isang Saksi na marunong kumatha ng liriko ang lilikha ng makulay at makahulugang liriko sa bagong wika. Pagkatapos, titingnan ito ng mga tagapagsalin at mga proofreader at titiyaking tumpak ang mensahe nito mula sa Kasulatan. Bagaman malaking trabaho ang pagsasalin ng aklat-awitan, hindi mapapantayan ang kaligayahan ng mga Saksi ni Jehova sa buong-daigdig na awitin ang mga awit ng papuri sa sarili nilang wika.
Mga Remote Translation Office
Inihula ng Apocalipsis na aanyayahan ng mga pinahiran ang mga tao na “kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apoc. 22:17) Aabot ang paanyayang ito sa “lahat ng . . . mga bayan at mga wika.” (Apoc. 7:9) Dati, sa tanggapang pansangay nagtatrabaho ang mga tagapagsalin, kahit na sa ibang lugar naman sinasalita ang kanilang wika. Hamon sa kanila ang pag-alinsabay sa kung paano ginagamit ng mga tao ang wika sa kanilang lugar pati na ang pag-abot sa puso ng mga mambabasa ng literaturang isinasalin nila. Pero ngayon, maraming team ng mga tagapagsalin ang inililipat sa mga lugar kung saan ginagamit ang kanilang wika. Napatunayang malaking tulong ito, gaya ng makikita sa sumusunod na komento ng mga tagapagsalin.
Isang tagapagsalin sa wikang Maya sa Mexico ang nagsabi: “Para akong maliit na halamang ibinalik sa sariling lupa, sa likas na kapaligiran nito.” Sinabi naman ng isang tagapagsalin sa timugang Russia: “Paraiso para sa mga tagapagsalin na magtrabaho sa lugar kung saan ginagamit ang wika nila. ’Yong mga salitang ginagamit ng mga tao sa araw-araw, e ibang-iba pa rin sa mga salitang ginagamit sa TV, mga aklat, at Internet. Nagiging natural ang salin namin kapag naririnig namin ang aktuwal na pag-uusap ng mga tao.”
Napansin ng tagapagsalin sa wikang Tshiluba sa Congo: “Araw-araw naming gamit ang aming wika—sa pamimili, pakikipag-usap sa mga kapitbahay, pangangaral, at sa mga pulong. Gamit namin sa pag-aaral ang isinalin namin, at mga publikasyong Tshiluba rin ang dala namin sa ministeryo, kaya kita kaagad kung naiintindihan ba ng mga tao ang salin namin.”
Sinabi ng isang tagapagsalin sa wikang Lhukonzo sa Uganda: “Napakasayang dumalo sa mga pulong sa wikang ginagamit at isinasalin namin. Mas enjoy din kami sa ministeryo, kasi nakakausap namin ang mga tao sa sarili naming wika.”
Nakinabang din ang mga kongregasyon na dinadaluhan ng mga tagapagsalin. Tungkol sa mga tagapagsalin sa Maya, sinabi ng isang sister: “Napapatibay kami ng mga tagapagsalin. Parang nandito lang sa lugar namin ang Bethel, at napakaespesyal niyan para sa amin.”
Hindi lang mga kongregasyon ang napapatibay. Isang tagapagsalin sa Kenya ang nagsabi: “Napakadalang ng publikasyon sa wikang Luo, kaya hindi akalain ng mga tao na makakakita sila ng de-kalidad na publikasyon sa wika nila. Marami ang nasorpresa nang makatanggap sila nito. Kaya napapatibay ako at mas nagkakaroon ng dahilang magpatuloy sa aking atas at gawin ang makakaya ko.”
Marami sa mga tagapagsaling ito ang ilang taon na o dekada pa ngang naglilingkod sa mga tanggapang pansangay. Talagang pinahahalagahan ang kanilang pagsasakripisyo at pagiging handang tumulong sa mga tupa ni Jehova, at pinagpapala ang saloobin nilang ito. Gaya ng marami, ganito ang damdamin ng isang tagapagsalin sa wikang Xhosa sa Timog Aprika: “Napakahusay ng pasiya ng Lupong Tagapamahala na maglagay ng ganitong mga translation office. Masaya kami noon sa Bethel, pero mas masaya kami ngayon sa translation office.”
Mga Ulat Mula sa Iba’t Ibang Panig ng Daigdig
“Hindi Kami Pinabayaan ng mga Kapatid”
Noong Linggo, Hunyo 3, 2012, isang malagim na aksidente ang nangyari sa Nigeria nang bumagsak ang isang eroplano sa Lagos, ang pinakamalaking lunsod sa bansa. Patay ang lahat ng 153 kataong sakay nito at di-mabilang ang nasawi sa binagsakan ng eroplano.
Nakatira si Collins Eweh at ang pamilya niya sa pinakaitaas na palapag ng isang tatlong-palapag na apartment na binagsakan ng eroplano. Nang mangyari ang aksidente, nagpupulong sa Kingdom Hall ang pamilya.
Mga 3:35 n.h., habang idinaraos ang Pag-aaral sa Bantayan, napansin ni Collins at ng misis niyang si Chinyere na may mga tumatawag sa cellphone nila, pero hindi nila ito sinagot. Pagkatapos ng pulong, sinagot ni Chinyere ang cellphone. Sinabi ng mga kapitbahay na nasusunog ang apartment nila. Pag-uwi nila, nakita ng pamilyang Eweh na binagsakan ng eroplano ang apartment nila pati na ang katabi nitong gusali, saka ito sumabog.
“Kung nasa bahay kami no’n,” ang sabi ni Chinyere, “siguradong patay na kami. Walang natira sa ’min kundi y’ong damit na suot namin, pero buhay naman kami. Bumuo agad ang tagapangasiwa ng sirkito ng relief committee, at hindi kami pinabayaan ng mga kapatid. Laking pasasalamat talaga namin.”
Sinabi naman ni Collins: “Nagbago ang mga kamag-anak ko na dating kontra sa pagiging Saksi ko. Sabi no’ng isa: ‘Sinasagot ng Jehova ninyo ang mga dasal n’yo. ’Wag kayong hihiwalay sa Diyos n’yo kasi tinutulungan niya kayo.’ Isa pa ang nagsabi: ‘Anuman ang ginagawa mo sa pagsamba sa Diyos, ipagpatuloy mo iyon nang bukal sa loob.’ Damang-dama namin ang tulong ni Jehova. Napakasaya ko.”
Inaprobahan ng Parlamento ang Pagpaparehistro ng mga Saksi
Noong Pebrero 27, 2012, inaprobahan ng gobyerno ng Hungary ang pagpaparehistro ng mga Saksi ni Jehova bilang relihiyon. Malaking tulong ito sa pangangaral ng mabuting balita sa Hungary. Hindi na papatawan ng buwis ang mga Saksi ni Jehova, makakatanggap sila ng mga donasyon, at madadalaw na rin nila ang mga nasa ospital at mga bilangguan para patibayin ang mga ito mula sa Bibliya.
Isang Espesyal na Venue Para sa Memoryal
Isang special pioneer sa Rundu, Namibia, ang nag-ulat tungkol sa dinaluhan niyang Memoryal sa isang nayon. Marami ang interesado kaya sa kauna-unahang pagkakataon, idinaos ng mga kapatid ang Memoryal sa wikang ginagamit doon, ang Rumanyo. Isinulat niya: “Ang ganda ng venue. Kabilugan ng buwan at nasa labas kami; mga gasera at dalawang ilaw na de-baterya lang ang gamit namin.” Pakiramdam ng mga dumalo, ang lapit-lapit nila kay Jehova. Isa lang ang mamamahayag doon at nagsimula siyang mangaral noong Marso lang, pero 275 ang dumalo sa Memoryal!
Mga Sangay na Inialay—Kapurihan kay Jehova
Ang Nobyembre 19, 2011, ay isang di-malilimutang araw para sa organisasyon ni Jehova sa Central African Republic at Chad. Nang araw na iyon, 269 na kapatid ang nagtipon sa harap ng bagong pasilidad sa Central African Republic. Naroon si Samuel Herd, miyembro ng Lupong Tagapamahala, para ialay kay Jehova ang bagong Bethel complex na magagamit sa paglilingkod sa Kaniya. Sa programa, binalikan ang kasaysayan ng pangangaral sa dalawang bansa. Nagsimula ito noong 1947 sa Central African Republic at sa Chad noong 1959. Ang sumunod na pahayag ay nagbigay ng mga detalye tungkol sa konstruksiyon at lahat ng ginawa para makumpleto ang mga gusali. Matapos banggitin ang mga pagbati mula sa iba’t ibang bansa, narinig ng mga dumalo ang pahayag sa pag-aalay ni Brother Herd. Tuwang-tuwa ang 42 miyembro ng pamilyang Bethel sa bagong complex na may walong translation office, isang kusina, silid-kainan, at laundry. May 22 silid-tirahan ito at iba pang pasilidad, gaya ng reception at shipping area at mga opisina, para sa maayos na takbo ng pamilyang Bethel.
Ang Mayo 26, 2012, ay isang Sabado na napakaespesyal para sa mga Saksi ni Jehova sa Congo (Kinshasa). Matapos ang walong taon ng konstruksiyon at renovation, inialay ang pasilidad ng sangay. Espesyal ang okasyong ito dahil bagaman halos 50 taon nang may tanggapang pansangay sa Congo, ngayon lang nagkaroon ng programa ng pag-aalay sa sangay sa bansa. Si Geoffrey Jackson ng Lupong Tagapamahala ang naroon para ibigay ang pahayag sa pag-aalay sa mismong lugar ng sangay, sa harap ng 2,422 kapatid na ang karamihan ay mahigit 40 taon nang bautisado. May 117 bisita mula sa 23 bansa. Ang ilang misyonero na naglingkod sa Congo maraming taon na ang nakakaraan ay naglahad ng nakapagpapatibay na karanasan. Masayang-masayang sumang-ayon ang lahat na gamitin ang mga gusali tangi lamang sa pagsamba kay Jehova.
Mga Legal na Usapin
Noong Hunyo 30, 2011, hinatulan ng European Court of Human Rights (ECHR) ang gobyerno ng France ng paglabag sa karapatan ng mga Saksi ni Jehova dahil sa pagpapataw nito ng 60 porsiyentong buwis sa mga donasyong natanggap ng mga Saksi ni Jehova sa France noong 1993 hanggang 1996. Hinimok ng Korte ang bawat panig na makipag-areglo pero iginiit ng France na hindi ilegal ang sobra-sobrang buwis na ipinataw nito, kaya hindi umubra ang areglo. Pero sa ibinabang desisyon noong Hulyo 5, 2012, inutusan ng ECHR ang gobyerno ng France na alisin ang “lahat ng idinulot” ng pagpapataw nito ng buwis. Dapat nitong ibalik ang 4,590,295 euro ($5,749,440 U.S.) na kinumpiska nito sa mga Saksi (pati na ang interes na tinubo ng pera mula nang kumpiskahin ito), at dapat itong magbayad sa mga Saksi ng 55,000 euro ($68,890 U.S.) para sa gastos sa abogado.
Nalalabag ang karapatan bilang mamamayan ng mga kapatid sa Eritrea dahil sa pananatiling neutral. (Isa. 2:4) Sa nakalipas na 17 taon, marami ang naaresto, at ngayon, mga 50 kapatid ang nakabilanggo, kabilang ang mga may-edad at mga batang dalawang taóng gulang pa lang. Nitong Hulyo 2011, namatay si Brother Misghina Gebretinsae, ang kauna-unahang Saksi na namatay sa bilangguan ng Eritrea. Bago ang insidente, isang linggo siyang nakabartolina at sinasabing “misteryoso” ang pagkamatay niya. Patuloy ang mga kapatid sa pagsisikap na makausap ang mga opisyal para ipaunawa sa mga ito na ang pagiging mapayapa at pananatiling neutral ng mga Saksi ay hindi kawalang-galang sa gobyerno ng Eritrea.
Nagiging biktima pa rin ng pang-uumog ang mga Saksi ni Jehova sa India habang nangangaral ang mga ito. Berbal at pisikal na pang-aabuso ang inaabot ng mga lalaki, babae, at bata, pati na ng isang 60-anyos na lola at 18-buwang-gulang na sanggol. May mga hinuhubaran at pinagbabantaan pa ngang patayin. Kitang-kita rin ang kawalang-aksiyon at pagtatangi ng mga pulis laban sa mga Saksi. Sa halip na hulihin ang mga mang-uumog, ang mga Saksi pa ang inaaresto nila sa maling paratang. Ang mga naaresto ay hinihingan ng napakalaking piyansa, pinagsasalitaan ng masama at sinasaktan, at pinagkakaitan ng pagkain, tubig, at medikal na tulong. Ilang taon silang lilitisin bago pawalang-sala. Marami nang kaso sa paglabag sa karapatang pantao ang isinampa sa National Human Rights Commission para tulungan ang ating mga kapatid.
Noong Nobyembre 2011, nagkaisa ang ECHR sa kanilang konklusyon sa kaso ni Yunus Erçep—nilabag ng Turkey ang karapatan niyang magpasiya ayon sa budhi. Si Yunus ay isang Saksi ni Jehova na ibinilanggo dahil sa pagtanggi niyang magserbisyo sa militar. Mula noong Marso 1998, 39 na beses siyang tinawag para maglingkod sa militar at mahigit 30 beses na inakusahan at sinampahan ng kaso. Si Brother Erçep ay pinagmulta, ibinilanggo, at ipinasok sa mental hospital dahil sa “kabaliwan sa relihiyon.”
Noong Oktubre 2004, umapela si Brother Erçep sa ECHR. Sa hatol nito, sinabi ng Korte na “ang aplikante, bilang isang Saksi ni Jehova, ay tumatangging magserbisyo sa militar, hindi para sa pansariling kapakanan o kaalwanan, kundi dahil sa paninindigan niya sa kaniyang relihiyosong paniniwala.”
Isa rin si Feti Demirtaş sa mga Saksi ni Jehova sa Turkey na tumangging magsanay sa militar nang tawagin siya noong 2005. Inaresto siya, binugbog, kinasuhan, at ibinilanggo sa loob ng 554 na araw. Pinalaya siya noong Hunyo 2007. Dahil hindi ikinompromiso ni Brother Demirtaş ang kaniyang salig-Bibliyang paniniwala, isang ulat ang ginawa para palabasing maysakit siya sa isip. Ayon sa hatol ng ECHR laban sa Turkey, hindi makatao ang naging pagtrato ng mga awtoridad ng Turkey kay Brother Demirtaş at nilabag ng mga ito ang kaniyang karapatang magpasiya ayon sa budhi.
Sinundan ng dalawang desisyong ito ng ECHR ang makasaysayang desisyon noong Hulyo 2011 (Bayatyan v. Armenia). Sa kasong ito, kinumpirma ng Grand Chamber ng ECHR na protektado ng European Convention ang karapatan ng mga tumatangging magserbisyo sa militar dahil sa relihiyosong paniniwala. Saklaw ng desisyong ito ang lahat ng estadong miyembro ng Council of Europe, kabilang na ang Turkey.
Noong Enero 2012, nagbaba rin ng hatol ang ECHR laban sa Armenia sa kasong Bukharatyan v. Armenia at Tsaturyan v. Armenia. Kinumpirma nitong nilabag ng Armenia ang kalayaan sa relihiyon ng dalawang Saksi ni Jehova na tumatangging magserbisyo sa militar. Sa hatol ng Korte, binanggit ang makasaysayang desisyon nito sa kasong Bayatyan v. Armenia.
Sa kabila ng makasaysayang mga desisyong ito laban sa Armenia, patuloy pa ring kinakasuhan, hinahatulan, at ibinibilanggo ng gobyerno nito ang mga tumatangging magserbisyo sa militar. Pag-aaralan pa ng parlamento ang mga amyendang gagawin sa Law on Alternative Service, na inaprobahan ng gobyerno ng Armenia noong Marso 2012. Inaasahang susundin ng gobyerno ng Armenia ang desisyon ng ECHR at palalayain ang mga brother na nakabilanggo dahil sa pagtangging magserbisyo sa militar.
Patuloy na inuusig ng gobyerno ang mga Saksi ni Jehova sa Azerbaijan: nire-raid at inaaresto nila ang mga dumadalo sa pulong at asamblea, sinesensor ang ating mga literatura, dine-deport ang mga banyagang Saksi, pinagsasalitaan ng masama at sinasaktan sila ng mga pulis, at pinagbabantaang kakanselahin ang kanilang rehistro. Mula nang ibasura ng State Committee for Work with Religious Associations ang aplikasyon ng mga Saksi sa muling pagpaparehistro, dumalas ang panggugulo ng mga pulis sa mga pagtitipon at pangangaral ng mga Saksi. Hinigpitan din ang pagpapasok at pamamahagi ng mga literatura sa Bibliya. Nagpapataw ang Korte ng napakalaking multa sa mga Saksi ni Jehova dahil sa pamamahagi ng mga literatura at pagdalo sa mga pulong. Halimbawa, isang sister ang pinagmulta ng $1,909 (U.S.) dahil sa pagdalo ng pulong sa lunsod ng Ganja. Dahil ang mga pagpapahirap na ito ay paglabag sa kalayaan sa relihiyon na pinagtitibay ng European Convention on Human Rights, marami nang kaso ang idinulog sa ECHR para matigil na ang pang-aabuso at pag-uusig na ito sa mga Saksi ni Jehova sa Azerbaijan.
Patuloy na ginugulo at pinag-uusig ng mga pulis sa iba’t ibang bahagi ng Russia ang mga Saksi ni Jehova at sinusulsulan ang mga korte para parusahan ang mga Saksi sa mga ginagawa nito bilang pagsamba sa Diyos. Salig sa binabatikos na anti-extremism law, idineklara ng mga korte sa Russia ang di-bababa sa 64 na publikasyon ng mga Saksi ni Jehova bilang ekstremista. Kamakailan, hiniling ng isang tagausig na ideklarang ekstremista ang Matuto Mula sa Dakilang Guro, isang pambatang aklat na nagtuturo tungkol kay Jesu-Kristo. Sa maraming lugar sa Russia, ipinag-utos ng mga korte na i-block ang opisyal na Web site ng mga Saksi ni Jehova. Binigyan nila ng permiso ang kapulisan na manmanan ang mga miyembro ng kongregasyon, at maglagay pa nga ng patagong mga video camera at harangin ang mga liham. Kaya naman regular na iniinterbyu ng mga pulis ang mga sumasalansang na mga kapitbahay ng mga Saksi, hinahalughog ang mga bahay ng mga kapatid, at kinukumpiska ang mga publikasyon at mga personal na pag-aari. May mga Saksi na inaaresto habang naglalakad sa daan, nagmamaneho ng sasakyan, o bumababa ng tren. Pinapasok ng mga pulis ang mga pulong Kristiyano, at sinasampahan ng kaso ang mga elder na dumadalaw sa mga kapatid. Sa ilang rehiyon, sinusulsulan ng mga tagausig ang mga korte na buwagin ang mga Local Religious Organization (LRO) ng mga Saksi ni Jehova.
Noong Mayo 2012 sa Taganrog, 17 Saksi ang kinasuhan ng pag-oorganisa at pagkakasangkot sa krimen dahil lang sa kanilang pagsamba. Sa rehiyong ito nabuwag ang LRO ng mga Saksi ni Jehova noong 2009 bunsod ng utos ng korte. Kinumpiska ang Kingdom Hall dahil umano sa ekstremismo. Kaya napilitan ang mga Saksi na magpulong sa pribadong mga tahanan o arkiladong mga bulwagan. Pero ngayon, sinisikap ng mga awtoridad na hadlangan ang lahat ng organisadong pagsamba. Noong Hulyo 2012, isang mag-asawang pioneer sa lunsod ng Chita sa Siberia ang nasumpungang guilty sa kasong panunulsol ng alitan dahil sa pagpapatotoo at pamamahagi ng di-umano’y ekstremistang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Silang dalawa ay parehong nasentensiyahan ng 200 oras ng sapilitang pagtatrabaho, pero umapela sila.
Bagaman dalawang malaking tagumpay na para sa mga Saksi ni Jehova laban sa Russia ang ibinabang hatol ng ECHR—sa kasong Kuznetsov and Others v. Russia noong 2007 at Jehovah’s Witnesses of Moscow v. Russia noong 2010—binabale-wala pa rin ng mga awtoridad sa Russia ang desisyon ng kagalang-galang na Korte. Sa kasalukuyan, 19 pang kaso ng mga Saksi ni Jehova ang nakabinbin sa ECHR at umaasa tayo na ang mga desisyon ng ECHR ay magpapakilos sa gobyerno ng Russia na hayaan ang bayan ni Jehova na ‘makapagpatuloy na mamuhay ng isang payapa at tahimik na buhay na may lubos na makadiyos na debosyon at pagkaseryoso.’—1 Tim. 2:2.
Patuloy na ibinibilanggo ng South Korea ang mga kabataang brother dahil sa kanilang Kristiyanong neutralidad. Mga 45 brother buwan-buwan ang hinahatulan at sinesentensiyahan ng isa’t kalahating taon sa bilangguan. Kaya mga 750 brother ang nakabilanggo ngayon sa Korea. Ito ang pinakamalaking bilang ng mga Saksi ni Jehova na nakabilanggo sa isang bansa dahil sa kanilang pananampalataya. Mula noong 1950, mga 17,000 Saksi ni Jehova ang nasentensiyahan ng mahigit 32,000 taon sa bilangguan kung pagsasama-samahin.
Noong 2012, gumawa pa ng ibang paraan ang mga awtoridad para gipitin ang mga Saksing tumatangging magserbisyo sa militar. Sa kauna-unahang pagkakataon, ibinibilanggo na rin pati ang mga tumatangging maging reservist, o mamamayang puwedeng tawagin sa hukbong militar sa panahon ng digmaan. Noon, pinagmumulta lang ang mga tumatanggi sa pagsasanay bilang mga reservist. Dahil ilang beses na tinatawag para maglingkod bilang reservist ang isang indibiduwal sa paglipas ng mga taon, ang mga tumatanggi ay napapaharap sa maraming paglilitis. Halimbawa, noong Nobyembre 2011, si Ho-jeong Son ay nasentensiyahan ng walong-buwang pagkabilanggo. Muli siyang nilitis noong Hunyo 2012 at nasentensiyahan ng anim-na-buwang pagkabilanggo. Ibinilanggo agad siya matapos ang ikalawang paglilitis pero nakalaya nang magpiyansa pagkaraan ng 29 na araw, habang hinihintay ang resulta ng kaniyang apela. Napapaharap siya ngayon sa 14-na-buwang pagkabilanggo.
Ilang beses nang kinondena ng United Nations Human Rights Committee ang South Korea dahil sa paglabag nito sa karapatan ng isa na magpasiya ayon sa budhi. May mga bagong kaso pang idinulog sa nasabing komite at sa South Korean Constitutional Court para malutas ang isyu.
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Noong Agosto 27, 2012, inilunsad ang pinagandang Web site na www.pr2711.com
[Larawan sa pahina 10]
[Chart sa pahina 13]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ALASKA → ESTADOS UNIDOS
BAHAMAS
HAWAII
BURKINA FASO → BENIN
TOGO
GUYANA → TRINIDAD
URUGUAY → ARGENTINA
NEW ZEALAND → AUSTRALIA
SAMOA
ANTIGUA → BARBADOS
AUSTRIA → GERMANY
LUXEMBOURG
SWITZERLAND
CYPRUS → GREECE
CZECH REPUBLIC → SLOVAKIA
FRENCH GUIANA → FRANCE
GUADELOUPE
MARTINIQUE
REUNION
IRELAND → BRITAIN
DENMARK → SANGAY SA SCANDINAVIA
ICELAND
NORWAY
SWEDEN
BELIZE → MEXICO
COSTA RICA
EL SALVADOR
GUATEMALA
HONDURAS
NICARAGUA
PANAMA
[Mapa]
[Larawan sa pahina 15]
Inilalagay ng mga brother ang mga pulang letrang “Watchtower” noong 1970
[Larawan sa pahina 16]
Mag-asawang payunir sa kanilang mesa ng literatura habang nag-aalok ng magasin sa Grand Central Station sa New York City
[Larawan sa pahina 19]
[Larawan sa pahina 20]
Si Brother Anthony Bernard sa Sri Lanka gamit ang kaniyang Ingles na Bibliyang Braille sa kanilang pampamilyang pagsamba
[Larawan sa pahina 23]
Klase sa pagsulat at pagbasa sa Zambia
[Larawan sa pahina 24]
Solomon Islands: Kongregasyong umaawit sa wikang Solomon Islands Pidgin
[Graph sa pahina 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Mga Awit sa Kapurihan ni Jehova (1956) Bilang ng mga wika
“Nag-aawitan at Sinasaliwan ang Inyong
Sarili ng Musika sa Inyong mga Puso” (1973)
Umawit ng mga Papuri kay Jehova (1986)
Umawit kay Jehova (2009)
0 50 100 150
[Larawan sa pahina 26]
Ang translation team ng wikang Luo sa Kisumu, Kenya
[Mapa sa pahina 27]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
KENYA
NAIROBI: tanggapang pansangay
Kisumu: Luo
Nyeri: Kikuyu
Machakos: Kikamba
Sa buong daigdig, ang mga translation team para sa mahigit 100 wika ay nagtatrabaho ngayon sa mga remote translation office na nasa mga lugar kung saan ginagamit ng marami ang kanilang wika
[Blurb sa pahina 27]
“Para akong maliit na halamang ibinalik sa sariling lupa, sa likas na kapaligiran nito”
[Larawan sa pahina 29]
Lagos, Nigeria: Nang bumagsak ang eroplano
[Larawan sa pahina 31]
Budapest, Hungary: Nagpapatotoo ang ating mga kapatid sa mga turistang natatagpuan nila
[Larawan sa pahina 32]
Si Brother Jackson ang nagpahayag para sa pag-aalay sa Kinshasa, Congo
[Blurb sa pahina 33]
Ito ang kauna-unahang pag-aalay sa sangay sa Congo
[Larawan sa pahina 34]
India: Isang brother sa labas ng korte bago siya dinala sa bilangguan
[Larawan sa pahina 37]
Turkey: Sa kabila ng hirap na dinanas niya, masigasig pa ring nangangaral si Brother Feti Demirtaş
[Blurb sa pahina 41]
Sa South Korea, mga 45 brother buwan-buwan ang hinahatulan at sinesentensiyahan ng isa’t kalahating taon sa bilangguan
[Larawan sa pahina 41]