PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Hebreo 4:12—“Ang Salita ng Diyos ay Buháy at Mabisa”
“Dahil ang salita ng Diyos ay buháy at malakas at mas matalas kaysa sa anumang espada na magkabila ang talim, at sa talas nito ay kaya nitong paghiwalayin ang panlabas at panloob na pagkatao, at ang mga kasukasuan at mga utak sa buto, at kaya nitong unawain ang mga kaisipan at intensiyon ng puso.”—Hebreo 4:12, Bagong Sanlibutang Salin.
“Ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa, mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila’y may talim. Ito’y tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at buto, at nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng puso.”—Hebreo 4:12, Magandang Balita Biblia.
Ibig Sabihin ng Hebreo 4:12
Kayang ipakita ng mensahe ng Diyos, na nakasulat sa Bibliya, ang totoong iniisip at motibo ng mga tao. Kaya rin nitong baguhin ang mga tao.
“Ang salita ng Diyos ay buháy.” Tumutukoy ang pananalitang “ang salita ng Diyos” sa pangako, o layuning sinabi ng Diyos na makikita sa Bibliya.a Bahagi ng layuning iyon ang mabuhay magpakailanman nang payapa at nagkakaisa ang mga masunuring tao sa lupa.—Genesis 1:28; Awit 37:29; Apocalipsis 21:3, 4.
Paano nagiging “buháy” ang salita, o layuning binigkas ng Diyos? Kaya nitong baguhin ang puso ng mga tatanggap nito para magkaroon sila ng pag-asa at layunin sa buhay. (Deuteronomio 30:14; 32:47) “Buháy” rin ang pangako ng Diyos kasi patuloy na kumikilos ang buháy na Diyos para tuparin ang lahat ng mga pangako niya. (Juan 5:17) Iba ang Diyos sa mga tao. Hindi niya kinakalimutan ang mga pangako niya at hindi siya nangangako nang hindi niya kayang gawin. (Bilang 23:19) Ang salita niya ay ‘hindi babalik sa kaniya nang walang resulta.’—Isaias 55:10, 11.
“Ang salita ng Diyos ay . . . malakas.” Ang salitang “malakas” ay puwede ring isalin na “makapangyarihan,” “mabisa,” o “nagagawa [ng mga salitang iyon] ang mga kailangang gawin.” Kaya anumang sinabi o ipinangako ng Diyos na Jehovab ay talagang matutupad. (Awit 135:6; Isaias 46:10) Ang totoo, kayang tuparin ng Diyos ang mga pangako niya nang higit pa sa inaasahan natin.—Efeso 3:20.c
“Malakas” din ang salita ng Diyos dahil natutulungan nito ang mga taong nagpapahalaga dito na baguhin ang buhay at personalidad nila. Kapag isinasabuhay nila ang mga turo nito, naaapektuhan ang pag-iisip, pamumuhay, at mga goal nila. (Roma 12:2; Efeso 4:24) Kaya masasabing ang “salita ng Diyos [ay] umiimpluwensiya” sa mga tumatanggap dito.—1 Tesalonica 2:13.
“Ang salita ng Diyos ay . . . mas matalas kaysa sa anumang espada na magkabila ang talim.” Dahil kaya nitong makatagos sa puso, masasabing mas matalas pa sa espada ang salita ng Diyos. Kaya nitong maapektuhan ang panloob na pagkatao natin, na hindi magagawa ng mga turo ng tao. Mababasa ito sa mga sumunod na sinabi ng Hebreo 4:12.
“Kaya [ng salita ng Diyos na] paghiwalayin ang panlabas at panloob na pagkatao, at ang mga kasukasuan at mga utak sa buto.” Makakatagos ang “salita ng Diyos” hanggang sa “mga utak sa buto,” o sa mga nararamdaman at naiisip natin. Dahil maipapakita nito kung sino talaga tayo, matutulungan tayo ng mga turo ni Jehova na gumawa ng mga pagbabago. Kaya magiging masaya tayo at ang Maylalang natin.
“Kaya [ng salita ng Diyos na] unawain ang mga kaisipan at intensiyon ng puso.” Makikita sa reaksiyon ng isa sa salita ng Diyos ang totoong iniisip niya, pati na ang mga intensiyon o motibo niya, na nakakaimpluwensiya sa mga ikinikilos o ginagawa niya. Halimbawa, makikita na mapagpakumbaba ang isa kung positibo ang reaksiyon niya sa salita ng Diyos at gumagawa ng mga pagbabago sa buhay niya. Gusto niyang mapasaya ang Maylalang. Pero kung naghahanap siya ng mali sa salita ng Diyos, baka senyales iyan ng di-magagandang katangian gaya ng pagiging mapagmataas o makasarili. O baka nagdadahilan lang siya sa mga maling ginagawa niya.—Jeremias 17:9; Roma 1:24-27.
Sa isang reperensiya, sinabi na “nakakaabot sa pinakapanloob na pagkatao natin” ang salita ng Diyos. Nakikita ng Diyos kung sino talaga tayo, at kaya ng salita niya na maipakita iyon sa atin. Sinasabi sa Hebreo 4:13 na “ang lahat ng bagay ay nakalantad at kitang-kita ng isa na hahatol sa atin sa mga ginagawa natin.”
Konteksto ng Hebreo 4:12
Isinulat ni apostol Pablo noong mga 61 C.E. ang aklat ng Bibliya na Hebreo. Para ito sa mga Kristiyano sa Jerusalem at Judea.
Sa kabanata 3 at 4, idiniin ni Pablo sa mga Kristiyano ang di-magandang halimbawa ng mga Israelita noon. (Hebreo 3:8-12; 4:11) Nangako si Jehova sa mga Israelita na ililigtas niya sila sa pagkaalipin sa Ehipto at dadalhin sila sa lupain kung saan ‘maninirahan sila nang panatag.’ (Deuteronomio 12:9, 10) Pero paulit-ulit na ipinakita ng mga Israelita na wala silang pananampalataya sa mga pangako ng Diyos at lagi silang sumusuway sa mga utos niya. Dahil doon, hindi sila ‘nakapasok sa kapahingahan ng Diyos’ at hindi nagkaroon ng payapang kaugnayan sa kaniya. Namatay sila sa ilang. At kahit namana ng mga inapo nila ang Lupang Pangako, naging masuwayin din ang mga ito. Kaya nagdusa ang bansa.—Nehemias 9:29, 30; Awit 95:9-11; Lucas 13:34, 35.
Ipinaliwanag ni Pablo sa mga Kristiyano na dapat silang matuto sa di-magandang halimbawa ng mga Israelita. Di-gaya nila, makakapasok tayo sa kapahingahan ng Diyos kung susundin natin ang salita niya at mananampalataya sa mga pangako niya.—Hebreo 4:1-3, 11.
Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Hebreo.
a Sa Hebreo 4:12, ang pananalitang “salita ng Diyos” ay hindi laging Bibliya ang ibig sabihin. Pero dahil ipinasulat ng Diyos sa Bibliya ang mga pangako niya, puwede ring sa Bibliya tumukoy ang Hebreo 4:12.
b Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”
c Tingnan ang artikulong “Efeso 3:20—‘Makakagawa [ang Diyos] Nang Higit Pa Kaysa Maaari Nating Hilingin at Isipin.’”