PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Kawikaan 17:17—“Ang Kaibigan ay Nagmamahal sa Lahat ng Panahon”
“Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon at isang kapatid na maaasahan kapag may problema.”—Kawikaan 17:17, Bagong Sanlibutang Salin.
“Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon, at sa oras ng kagipita’y kapatid na tumutulong.”—Kawikaan 17:17, Magandang Balita Biblia.
Ibig Sabihin ng Kawikaan 17:17
Maaasahan at mapagkakatiwalaan ang tunay na mga kaibigan. Para silang mga kapatid. Tapat sila at nagmamalasakit, lalo na kapag may mga problema.
“Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon.” Puwede rin itong mangahulugan na “laging ipinapakita ng mga kaibigan ang pagmamahal nila.” Ang Hebreong salita para sa ‘pagmamahal’ sa tekstong ito ay hindi lang basta emosyon. Ang pag-ibig na ito ay di-makasarili at ipinapakita sa mga gawa. (1 Corinto 13:4-7) Kapag ganiyan ang pag-ibig ng magkakaibigan, hindi sila mag-iiwanan kahit na may pinagdadaanan ang isa sa kanila o mayroon silang di-pagkakaunawaan. Handa rin nilang patawarin ang isa’t isa. (Kawikaan 10:12) Hindi rin sila naiinggit kapag may nangyaring maganda sa kaibigan nila. Sa kabaligtaran, masaya sila para sa kaibigan nila.—Roma 12:15.
“Ang tunay na kaibigan ay . . . isang kapatid na maaasahan kapag may problema.” Kadalasan, talagang malapít sa isa’t isa ang mga magkakapatid. At para tayong nagiging kapatid sa kaibigan natin kapag ginagawa natin ang lahat para tulungan siya kapag may problema. Hindi humihina ang pagkakaibigan nila kapag may problema. Kasi habang hinaharap nila ito, lalo nilang minamahal at nirerespeto ang isa’t isa kaya lalong tumitibay ang pagkakaibigan nila.
Konteksto ng Kawikaan 17:17
Napakaraming magagandang payo na mababasa sa aklat ng Kawikaan. Simple pero talagang mapapaisip ang mga mambabasa nito. Si Haring Solomon ang sumulat sa karamihan ng aklat na ito ng Bibliya, at isinulat niya ito sa paraang karaniwan sa mga tulang Hebreo. Imbes na magkakatunog na salita, gumamit siya ng mga ideyang magkatulad o ideyang magkaiba para maidiin ang isang punto. Isang halimbawa ng magkatulad na ideya ang Kawikaan 17:17. Sinusuportahan ng ikalawang bahagi ng teksto ang unang bahagi nito. Sa Kawikaan 18:24 naman, ang unang bahagi ng talata ay kabaligtaran ng ikalawang bahagi nito. “May magkakasamang ipinapahamak ang isa’t isa, pero may kaibigang mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.”
Nang isulat ni Solomon ang Kawikaan 17:17, posibleng naiisip niya ang pagkakaibigan ng tatay niyang si David at ni Jonatan, na anak ni Haring Saul. (1 Samuel 13:16; 18:1; 19:1-3; 20:30-34, 41, 42; 23:16-18) Hindi magkaano-ano sina David at Jonatan, pero mas malapít pa sila kaysa sa mga magkakapatid. Isinapanganib pa nga ni Jonatan ang buhay niya para sa mas bata niyang kaibigan.a
Iba Pang Salin ng Kawikaan 17:17
“Sa lahat ng panahon, umiibig ang isang kaibigan, at ang isang kapatid ay ipinanganak para tumugon sa panahon ng kagipitan.”—Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
“Ang kaibigan ay mamamalaging kaibigan; siya’y naging isang kapatid sa panahon ng sakuna.”—Biblia ng Sambayanang Pilipino.
Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Mga Kawikaan.
a Tingnan ang artikulong “Isang Tunay na Kaibigan.”