Nuclear Freeze—Oo o Hindi?
NOONG Mayo 1983, sa Estados Unidos, pormal na inirekomenda ng mga obispo ng Iglesya Katolika Romana ang pagbabawas ng umiiral na mga talaksang nuklear at ang paghinto sa “pagsubok, paggawa at pagpapalawak ng bagong mga sistema sa mga sandatang nuklear.” Paliwanag nila: “Dapat na maging maliwanag ang aming masidhing pag-aalinlangan tungkol sa moral na pagkanatatanggap ng anumang gamit ng mga sandatang nuklear.”—Tingnan ang Gumising! ng Agosto 22, 1984, pahina 4.
Sa isang liham na isinulat sa Lourdes, Pransiya, noong Nobyembre 8, 1983, ipinakita ng mga obispong Pranses ng Iglesya Katolika Romana na sila ay hindi lubusang kasuwato ng kanilang mga kasamahang Amerikano. “Maaaring ihanda ng mga bansa,” giit ng mga obispong Pranses sa isang liham na nagpapaliwanag, “ang kanilang mga depensa upang hadlangan ang mga pananalakay, kahit na sa pamamagitan ng pag-iingat ng napakaraming lakas at armas nuklear upang hadlangan ang digmaan (nuclear deterrence).”
Sa kanilang liham sinabi ng mga obispong Pranses: “Maliwanag, upang maging moral na kanais-nais ang nuclear deterrence:
“ito’y dapat na gamitin lamang bilang isang depensa
“ang pagtatalaksan ay dapat iwasan; ang deterrence ay makakamit lamang kung ang banta ng paghihiganti ay gagawa sa anumang panlabas na pagsalakay na di-makatuwiran
“dapat gawin ang lahat ng pag-iingat upang alisin ang panganib ng pagkakaroon ng digmaang nuklear sa pamamagitan ng aksidente, kahibangan, terorismo, at iba pa
“sa kabilang dako, ang bansa na kumukuha ng panganib ng nuclear deterrence ay dapat na magtaguyod ng isang patakaran ng kapayapaan.”
Maraming mga Katolikong Pranses ang bibigang di sumang-ayon sa paninindigan ng kanilang mga obispo. Si Mr. Alain Woodrow, manunulat sa relihiyon para sa pahayagang Le Monde ng Paris, ay nagkomento: “Ang mga pangangatuwiran ng mga obispo ay nasa hangganan ng tama o mali. Kahit na ipinaliliwanag nila na ang isang ‘banta ay hindi ang paggamit ng lakas,’ ang pagkakaiba ay totoong napakatuso, at inaamin nila mismo na upang ang depensa ng bansa ay magkaroon ng kredibilidad, ‘ang bansang iyon ay dapat magpasiya na gumawa ng aksiyon kung hindi gagana ang mga pamamaraan ng deterrence’.”
Kapuna-puna, ang pangmalas ng Protestanteng Pranses na Council of Churches ay mas malapit doon sa mga obispong Katoliko sa Amerika nang, makaraan ang ilang araw, ay ipinahayag nila ang kanilang sarili na sang-ayon sa isang “nuclear freeze bilang ang unang hakbang tungo sa pagbaligtad ng pagpaparamihan ng mga armas, kahit na ito ay isahang panig lamang.” Mangyari pa, ang pahayag na ito ay binatikos ng Iglesyang Protestante. Sa palagay ng isang pastor, ang gayong saloobin ay nagpapalakas-loob sa “pagsalakay at pagbagsak sa totalitaryong mga estado.”
Bakit ang gayong pagkakaiba-iba ng mga opinyon sa loob ng mga iglesya tungkol sa mahalagang isyung ito sa ika-20 siglo? Maliwanag, sapagkat isinasaalang-alang ng karamihan sa mga autoridad ng simbahan ang kalagayan ng daigdig mula sa pulitikal, sa halip na mula sa maka-Kasulatan, na pangmalas. Tiyak na hindi sa mga nagkakabaha-bahaging mga organisasyong ito masusumpungan ng mga tao ng tunay na nagkakaisang mga alagad ni Kristo, ang “Prinsipe ng Kapayapaan.”—Isaias 9:6, 7; Juan 17:20, 21.