Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Mabibigyan ng Kasiyahan ang Aking mga Magulang?
INAAKALA ng ina ni Wally na kailangan niyang gumugol ng higit na panahon sa kaniyang homework o gawaing-bahay. Gayunman, sabi ni Wally, “Nag-aaral akong mabuti sa paaralan at pagdating ng bahay inaasahan kong makapagrelaks nang kaunti. Dumalaw sa ilang mga kaibigan, o anupaman. Ngunit sabi ni nanay, ‘Hindi ka lalabas ng bahay na ito.’”
‘Gawin mong ipagmalaki kita!’ ‘Gawin mo ang iyong pinakamabuti!’ ‘Magtagumpay ka!’ Gayon ang pamilyar na mga giit ng mga magulang. At samantalang ang ilang mga kabataan ay napapasigla at nauudyukan ng mga salitang ito, marahil ikinagagalit mo ang mga ito. Hindi sa nais mong pabayaan ka ng iyong mga magulang, ngunit kung minsan ang kanilang patuloy na pagpansin ay parang sobra-sobra. ‘Paano ko nga ba mabibigyan sila ng kasiyahan?’ maitatanong mo.
Kung Bakit Maraming Inaasahan ang mga Magulang
Una, kilalanin natin ang mahalagang bagay: Ang mabuting mga magulang ay nakadarama ng pananagutan sa kanilang mga anak. At gaya ng sinasabi ng Kawikaan 10:1, “Ang pantas na anak ay nakapagpapasaya sa ama, ngunit ang mangmang na anak ay kalungkutan ng kaniyang ina.” Kaya natural lamang sa iyong mga magulang na magnais na ikaw ay mapabuti. Ipinababanaag mo sila. Mas mahalaga, gayunman, lubha silang nababahala sa iyo. Sabi ni Dr. Joan Lipsitz, “Kadalasan, ang inaasahan ng mga magulang ay batay sa pagnanasang huwag maranasan ng bata ang naranasan ng mga magulang nang sila’y kasing-edad nila.”
Kaya kapag sinabihan ka ni Itay o Inay na manatili sa bahay at tapusin ang iyong homework, may katuwiran siya. Alam nila na upang makaligtas bilang isang adulto kakailanganin mong magkaroon ng ilang mga kakayahan at mga abilidad, mga kakayahan na makukuha lamang sa pamamagitan ng pag-aaral na mabuti. At kung sila ay mga Kristiyano, nais din nilang maabot mo ang iyong ganap na espirituwal na potensiyal. (Ihambing ang Efeso 4:13.) Oo, sa likuran ng pagpapalakas-loob ng iyong mga magulang upang ikaw ay makakuha ng matataas na marka o ng kanilang mga kahilingan na ikaw ay dumalo sa mga pulong Kristiyano, at iba pa, ay naroon ang maraming pag-ibig. Gaya ng pagkakasabi ng isang kabataang nagngangalang Gary: “Totoo, ang aking mga magulang ay nagtakda ng napakataas na mga tunguhin para sa akin. Tutal, maibiging isinakrispisyo nila ang kanilang panahon at salapi sa akin. Ako ang kanilang ‘pinakamahalagang’ pag-aari.”
Ipagpalagay na, ang ilang mga magulang ay lumalabis, inaasam-asam na ang kanilang mga anak ay magkaroon ng mga trabahong matataas ang sahod, posisyon, o katanyagan pa nga. Halimbawa, ang nanay at tatay ni Billy ay nangarap na siya ay maging isang kilalang atleta. Pagkatapos ng klase sinasanay siya ng kaniyang ama sa pagle-lay-up sa basketball court. Gayunman, si Billy ay walang hilig na maging atleta.
Gayunman, pansinin ang sinabi ni Jesus nang ang ina ng dalawa sa kaniyang mga apostol ay sinikap na makuha ang prestiyosong mga posisyon para sa kaniyang mga anak sa Kaharian ni Kristo—‘isa sa kaniyang kanan at isa sa kaniyang kaliwa.’ Ang kaniyang pagnanais na ang kaniyang mga anak ay maglingkod sa iba na kasama ni Jesus ay mahusay. Ngunit marahil may kaunting bahid ng maling motibo sa kaniyang kahilingan. Sa paano man, iniwasto ni Jesus ang anumang saloobin na taglay niya at ng kaniyang mga anak tungkol sa kanilang ‘paghawak ng autoridad bilang dakilang mga tao.’ Ang pagsisikap na maging numero uno ay hindi para sa mga Kristiyano. (Mateo 20:21-26) Gayundin naman sa ngayon, ang iyong kaugnayan sa Diyos ang mahalaga. (1 Corinto 1:31) Ang matinding kompetisyon at walang humpay na pagpupunyagi upang makatipon ng materyal na mga bagay ay walang kabuluhan at ‘nauuwi sa wala.’—Eclesiastes 4:4; tingnan din ang Galacia 5:26 at 1 Juan 2:16.
Gayumpaman, hindi ito pinahahalagahan ng ilang mga magulang. Kanilang pinipilit ang kanilang anak na manguna—kahit na kung minsan iyon ay higit sa kanilang kakayahan. Ano ang maaaring maging resulta? Ganito ang sabi ng isang autoridad: “Ang imposibleng mga inaasahan sa bahagi ng mga magulang, mga guro at mga kasing-edad ay malamang na lumikha ng higit na mga problemang nauugnay sa kaigtingan sa gitna ng mga kabataan kaysa anupamang ibang bagay.”
Sa kabutihang palad, ang labis-labis na ambisyoso at lubhang mapaghanap na mga magulang ay kakaunti. Kaya ang mga kahilingan na inilalagay ng iyong mga magulang ay malamang na lubhang makatuwiran. Ngunit malaki ang magagawa mo—at matututuhan—na gamitin sa iyong kapakinabangan ang kanilang mga inaasahan!
Pagkatuto na Gawin ang Iyong Pinakamabuti!
“Ako’y nagalit, nabigo at natakot,” nagugunita ng isang 16-anyos na batang babae na ang mga magulang ay humiling sa kaniya na manatili sa isang klase para sa nangungunang mga estudyante. “Sa aking akala, hindi ako masyadong matalino.” Ngunit talaga bang sobra ang hinihiling sa kaniya ng kaniyang mga magulang sa pagmungkahi na siya ay mag-aral pa nang higit? Hindi naman. Siya ay nakatapos na may matataas na marka at ngayon ay minamalas niya ang buong karanasan na “isang tagumpay para sa akin.”—magasing Teen.
Kadalasang minamaliit ng mga kabataan ang kanilang mga kakayahan. Kaya kung pinalalakas-loob ka ng iyong mga magulang na sumulong sa ilang mga dako—mga grado, halimbawa—maaari kang magtagumpay sa pagsasaalang-alang ng kanilang punto de vista. “Dinggin mo ang iyong ama na nagpangyaring maisilang ka,” sabi ng Kawikaan 23:22, “at huwag mong hamakin ang iyong ina dahil lamang sa siya’y matanda na.” Maaaring sangkapan sila ng kanilang karanasan sa buhay na sukatin ang iyong mga kakayahan nang mas makatotohanan. Sa kaniyang aklat na Childstress! si Mary Susan Miller ay sumulat: “Nais kong idiin ang bagay na ang mga magulang at mga guro ay dapat magkaroon ng mga inaasahan sa mga bata. . . . Kung wala ang mga ito, ang mga bata ay walang pagtitiwala-sa-sarili na nagmumula sa mga may sapat na gulang na naniniwala sa kanila.”
Kung gayon, subukin na abutin ang makatuwirang mga inaasahan ng iyong mga magulang.
Makipagtalastasan! Makipagtalastasan!
Ano, kung gayon, kung inaakala mong ang mga kahilingan ng iyong mga magulang ay naglalagay sa iyo ng labis na kagipitan? O ano kung ang kanilang mga tunguhin ay salungat sa iyong mga naisin? Ang pangangailangan na makipagtalastasan—na nagbibigay-liwanag, madamayin—ay paulit-ulit na maririnig sa mga kabataan na matagumpay na pinakitunguhan ang ganitong kalagayan. Si Veronica, halimbawa, ay nagsasabi: “Maupo na kasama ng iyong mga magulang kapag walang sinuman ang nagagalit at hayaan mong makita ka nila gaya ng pagkakilala mo sa iyong sarili.” Sabi pa ni David: “Kung nasimulan ko sana nang maaga na ipakipag-usap ang tungkol sa mga kagipitan na nadarama ko, naging mas madali sana hindi lamang sa akin kundi gayundin sa aking mga magulang.”
Ang pakikipagtalastasan ay nangangahulugan ng pakikinig gayundin ng pagsasalita. Kung ano ang hinihiling ng iyong mga magulang ay maaaring maging maliwanag. Ngunit talaga bang nalalaman mo kung bakit hinihiling nila ito? Tandaan, “Ang sumasagot sa tanong [o kahilingan] bago mapakinggan ito ay kamangmangan at insulto sa kaniya.” (Kawikaan 18:13, The New English Bible) “Ang pakikipagtalastasan,” sabi ni Tom Kennon, isang lektyurer sa psychiatry department ng University of California, “ang susi. . . . Kung ano ang lumilitaw ay isang bagong kabatiran sa bahagi ng tin-edyer—gayundin sa bahagi ng mga magulang.” Dalawang bagay ang maaaring makatulong sa gayong pakikipagtalastasan.
Makipagtulungan: “Nasumpungan kong mahalaga na magparaya,” sabi ni Gary. Inaamin niya na ito “ay hindi laging madali.” Madali o hindi, ipinakikita ng Bibliya na ito ay tama: “Sundin ninyo ang inyong mga magulang, sapagkat ito ang nararapat.” (Efeso 6:1, NE) Ang labanan sila ay maglalayo lamang sa iyo sa kanila. Si Veronica, na binanggit kanina, ay nagsasabi pa na ang gayong pakikipagtulungan “ay gumagawa sa iyo na mas mabuting tao sa dakong huli.”
Magpakita ng galang: Ang paggalang ay magpapabuti sa iyong mga kaugnayan sa pamilya. Hinahayaan pa nito na ipahayag mo ang iyong damdamin nang hindi nakasasakit sa damdamin ng iba. Kaya kung inaakala mo na ang iyong mga magulang ay humihiling nang higit kaysa iyong makakaya, iharap mo ang iyong mga palagay nang malumanay at may taimtim na paggalang.—Ihambing ang 1 Pedro 3:15.
Halimbawa, isang Kristiyanong kabataang nagngangalang Edward ang may salungatan sa kaniyang mga magulang tungkol sa kaniyang mga tunguhin sa karera. Paano niya binigyan sila ng kasiyahan sa maselang na kalagayang ito? Sabi ni Edward, “Nagkaroon ako ng mabuting mga resulta nang magalang na ipaliwanag ko kung bakit nais kong itaguyod ang ministeryong Kristiyano sa halip na ang karerang napili nila para sa akin. Inaasahan ko ang isang malaking gulo, lalo na mula kay Inay, subalit sa halip nagkaroon ng mahinahong tugon.”
Kawili-wili, pagkatapos ng mga ilang taon si Edward ay naging manggagawa sa punung-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Kamakailan lamang ang kaniyang ina ay sumulat: “Totoo na kami ay nabalisa nang ikaw ay magpasiyang magtungo [riyan]. Gayunman, tinatanggap namin ito at inaakala naming marahil ito ang pinakamabuting disisyon para sa iyo. Mukhang maligaya ka riyan at iyan ang mahalaga. Hindi namin matanggap ang iyong paraan ng relihiyosong pag-iisip, ngunit hindi iyan gumagawa rito na tama o mali.”
Kaya sa halip na mayamot sa ilalim ng pag-uudyok ng iyong mga magulang, bakit hindi malasin ang mga pag-asa sa iyo ng iyong mga magulang na isang kapahayagan ng kanilang pagtitiwala sa iyo? At kung ang kanila o ang iyong mga inaasahan ay nangangailangan ng pagbabago, maging magalang sa pakikipag-usap nito.
[Blurb sa pahina 15]
“Maupong kasama ng iyong mga magulang kung walang sinuman sa inyo ang galit at hayaan mong makita ka nila na gaya ng pagkakilala mo sa iyong sarili,” mungkahi ng isang kabataan
[Mga larawan sa pahina 16]
Inaakala mo ba na ang iyong mga magulang ay nagdudulot sa iyo ng kaigtingan sa pagpaplano ng iyong buhay?