Ang Pinakamabuting Pamahalaan—Malapit Na!
KUNG saan walang pamahalaan naroon ang anarkiya. Paulit-ulit na itong nakita nang ang mga pulis ay magwelga o hindi nakapagtrabaho. Ang resulta? Sinamantala ng ilang masasamang-loob ang kalagayan upang mandambong at manloob. Ipinakikita nito ang bagay na ang tao ay hindi maaaring mabuhay sa isang maayos na lipunan malibang mayroong pamahalaan upang pangasiwaan ang batas at kaayusan sa kapakinabangan ng lahat.
Gayunman ang iba ay sasagot na kung saan may pamahalaan ay kadalasang may ibang uri ng pandarambong—pinakakapal ng mga pulitiko at malalaking negosyo ang kanilang mga bulsa dahilan sa kanilang impluwensiya. Ang panunuhol, katiwalian, at kabulukan ay pangkaraniwan sa pulitika. Ang kapaki-pakinabang na mga kontrata ng gobyerno ay ibinibigay sa paboritong “mga kaibigan” sa negosyo. Bunga nito, marami ang nagbago ng palagay tungkol sa pulitika at mga pulitiko, at hindi pa nga bumuboto. Bakit? Ang isang dahilan ay sapagkat kadalasang hindi ginagarantiya ng mga pamahalaan ang katarungan at pagkakapantay-pantay para sa lahat.
Bakit kadalasan, sa kabila ng matatayog na mga mithiin at makataong mga manipesto, ang pulitika ay lubhang tagapagbaha-bahagi at nagwawasak sa buhay ng tao?
Natatagong Impluwensiya sa Likuran ng Pulitika
Upang sagutin ang katanungang ito dapat nating balikan ang kasaysayan mahigit na 1,950 mga taon sa isang bundok sa Palestina. Doon naganap ang isang pambihirang pag-uusap na siyang susi upang maunawaan ang tanong hinggil sa pamamahala ng tao. Sisimulan na ni Jesu-Kristo ang kaniyang pagmiministeryo sa madla. Sinamantala ni Satanas, ang pinakamahigpit na kaagaw ng Diyos sa pansansinukob na pamamahala, na subukin si Jesus sa isang pagsisikap na sirain ang kaniyang katapatan. Sinasabi sa atin ng ulat na “ipinakita [ni Satanas kay Jesus] ang lahat ng kaharian ng sanlibutan [sa isang pangitain] at ang kaluwalhatian nila, at sinabi niya sa kaniya: ‘Lahat ng ito ay ibibigay ko sa iyo kung magpapatirapa ka at gagawa ng isang gawang pagsamba sa akin.’”—Mateo 4:8, 9.
Sa walang hanggang pagpapala ng sangkatauhan, tinanggihan ni Jesus ang alok. Subalit ano ang sinasabi sa atin ng mahalagang engkuwentrong ito tungkol kay Satanas at sa sistema ng sanlibutan, “ang lahat ng kaharian ng sanlibutan”? Na si Satanas ang di nakikitang “pinuno ng sanlibutang ito.” (Juan 12:31; 14:30; 16:11) Sa gayon maisusulat ni apostol Juan: “Alam nating tayo’y mga anak ng Diyos at na ang buong sanlibutan sa paligid natin ay nasa kapangyarihan at pamamahala ni Satanas.”—l Juan 5:19, The Living Bible.
Samakatuwid ang balakyot na espiritu ni Satanas ang siyang lumalaganap sa pulitikal na sistema ng daigdig. Siya ang tunay na pinagmumulan ng mga simulain na tinipon ni Machiavelli. Si Satanas “ang espiritung naghahari sa mga taong suwail sa Diyos” sapagkat siya “ang pinuno ng espirituwal na kapangyarihan ng hangin.”—Efeso 2:2, The New English Bible.
Maaaring mahirapang tanggapin ng iba na mayroong isang masama, hindi nakikitang espirituwal na kapangyarihan na nag-uudyok sa pulitikal na mga pinuno ng daigdig. Gayunman dito nakasalalay ang pagkaunawa sa pangkalahatang larawan na inilalahad ng Bibliya tungkol sa isang labanan sa pansansinukob na pagkasoberanya. (Apocalipsis 12:7-9) Ginamit ni Satanas ang pulitika upang hatiin ang sangkatauhan at ilihis ang pansin ng tao mula sa tunay na pag-asa sa pagsasauli ng matuwid na pamamahala, alalaong baga, ang pamamahala ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.—Mateo 4:23; 9:35.
Gaano nga katagumpay ni Satanas! Sa pamamagitan ng pagsamantala niya sa tagapagbaha-bahaging pulitika at nasyonalismo ginamit niya ang mga tao na “pinapurihan ang estado na parang Diyos . . . o itinulad ito sa pagdaraan ng Diyos sa kasaysayan.” Sa ilan, ang “pagsamba sa estado bilang pagsasatao ng diwa ng bansa ay mahalaga para sa katuparan ng pambansang tadhana.” (Ideas in Conflict, ni Edward Burns) Ang Alemanyang Nazi ay isang tipikal na halimbawa. “Walang higit na itinaguyod na gaya ng pagsamba sa Nazismo at sa Führer nito,” sabi ni Propesor Palmer. Kahit na ngayon ginagamit ng mga pulitiko ang kasangkapan ding iyon upang pasulungin ang kanilang mga ambisyon, ngunit sa kapahamakan ng sangkatauhan. Dahilan sa pulitikal na interes sa sarili, ang posibleng pagkalipol ay nakaharap sa atin.
Ano ang makapagliligtas sa tao mula sa bingit ng nuklear na kapahamakan? Mayroon bang anumang uri ng pamahalaan na makapagkakaisa sa sangkatauhan? Ano ang kinakailangan upang maging tapat ang lahat ng tao sa isang matuwid na pamahalaan?
Kapayapaan at Pagkakaisa—Paano?
Ang mananalaysay na si Edward Burns ay sumulat: “ang pagkontrol at pagpapahupa sa nasyonalismo, at ang paghahalili rito ng isang mabisang pandaigdig na organisasyon, ay walang alinlangang isa sa pinakamapanganib na suliranin ng makabagong panahon.” (Amin ang italiko.) Ang iba ay nag-apuhap upang makasumpong ng kasagutan sa paghahanap ng tao sa pagkakaisa. Ang Kastilang-Amerikano na pilosopong si George Santayana ay “walang makitang paraan upang alisin ang digmaan maliban sa paglikha ng isang pansansinukob na pamahalaan na may kakayahang ipatupad ang kalooban nito sa lahat ng mga estado sa lupa. Walang Liga ng mga Bansa o Nagkakaisang mga Bansa ang makasasapat.”—Amin ang italiko.
Bakit hindi natamo ng mga pulitiko ang mithiing ito ng isang pansansinukob na pamahalaan? Ang isang dahilan ay sapagkat humahadlang ang makitid na nasyonalismo. Gaya ng sabi ng isang mananalaysay: “Upang supilin o alisin ito sa pamamagitan ng anumang paraan na kapos sa edukasyon ng kapatiran ng tao ay magiging mahirap habang ang daigdig ay patuloy na napaliligiran ng mga poot at takot.” (Amin ang italiko.) Ganito ang katuwiran ng awtor na si H. G. Wells: “Mahalaga na ang karaniwang kaisipan ng lahi ay nararapat pagharian ng ideyang iyon ng pagkakaisa ng tao, at na ang ideyang iyon na ang sangkatauhan ay isang pamilya ay dapat na maging isang paksa ng pansansinukob na instruksiyon at pagkaunawa.”—Amin ang italiko.
Maisasagawa ba ang gayong programang pang-edukasyon? Hindi lamang ito maisasagawa, ito ay isa nang katunayan! Saan? Sa gitna ng ilang milyong mga Saksi ni Jehova sa 203 mga bansa at lupain. Naranasan ng mga ito ang isang pagbabago sa puso at isip. Kaya naman, naaapektuhan rin ng mga Saksi ni Jehova ang mahigit apat na milyong mga kasama. Anong mga pagbabago ang kanilang naisagawa? Isang supranasyonal na espiritu ang naibunga sa gitna nila salig sa pag-ibig Kristiyano. Tinalikdan nila ang nasyonalismo na “nauugnay sa pagtatangi ng lahi, kakitiran ng isip, pagkapanatiko, hindi pagpaparaya, pag-uusig, at panatisismo.”—Ideas in Conflict, pahina 502.
Ang Bibliya ay nagbigay ng mga silahis tungkol sa malaking gawaing pagtuturo na ito para sa salinlahing ito. Tiniyak ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias na “lahat mong mga anak ay magiging mga taong tinuruan ni Jehova, at sasagana ang kapayapaan ng iyong mga anak.” (Isaias 54:13) Ito’y magpapatuloy hanggang sa ang buong lupa ay ‘mapuno ng kaalaman tungkol kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.’—Isaias 11:9.
Binanggit din ni Jesus bilang bahagi ng tanda ng mga huling araw para sa pulitikal, komersiyal, relihiyosong sistemang ito: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Ipinaliliwanag nito ang masinsinang bahay-bahay na edukasyonal na kampaniya na isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova sa ika-20 siglong ito. Ipinahahayag nila na ang pamahalaan ng Kaharian ay malapit nang kumilos mula sa langit upang ‘durugin at wasakin niyaon ang lahat [ng kasalukuyang pulitikal] na mga kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.’—Daniel 2:44.
Ano ang Iniaalok ng Malapit na Hinaharap?
Gayunman, bago mangasiwa ang teokratikong pamahalaang iyon ng Kaharian sa pamamagitan ni Kristo sa buong lupa, kailangan munang maganap ang ilang mga pangyayari, ayon sa hula ng Bibliya. Ipinahahayag ng aklat ng Apocalipsis ang mga tauhan. Ang mga ito ay:
“Isang babae . . . ‘Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot.’” (Apocalipsis 17:3-5) Kinakatawan niya ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon na umiimpluwensiya sa maraming “mga bayan at mga karamihan at mga bansa at mga wika.”—Apocalipsis 17:15.
“Isang matingkad-pulang mabangis na hayop” na isinasakay ang isang babae sa likod nito. Ang hayop na ito, isang larawan ng mas dakilang “mabangis na hayop” na binanggit nang una sa Apocalipsis na ibinigay kay Juan, ay kumakatawan sa internasyonal na organisasyon na tinitipon sa isang arena ang mga kinatawan ng lahat halos ng pulitikal na sistema ng daigdig na ito. Dati-rati ito ang Liga ng mga Bansa. Ngayon ito ang Nagkakaisang mga Bansa. Sa katunayan isa itong pagsasabwatan laban sa Kaharian ng Diyos. Nilalayon nitong gawin ang bagay na ang Kaharian lamang ng Diyos ang makagagawa—magtatag ng permanenteng kapayapaan.—Apocalipsis 13:1, 2, 15; 17:3, 8; 20:4.
Ngayon anong mga pangyayari ang dapat na maganap sa malapit na hinaharap? Ang Apocalipsis ay tumitiyak sa atin na ang “matingkad-pulang mabangis na hayop” at ang mga tagapamahala nito ng pulitikal na kapangyarihan “ay mapopoot sa patutot at kanilang wawasakin at . . . lubusang susunugin siya ng apoy.” (Apocalipsis 17:16) Ano ang inilalarawan nito? Na ang pulitikal na mga elemento, na kinakatawan sa Nagkakaisang mga Bansa, ay babaling laban sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon upang lipulin ito. Subalit nangangahulugan din ito na sa dakong huli sila ay babaling din laban sa tunay na mga kinatawan ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, alalaong baga, ang mga Saksi ni Jehova.a Ano ang magiging resulta?
Iyan ay pupukaw ng isang reaksiyon mula sa langit, mula sa ‘isa na nakaupo sa isang kabayong maputi na humahatol at nakikipagbaka nang may katuwiran,’ yaon ay, “Ang Verbo ng Diyos,” si Kristo Jesus. (Apocalipsis 19:11-16) Sa gayon masusumpungan ng mga bansa ang kanilang mga sarili na nakaharap sa digmaan ng Diyos sa Armagedon. (Apocalipsis 16:16) Ang matuwid na digmaang ito laban kay Satanas at sa kaniyang “daigdig” ang magtatanda ng wakas sa lahat ng pulitikal na mga sistema. Susundan ito ng pagbabalik ng teokratikong kaayusan sa buong lupa. Ang lupa ay magiging isang paraiso at tatahanan ng mga maaamo na gumagawa ng kalooban ng Diyos. Ang mapangwasak na mga pulitika ay hindi na iiral sa lupa.—Awit 2:2, 9; 37:29.
Dahil sa maliwanag na kabiguan ng lahat ng pulitikal na sistema na sapatan ang pinakamatinding mga pangangailangan ng tao, hindi ba dapat ay tumingin ka sa isang pamahalaan na makasisiya sa lahat ng tao? Dahil sa pagkaapurahan ng panahon na kinabubuhayan natin, inaanyayahan ka namin na makipagkita sa mga Saksi ni Jehova sa inyong dako upang suriing maingat ang katibayan na nagpapakitang ang pamahalaan ng Kaharian ng Diyos ay malapit na.—Lucas 21:25-33.
[Talababa]
a Para sa mas detalyadong pagtalakay ng kahulugan ng Apocalipsis sa ating mga panahon, tingnan ang “Babylon the Great Has Fallen!” God’s Kingdom Rules!, na lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Blurb sa pahina 12]
Dahilan sa pulitikal na interes sa sarili, ang posibleng pagkalipol ay nakaharap sa atin
[Blurb sa pahina 13]
“Ang ideya ng sangkatauhan bilang isang pamilya ay dapat na maging isang paksa ng pansansinukob na instruksiyon at pagkaunawa.”—H. G. Wells