Papaanong ang Kapayapaan ay Magiging Isang Katunayan?
Ano ang ilan sa pangunahing mga batong katitisuran na humahadlang sa permanenteng kapayapaan sa pagiging isang katunayan? Mula sa ating naunang artikulo, makikilala natin ang sumusunod:
(1) Sakim na mga uri ng namamahalang mga piling tao (pulitikal, militar, komersiyal, at relihiyoso) na nakaimpluwensiya sa mga tao.
(2) Isang sistema ng edukasyunal na pagkondisyon batay sa labis na nasyonalismo na nagtuturo ng “banal na egoismo,” pambansang kahigitan, kawalang tiwala, at pagkapoot.
(3) Ang panlahat na kontrol at pagpatnubay ng ‘diyos ng sistemang ito ng mga bagay, na binulag ang pag-iisip ng mga hindi nagsisisampalataya,’ alalaong baga, si Satanas na Diyablo.—2 Corinto 4:4.
SA ISANG pandaigdig na lawak, kailangang magkaroon ng isang pagbabago ng pag-iisip, isang pagbabago ng puso. At iyan ay nangangahulugan ng isang pagbabago ng edukasyon—upang turuan ang lahat ng tao ng kapayapaan, pag-ibig, at paggalang sa isa’t isa. At iyan ay nangangahulugan din ng pambuong-daigdig na pagbabago ng liderato tungo sa isang nagkakaisang liderato na igagalang ng lahat ng mga bansa—isang hindi masisirang pandaigdig na pamahalaan. Kasunod nito, iyan ay mangangahulugan ng isang pagbabago sa pamamahala sa daigdig—mula sa pamamahala ni Satanas tungo sa pamamahala ng Diyos! Subalit paano mangyayari ang mga pagbabagong ito?
Inihula ng Bibliya mahigit na 2,500 taon na ang nakalipas na sa panahon ng kawakasan ng sistemang ito ng mga bagay ‘ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman.’ (Daniel 2:44) Ito ang walang hanggang Kaharian na itinuro ni Jesus na idalangin ng kaniyang mga alagad: “Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Ang kahariang iyan ay nangangahulugan ng isang bagong pamamahala sa pamamagitan ni Kristo Jesus, mula sa mga langit, para sa buong lupa, gaya ng isinulat ni propeta Daniel: “Ang kaniyang pagpupuno [o, soberanya] ay walang hanggang pagpupuno na hindi lilipas, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba.”—Daniel 7:13, 14.
Ang makalangit na gobyernong ito sa mga kamay ni Kristo ang bagong kaayusan na hahalili sa nababahagi, sakim na mga piling tao na namahala sa masamang paraan sa sangkatauhan sa loob ng mga milenyo. Ito ang bumubuo ng namamahalang bahagi ng “mga bagong langit at isang bagong lupa” na “hinihintay natin ayon sa pangako [ng Diyos], at sa mga ito’y tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Ang pamahalaang ito ang tunay na “sinilangan ng hinaharap na kahihinatnan ng daigdig,” hindi ang United Nations sa New York na iminungkahi ni Robert Muller, katulong na kalihim-panlahat sa UN. Sa kabila ng proklamasyon ng UN sa 1986 bilang ang Internasyonal na Taon ng Kapayapaan, ang tunay na kapayapaan ay darating lamang sa pamamagitan ng sinang-ayunan ng Diyos na alulod na ang Kaharian ng Diyos.
Ang Bahagi ng Edukasyon
Inihahanda na ng angaw-angaw na mga tao ang kanilang mga sarili upang mamuhay sa kapayapaan sa ilalim ng pamamahala ng gobyernong Kaharian na iyan. Sa mahigit na sandaang taon isang malawakang kampaniyang pang-edukasyon ang pinarating sa mga bansa upang dalhin ang mensahe ng Kahariang iyan sa lahat ng tao. Marahil dinalaw ka ng isang mapayapang kinatawan ng gobyernong iyan sa iyong tahanan, bagaman nang panahong iyon malamang na hindi mo natalos ang kahalagahan ng pagdalaw na iyon. Siya ay nakikibahagi sa pinakamalawak na edukasyonal na gawain kailanman sa kasaysayan ng tao. Sino ang dumalaw na ito? Isa sa mga Saksi ni Jehova. At bakit dumadalaw sa inyo ang mga Saksi?
Ang mga Saksi ay nag-aalok ng isang pag-aaral sa Bibliya sa kaninumang taimtim na tao na nagnanais matuto tungkol sa daan ni Jehova sa kapayapaan. Ang libreng edukasyon na ito ay tumutulong na sa angaw-angaw na “pandayin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit.” Ang propeta Isaias ay nagsasabi: “Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikidigma.”—Isaias 2:4.
Kabaligtaran sa mga membro ng United Nations, na bibigan o pisikal na nakikipagdigma pa rin sa isa’t isa, isinasakatuparan na ng mga Saksi ni Jehova ang hulang ito. At papaano ito nagawa ng mga Saksi? Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya upang makuha ang kaisipan ni Kristo tungkol sa mga bagay-bagay; sa pagkatuto na ang Diyos nga ay pag-ibig at na dapat nilang ipabanaag ang kaniyang pag-ibig sa kanilang kapuwa ng lahat ng mga bansa at lahi. Sa kadahilanang iyan matibay silang naninindigan sa pagiging neutral kung tungkol sa pulitikal na mga isyu at tumatangging makibahagi sa anumang digmaan o labanan, anuman ang mangyari.—1 Juan 4:8; Juan 13:34, 35.
Sang-ayon sa natupad na hula ng Bibliya, ang panahon ay malapit na upang kumilos ang Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:3-35) Hindi na magtatagal wawakasan ng digmaan ng Diyos sa Armagedon ang pamamahala ni Satanas at ang lahat ng baha-bahagi at mapangwasak na pulitika nito. (Apocalipsis 16:14-16; 19:17-21) Ngayon na ang panahon upang bumaling sa Diyos at sa kaniyang Salita. Ang mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar ay magalak na tutulong sa inyo upang patunayan sa inyo na ang walang hanggang kapayapaan ay hindi isang mailap na panaginip kundi isang katunayan sa malapit na hinaharap sa buong daigdig. O malayang sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito para sa higit pang impormasyon at tulong.
[Larawan sa pahina 9]
“At papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod . . . Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikidigma.”—Si Isaias na propeta