Bilang Isang Abugado, Lohika ang Hanap Ko
NOONG 1964 ako’y nagtapos ng abugasya sa pamantasan ng Madrid. Kumbinsido ako na may malaking mga posibilidad na maglingkod sa katarungan at sa aking kapuwa mga mamamayan mula sa pangmalas ng isang mahusay ang sahod, maimpluwensiya, at kagalang-galang na posisyon. Sa kadahilanang iyan sinimulan ko ang mga eksaminasyon upang makakuha ng isang puwesto sa lupon ng mga State Attorney (abugado ng gobyerno) sa Espanya.
Gayunman, ang sumunod na mga taon ay nagdulot sa akin ng matinding kabiguan at pagkasiphayo at umakay sa akin sa katayuan ng pulitikal at relihiyosong pag-aalinlangan. Nagkaroon ako ng mga panahon ng panlulumo at pinag-isipan ko ang tungkol sa pagpapatiwakal. Para bang ang lahat ay walang halaga. Sagad na ang aking kabiguan na nagsimula mga ilang taon na.
Subalit anong mga pangyayari sa aking buhay ang nagtulak sa akin sa marahas na pagpipiliang ito ng posibleng pagpapatiwakal? Ano ang unti-unting umakay sa akin sa panlulumong ito?
Sa Kadiliman
Ako’y ipinanganak pagkatapos lamang ng Gera Sibil Espanyola (1936-39), sa noo’y protektoradong Kastila na Morocco. Ang aking ama, isang opisyal ng hukbo, ay nadistino roon. Pangalawa ako sa tatlong anak at ang kaisa-isang lalaki. Ako ay lumaki sa karaniwang nakaririwasang pamilya sa yugtong iyon ng kasaysayan ng Espanya, kung saan ang militar at Katolikong mga pagpapahalaga ay sukdulang pinakadadakila.
Nang panahong iyon halos lahat ng Kastila ay pinapaniwala na dapat siyang maging “kalahating monghe at kalahating sundalo”—at hinubog na gayon ng edukasyon. Ang kaisipang ito ay presente sa bawat yugto ng buhay, na mahigpit na kontrolado ng estadong Katoliko. Ang lupang tinubuan, relihiyon (Katoliko, mangyari pa), tradisyon, diwa ng pagkamakabayan, at ang mga pagpapahalaga sa lahing Hispaniko ay pangunahing mga ideya na itinuturo sa isipan ng bawat bata sa pamamagitan ng utos ng pamahalaan. Yamang walang ibang mapagpipilian noong mga panahong iyon, ako ay nag-aral sa mga paaralang Katoliko Marista at Jesuita. Ipinalalagay na pagdating ng araw ako ay magiging isang opisyal din ng hukbo.
Mga Katanungan at mga Pag-aalinlangan
Sa gulang na 12 isang mahalagang bagay ang nangyari sa aking buhay. Ang aking ama ay nakadalo ng ilang mga kursong Katoliko sa relihiyosong pagtuturo. Siya ay nagbalik taglay ang isang sipi ng Bibliyang Bover-Cantera. Taglay ko pa rin ito, punô ng mga salungguhit at tadtad ng mga tanong at mga nota na isinulat ko sa gilid hinggil sa mga bagay na hindi ko maunawaan.
Sa loob halos ng tatlong buwan nabasa ko ang buong Bibliya. Habang ako’y nagkakaedad natanto ko na nakagawa ako ng isang bagay na lubhang pambihira para sa isang Kastilang batang Katoliko ng panahong iyon. Walang sinuman ang humimok sa akin na magbasa ng Bibliya. Sa kabaligtaran, pinagpayuhan ako ng aking mga guro na huwag basahin ito, lalo nang magtanong ako ng mga tanong na hindi nila masagot o kapag sinasalungat ko ang mga turong Katoliko. “Hindi iyan para sa iyo. Napakabata mo pa. Dapat kang maghintay hanggang sa ikaw ay magkaedad bago ka magbasa ng Bibliya,” ang mga tugon na kadalasang nakukuha ko. Gayundin ang nangyari sa aking mga kamag-aral. Hindi ko kailanman magawang isang paksa ng pag-uusap ang Bibliya. Tinitingnan nila ako nang may pag-aalinlangan, para bang ako’y isang erehes.
Nabalisa ako ng mga katanungan na suma-isip ko sa aking pagbabasa ng Bibliya. Kinagalitan ko pa nga ang aking sarili, isang disiplinadong Katoliko, sa pagkakaroon ng gayong pag-aalinlangan. Ikinatakot ko ang pagkasumpong sa aking sarili na naniniwala sa mga bagay na kakaiba roon sa mga itinuro ng “Sagradong Inang Iglesya.”
Hinding-hindi ko malilimot ang matinding pagkabalisa na nadama ko noon, sa isang leksiyon tungkol sa kasaysayan ng Espanya, natutuhan ko ang tungkol sa kakila-kilabot na mga digmaan na ipinakipagbaka sa pagitan ng mga Katoliko at ng laban sa Trinidad na mga Arian upang pagkaisahin ang iglesya. Saka ko natanto na ang doktrina ng Trinidad ay hindi laging pinaniniwalaan sa Espanya. Ito ay opisyal na ipinag-utos noong ikaanim na siglo sapagkat itinakwil ng hari ng mga Goth, si Reccared, ang Arianismo at tinanggap ang relihiyong Katoliko taglay ang simbolo nito ng Nicea, ang Trinidad. At lahat ng ito ay maliwanag na dahilan sa pulitikal na mga kadahilanan—ang pangangailangan na pagkaisahin ang mga Visigoth at ang mga Hispaniko Romano, ang dalawang pangunahing mga pangkat ng populasyon sa Iberia nang panahong iyon.
Mula sa aking personal na pag-aaral ng Bibliya, nahihilig akong maniwala sa punto ni Arian tungkol sa palagay na si Kristo ay hindi Diyos kundi, bagkus, ang Anak ng Diyos at ang panganay sa kaniyang mga nilikha. Ito ang lohika na natutuklasan ko sa aking sariling Bibliya sa gulang na 12. Ngunit ako ay nag-aalala. Paano ko mauunawaan ang isang bagay na dapat sana’y naunawaan na noon nang may katiyakan ng mga dalubhasa sa simbahan? Kaya pinabayaan ko muna ang bagay na iyon doon, na natatago sa aking puso.
Sa gulang na 14 ang aking paningin ay napakahina anupa’t isinuko ko ang ideya ng isang karerang militar. Kaya’t ako’y nagpasiyang mag-aral ng sining, na humantong sa aking pag-aaral ng mga klasikang literatura at sinaunang pilosopya. Natanto ko na ang ibang mga bansa at mga kultura ay namuhay at namalagi taglay ang mga paniniwala na lubhang kakaiba kaysa roon sa aking kinalakhan. Nagliwanag sa akin na maaaring ako’y naipanganak sa alinman sa mga kulturang iyon at kung magkagayon, ayon sa lohika, ay maaaring pinalaki na taglay ang isang kakaibang ideya at paniniwala. Bunga nito, magkakaroon ako ng ibang relihiyon, personalidad, at pangmalas sa buhay. Pinag-isip ako niyan kung paanong lubhang di-makatuwiran ang buhay. Tayong lahat ay mga biktima ng pagkakataon, na tumitiyak kung sa aling relihiyon tayo isinilang o kung sa wala. Waring hindi makatuwiran sa akin na tayo ay pabayaan ng Diyos sa mga kapritso ng pagkakataon.
Mga Dahilan sa Pagsasalungatan
Nang panahong iyon kami ay naninirahan sa matandang lunsod ng Toledo. Ang matanda, paliku-liko, makitid na mga lansangan nito, ang mahabang kasaysayan nito, at ang makasaysayang mga gusaling may kaugnayan sa mga pananampalatayang Muslim, Judio, at Katoliko ang nagpangyari sa akin na magbulaybulay hinggil sa tatlong kultura, ang kanilang paniniwala at paraan ng pamumuhay. Sa simula pa ay naging palaisipan na sa akin na ang dalawang relihiyong lubhang nauugnay sa Kristiyanismo, ang Judio at Muslim, ay matatag na nagtuturo ng isa lamang Diyos at hindi Trinidad. Umakay ito sa akin na maunawaan ang malaon nang hidwaan sa pagitan ng mga Katoliko at mga Judio at sa pagitan ng Sangkakristiyanuhan at Islam.
Sa gulang na 17 ako ay pumasok sa Universidad ng Madrid. Sa simula ang lubhang pagkakasarisari ng mga tao roon ay kaakit-akit. Nang malaunan ako ay naging interesado sa pulitika at pinanatili ko ang pakikipag-ugnayan sa mga grupong radikal at Marxista gayundin sa iba pa na mas mahinahong grupo. Gayunman, hindi ko nasumpungan sa kanila ang tunay na kataimtiman at intelektuwal na katapatan na inaasahan ko. Sa gayon ako ay naghinuha na ang tanging paraan na maaari kong mapaglingkuran ang iba ay sa pamamagitan ng isang personal, sa halip na sa isang pang-organisasyon, na antas. Inaakala ko pa rin na ang tao lamang ang kuwalipikadong magdala ng mas mabuti at mas matuwid na daigdig.
Gaya ng nabanggit ko kanina, matagumpay na natapos ko ang aking mga pag-aaral sa abugasya noong 1964. Ngunit mentras mas marami ang binabasa ko, lalo lamang akong nalilito. Wala akong makitang paraan para sa mas mabuting daigdig para sa sangkatauhan. Iyan ay nang para bang ang lahat ng bagay ay walang saysay. Pagkatapos ay dumating ang isang pagbabago sa aking buhay.
Isang Pagdalaw na Bumago sa Aking Buhay
Patuloy kong binasa ang Bibliya nang may malaking interes. Ang aking abugadong isipan ay nagpangyari sa akin na pahalagahan ang walang hanggang karunungan na ipinababanaag sa Batas Mosaiko—ang kamangha-manghang pagkakapantay-pantay na doon ang mga kapakanan, mga karapatan, at mga obligasyon ng tao at ng pamayanan ay timbang. Humanga rin ako sa matinding pag-ibig na nag-udyok sa gayong mga batas at na kinakailangan nilang tuparin. Pinangarap ko ang tungkol sa daigdig kung ang mga batas na ito ay lubusang ikakapit.
Isang araw binuksan ko ang Bibliya sa aking desk nang anyayahan ng aking ama ang dalawang mga Saksi ni Jehova, sina Fernando at Guillermo, na pumasok ng bahay. “Ang aking anak ay lubhang interesado na makipag-usap sa inyo. Tingnan ninyo kung ano ang kaniyang pinag-aaralan,” sabi niya, habang itinuturo niya ang Bibliya. Saka sinimulan ko ang aking mga pagtatanong. “Bakit hiniling ng Diyos kay Abraham na gawin kung ano ang hinatulan Niya sa iba sa kanilang maling pagsamba—ang paghahandog ng kaniyang anak?” “Bakit tayo narito sa lupa kung ang kaniyang layunin ay dumoon tayo sa langit?” “Bakit ginawa niyang napakaganda ang lahat ng bagay sa lupa anupa’t talagang ayaw nating mamatay?”
Sa bawat tanong ay may paliwanag sina Fernando at Guillermo mula sa Bibliya. Ako ay namangha. Pagkatapos ng dalawang oras na pag-uusap, ako ay nagtanong, “Mayroon ba kayong anumang aklat na inilalathala ninyo?” “Aba, oo, marami kami! Subalit sa pagkakataong ito isa lamang ang taglay namin,” sabi ni Fernando habang ipinakikita niya sa akin ang 256-pahinang aklat na From Paradise Lost to Paradise Regained.
Nang hapong iyon binasa ko ang buong aklat. Nag-iisa sa aking silid napaiyak ako sa kagalakan. Walang anu-ano ang Bibliya ay naging maliwanag. Ngayon higit pa ito sa basta isang halu-halong bunton ng mga perlas na hindi pa natuhog. Ang larawan, kompleto sa lahat ng pangunahing punto nito, ay makatuwiran at punô ng kahulugan.
Itinulad ko ang aking sarili sa labis ang kagalakan na bulag na tao, na sa pamamagitan ng pagpapagaling ni Jesus ay nagsimulang makakita ng mga hugis ng mga bagay sa paligid niya. (Marcos 8:22-25) Hinanap ko at sa wakas ay nasumpungan ko ang katotohanan. Si Kristo ay talagang buháy. Si Jehova, ang kaniyang Ama, ang isa at tanging maibiging Diyos ng sansinukob, ay ginagamit siya upang isakatuparan ang kaniyang maligayang layunin para sa sangkatauhan—ang pagsasauli ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng Kaniyang Kaharian sa mga kamay ng kaniyang sinisintang Anak.—Gawa 3:21.
Gayunman, ang pagsasagawa ng aking natutuhan ay hindi madali sa akin. (Mateo 7:24) Ang landas mula sa aking isip tungo sa aking puso ay nahahadlangan ng mga sagabal na, sa tulong ni Jehova, ay naisaisang tabi ko bilang “isang tambak na sukal.” Higit na mahalaga ay “ang dakilang kagalingan ng pagkakilala kay Kristo.”—Filipos 3:8.
Pagkatapos ng isang panahon ng pagsubok ng ‘mga ibon, init, at dawagan,’ sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo noong 1971. (Mateo 13:4-7, 19-22) Ang aking maybahay, si Lucía, ay nabautismuhan pagkaraan ng apat na buwan. Sumunod ang aking ina noong 1973, gayundin ang dalawa sa aking mga bayaw na ngayo’y naglilingkod bilang mga elder sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.
Pagtatanggol sa Katotohanan sa Pamamagitan ng Radyo at TV
Sa pagtatapos ng 1974 isang istasyon ng radyo sa Madrid ang nag-anyaya sa mga Saksi na makibahagi sa isang programa tungkol sa kanilang katayuan hinggil sa mga pagsasalin ng dugo. Bagaman kami’y legal na kinikilala na bilang isang relihiyon mula noong 1970, ang pahayagan at ang klero ay tinatrato pa rin kami na para bang kami ay isang sekta na nasa ilalim ng anino ng pagbabawal. Kaya gunigunihin ang aming katuwaan na kami’y anyayahan ng isang kilalang seruhano, ang manugang na lalaki ni Heneral Franco, na makibahagi sa kaniyang programa sa radyo.
Nang ako, ang isang Saksing nars, at iba pa ay pumasok sa studio, para ba kaming si Daniel na pumapasok sa yungib ng mga leon. Sa paligid ng isang malaking mesa ay nakaupo ang limang doktor at isang paring Katoliko. Isang malaking patotoo ang naibigay yamang ang programa ay narinig sa buong bansa. At inilantad nito ang kasinungalingan ng mga pari na kami ay nasa ilalim pa ng pagbabawal. Lalo nang pinahalagahan ng nabubukod na mga ministrong Saksi sa maliliit na bayan ang tulong na iyon.
Noong 1984 ako ay nagkaroon ng pagkakataon na ipagtanggol ang katotohanan sa isang regular na programa sa telebisyong Kastila na tinatawag na La Clave (Ang Susi). Kabilang sa diskusyon ang mga kinatawan ng kilusan ng Hare Krishna gayundin ang Direktor ng Relihiyosong mga Kapakanan para sa gobyerno, isang propesor ng kasaysayang relihiyoso, at isang doktor ng sikolohiya. Sa kabila na ako ay nasa ilalim ng pagsalakay, ako ay nakapagbigay ng isang mahusay na patotoo sa panig ng katotohanan.
Ako rin ay nagkapribilehiyo na katawanin ang mga Saksi sa harap ng Korte Suprema ng Espanya. Sa isang pagkakataon iniharap ko ang mensahe ng Bibliya sa mga tagapakinig sa Madrid Autonomous University. Hinding-hindi ko malilimot ang ekspresyon sa mga mukha niyaong mga naroroon nang ang isa pang Saksing tagapagsalita ay magtanong, “Parurusahan ba ninyo ang inyong anak sa pamamagitan ng paglalagay ng mga kamay nito sa nagniningas na apoy sa loob ng isang minuto? Isang nakapangingilabot na tanawin, hindi ba? Bueno, nais kayong papaniwalain ng Sangkakristiyanuhan na kayang gawin ng Diyos ang higit pa riyan sa kakila-kilabot na impierno ng walang hanggang apoy!”
“Papa, Matagal Pa ba Bago Dumating ang Bagong Kaayusan?”
Mga 15 taon na ang nakalipas nang kumatok sina Fernando at Guillermo sa aking pinto. (Mateo 10:40) Magmula noon ay nagkaroon ako ng isang maligayang pamilya—si Lucía, ang aking asawa at hindi humihiwalay na tagataguyod, ang aking apat na mga anak, sina Rebecca, Jacobo, Abigaíl, at Abel. Kami ay maligaya na mapabilang sa kahanga-hangang kapatiran sa ilalim ni Jehova dito sa lupa. Bilang isang pamilya, nadarama namin na kami ay nasa ilalim ng pangangalaga ng kaniyang tulad-agilang mga pakpak.—Exodo 19:3, 4.
Ang dalawa naming pinakamatandang mga anak ay nakikisama sa amin sa pangangaral ng mabuting balita. Kung minsan tinatanong nila ako, “Papa, matagal pa ba bago dumating ang Bagong Kaayusan?” Ako’y sumasagot, “Napakalapit na. Sandaling panahon na lamang.” Alam ko na ang Salita ni Jehova ay hindi magmimintis at na ang mga palatandaan na ang katapusan ng sistemang ito ay napakalapit na ay higit na maliwanag kaysa kailanman. Ipinahahayag ng maligalig na mga panahong ito ang maluwalhating pagbabago tungo sa pamamahala ng Kaharian ng Diyos sa lupa, bilang kasagutan sa masugid na panalanging, “Dumating nawa ang iyong kaharian.”—Mateo 6:9, 10; Habacuc 2:3.—Gaya ng isinaysay ni Julio Ricote Garrido.
[Blurb sa pahina 15]
“Saka ko natanto na ang doktrina ng Trinidad ay hindi laging pinaniniwalaan sa Espanya”
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
‘Ang mga gusaling Katoliko, Muslim, at Judio sa Toledo ay nagpangyari sa akin na magbulaybulay hinggil sa tatlong kultura’
[Pinagmulan]
Mga Larawan: Tanggapan ng Pambansang Turista ng Espanya
[Larawan sa pahina 18]
Si Julio Ricote Garrido kasama ang kaniyang asawa at mga anak