Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 6/1 p. 20-25
  • Binigyan Kami ng Isang Perlas na Napakataas ang Halaga

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Binigyan Kami ng Isang Perlas na Napakataas ang Halaga
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Di-malilimot na Karanasan
  • Isang Bagong Kultura
  • Pagkatuto ng Kastila at Pagsisimula
  • Maagang mga Pagsubok sa Madrid
  • Pambihirang mga Karanasan sa Madrid
  • Mabungang Ministeryo sa mga Sundalo
  • Isang Di-karaniwang Inaaralan sa Bibliya
  • Di-inaasahang Paanyaya
  • Kinailangang Lisanin ang Aming Atas sa Ibang Bansa
  • Pangangaral sa Gitna ng mga Droga at Karahasan
  • Isang Mahirap na Pasiya
  • “Yamang Taglay Namin ang Ministeryong Ito . . . , Hindi Kami Nanghihimagod”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Isang Buhay na Maraming Sorpresa sa Paglilingkuran kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • ‘Maliligaya ang Lahat ng Patuloy na Naghihintay kay Jehova’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Madrid—Isang Kabiserang Itinayo Para sa Isang Hari
    Gumising!—2003
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 6/1 p. 20-25

Binigyan Kami ng Isang Perlas na Napakataas ang Halaga

AYON SA PAGLALAHAD NI RICHARD GUNTHER

Noon ay Setyembre 1959. Lulan kami ng barkong Italyano na Julio Caesar na bumabagtas sa Karagatang Atlantiko galing sa New York patungo sa Cádiz, Espanya. Ako’y inatasan ng Samahang Watch Tower, kasama ang aking maybahay, si Rita, at sina Paul at Evelyn Hundertmark, isa pang mag-asawang misyonero, sa bansang iyon na Iberian. Haharap kami sa maraming hamon. Subalit papaano namin naipasiyang gawing karera ang pagmimisyonero?

KAMI ni Rita ay nabautismuhan bilang mga Saksi ni Jehova noong 1950 sa New Jersey, E.U.A. Di-nagtagal pagkatapos, gumawa kami ng isang pasiya na sa paglakad ng panahon ay maglalagay sa aming mga kamay ng isang perlas na napakataas ang halaga. Kami’y nasa isang kongregasyong may sapat na mga kapatid na maglilingkod sa teritoryo. Kaya nakadama kami ng obligasyong maglingkod kung saan lalong malaki ang pangangailangan para sa mga mángangarál. Sa internasyonal na asamblea ng mga Saksi ni Jehova sa New York City noong tag-araw ng 1958, nag-aplay kami para sa paglilingkuran bilang mga misyonero.

Di-nagtagal, kami’y inanyayahang mag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead, at sa loob ng isang taon ay patungo na kami sa Espanya bilang mga misyonero. Palibhasa’y naging abala sa maraming kaayusan at napuspos ng labis na pananabik, hindi namin natalos nang panahong iyon ang ibinigay sa amin. Si Jesus ay may binanggit na isang perlas na napakataas ang halaga. (Mateo 13:45, 46) Bagaman hindi iyon ang diwa ng kaniyang talinghaga, para sa amin ay maihahambing sa gayong perlas ang aming pribilehiyo ng paglilingkod bilang misyonero. Sa paggunita sa nakaraan, lalo naming pinahahalagahan ngayon ang mahalagang kaloob na ito ng paglilingkuran sa organisasyon ni Jehova.

Isang Di-malilimot na Karanasan

Noon ang kurso sa pagmimisyonero sa Gilead ay ginaganap sa magandang kapaligiran ng bukiring rehiyon ng Finger Lakes sa New York State. Doon, gumugol kami ng napakainam na anim na buwan ng puspusang pag-aaral sa Bibliya at tunay na pakikisalamuha sa mga Kristiyano, anupat hiwalay sa mga gawain at kaguluhan ng sanlibutang ito. Ang aming mga kamag-aral ay galing sa maraming panig ng daigdig, kasali na ang Australia, Bolivia, Britanya, Gresya, at New Zealand. Di-nagtagal, sumapit ang pagtatapos. Noong Agosto 1959, kami’y namaalam nang luhaan ang aming mga mata nang kami’y maglayag patungo sa aming kani-kaniyang atas miyonero. Makalipas ang isang buwan ay nakarating kami sa Espanya.

Isang Bagong Kultura

Kami’y lumunsad sa timugang daungan ng Algeciras, na nasa tabi ng napakalaking Bato ng Gibraltar. Nang gabing iyon kaming apat, kami ni Rita kasama ang mga Hundertmark, ay sumakay sa tren patungong Madrid. Nagtungo kami sa Hotel Mercador, upang doon maghintay hanggang sa makipag-alam sa amin ang mga miyembro ng lihim na tanggapang pansangay ng Samahan. Ang Espanya noon ay nasa ilalim ng makadiktador na pamamahala ni Heneralisimo Francisco Franco. Nangangahulugan ito na ang Iglesya Katolika Romana ang tanging relihiyon na legal na kinikilala sa bansa. Labag sa batas ang hayagang magsagawa ng ibang relihiyon, at ipinagbabawal ang gawaing pangangaral sa bahay-bahay ng mga Saksi ni Jehova. Maging ang relihiyosong mga pulong ay bawal, kaya ang mga Saksi ni Jehova, na noon ay may bilang na 1,200 sa 30 kongregasyon sa Espanya, ay hindi makapagtipon sa mga Kingdom Hall di-gaya sa ibang bansa. Kami’y kinailangang palihim na magtipon sa mga pribadong tahanan.

Pagkatuto ng Kastila at Pagsisimula

Ang unang hamon sa amin ay ang matuto ng wika. Sa unang buwan ay gumugol kami ng 11 oras sa isang araw upang matuto ng Kastila​—4 na oras tuwing umaga sa klase, pagkatapos ay 7 oras na pag-aaral nang sarilinan. Sa ikalawang buwan ay pareho pa rin sa umaga, subalit ang hapon ay ginugugol sa pangangaral sa bahay-bahay. Maguguni-guni mo kaya? Bagaman hindi pa namin alam ang wika at taglay lamang ang memoryadong nakasulat sa isang kard, kami ni Rita ay nagbabahay-bahay nang walang ibang kasama!

Nagugunita ko pa ang aking pagkatok sa isang bahay sa Vallecas, isang lugar ng mga manggagawa sa Madrid. Hawak ang aking kard, kung sakaling ako’y makalimot ng sasabihin, ganito ang sabi ko sa Kastila: “Magandang umaga po. Nagsasagawa kami ng isang gawaing Kristiyano. Ang Bibliya po ay nagsasabi (babasa kami ng isang teksto). Nais naming magkaroon kayo ng pulyetong ito.” Buweno, ang babae ay tumingin lamang, saka kinuha ang pulyeto. Nang kami’y dumalaw-muli, inanyayahan niya kaming tumuloy, at habang kami’y nagsasalita, siya’y nakatingin lamang. Nagbukas kami sa kaniya ng isang pag-aaral ng Bibliya sa abot ng aming makakaya, at samantalang nag-aaral, siya’y nakikinig at nakatingin lamang. Makalipas ang panahon, sa wakas ay sinabi niyang wala siyang naintindihan sa aming unang pagdalaw ngunit narinig niya ang salitang Dios (Diyos) at sapat na iyon sa kaniya upang malamang mabuti iyon. Pagsapit ng panahon, siya’y nagtamo ng maraming kaalaman sa Bibliya at nabautismuhan, sa gayo’y naging isang Saksi ni Jehova.

Napakahirap para sa akin na matuto ng Kastila. Samantalang naglalakbay sa lunsod, ako’y nagsasaulo ng mga banghay ng pandiwa. Ang naisaulo ko sa isang linggo ay nakakalimutan ko sa susunod! Nakapanghihina ng loob. Kung ilang beses na halos sumuko na ako. Yamang nahihirapan akong magsalita ng Kastila, kailangang maging matiyaga ang mga kapatid na Kastila sa aking pangunguna sa kanila. Sa isang pandistritong kombensiyon, isang kapatid ang nagbigay sa akin ng isang sulat-kamay na patalastas upang basahin sa plataporma. Palibhasa’y nahihirapan akong basahin ang kaniyang sulat, ganito ang aking naipahayag: “Dalhin ninyo ang inyong mga muleta (saklay) sa istadyum bukas.” Ang dapat sana ay, “Dalhin ninyo ang inyong mga maleta (bagahe) sa istadyum bukas.” Mangyari pa, nagtawanan ang mga naroroon, at natural na ako’y napahiya.

Maagang mga Pagsubok sa Madrid

Ang mga unang taon na iyon sa Madrid ay naging emosyonal na pagsubok para sa amin ni Rita. Hinahanap-hanap namin ang aming tahanan at mga kaibigan. Tuwing tatanggap kami ng liham buhat sa Estados Unidos, kami’y nakadarama ng labis na pananabik na makauwi. Ang mga sandaling iyon ng pananabik ay totoong nakapanlulumo, ngunit lumilipas din ang mga ito. Tutal, iniwan namin ang tahanan, pamilya, at mga kaibigan upang halinhan ang mga ito ng isang perlas na mas mataas ang halaga. Kailangang makibagay kami.

Nang unang dumating kami sa Madrid, nanirahan kami sa isang halos magigiba nang bahay-pangaserahan, o maliit na otel. Mayroon kaming kuwarto at pagkain tatlong beses isang araw. Iyon ay isang maliit at madilim na silid, at ang kutson ay yari sa dayami. Ang upa sa isang buwan ay umuubos ng aming kaunting buwanang allowance. Kadalasan ay doon kami nanananghalian, at ang aming hapunan ay iniiwan ng aming kasera sa pugon upang manatiling mainit ito nang may makain kami hanggang sa pagkain namin sa gabi. Gayunman, dahil sa paglalakad sa lansangan kung araw at gabi, totoong nagugutom kami. Kung ubos na ang aming allowance, ginagasta namin ang aming kaunting naitatabing salapi upang makabili ng pinakamurang tsokolate na mabibili namin. Gayunman, di-nagtagal at nagbago ang kalagayang ito nang dumalaw ang tagapangasiwa ng sona mula sa Samahan. Nakita niya ang aming kalagayan at sinabing maaari kaming humanap ng isang maliit na apartment upang magamit bilang tahanang pangmisyonero. Aba, mas mainam ito kaysa maligo nang nakatayo sa isang bilog na banyera sa sahig ng kusina. Ngayon ay makapaliligo na kami sa dutsa, may repridyereytor para pag-imbakan ng pagkain, at isang kalan na de koryente para paglutuan ng pagkain. Kaya naman kaylaking pasasalamat namin.

Pambihirang mga Karanasan sa Madrid

Isinasagawa nang maingat ang pangangaral sa bahay-bahay. Isang bentaha ang araw-araw na pagkakaingay sa Madrid, anupat kami’y di-pansinin. Sinikap naming magdamit at kumilos na tulad ng iba upang huwag kaming mapansin bilang mga tagaibang bayan. Ang aming paraan ng pangangaral sa bahay-bahay ay pumasok sa isang gusaling apartment, tutuktok sa isang pinto, kakausapin ang taong naroroon, at saka lilisanin ang gusali, ang kalye, at ang lugar na iyon. Laging nariyan ang posibilidad na kami’y ipagbigay-alam ng maybahay sa pulisya, kung kaya hindi laging mabuti na kami ay magtagal sa lugar na iyon. Sa katunayan, bagaman sila’y napakaingat sa paggamit ng ganitong paraan, sina Paul at Evelyn Hundertmark ay nahuli pa rin at pinaalis sa bansa noong 1960. Sila’y lumipat sa kalapit na bansang Portugal, naglingkod doon nang ilang taon, anupat si Paul ang nangalaga sa lihim na tanggapang pansangay. Sa ngayon siya ang tagapangasiwa ng lunsod sa San Diego, California.

Gayunman, para sa amin ay naganap ang isang pagpapantay-pantay. Mga ilang buwan lamang ang nakalipas, anim na misyonerong naatasan sa Portugal ang inutusang umalis sa bansang iyon! Ito’y nakabuti sapagkat sina Eric at Hazel Beveridge, na mga kaklase rin namin sa Gilead, ay naatasan ngayon na lisanin ang Portugal at pumunta sa Espanya. Kaya noong Pebrero 1962, minsan pa ay naroon kami sa Hotel Mercador​—ngayon naman upang salubungin sina Eric at Hazel sa kanilang pagdating.

Nagkaroon kami ni Rita ng isang karanasan may kinalaman sa relihiyosong pagpapaimbabaw noong mga unang araw na iyon sa Madrid. Nakipag-aral kami ng Bibliya sa isang mag-asawa, sina Bernardo at Maria, na naninirahan sa isang barung-barong na yari sa itinapong mga piraso ng materyales sa pagtatayo na natipon ni Bernardo. Nakikipag-aral kami sa kanila sa kalaliman ng gabi, at pagkatapos ng pag-aaral, naghahain sila ng tinapay, alak, at keso o anumang mayroon sila. Napansin ko na ang keso ay kagaya ng keso sa Amerika. Isang gabi pagkatapos ng pag-aaral, inilabas nila ang lata na pinaglagyan ng keso. Doon ay nakasulat sa malalaking titik sa Ingles, “Mula sa mga Amerikano para sa mga Kastila​—bawal ipagbili.” Papaano natanggap ng dukhang pamilyang ito ang keso? Ginamit ng pamahalaan ang Simbahang Katoliko upang ipamahagi ito sa mahihirap. Subalit ipinagbibili iyon ng pari!

Mabungang Ministeryo sa mga Sundalo

Hindi nagtagal ay may isang kasiya-siyang pangyayari na naging isang mayamang pagpapala para sa amin at sa maraming iba pa. Tumanggap kami ng abiso buhat sa tanggapang pansangay na humihiling sa amin na dalawin ang isang lalaking nagngangalang Walter Kiedaisch, na nakahimpil sa base ng Hukbong Panghimpapawid ng E.U. sa Torrejón, mga ilang milya ang layo sa Madrid. Dinalaw namin siya at ang kaniyang maybahay, anupat nakapagpasimula kami sa kanila ng pag-aaral sa Bibliya at sa isa pang mag-asawa roon sa Hukbong Panghimpapawid.

Noon, nagdaraos ako ng humigit-kumulang limang pag-aaral ng Bibliya sa mga tauhan ng Hukbong Panghimpapawid ng E.U., siyempre, lahat ay sa wikang Ingles. Sa mga ito, pito ang nabautismuhan nang maglaon, at pagkatapos makabalik sa Estados Unidos, apat sa mga lalaki ang naging matatanda sa kongregasyon.

Ito’y isang panahon na iilan lamang ang paraan upang makapagpasok ng mga aklat, magasin, at mga Bibliya sa bansa dahil sa pagbabawal sa ating gawain. Gayunman, ang ilang literatura ay naipasok ng mga turista at ng aming mga tagapaghatid na Amerikano. Inatasan ako ng sangay upang mangasiwa sa isang lihim na bodega ng literatura. Iyon ay sa Vallecas, sa isang bodega sa likod ng isang tindahan ng mga kagamitan sa pagsulat. Ang maybahay ng may-ari ay isa sa mga Saksi ni Jehova. Bagaman hindi isang Saksi, iginagalang ng may-ari ang ating gawain, at kahit na mapanganib para sa kaniya at para sa kaniyang negosyo, siya’y pumayag na gamitin ko ang lugar na ito na nasa likod upang mag-impake ng mga literatura na ipadadala sa mga lunsod sa buong bansa. Yamang ang silid na ito ay kailangang magtinging gaya ng dapat makita roon​—isang maalikabok, makalat na silid na punô ng mga kahon​—​kinailangan kong gumawa ng isang mesang gawaan at mga istante ng aklat na maitatayo at magagamit kaagad at pagkatapos ay maitatago rin nang mabilisan. Sa katapusan ng maghapon, maghihintay ako hanggang sa wala nang tao sa tindahan at saka ako dagliang aalis dala ang aking mga balutan.

Tunay na isang pribilehiyo ang makasama sa pamamahagi ng espirituwal na mga babasahin, tulad ng mga magasing Bantayan at Gumising! at iba pang literatura, sa mga kongregasyon sa buong bansa. Iyon ay mga panahong kapana-panabik.

Kagalakan ni Rita na makapagdaos ng 16 na pag-aaral sa Bibliya, halos kalahati sa mga ito ay naging bautisadong mga Saksi ni Jehova. Si Dolores ay isang kabataang may asawa na nakaratay sa higaan kapag taglamig dahil sa kaniyang sakit sa puso. Kung tagsibol ay nakababangon siya at medyo nakagagalaw. Matatag ang pananampalataya ni Dolores, kaya nang sumapit ang panahon para sa ating pandistritong kombensiyon sa Toulouse, Pransiya, gustung-gusto niyang dumalo. Sinabihan siya ng kaniyang doktor na hindi ito makabubuti dahil sa kaniyang sakit sa puso. Samantalang nakasuot ng pambahay at sinelas at walang dala-dalahan, pumunta siya sa istasyon ng tren upang magpaalam sa kaniyang asawa, nanay, at iba pa na paalis na. Habang lumuluha, hindi niya maatim na makita silang umalis na hindi siya kasama, kaya umakyat siya sa tren, at sumama patungo sa Pransiya! Hindi alam ni Rita na ganito ang nangyari. Pero doon sa kombensiyon, anong laking gulat niya nang makita niya si Dolores, na masayang-masaya!

Isang Di-karaniwang Inaaralan sa Bibliya

Hindi namin mawawakasan ang paglalahad na ito tungkol sa aming atas sa Madrid nang hindi isinasali si Don Benigno Franco, “el profesor.” Isinama ako ng isang Saksing tagaroon upang dalawin ang isang matanda nang ginoo na nakatira sa isang maralitang apartment kasama ng kaniyang maybahay. Sinimulan ko ang isang pag-aaral ng Bibliya sa kaniya. Pagkatapos mag-aral nang mga isang taon at kalahati, hiniling niyang mabautismuhan siya at maging isang Saksi ni Jehova.

Ang matanda nang ginoong ito, si Don Benigno Franco, ay pinsan ni Francisco Franco, ang diktador sa Espanya noong panahong iyon. Waring si Don Benigno sa tuwina ay isang taong maibigin sa kalayaan. Noong panahon ng Gera Sibil sa Espanya, pumanig siya sa Republika at naging laban sa kaniyang pinsan​—ang heneral na nanalo sa digmaan at nagtatag ng isang Katolikong diktadura. Sapol noong 1939, si Don Benigno ay pinagkaitan ng karapatang magtrabaho, at nagkasiya na lamang siya sa maliit na hanapbuhay. Kaya gayon ang nangyari na ang pinsan ng Heneralisimo Francisco Franco, ang komander ng Espanya, ay naging isang Saksi ni Jehova.

Di-inaasahang Paanyaya

Noong 1965 inanyayahan kami ng tanggapang pansangay sa Espanya na magsimulang maglakbay sa gawaing pansirkito sa Barcelona. Nangahulugan ito na iiwan namin ang lahat ng aming maibiging mga kapatid sa Madrid na napamahal na sa amin. Ngayon ay magsisimula hindi lamang ang isang bagong karanasan kundi gayundin, para sa akin, ang isang pagsubok. Nakatatakot ang karanasan sapagkat sa tuwina ako’y nag-aalinlangan sa aking kakayahan. Alam na alam kong si Jehova ang nagbigay sa akin ng kakayahan upang maging mabisa sa larangang ito ng paglilingkuran.

Sa pagdalaw sa isang kongregasyon bawat linggo ay kailangang tumuloy kami sa tahanan ng mga kapatid. Wala kaming permanenteng tirahan, at halos tuwing ikalawang linggo, lumilipat kami sa ibang tahanan. Ito ay lalo nang mahirap para sa isang babae. Subalit di-nagtagal at sina José at Roser Escudé, na nanirahan sa Barcelona, ay nag-anyaya sa amin na mamalagi sa kanila nang ilang sunud-sunod na araw. Ito ay isang pag-ibig sa kanilang bahagi, sapagkat nangangahulugan ito na mayroon na kaming permanenteng mapaglalagyan ng aming mga kagamitan at isang lugar na mauuwian tuwing Linggo ng gabi.

Ginugol namin ni Rita ang sumunod na apat na taon sa gawaing pansirkito sa lalawigan ng Catalonia, na nasa Baybayin ng Mediteraneo. Lahat ng aming pulong sa pag-aaral ng Bibliya ay ginaganap nang palihim sa pribadong mga tahanan, at nagpakaingat din kami sa pangangaral sa bahay-bahay upang hindi kami makatawag ng pansin. Kung minsan ay isang buong kongregasyon ang nagtitipon kung Linggo para sa isang “piknik” sa kagubatan, lalo na kapag nagdaraos ng pansirkitong asamblea.

Lagi naming hinahangaan ang maraming taimtim na mga kapatid sa espirituwal na nagsapanganib ng kanilang mga hanapbuhay at kalayaan, anupat nagsikap sila upang mapanatiling nagkakaisa at aktibo ang mga kongregasyon. Marami sa kanila ang nanguna sa pagpapalawak ng gawain sa mga bayan sa labas ng lunsod. Ito ang saligan ng malaking pagsulong sa Espanya pagkatapos alisin ang pagbabawal at ipagkaloob ang kalayaan sa relihiyon noong 1970.

Kinailangang Lisanin ang Aming Atas sa Ibang Bansa

Sa aming sampung taon ng pamamalagi sa Espanya, ang pagtatamasa namin ng pantanging pagpapalang ito sa paglilingkod kay Jehova ay naapektuhan dahil sa kalagayan ng aming mga magulang. May mga pagkakataon, halos kinailangan naming umalis sa aming atas at umuwi upang alagaan ang aking ina at ama. Gayunman, dahil sa maibiging mga kapatid na lalaki at babae sa mga kongregasyon na malapit sa aking mga magulang, nakapagpatuloy kami sa Espanya. Oo, ang pribilehiyo ng paglilingkod nang mga taóng iyon sa gawaing pangmisyonero ay dahil na rin sa iba na nakibahagi sa amin sa pag-una sa kapakanan ng Kaharian.

Sa wakas, noong Disyembre 1968, kami’y umuwi upang alagaan ang aking ina. Nang buwan ding iyon ay namatay ang aking ama, at naiwan ngayong nag-iisa ang aking ina. Palibhasa’y malaya pa ring maglingkod nang buong-panahon, tumanggap kami ng atas na maglingkod sa gawaing pansirkito, ngunit ngayon ay sa Estados Unidos. Sa sumunod na 20 taon, naglingkod kami sa mga sirkitong Kastila. Bagaman naiwala namin ang aming pangmisyonerong perlas na napakataas ang halaga, inilagay naman sa aming mga kamay ang isa pa.

Pangangaral sa Gitna ng mga Droga at Karahasan

Ngayon naman ay naglingkod kami kasama ng mga kapatid na nakatira sa mga bahagi ng lunsod na pinamumugaran ng krimen. Aba, noon mismong unang linggo namin sa gawaing pansirkito sa Brooklyn, New York, ang bag ni Rita ay inagaw sa kaniya.

Minsan kami ni Rita ay kasama ng isang grupo na nangangaral sa bahay-bahay sa isa pang bahagi ng New York City. Sa pagliko sa isang kanto, napansin namin ang ilang tao na nakahilera sa harap ng isang butas sa pader ng isang abandonadong gusali. Nang magpatuloy pa kami ng ilang hakbang sa daan, napansin namin ang isang kabataan na nakatayo sa bangketa at nakatingin sa amin. Mayroon pang isa sa malayong kanto na nagbabantay sa pagdaan ng mga sasakyan ng pulis. Napunta pala kami sa lugar na may nagaganap na pagbebenta ng droga! Nagulat ang unang bantay, ngunit nakita niya ang magasing Bantayan at nakahinga siya nang maluwag. Kung sa bagay, maaaring ako ay isang pulis! Nang magkagayon ay sumigaw siya sa wikang Kastila, “¡Los Atalayas! ¡Los Atalayas!” (Ang Bantayan! Ang Bantayan!) Kilala nila kami dahil sa magasin, at maayos naman ang lahat. Nang dumaan ako malapit sa kaniya, sabi ko, “¿Buenos dias, como está?” (Magandang umaga, kumusta ka?) Bilang tugon, hiniling niya na ipinalangin ko siya!

Isang Mahirap na Pasiya

Noong 1990 naging maliwanag na kailangang samahan ko ang aking ina sa araw-araw. Sinikap naming manatili sa gawaing paglalakbay, ngunit idinidikta ng karunungan na hindi posibleng gampanan ang dalawang obligasyon. Tunay na ibig naming tiyakin na si Inay ay maibiging inaalagaan. Ngunit minsan pa ay kinailangang bitiwan namin ang isang perlas na napakataas ang halaga, isang bagay na pinakamamahal namin. Lahat ng literal na hiyas sa sanlibutan at lahat ng magagawa ng mga ito para sa isa ay napakaliit kung ihahambing sa mga hiyas ng paglilingkod bilang misyonero o isang naglalakbay na tagapangasiwa sa organisasyon ni Jehova.

Kami ni Rita ay kapuwa mahigit nang 60 taon ngayon. Kami’y kontento na at lubhang nasisiyahan sa paglilingkod kasama ng isang lokal na kongregasyon sa wikang Kastila. Habang ginugunita namin ang mga taon sa paglilingkod kay Jehova, pinasasalamatan namin siya sa pagkakatiwala sa amin ng ilang perlas na napakataas ang halaga.

[Larawan sa pahina 23]

Kasama si Rita at sina Paul at Evelyn Hundertmark (kanan) sa labas ng plaza de toros sa Madrid

[Larawan sa pahina 24]

Paglilingkod sa isang kongregasyon sa isang “piknik” sa kagubatan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share