Isang Saklay na Salita, “You Know?”
Kadalasan hindi natatalos ito, angaw-angaw na mga tao ang gumagamit araw-araw ng “mga saklay” na salita. Ang mga ito ay maaaring mga salita, mga parirala, o mga tunog pa nga na hindi nagdaragdag ng kahulugan sa sinasabi. Kung gayon bakit ginagamit ang mga ito? Upang bigyang katiyakan ang taong nagsasalita, upang hindi siya magtinging asiwa, o ang mga ito ay basta mga nakaugalian.
Ang isang saklay na salita na nakapasok sa Ingles ay ang kadalasang ginagamit na “You know,” (Alam mo) kung minsan ay binibigkas na “Y’know.” Ang manunulat at brodkaster na si Edwin Newman ay nagtanong sa kaniyang aklat na Strictly Speaking, “Maaari bang pawalang-bisa ang isang parirala? Nasa isip ko ang Y’know. Ang pagkalaganap ng Y’know ay isa sa pinakamalawak at nakapanghihinang resulta ng ating panahon, pinapapangit ang pag-uusap saan ka man magtungo. . . . Minsang makaugalian ito, mahirap alisin ang Y’know. . . . Karaniwang maririnig ang Y’know na ginagamit nang maraming ulit sa isang minuto.”
Bakit mahalagang bigyang-pansin ang kalidad ng ating pananalita? Si Newman ay nagkukomento: “Kung ang mga tao ay mahihimok na subukin ito, ang tuwiran at wastong wika ay maaaring gumawa sa mga pag-uusap na higit na kawili-wili, na mahalagang bagay; tutulong ito upang halinhan ng mga katotohanan ang mga ngasngas, na mahalagang bagay rin; at pauunlarin nito ang organisadong pag-iisip at manakanakang pananahimik pa nga, na magiging napakalaking pagpapala.”