Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 1/22 p. 6-8
  • Hiroshima—Nakalimutan Na Ba ang Aral Nito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Hiroshima—Nakalimutan Na Ba ang Aral Nito?
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Pagsisikap Upang Talikuran ang Digmaan
  • Isang Kataka-takang Pagbabalik​—Sa Ano?
  • Hiroshima—Isang Di-malilimot na Karanasan
    Gumising!—1986
  • “Wala Nang mga Hiroshima!”
    Gumising!—1991
  • Kapayapaan at Katiwasayan—Ang Pangangailangan
    Gumising!—1986
  • Digmaang Nuklear—Isang Banta Pa Rin ba Ito?
    Gumising!—2004
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 1/22 p. 6-8

Hiroshima​—Nakalimutan Na Ba ang Aral Nito?

ANG mga Hapones ay nag-iiyakan habang nakapaligid sila sa kanilang mga radyo nang katanghaliang-tapat ng Agosto 15, 1945. Nakikinig sila sa tinig ng kanilang emperador: “Ito’y dahilan sa utos ng panahon at tadhana na Aming pinagkayarian na bigyan-daan ang pagdating ng dakilang kapayapaan para sa lahat ng mga salinlahi sa pamamagitan ng pagtitiis ng hindi matitiis at pagbabata ng kung ano ang hindi mabatang kahirapan.”

Wala pang isang linggo ang lumipas nang mabalitaan ng mga Hapones na niwasak ng ilang bagong uri ng bomba ang Hiroshima at Nagasaki. Ngayon sila ay sinasabihan na ang digmaan sa Pasipiko ay tapos na​—at sila ay natalo. May mga luha ng kalungkutan at gayundin mga luha ng ginhawa.

Malaki ang ibinayad sa digmaan. Ang mga tao ay pisikal at emosyonal na gastado, ang bansa ay wasak. Mahigit na tatlong milyong Hapones ang namatay sa digmaan, at 15 milyon ang nawalan ng tirahan. Siyamnapung pangunahing mga lunsod ang paulit-ulit na binomba, at dalawa at kalahating milyong mga gusali at mga tahanan ang nawasak. Ang Tokyo ay naging mga bunton ng abo at mga durog na bato, ang populasyon nito ay nalipol ng digmaan. Iyan ang malungkot na pangyayari ng pagkatalo​—isang madilim na sandali sa kasaysayan ng lupain na sinisikatan ng araw.

Mga Pagsisikap Upang Talikuran ang Digmaan

Sa gitna ng mga kagibaan ng pagkatalo, madaling maunawaan na ang digmaan ay walang saysay, isang pag-aaksaya ng mga buhay ng tao at mahalagang mga kalakal. Kaya, karakaraka pagkatapos ng digmaan, isinulat-muli ng Hapón ang konstitusyon nito ayon sa demokratikong mga kaisipan at tinalikuran magpakailanman ang digmaan. Ang artikulo 9 ng bagong konstitusyon ay kababasahan:

“Taimtim na umaasa sa isang internasyonal na kapayapaan na batay sa katarungan at kaayusan, tinatalikuran magpakailanman ng mga Hapones ang digmaan bilang isang soberanong karapatan ng bansa at ang banta o paggamit ng lakas sa paglutas sa internasyonal na mga alitan.

“Upang maisagawa ang layunin ng naunang parapo, ang panlupa, pandagat, at panghimpapawid na mga hukbo, gayundin ang iba pang mga potensiyal sa digmaan, ay hindi kailanman pananatilihin. Ang karapatan na makipagdigma ng estado ay hindi kikilalanin.”

Dahilan sa matapang at dakilang pananalita na iyan, wari bang ang Hapón ay natuto na ng isang leksiyon. Ang mga Hapones ay talagang matindi ang pag-ayaw sa digmaan at takot, lalo na, sa digmaang nuklear. Pinagtibay ng bansa ang tatlong puntong patakaran tungkol sa mga sandatang nuklear: huwag gumawa, magkaroon, o ipahintulot ang mga ito sa bansa. Taun-taon, daan-daang libong mga Hapones ang nagtitipon sa buong bansa upang magprotesta laban sa mga sandatang nuklear. Ang mga sandatang nuklear ay hinding-hindi dapat gamitin na muli​—saanman!

Isang Kataka-takang Pagbabalik​—Sa Ano?

Ngayon, mahigit na 40 taon pagkatapos ng Hiroshima, ang kakaibang maningning na kasaganaan ng makabagong-panahong Hapón ay halos hindi kapani-paniwala. Walang pasanin ng gastusing militar, nailalaan ng Hapón ang mga kayamanan nito sa muling-pagtatayo ng kaniyang sarili. Sa ngayon, ang magandang de-air-condition na mga tahanan at mga pagkatataas na gusali ay nakatayo kung saan noong dati’y pawang mga kagibaan. Ang makikintab na mga kotse, bihis na bihis na mga tao, at mamahaling mga restauran ay nagpapabulaan sa karukhaan at paghihirap noong mga taon pagkatapos ng digmaan. Ang mga tindahan ay punúng-punô ng paninda ng lahat ng uri ng de-luhong mga bagay, at ang mga pagawaan ay naglalabas ng walang-patid na mga paninda para sa gamit sa tahanan at iniluluwas ng bansa. Oo, ang Hapón ay naging isa sa pinakamaunlad na bansa sa daigdig.

Subalit ano ang naidulot ng materyal na kasaganaan? Pinalabo ba ng matatag na kabuhayan ang alaala ng Hiroshima at Nagasaki sa mga isipan ng tao? Naalis ba ang pagkasuklam sa digmaan pati na ang mga pilat ng digmaan?

Ipinakikita ng mga surbey kamakailan na bagaman ang mga Hapones ay nagnanais pa rin na ang kanilang pamahalaan ay manatiling hindi nuklear, may kawalan ng pag-asa kung tungkol sa hinaharap. Ikinatatakot ng kalahati niyaong mga tinanong na maaaring magkaroon ng isang digmaang nuklear. Isa pa, inaakala ng dumaraming bilang na ang Hapón ay makikisali sa nuklear na mga bansa sa susunod na sampung taon. Bakit ikinatatakot ito ng mga tao? Bueno, isaalang-alang ang progresibong mga pag-unlad.

Kasunod ng digmaan, ang National Police Reserve ng 70,000 sandatahang mga hukbong impanterya ay itinayo. Nang dakong huli, ang hukbong ito ay pinalawak sa 250,000 mga lalaki, pinagpangkat-pangkat sa mga hukbong sandatahan, pandagat, at panghimpapawid, at binigyan ng pangalan na jieitai, o Hukbo ng Pagtatanggol sa Sarili. Gayunman, ang badyet sa militar ng Hapón ay 1 porsiyento lamang ng kabuuang produktong pambansa nito. Subalit dahilan sa dumaraming kaigtingan sa maraming dako ng daigdig, ang Hapón ay nauudyukang palakihin ang kaniyang kakayahan at gastusin sa depensa.

Kamakailan, ipinahayag ng Punong Ministro Nakasone ang balak niya na gawin ang Hapón na “isang malaking air-craft carrier.” Sa kabila ng mga opinyon ng publiko, ang mga plano ay isinasagawa upang dagdagan ang gastusin nito sa depensa ng mga 7 porsiyento noong 1985. At, sang-ayon sa The Daily Yomiuri, ang Hapón ay nakapangako na sa sarili sa limang taon (1986-1990) na plano ng sistematiko at patuloy na pagpapalaki ng depensa​—sa mga kawal, barko de gera, submarino, at eroplano.

Nakikita ang mga pagbabago hindi lamang sa mga patakaran ng pamahalaan kundi gayundin sa saloobin ng mga tao sa digmaan. Noong 1970, ang isa sa pinakatraumatikong pulitikal na mga pagsilakbo sa kasaysayan ng Hapón ay pinasimulan nang ulitin ang militar na kasunduan sa seguridad pagkatapos ng digmaan​—kung saan ang Estados Unidos ay maglalaan ng proteksiyon sa panahon ng krisis bilang kapalit ng pagtatayo ng mga base militar sa Hapón. Gayunman, nang ang kasunduan ay uliting-muli noong 1980, wala ni isa mang pagtutol.

Ang totoo ay iilang tao sa Hapón ngayon na wala pang 50 anyos ang nakakaalaala sa digmaan, o gustong pag-usapan ito. Nakikita ng iba sa maingat na pagsulat-muli ng mga aklat-aralin ng mga bata ang pagsisikap na sama-samang alisin ang mahalagang mga katotohanan na umakay sa nakatatakot na digmaang iyon. Kung paanong unti-unting inaalis ng alon ang mga bakás ng paa sa isang mabuhangin na dalampasigan, naaapektuhan ng nagbabagong mga kalagayan sa daigdig ang pulitikal na mga pangmalas ng mga tao. Ang mahalagang mga katanungan sa isipan ng marami ay, Ano nga kaya ang gagawin ng Hapón sa ilang kagipitan sa hinaharap? Makikipagdigma kayang muli ang Hapón kung ang dahilan ay waring matuwid? Nakalimutan na ba ang aral ng Hiroshima?

Kung anong landasin ang kukunin ng bansa sa kabuuan, panahon lamang ang makapagsasabi. Subalit maraming indibiduwal sa Hapón ang nakagawa na ng personal na disisyon sa bagay na ito. Ang isang gayong indibiduwal ay nasa piitan ng Hiroshima nang sumabog ang bomba atomika, subalit siya ay nakaligtas sa sakunang iyon sa isa sa mga selda sa bilangguan. Hindi siya nabilanggo dahilan sa anumang kriminal na kasalanan. Bagkus, tutol ang kaniyang budhi na makibahagi sa digmaan. Isa siya sa mga Saksi ni Jehova.

Sa pamamagitan ng isang pag-aaral sa Bibliya, tinanggap niya ang pangmalas ng Diyos tungkol sa mga digmaan na isinasagawa ng mga tao at natutuhan niya na ang Kaharian ng Diyos ang tanging paraan upang matamo ang tunay na kapayapaan. (Tingnan ang Isaias 2:4; Daniel 2:44.) Sa pangangaral ng balitang ito dahil sa pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang mga kapuwa, siya ay ibinilanggo sa piitang iyon.

Ngayon, mahigit na 100,000 ang gaya niya sa Hapón, abalang nangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian.” (Mateo 24:14) Marami sa kanila ang personal na nakaranas ng kakilabutan ng Hiroshima at Nagasaki. Kung paano pinahintulutan ng isa sa kanila ang di-pangkaraniwang karanasang iyon na mag-udyok sa kaniya na hanapin ang isang bagay na mas mabuti​—at kung ano ang nasumpungan niya​—ay isang istorya na nais naming basahin mo.

[Larawan sa pahina 7]

Makabagong-panahong Hiroshima, ipinakikita ng dako sa gawing kaliwa sa ibaba ng larawan ang bahagi ding iyan ng lunsod na gaya ng makikita sa pahina 4 (sa kasalungat na direksiyon)

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share