Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 1/22 p. 3-6
  • Hiroshima—Isang Di-malilimot na Karanasan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Hiroshima—Isang Di-malilimot na Karanasan
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isinaysay ng mga Nakaligtas ang Kanilang mga Istorya
  • Isang Aral para sa Lahat
  • Ang mga Sugat Ko na Likha ng Hiroshima ay Naparam Na!
    Gumising!—1986
  • Hiroshima—Nakalimutan Na Ba ang Aral Nito?
    Gumising!—1986
  • “Wala Nang mga Hiroshima!”
    Gumising!—1991
  • Ang Paghahanap ng Katiwasayan sa Panahon ng Bomba
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 1/22 p. 3-6

Hiroshima​—Isang Di-malilimot na Karanasan

Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Hapón

SA NAKALIPAS na mga taon iyo’t iyundin ang nagaganap. Sa ganap na ika-8:15 n.u., isang katahimikan ang namamayani sa pulutong ng mga taong nagkatipon sa Peace Park, Hiroshima. Ipinagdiriwang nila ang isang minutong katahimikan bilang alaala ng kapaha-pahamak na sandaling iyon mga 40 taon na ang nakalipas. Noong Agosto 6, 1945, isang bomba atomika ang sumabog sa Hiroshima, Hapón. Sa isang kisap-mata, ang lunsod ay nawasak, at mga 80,000 katao ang namatay. Pagkaraan ng tatlong araw niwasak ng isa pang bomba atomika ang lunsod ng Nagasaki, pinapatay ang mga 73,000 katao.

Mula sa lahat ng panig ng daigdig, libu-libo ang regular na dumarating upang alalahanin ang kapaha-pahamak na pangyayaring ito. Nang nakaraang taon, bukod sa karaniwang mga parada, panalangin, at mga serbisyo sa alaala ng mga namatay, at iba pa, mayroon ding pantanging mga pangyayari gaya ng Pandaigdig na Komperensiya ng mga Alkalde para sa Kapayapaan sa Pamamagitan ng Pagkakaisa ng mga Lunsod​—isang miting ng mga alkalde ng mga lunsod sa Hapón at sa buong daigdig.

Maliwanag, nais ng Hapón na maalaala ng daigdig ang leksiyon o aral ng kaniyang napakasakit na kahapon.

Isinaysay ng mga Nakaligtas ang Kanilang mga Istorya

Mga resma ng papel ang nagamit upang itala ang makabagbag-damdaming mga kuwento niyaong mga nakaligtas sa mga bomba. Bagaman ang karamihan ng mga nakaligtas ay nasa kanilang kalagitnaang gulang na ngayon, tandang-tanda pa rin nila ang “araw na iyon.” Narito ang kanilang mga isinaysay sa isang kabalitaan ng Gumising!

Si Nobuyo Fukushima, na tandang-tanda pa ang kaniyang karanasan noong pagbomba sa Hiroshima, ay nagsasabi: “Nililinis ko ang mga hagdan sa aming bahay nang walang anu-ano’y isang maliwanag na kislap at isang kakila-kilabot na pagsabog ang nagpangyari sa akin na mawalan ng malay. Nang ako’y magkamalay, narinig ko ang pagsigaw ng saklolo ng aking ina. Ang bahay ay wasak na wasak. Akala ko ay lumindol. Nang lumabas kami ng bahay patungo sa pampang ng ilog, nakita ko ang maraming bata at ang kanilang mga magulang na ang mga damit ay sunóg at gula-gulanit at nakadikit sa kanilang mga balat. Hindi ko maunawaan kung bakit gayon na lamang kalubha ang kanilang pagkasunog.

“Nang kami’y dumating sa ospital, ito’y siksikan ng mga tao. Ang mga ulo at mukha ng marami sa kanila ay punô ng dugo, samantalang ang iba naman ay naglawitan ang mga nasunog na laman. Ang buhok ng ilan sa kanila, na nasunog dahil sa init, ay nagtayuan. Ang iba, na ang kanilang mga katawan ay may mga piraso ng sumabog na mga kahoy at salamin, ay dumaraing na lubha. Ang kanilang mga mukha ay magáng-magâ anupa’t mahirap makilala ang isa. Para bang silang lahat ay nagsusumamo at humihingi ng tubig, subalit pagdating ng tubig sa kanila, marami ay hindi na humihinga. Ang aking ina ay namatay rin pagkalipas ng tatlong buwan dahilan sa mga epekto ng bomba.

“Ang lunsod ay naging isang malaki, sunóg na parang, na may ilang gumuhong mga dingding na kongkreto na nakatayo sa mga abo. Gabi-gabi, may mga sigâ sa pampang ng ilog kung saan ang mga patay ay sinusunog. Tandang-tanda ko pa ang nagbabagang apoy at ang teribleng amoy ng nasusunog na mga bangkay, na parang matabang isda na iniihaw. Nanginginig pa rin ako at nanghihina tuwing maiisip ko ito.”

Si Tomiji Hironaka ay isa sa mga sundalo na ipinadala sa Hiroshima karakaraka pagkatapos ng pagbomba upang ilabas ang sinuman na nakaligtas mula sa bilangguan doon. Bagaman siya ay naglingkod sa militar sa loob ng maraming taon, ang nakita niya sa Hiroshima ay nagdiin sa kaniya ng kakilabutan ng digmaan.

“Ang lansangan ay punô ng mga trak na kargado ng mga nasugatan. Yaong mga nakakalakad pa ay pasuray-suray sa kahabaan ng daan. Marami ay halos hubad, maliban sa mga ilang patse ng damit na nasunog sa kanilang balat. Mga bunton ng mga bangkay, mapulang namamaltos, ay nasa lahat ng dako. Ang mga pampang ng ilog ay siksikan ng mga taong sinisikap na paginhawain ang kirot ng kanilang mga pasò. Kabilang sa kanila, nakita ko ang isang ina, namumula sa pagkapasò, na karga-karga ang kaniyang sanggol na malubha ring napasò, na pinasususo ito. Tandang-tanda ko pa ang matinding damdamin na taglay ko noon. ‘Kinapopootan ko ang digmaan! Kinapopootan ko ang digmaan!’ Gayunman, nakibahagi ako sa pagpatay, at naisip ko, ‘Anong uri ng budhi mayroon ako?’ Talos ko ang aking pagkakasala laban sa dugo.”

Si Munehide Yanagi, isang 14-anyos na batang lalaki nang panahong iyon, ay makahimalang nakaligtas sa pagbomba sa Nagasaki. Siya ay 3,200 piye (980 m) lamang mula sa pagsabog ng bomba. “Kabilang ako sa mga estudyante na naatasang magtayo ng mga air-raid shelter,” paliwanag niya. “Samantalang kami ay nagtatrabaho, nakarinig ako ng ugong ng malaking eroplano na parang katulad ng isang malakas na dagundong. Pinag-iisipan ko pa kung ito ay isang eroplanong Amerikano, narinig ko ang sigaw na: ‘Tekki!’ [‘Eroplano ngkaaway!’] Inihagis namin ang mga bagay na dala-dala namin at buong lakas na tumakbo kami sa shelter.

“Pagdating na pagdating ko sa kongkretong halang sa harapan ng air-raid shelter, nagkaroon ng isang matinding kislap na asul-puting liwanag at isang pagkalakas-lakas na pagsabog anupa’t ako’y humagis at nawalan ng malay sa likod ng shelter. Ang susunod na bagay na nalaman ko nang ako ay magising ay ang matinding mga pagsigaw ng ‘Aigo! Aigo!’ [isang Koreanong ekspresyon na nagpapahiwatig ng matinding damdamin]. Ang mga pagsigaw ay mula sa isa na ang mukha ay itim na itim dahil sa usok at lubhang nasunog anupa’t mahirap sabihin kung ang tao ay lalaki o babae.

“Parang impierno sa labas. Nakita ko ang isa sa aking mga kaeskuwela na lubhang napasò. Ang kaniyang mga damit ay gula-gulanit, at ang kaniyang balat ay natutuklap. Isang batang babae na gumagawang kasama ko ang bumagsak sa daan​—ang kaniyang ibabang mga paa ay nawala at siya ay nagmamakaawang humingi ng tubig. Hindi ko alam kung saan kukuha ng tubig subalit ginawa ko ang lahat ng aking magagawa upang patibayin siya.

“Niwasak ng apoy ang lunsod. Nakita ko ang sunóg na mga poste ng teleponong bumabagsak sa mga lansangan, isang nasusunog na tren sa mga riles, at isang kabayo na nangingisay dahil sa init. Napilitan akong lumakad nang painut-inot sa ilog dahilan sa naglalagablab na apoy. Ako ay mainit at nahihintakutan. Gayunman ako’y nakarating ng bahay.” Nang malaunan, ang mga gilagid ni Munehide ay nagdugo at siya ay dumanas ng diarrhea. Kahit na ngayon mayroon siyang talamak na hepatitis. Subalit itinuturing niya ang kaniyang sarili na mapalad kung ihahambing sa marami na nakita niya nang araw na iyon.

Isang Aral para sa Lahat

Ang karanasan ng mga pagbomba-atomika ay totoong nag-iwan ng malalim na pilat sa mga isipan at budhi ng maraming tao. Naidiin sa isipan kahit na niyaong mga nakakita sa mga epekto ng pagbomba ang kasindakan at pagkamapangwasak ng digmaan.

Ngayon, mahigit na 40 taon ang nakalipas, ang kaigtingan sa pagitan ng mga bansa ay lumulubha, at ang mga talaksan ng mga sandatang nuklear ay dumarami. Ang takot sa ikatlong digmaang pandaigdig at sa isang nuklear na kapahamakan ay tunay na nagbabanta sa unahan. Nauunawaan kung gayon, higit at higit na mga tao sa buong daigdig ang humihimok sa lahat ng mga bansa at mga tao na alalahanin ang malungkot na pangyayari sa Hiroshima at Nagasaki bilang isang aral para sa lahat. Ang ika-40 anibersaryo sa Hiroshima ay isa lamang sa maraming gayong kapahayagan.

Subalit nadala nga ba ng alinman sa mga pagsisikap na ito ang daigdig na mas malapit sa kapayapaan? Ang mga kakilabutan ba ng digmaang nuklear​—ang kirot, paghihirap, at pagkalipol​—ay sapat upang talikuran ng mga tao ang digmaan? Sa katunayan, anong nagtatagal na epekto mayroon ang malungkot na pangyayari sa Hiroshima at Nagasaki sa Hapón bilang isang bansa kung tungkol sa paghahangad ng kapayapaan?

[Larawan ni Nobuyo Fukushima sa pahina 3]

[Larawan ni Tomiji Hironaka sa pahina 4]

[Larawan ni Munehide Yanagi sa pahina 5]

[Picture Credit Line sa pahina 3]

U.S. Air Force photo

[Mga larawan sa pahina 4, 5]

Tanawin ng malaking kapahamakan sa kabayanan ng Hiroshima pagkatapos ng pagsabog ng bomba atomika

[Credit Line]

U.S. Air Force photo

U.S. Army/Sa kagandahang loob ng The Japan Peace Museum

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share