Ang “Daan ng mga Diyos”—Saan Nito Inakay ang Hapón?
Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Hapón
WALA itong nakikilalang pundador. Wala itong kredo o opisyal na doktrina. Wala itong mga simbahan o mga serbisyo na uring simbahan. Wala itong relihiyosong herarkiya, ni mayroon man itong relihiyosong aklat na maihahambing sa Bibliya. Gayunman isa itong paraan ng pamumuhay na ipinasa sa sali’t salinlahi at pinaniniwalaan ngayon ng mga 78 milyong Hapones. Ito ay tinatawag na Shintoismo.
Ang pinagmulan ng Shinto ay nalalambungan ng mitolohiya. ‘Sa pasimula,’ sabi ng alamat, ang diyos na si Izanagi at ang diyusang si Izanami ay nagtalik. Ito ang nagluwal hindi lamang ng mga punungkahoy, bundok, at lupain kundi gayundin ng mga walong milyong iba pang mga diyos at mga diyusa! Si Jimmu Tennō, ang unang emperador ng Hapón, ay ipinalalagay na tuwirang inapó ng isa sa mga diyusang ito—si Amaterasu Ō Mikami, ang diyusa ng araw. Ang paggalang at pagpipitagan sa mga diyos na ito ang batayan ng Shinto, na nangangahulugang “daan ng mga diyos.”
Subalit saan inakay ng “daan ng mga diyos” ang Hapón? Sinapatan ba nito ang espirituwal na mga pangangailangan ng tao roon?
Ang Daan ng Pamahiin at Takot
Ang Shintoismo ay walang tiyak na pagpapakahulugan sa kung ano ang nangyayari sa kamatayan. (Walang katumbas na “langit” at “impierno” ng Sangkakristiyanuhan.) Bagaman ang kamatayan ay ipinalalagay na “isang sumpa, isang sakuna, isang kasawian,” ang umiiral na ideya ay na ang namatay ay nagiging espiritu na maaaring magdala ng mga pagpapala sa pamilya. Ganito ang sabi ng isang aklat na Shinto: “Ang mga tao ng daigdig na ito ay patuloy na nabubuhay pagkamatay nila, at patuloy na tumatanggap ng mga pagpapala ng mga diyos, alalaong baga, ang mga espiritu sa langit at sa lupa. Tayo man, taglay ang ating walang lamang mga kaluluwa, ay namumuhay na magkasama sa buhay na ito ng tao.”
Anong epekto mayroon ang paniniwala sa yumaong mga espiritu sa mga Hapones? Sa halip na punuin sila ng pag-asa, pinagmulan ito ng maraming mapamahiing gawain. Halimbawa, kung may kasawian sa isang pamilya na naniniwala sa Shinto, naniniwala sila na hindi sila nagbibigay ng sapat na pansin sa ilang namatay na mga ninuno. Kapag bumili ng isang bagong bahay o kotse, kadalasang isinasagawa ang mga ritwal na eksorsismo upang alisin ang ‘balakyot na mga espiritu.’ Bago simulan ang gawaing pagtatayo, isang paring Shinto ang darating na may dalang nabibitbit na altar upang hingin ang proteksiyon ng mga diyos ng ninuno.
Kaya sa halip na bigyan-liwanag ang mga tagasunod nito, basta inaakay ng Shinto ang mga naniniwala rito sa daan ng pamahiin at takot, ang katulad na daan na nagpaalab sa mga relihiyon ng sinaunang Babilonya. Sa kaniyang aklat na The Religion of Babylonia and Assyria, ipinakita ni Morris Jastrow na sa sinaunang mga taga-Babilonya “ang kamatayan ay isang daanan patungo sa ibang uri ng buhay.” Gayundin naman, pinatitingkad ng Shintoismo ang kaugnayan sa pagitan ng diyusa ng araw at ng kaniyang taong anak na lalaki. May mga ritwal na roon ang emperador ay nagtutungo sa Ise kung saan ang diyusa ng araw ay nakadambana at “nag-uulat” sa kaniya. Ipinagugunita nito ang kaugnayan sa pagitan ni Nimrod at ng kaniyang ina, ang tinatawag na si Semiramis. Samantalang si Semiramis ay sinasabing anak na babae ng diyusa ng isda, si Atargatis, ang ina ni Emperador Jimmu ay anak na babae ng “Hari ng Dagat.”
‘Isang Espirituwal na Sandata’
Noong una, malaki ang naitulong ng Shintoismo upang ang mga Hapones ay manghawakan sa mataas na mga pamantayang moral. Pinatibay nito ang mga kaugnayang pampamilya. At sa pamamagitan ng pagkikintal ng marubdob na paggalang sa emperador bilang soberano at relihiyosong lider, tinulungan nitong mapanatili ang pambansang pagkakaisa. Gayunman, halos umakay ito sa pambansang pagkapahamak.
Sabi ng Encyclopædia Britannica (1966 na edisyon): “Pasimula sa Digmaang Intsik-Hapones (1894-95), sinunod ng Hapón ang patakaran ng pagpapalawak, at mula ng panahong iyon hanggang sa panahon ng Digmaang Pandaigdig II ang Shintō ay ginamit ng mga militarista at mga makabansang jingoistiko bilang espirituwal na sandata sa pagpapakilos sa bansa upang bantayan ang kasaganaan ng trono.” Sa gayon ang Shinto ay naging isang kasangkapan na tumulong sa pag-akay sa Hapón tungo sa ikalawang digmaang pandaigdig.
Pagkatapos ng ganap na pagkatalo ng Hapón sa digmaan, ipinag-utos ng sumasakop na mga Allies ang pagbuwag sa Estadong Shinto. Pinagkaitan ng suporta o kontrol ng pamahalaan, ang mga dambanang Shinto sa gayon ay naging independiyente. Ginitla mismo ng emperador ang bansa sa pagtatakwil sa mga pag-aangkin ng pagka-diyos, na sinasabi: “Ang mga kaugnayan sa pagitan Namin at ng Ating bayan ay nakasalalay lagi sa pagtitiwala at pagmamahal sa isa’t isa. Hindi ito depende sa mga alamat at kathá-kathâ lamang. Hindi ito nasasalig sa huwad na mga ideya na ang emperador ay dibino at na ang bayang Hapones ay nakahihigit sa ibang mga lahi at na itinadhanang magpuno sa daigdig.”
Gayunman, hindi ito ang wakas ng Shintoismo. Ang binuwag na Estadong Shinto ay muling inorganisa tungo sa isang organisasyong tinatawag na Jinja Honcho (Ang Asosasyon ng mga Dambanang Shinto). Kinakatawan ito ng mga 80,000 mga dambanang Shinto. Bagaman ang presidente ng asosasyong ito ay ipinalalagay na siya ring pinuno ng relihiyong Shinto, sa katunayan ang emperador pa rin ang kinikilala ng karamihan na nasa posisyong ito.
Gayunman, ang Shinto mismo ay hindi napatunayang mabisa sa pagharap sa makabagong mga suliranin. Hindi nito nalutas ang malaking mga problema ng pagtatangi sa pagitan ng ikalawa at ikatlong salinlahing mga Koreano at Intsik na ipinanganak at lumaki sa Hapón. Ang Shinto ay walang anumang patnubay na iniaalok upang masawata ang pagkadelingkuwente ng mga kabataan at lutasin ang mga suliranin tungkol sa mga karahasan sa paaralan. Wala itong anumang katayuan tungkol sa aborsiyon at kaluwagan sa sekso na ngayo’y laganap sa Hapón. Ganito ang ikinakatuwiran dito ng “Outline of Shinto Teachings” ng Jinja Honcho, na nagsasabi: “Ang Shinto ay hindi natatakdaan ng tiyak na mga kasulatan o mga doktrina.”
Hindi rin nabigyan ng Shinto ang mga tagasunod nito ng pag-asa sa hinaharap. Nababahala lamang ito sa “ngayon.” Hindi kataka-taka kung gayon na libu-libong mga Hapones ang kumalas na sa Shinto at nagkaroon ng interes sa Bibliya. Di-katulad ng Shinto, ipinaliliwanag ng Bibliya kung bakit ang tao ay nasa lupa at kung ano ang iniaalok ng hinaharap. Ang Bibliya ay nagbibigay ng moral na patnubay at naglalaan ng matatag na saligan sa pananampalataya—hindi mga kuwentong makaalamat. Kaya bagaman ang Shinto ay maaaring ang “daan ng mga diyos,” sinasabi ng Bibliya na “bagaman may tinatawag na mga ‘diyos,’ maging sa langit o maging sa lupa, kung paanong maraming mga ‘diyos’ at maraming mga ‘panginoon,’ sa ganang atin naman ay may iisa lamang Diyos, ang Ama.” (1 Corinto 8:5, 6) Tinutulungan ng mga Saksi ni Jehova ang libu-libo sa Hapón upang makilala ang “iisang Diyos” na ito sa pangalan.
[Larawan sa pahina 13]
Isang dambanang Shinto kung saan ang mga tao ay nagtutungo upang manalangin