Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito
Bahagi 9—551 B.C.E. patuloy—Ang Paghahanap ng Tamang Daan sa Silangan
“Ang daan ng katotohanan ay gaya ng malaking kalye.”—Meng-tzu, pantas na Intsik ng ika-4 na siglo B.C.E.
ANUMANG relihiyon ay maaaring mag-angking siyang daan ng katotohanan na umaakay tungo sa kaligtasan. Ang Confucianismo, Taoismo, at Budismo, halimbawa, ay tinatawag na “tatlong daan” ng Tsina. Gayunding katawagan ang ginagamit ng mga relihiyong Haponés at Koreano. Paano nga ba nagkakaiba ang sarisaring “mga daan” na ito, kung nagkakaiba man?
Confucianismo—Ang Daan ng Tao
Bagaman kaunti lamang ang nalalaman nang may katiyakan tungkol kay Confucius, isang kilalang akdang reperensiya ang nagsasabi na siya’y “kabilang sa pinakamaimpluwensiyang mga lalaki sa kasaysayan ng daigdig.” Isang guro, pilosopo, at teorista sa pulitika, siya’y nabuhay sa pagitan ng 551 at 479 B.C.E. Ang pangalan ng kanilang angkan ay K’ung, kaya noong dakong huli siya ay tinawag na K’ung-Fu-tzu, ibig sabihin ay “Panginoong K’ung.” Ang bersiyon sa Latin ay “Confucius.”
Si Confucius ay hindi nagtatag ng isang bagong relihiyon. Ang The Viking Portable Library World Bible ay nagpapaliwanag na basta “inorganisa niya ang isa na umiral na sa kaniyang lupang sinilangan mula pa noong panahong di na maalaala, binigyang anyo ang mga aklat nito, dignidad ang mga pormalidad nito, at pagdiriin ang mga panuntunang moral nito.” Ang gawi ng tao, hindi teolohiya, ang kaniyang pangunahing interes. Ang kaniyang turo ay pangunahin nang tungkol sa etikang panlipunan. Ang kaniyang pagsisikap na humawak ng tungkulin sa pulitika ay udyok ng labis na pagnanasang hanguin sa paghihirap ang kaniyang bayan. Angkop, kung gayon, ang pilosopya ng taong ito—higit bilang bigong pulitiko kaysa naghahangad na lider ng relihiyon—ay tinawag na ang “daan ng tao ayon kay Confucius.”
Hindi gaanong pinahahalagahan ni Confucius ang relihiyon noong kaniyang kaarawan, sinasabing ang karamihan nito ay pamahiin lamang. Nang tanungin kung siya ba’y naniniwala sa Diyos, ipinalalagay na siya’y sumagot na: “Minamabuti kong huwag magsalita.” Subalit ang kaniyang madalas na pagtukoy sa Tien, ibig sabihin ay “Langit,” ay binibigyan-kahulugan ng ilan upang mangahulugan na siya ay naniwala sa isang bagay na higit pa sa basta ilang nakatataas na puwersa.
Idiniin ni Confucius ang mga pamantayan sa pamilya, paggalang sa autoridad, at pagkakaisang panlipunan. Itinawag-pansin niya ang pangangailangan ng edukasyon sa paglinang ng mga kakayahan at pagpapatibay sa personal na mga katangian na kailangan sa paglilingkod sa iba. Idiniin niya ang jen, isang salita na nangangahulugang kabaitan sa sangkatauhan sa pangkalahatan, lalo na ang pagmamahal at paggalang ng mga anak sa magulang at paggalang sa kapatid. Pinasigla niya ang pagsamba sa ninuno.
Ang karaniwang katangiang ito ni Confucius ay siya pa ring katangian ng mga taga-Asia na pinalaki sa paraan ni Confucius. Ang sosyologong si William Liu, ng University of Illinois sa Chicago, ay nagsasabi na “ang etika ni Confucius ay nagtutulak sa mga tao na magtrabaho, manguna at bayaran ang pagkakautang nila sa kanilang mga magulang.” Kaya, ang mga mandarayuhan buhat sa mga bansang may malakas na impluwensiya ni Confucius ay naging kilala sa Estados Unidos dahil sa napakataas na mga marka sa paaralan.
Ang batong-panulok ng kaisipang Confuciano ay ang koleksiyong kilala bilang Wu Ching (“Limang Klasika”). Ang “Apat na Aklat,” o Ssu shu, na idinagdag noong ika-12 siglo, ay itinuturing na mahalaga sa kaisipang Confuciano. Ang kanilang istilo, na kakikitaan ng kaiklian at pagiging siksik, ay gumagawa ritong mahirap unawain.
Noong ikaapat na siglo C.E., ang mga panuntunang Confuciano ay itinuro sa Kahariang Kokuryo sa gawing hilaga ng Korea. Ang Confucianismo ay kumalat sa Hapón marahil noong pasimula ng ikalimang siglo C.E. Samantala, doon sa Tsina nagkaroon ng isang pang “daan.”
Taoismo—Ang Daan ng Kalikasan
Ang Tao, mahalaga sa kaisipang Intsik sa loob ng mga milenyo, ay nangangahulugang “daan” o “kalye.” Tumutukoy ito sa wastong paraan ng paggawa ng mga bagay na kasuwato ng likas na paraan ng pag-andar ng uniberso. Sinasabi ng tradisyon na ang nagtatag nito ay isang kapanahon ni Confucius na nagtaglay ng titulong Lao Tze, ibig sabihin ay alin sa “Matandang Batang Lalaki” o “Matandang (Kagalang-galang na) Pilosopo.” Sinasabi ng ilan na si Lao Tze ay tinawag na ganito sapagkat, pagkatapos ng isang makahimalang paglilihi at matagal na pagdadalang-tao sa loob ng ilang mga dekada, isinilang siya ng kaniyang ina pagkatapos na ang kaniyang buhok ay puro uban na sa katandaan. Sabi naman ng iba na siya ay binigyan ng titulong iyon dala ng paggalang sa kaniyang pantas na mga turo.
Ang Taoismo ay nagtuturo na sa pagsilang ang isang bata ay pinagkakalooban ng ilang “unang hininga,” o puwersa ng buhay. Sa iba’t ibang paraan, gaya ng sa pagbubulaybulay, sistematikong pagkain, pagpigil ng hininga at sekso, maaaring iwasan ang di-kinakailangang pagkaubos ng “unang hininga.” Sa gayon, ang haba ng buhay ay kasingkahulugan ng pagkasanto.
Ang katawan ng tao ay itinuturing na isang munting uniberso na kailangang panatilihing kasuwato ng kalikasan. May kaugnayan ito sa tinatawag ng mga Intsik na yin at yang, sa literal ay ang malilim at maliwanag na panig ng isang burol. Mahalaga sa lahat ng pilosopyang Intsik, ang yin at yang ay magkasalungat, gayunma’y kapupunan ng isa’t isa, mga elemento na siyang bumubuo sa lahat ng bagay sa kalikasan. Ganito pa ang sabi ng The Encyclopedia of Religion: “Ang yin ang nangingibabaw sa lahat ng bagay na madilim, malilim, malamig, basa, humihina, yumuyuko, makalupa, babae, samantalang ang yang ay sa mga bagay na maliwanag, mainit, tuyo, tumitindi, matatag at agresibo, makalangit, at lalaki.” Ang pagkakapit ng simulaing ito ay masusumpungan sa feng-shui, isang anyo ng panghuhulang Intsik na tinatawag na geomancy sa Ingles. Ito’y dinisenyo upang hanapin ang angkop na dako para sa mga bayan at mga bahay, subalit lalo na sa paghanap ng angkop na mga libingan. Sa pag-uugnay ng mga puwersang yin-yang ng potensiyal na dako sa mga maninirahan nito ay titiyak, sabi nito, ng kabutihan sa maninirahan. Si Helen Hardacre ng Princeton University ay nagpapaliwanag na ang tamang “kombinasyon ng mga puwersang kosmiko ay inaakalang kapaki-pakinabang sa mga patay at pinadadali ang kanilang pagtungo sa kabilang buhay.”
Gayunman, samantalang sinisikap panatilihing timbang ang mga puwersang yin-yang, hindi dapat sikaping gumawa ng sapilitang pagbabago sa kanilang likas na katayuan. Ito, gaya ng inaakala, ay magiging hindi mabunga, isang paniwala na naghihikayat ng pagiging walang kibo. Noong 1986 ganito ang paliwanag dito ng isang may edad nang monghe: “Ang turo ng Taoismo ay manatiling tahimik at huwag gumawa ng anumang bagay. Ang paggawa ng lahat ng bagay ay nakasalalay sa hindi paggawa ng anumang bagay.” Ang lakas ng Taoismo ay naihalintulad sa tubig, na sa kabila ng kalambutan nito ay nakikinabang ang lahat ng nilalang.
Dati, kaugalian nang pag-ibahin ang pilosopyang Tao (ika-4/ika-3 siglo B.C.E.) at relihiyong Tao (ika-2/ika-3 siglo C.E.). Ang pagkakaibang ito ay hindi na malinaw, sapagkat maliwanag na ang relihiyong Tao ay nagmula sa mga pilosopyang Tao na nauna rito. Ang propesor ng relihiyon na si Hans-Joachim Schoeps ay nagsasabi na ang Taoismo bilang isang relihiyon “ay wala kundi ang karugtong ng katutubong relihiyon ng sinaunang Intsik. Sa pinakagitna nito ay ang simpleng anyo ng espiritismo . . . [na may mga espiritu na] namumugad sa lahat ng dako, isinasapanganib magpakailanman ang buhay at kalusugan ng tao. . . . Sa Tsina ngayon, ang Taoismo ay bumaba tungo sa isang relihiyosong anyo ng pamahiin para sa masa.”
Shinto—Ang Daan ng “Kami”
Ang Hapón ay kilala rin dahil sa isang sinaunang katutubong relihiyon, isang pinaghalong “politeistikong kalikasan at pagsamba sa ninuno,” gaya ng paglalarawan dito ng isang autor. Sa umpisa ang etnikong relihiyong ito ay walang pangalan. Subalit, noong ikaanim na siglo C.E., nang ang Budismo ay ipakilala sa Hapón, isang pangalan na ibinigay sa Budismo, ay Butsudō, “ang daan ng Buddha.” Kaya, upang ipakita ang pagkakaiba sa pagitan nito at ng katutubong relihiyon, ang huling banggit nang maglaon ay naging kilala bilang Shinto, “ang daan ng kami.”
Ang kami (iba’t ibang diyos) ay siya ngang pinagtutuonan ng Shinto. Ang kami ay tumukoy sa anumang sobrenatural na puwersa o diyos, pati na ang mga diyos ng kalikasan, bukod-tanging mga tao, dinudiyos na mga ninuno, o pati na nga ang “mga diyos na nagsisilbing isang huwaran o sumasagisag sa mahirap unawaing kapangyarihan.” (The Encyclopedia of Religion) Samantalang ang katagang Yaoyorozu-no-kami ay literal na nangangahulugang walong milyong mga diyos, ang kataga ay ginagamit upang mangahulugan ng “maraming diyos,” yamang ang bilang ng mga diyos sa relihiyong Shinto ay parami nang parami. Ang mga tao, palibhasa’y mga anak ni kami, ay pangunahin nang may banal na kalikasan. Samakatuwid, ang ideya ay, mamuhay na kasuwato ng kami, at tatamasahin mo ang kanilang proteksiyon at pagsang-ayon.
Ang Shinto, bagaman hindi matatag sa doktrina o teolohiya, ay nagbigay sa mga Haponés ng isang kodigo ng mga pamantayan, hinubog ang kanilang paggawi, at siyang tumitiyak ng kanilang paraan ng pag-iisip. Binigyan sila nito ng mga dambana, kung saan maaari silang sumamba kung nakadarama sila ng pangangailangan.
Ang mahahalagang uri ng Shinto ay magkakaugnay. Ang Dambanang Shinto at ang Katutubong Shinto ay may kaunting pagkakaiba. Ang sektang Shinto, sa kabilang dako, ay binubuo ng 13 mga sekta na itinatag noong ika-19 na siglo na ang iba’t ibang antas ay naglalaman ng mga elemento ng Confucianismo, Budismo, at Taoismo.
Ang impluwensiya ng Budista sa Shinto ay totoong malakas. Ipinaliliwanag nito kung bakit ang marami sa mga Haponés ay mga Budista at kasabay nito’y mga Shintoista rin. Ang tradisyunal na bahay ng Haponés ay may dalawang dambana, isang dambanang Shinto upang parangalan ang kami, at isang dambanang Budista upang parangalan ang isa sa mga ninuno. Si Keiko, isang batang Haponesa, ay nagsasabi: “Dapat akong magpakita ng paggalang sa aking mga ninuno at ipinakikita ko ito sa pamamagitan ng Budismo . . . Ako’y Haponesa, kaya ginagawa ko ang lahat ng munting mga ritwal ng Shinto.” Saka sinabi niya: “At inaakala kong ang pag-aasawa sa isang Kristiyano ay magiging maganda. Ito’y isang pagkakasalungatan, eh ano ngayon?”
Ch’ŏndogyo—Relihiyon ng Makalangit na Daan ng Korea
Ang Budismo, pinatatag na Taoismo, at Confucianismo ay kabilang sa pangunahing di-Kristiyanong mga relihiyon sa Korea. Pagkatapos ipakilala sa Tsina, ang mga ito ay naimpluwensiya ng katutubong relihiyon ng Korea, ang shamanismo, at sang-ayon sa The Encyclopedia of Religion ay “pinili, binago, at ibinagay sa iba’t ibang antas ng mga kalagayan sa lipunan at intelektuwal na umiiral sa Peninsula ng Korea.”a
Isa pang relihiyon sa Korea ay ang Ch’ŏndogyo, “Relihiyon ng Makalangit na Daan,” ang pangalan nito mula noong 1905. Itinatag noong 1860 ni Ch’oe Suun (Che-u), ito ay orihinal na tinawag na Tonghak, “Silanganing Pag-aaral,” bilang kabaligtaran ng Sohak, “Kanluraning Pag-aaral,” ang termino para sa Kristiyanismo, na dapat hadlangan ng Ch’ŏndogyo. Sang-ayon sa autor na Aleman na si Gerhard Bellinger, sinisikap ng Ch’ŏndogyo na pagsamahin “ang mga mithiin ni Confucius na kabaitan at katarungan ng tao, ang hindi pagkibo ng Taoista, at ang pagkahabag ng Budista,” na siyang nilayon ng nagtatag nito. Ang Ch’ŏndogyo ay naglalaman din ng mga elemento ng shamanismo, at Katolisismong Romano. Sa kabila ng pag-aangkin nito na pagtataguyod ng relihiyosong pagkakaisa, noong 1935 ito ay nagkaroon ng di-kukulanging 17 mga sektang anak.
Mahalaga sa “Relihiyon ng Makalangit na Daan” ang paniwala na ang tao ay talagang divino, bahagi ng Diyos. Ang sain yŏch’ŏn. (“Tratuhin ang tao na gaya ng Diyos”) samakatuwid ay isang mahalagang turong etika, humihiling na ang mga kapuwa-tao ay dapat tratuhin nang may “pinakamataas na pagkabahala, paggalang, kataimtiman, dignidad, pagkapantay-pantay, at katarungan,” sabi ni Yong-choon Kim ng University of Rhode Island.
Sinisikap na baguhin ang kaayusang panlipunan sa paghahangad ng matatas na simulaing ito ang nagdala sa tagapagtatag, si Suun, na maging kalaban ng gobyerno. Ang pakikialam sa pulitika ay humantong sa pagpatay sa kaniya at sa kaniyang kahalili. Ito rin ang nag-udyok sa Digmaang Sino-Haponés ng 1894. Sa katunayan, ang pagiging aktibo sa pulitika ay katangian ng mas bagong mga relihiyon sa Korea, kung saan ang kilusang Tonghak ay una lamang. Kadalasan nang ang pangunahing tema ay nasyonalismo, na ang Korea ay binibigyan ng isang dako sa daigdig ng kabantugan sa hinaharap.
Aling “Daan” ang Umaakay Tungo sa Buhay?
Maliwanag, inaakala ng maraming taga-Asia na hindi mahalaga kung aling “daan” ng relihiyon ang sinusunod ng isa. Subalit tinanggihan ni Jesu-Kristo, na ang relihiyon noong unang siglo ay tinawag ding “Ang Daan,” ang palagay na ang lahat ng “mga daan” ng relihiyon ay kalugud-lugod sa Diyos. Siya’y nagbabala: “Ang daan na umaakay tungo sa kapahamakan ay malapad at maluwang, . . . subalit ang daan na umaakay tungo sa buhay ay makitid at makipot, at iilan lamang ang nakasusumpong nito.”—Gawa 9:2; 19:9; Mateo 7:13, 14, The New English Bible, talababa; ihambing ang Kawikaan 16:25.
Mangyari pa, hindi pinansin ng karamihan ng mga Judio noong unang-siglo ang kaniyang mga salita. Hindi nila inisip na nasumpungan nila ang kanilang tunay na Mesiyas kay Jesus o ang tamang “daan” sa kaniyang relihiyon. Ngayon, pagkalipas ng 19 na siglo, hinihintay pa rin ng kanilang mga inapo ang kanilang Mesiyas. Ipaliliwanag ng aming susunod na labas kung bakit.
[Talababa]
a Ang shamanismo ay nakasentro kay shaman, isang taong relihiyoso na sinasabing nagsasagawa ng madyik na pagpapagaling at na nakikipagtalastasan sa daigdig ng espiritu.
[Mga larawan sa pahina 21]
Si Heneral Guan Yu, isang diyos ng digmaan sa katutubong relihiyon ng Intsik at patron ng mga uring militar at negosyante
Mula sa kaliwa, Han Xiangzi, LuDongbin, at Li Tieguai—tatlo sa walong Imortal na Taoista—at si Shoulao, ang Bituing Diyos ng Mahabang Buhay
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Museong Britano
[Mga larawan sa pahina 23]
Iba’t ibang istatuwa sa looban ng isang dambanang Shinto, at ang asong bantay sa kaliwa ay ipinalalagay na nagtataboy sa mga demonyo
Ang mga estudyante, kasama ang mga magulang, sa dambanang Shinto ng Yushima Tenjin, Tokyo, ay nagdarasal para sa tagumpay sa mga eksamen