Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 2/8 p. 6-8
  • Pasulungin ang Iyong Pagbabasa—Magagawa Mo Ito!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pasulungin ang Iyong Pagbabasa—Magagawa Mo Ito!
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pangangailangan na Maging Mapamili
  • Isang Pagbabago sa mga Pag-uugali sa Pagbabasa
  • Pagkakaroon ng Mas Mabuting Pag-unawa
  • Ang Pagbabasa nang Mahusay ay Nagdadala ng Maraming Pakinabang
  • Magsikap Ka sa Pagbabasa
    Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
  • Makinabang sa Araw-araw na Pagbabasa ng Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Bakit Mahalagang Magbasa ang mga Bata?—Bahagi 1: Magbabasa o Manonood?
    Tulong Para sa Pamilya
  • Pagbabasa ng Bibliya—Kapaki-pakinabang at Kalugud-lugod
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 2/8 p. 6-8

Pasulungin ang Iyong Pagbabasa​—Magagawa Mo Ito!

TOTOO, walang madyik na pormula para sa mas mabuting pagbabasa. Gayunman, kung ikaw ay nakakabasa, kung gayon ikaw ay maaaring bumasa nang mas mahusay! Hindi tayo makakaasang bumasa nang mas mahusay nang hindi nagbabasa nang regular. Hindi kukulangin sa kalahating oras isang araw ang dapat na gugulin sa layuning ito​—higit pa kung maaari.

Ang Pangangailangan na Maging Mapamili

Maging mapamili sa kung ano ang iyong binabasa. Piliin ang materyal na naglalaman ng mga salitang pamilyar sa iyo at mga paksa na hindi teknikal. Pagkatapos, progresibong piliin ang materyal na magpaparami ng iyong bukabularyo.

Maging mapamili rin sa ibang diwa, sapagkat hindi lahat ng babasahin ay nakapagpapatibay o nakagiginhawa sa isipan. Ang isang pantas na tao ay nagsabi minsan: “Tungkol sa paggawa ng maraming aklat ay walang wakas, at ang pagtatalaga sa mga ito ay kapaguran ng katawan.” (Eclesiastes 12:12) Napakaraming mga publikasyon sa ngayon at marami ang naglalaan ng kaaya-ayang pagbabasa. Piliin yaong makikinabang ka nang higit sa moral at espirituwal na paraan. Sa aklat ng Bibliya na Kawikaan, kabanata 13, talatang 20, ito ay nagsasabi: “Siyang lumalakad na kasama ng mga taong pantas ay magiging pantas, ngunit siyang nakikisama sa mga mangmang ay mapapariwara.” Ang simulaing ito ay kapit din sa pagpili ng kung ano ang binabasa ng isa na gaya ng pagiging mapamili sa iyong mga kasama.

Isang Pagbabago sa mga Pag-uugali sa Pagbabasa

Maliwanag, tayo ay hindi nakakabasa sa ating pagsilang. Gaya ng iba pang mga bagay sa buhay, ang pagbabasa ay isang kasanayan na nililinang. Ang isang tao ba ay maaaring maging isang mahusay na piyanista nang hindi nagsasanay sa piyano? O ang sinuman ba ay maaaring maging mahusay na manlalaro ng tenis nang hindi naglalaro ng tenis? Kung ang isang tao ay magkaroon ng masamang kaugalian maaga sa kaniyang karera bilang isang piyanista o manlalaro ng tenis, dapat niyang iwasto ang mga ito o kung hindi siya ay pahihirapan nito.

Totoo rin ito sa pagbabasa. Kung, sa maagang gulang, ang isang estudyante ay nagkaroon ng hindi mabuting pag-uugali sa pagbabasa, pinahihirapan niya ang kaniyang sarili. Bunga nito, dapat siyang magsumikap sa buhay, nakikipagpunyagi sa nailathalang pahina taglay ang napakalimitadong mga kasanayan sa pagbabasa. Habang siya ay tumatanda, nagiging mas mahirap alisin ang masamang mga kaugalian sa pagbabasa. Subalit ito ay magagawa​—kung ang isang tao ay kusang gagawa ng pagsisikap! Isaalang-alang ang ilan sa mga kaugaliang ito.

Ang pangunahing pisikal na aspekto ng pagbabasa ay nagsasangkot sa pagkilos ng mata. Tuwing magbabasa ka ng isang linya ng mga titik, ang iyong mga mata ay gumagawa ng isang serye ng mga paghinto. Ang mga paghintong ito ay mahalaga sapagkat tanging kapag nagaganap ang mga ito saka nakikita ng mata kung ano ang naroroon. Sa panahon ng mga paghintong ito, ang nakikitang impresyon ay inihahatid sa utak para sa “decoding.” Ang utak, hindi ang mata, ang gumagawa ng pagbabasa. Ang iyong mga mata ay ekstensiyon lamang ng iyong utak.

Ang isang mabagal bumasa ay humihinto halos sa bawat salita. Pinuputol nito ang mga mensahe na inihahatid sa utak, at ang pagbabasa ay nagiging mahirap na gawain sapagkat ang mata ay napapagod at kaunti lamang sa nabasa ang natatandaan. Sa kabaligtaran, ang mga mahusay bumasa ay may mabilis at may ritmong mga pagkilos ng mata habang sila ay nagbabasa sa isang nailimbag na pahina. Natututuhan nilang bawasan ang dami ng mga paghinto sa bawat linya. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga parirala o ng mga grupo ng salita, mas mabilis nilang nababasa ang nailathalang pahina at napasusulong ang kanilang pagkaunawa.

Dito pumapasok ang tungkol sa pag-urong (regression). Ang pag-urong ay nangangahulugan ng pagbabalik at muling pagbabasa ng mga materyal na nabasa na. Ang karamihan ng mga pag-urong ay kinagawian na. Mangyari pa, may mga pagkakataon na ang isang partikular na kaisipan ay maaaring malabo. Sa gayon ang bumalik at basahing muli kung ano ang sinasabi ay maaaring maging mahalaga. Gayunman, ang karamihan ng mga pag-urong ay hindi naman talagang kinakailangan at nagpapabagal lamang sa bumabasa. Kailanma’t maaari, iwasan ang pag-urong.

Ang isa pang kaugalian na inaakala ng maraming awtoridad na humahadlang sa mabuting pagbabasa ay ang bokalisasyon. Yaon ay kapag ikinikilos ng bumabasa ang kaniyang mga labi, binibigkas sa kaniyang sarili ang bawat salita. Gayundin naman, tahimik na binibigkas ng ibang tao ang mga salita sa kanilang sarili, “pinakikinggan” ang mga ito sa kanilang isipan. Ito ay tinatawag na subvocalization. Tinatakdaan ng bokalisasyon o subvocalization ang dami ng mga salita na mababasa natin sa bawat minuto sapagkat, sa katunayan, tayo ay nagbabasa lamang na kasimbilis ng ating pagsasalita. Ang katamtamang tao ay maaaring magsalita ng mga 125 mga salita sa bawat minuto, samantalang ipinakikita ng ulat na ang isang katamtamang bilis sa pagbabasa ay 230-250 mga salita sa bawat minuto.

Yamang mas maraming bagay ang nanaisin nating mabasa nang mas mabilis kaysa kung ito’y ating binibigkas, makabubuting huwag ugaliing bigkasin ang binabasa. Ugaliing bumasa nang mas mabilis kaysa iyong maaaring mabigkas. Gumawa ng pagsisikap na basahin ang mga grupo ng salita. At tandaan, ang pagbigkas o subvocalization ay karaniwan nang hindi tutulong sa pag-unawa.

Gayunman, gaya ng pag-urong, may mga pagkakataon na ang bokalisasyon ay maaaring maging angkop. Kung nais ng isa na taimtim na magbulaybulay sa ilang bagay, o isaulo ito, kung gayon makabubuti na hindi lamang ulit-ulitin ang mga salita kundi bigkasin din ito. Karaniwan nang ito’y ginagawa “na may pagbubulaybulay,” o malakas.

Kapuna-puna, si Josue, isang lider ng sinaunang bansa ng Israel, ay pinag-utusan: “Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, at iyong may pagbubulaybulay na babasahin araw at gabi.” Bakit? “Upang iyong masunod na gawin ang ayon sa lahat ng nakasulat dito; sapagkat kung magkagayo’y iyong pagtatagumpayin ang iyong lakad.” (Josue 1:8) Ang pagbabasa ng “aklat ng kautusan” na may pagbubulaybulay (binibigkas) ay makatutulong sa pagsasaulo nito gayundin sa maingat na pagbubulaybulay ng lahat ng mga kaisipan na binabanggit doon. Sa gayon, ang Kautusan ay mamamalagi sa harapan ni Josue upang paalalahanan siya kung paano siya dapat gumawi bilang isang lingkod ng Diyos. Gayundin naman, pinahahalagahan ng tapat na mga Kristiyano sa ngayon ang karunungan ng “pag-alaala” sa Salita ng Diyos at pagbubulaybulay rito, kaya regular nilang binabasa ito.​—Awit 103:17, 18; ihambing ang Kawikaan 4:5.

Pagkakaroon ng Mas Mabuting Pag-unawa

Sa kaniyang aklat na Diagnostic and Remedial Teaching, ganito ang sabi ni Glenn Myers Blair: “Ang pangunahing tunguhin ng lahat ng mga programa sa pagpapasulong ng pagbabasa ay upang linangin ang kakayahan na umunawa sa bahagi ng mga mag-aaral. Ang ibang mga bagay ay pangalawahin lamang.” Tunay, ang pag-unawa ng iyong binabasa ay nangangahulugan ng pagkuha ng diwa nito, pagkaunawa rito. Ito ang gumagawa sa pagbabasa na mahalaga at kapaki-pakinabang.

Ganito ang mungkahi ni Robert Krych, guro at lektyurer sa City College ng New York: “Upang makatulong sa pag-unawa, sa lahat ng panahon sikaping magbasa na may layunin. Patiunang magpasiya kung ano ang nais mo mula sa materyal na pinili mong basahin. Sa isang pagkakataon maaaring naisin mong magbasa upang magkaroon ng espisipikong mga katotohanan. Sa ibang pagkakataon naman, ang iyong pagbabasa ay maaaring para lamang sa kasiyahan at paglilibang. Anuman ang kaso, baguhin ang bilis ng pagbabasa sa layunin at kahirapan ng materyal na babasahin. Maging mapunahin kapag nagbabasa. Tanungin ang iyong sarili: Bakit sinabi ito ng manunulat? Ano ang kaniyang layunin? Ibukod ang pangunahing punto o diwa ng parapo. Itanong, Papaano apektado nito ako, ang mambabasa?” Oo, gawing ugali na magbasa na may layunin at masusumpungan mong kasiya-siya ang pagbabasa.

Ang Pagbabasa nang Mahusay ay Nagdadala ng Maraming Pakinabang

Ang mabuting pag-uugali sa pagbabasa ay mahalaga, ikaw man ay isang estudyante, isang propesyonal, isang maybahay, o isang manggagawa sa opisina o sa pagawaan. Maraming pinto ang nabubuksan doon sa mga mahusay bumasa.

Ang isang estudyante na mahusay bumasa ay nagiging higit na bihasa sa kaniyang gawain at tiyak na matututo nang higit sa paaralan. Maaari niyang bawasan ang panahon na ginugugol sa pagbabasa at muling pagbabasa ng mga takdang-aralin o asainment.

Gayundin, ang isang negosyante o propesyonal na may mahusay na kakayahan sa pagbabasa ay matagumpay na mapakikitunguhan ang mahabang mga report at katulad nito. Sa gayon, ito ay magpapahintulot ng higit na panahon para sa personal na pakikipagkita sa mga pasyente, mga kliyente, o mga parokyano. Ang mas mahusay na mga kasanayan sa pagbabasa ay magpapangyari rin sa kaniya na lumahok sa mas malawak na pagbabasa, at ito ay tutulong sa kaniya na magkaroon ng higit na kabatiran sa kaniyang trabaho, pag-aaral, at mga eksperimento na isinasagawa ng iba.

Taglay ang mas maraming kaalaman na nakuha sa pamamagitan ng pinagbuting kasanayan sa pagbabasa, kadalasang napasusulong ng mga ulo ng pamilya ang kanilang mga kasanayan sa trabaho at kakayahan na pangalagaan ang pananagutan. Ang kakayahan na basahin ang mga direksiyon, mga tuntunin, at mga tagubilin, sa maraming bahagi ng daigdig, ay tutulong sa pangangalaga nang mas mabuti ng mga bagay sa tahanan. Ang kasanayan sa pagbabasa ay tutulong din sa pangangasiwa sa pananalapi ng pamilya.

Ang mga maybahay na nagkaroon ng higit na kaalaman sa pamamagitan ng pagbabasa ay makapangangalagang mas mabuti sa pamilya kung tungkol sa wastong nutrisyon, kalinisan, pag-iwas sa mga sakit, o niyaong mga nagkasakit. Ang mga ina na mahusay bumasa ay maaaring magtagumpay sa pagtuturo sa kanilang mga anak na magbasa bago sila pumasok sa paaralan.​—Tingnan ang Awake! ng Mayo 22, 1968, mga pahina 20-2.

Higit na mahalaga, ang isa na bumabasang mainam ay maaaring magkaroon ng kaalaman na aakay tungo sa buhay na higit pa sa kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay. Ang hula ng Bibliya tungkol sa katapusan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay ay natutupad na. Mahalaga sa lahat na umaasang magtatamasa ng buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa na kumuha ng kaalaman tungkol sa ating Maylikha at sa kaniyang mga layunin. Binanggit ni Jesus sa Juan 17:3: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.”

Walang alinlangan, kung gayon, isang pinto patungo sa daigdig ng kaalaman at katuwaan ay nakabukas sa sinuman na nagnanais pumasok. Ang susi ay pagbabasa. Oo, bumasang mainam at ang pintong iyon ay laging nakabukas sa iyo!

[Larawan sa pahina 7]

Maging mapamili sa materyal na iyong binabasa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share