Pagmamasid sa mga Paaralan sa Malaking Lunsod
Ginugugol ng mga bata ang marami nilang oras sa paaralan. Ang impluwensiya ng paaralan ay maaaring maging napakalaki. Gayunman maraming mga magulang ang mayroon lamang malabong ideya sa kung ano nga ang mga paaralan. Kaya sinusurbey ng Gumising! ang edukasyunal na tanawin sa apat na iba’t ibang bansa, simula sa Estados Unidos.
NOONG Abril 1983 isang report na itinaguyod ng gobyerno ang inilabas na nakabahala kapuwa sa mga magulang at mga guro. Nagbababala ng masama na ito’y pinamagatang A Nation at Risk. Tinipon ng isang piniling hurado ng mga dalubhasa, ang report ay nagsisimula sa pagsasabi: “Ang ating Bansa ay nanganganib . . . Ang edukasyunal na mga saligan ng ating lipunan ay kasalukuyang inaagnas ng daluyong ng mahinang klaseng sistema na nagsasapanganib sa atin mismong kinabukasan bilang isang Bansa at isang bayan.” Ang katibayan:
◼ “Mga 23 milyong adultong Amerikano ang hindi gaanong makabasa at makasulat ng pinakapayak na mga pagsubok sa araw-araw na pagbabasa, pagsulat, at pag-unawa.”
◼ “Halos 13 porsiyento ng lahat ng 17-anyos sa Estados Unidos ay maituturing na hindi gaanong makabasa at makasulat.”
◼ “Ang katamtamang resulta sa karamihan ng pamantayang mga pagsubok ng mga estudyante sa high school ay mas mababa ngayon kaysa noong nakalipas na 26 na mga taon.”
Pagkatapos ng ulat na ito, ang mga paaralan sa E.U. ay masusing sinuri. Subalit marahil ang edukasyunal na mga suliranin sa E.U. ay makikita lalo na sa mga paaralan sa malaking lunsod. Apektado ito ng nakamamatay na kombinasyon ng lumiliit na badyet at lumalaking mga silid-aralan. Ang mababang mga sahod, karahasan sa silid-aralan, at maraming mga estudyanteng humihinto sa pag-aaral ay nakapagpapahina at nagtataboy pa nga sa maraming may kakayahang mga guro. Ang reaksiyon ng ibang mga pamilya sa lahat ng ito ay ang paglalagay ng kanilang mga anak sa mga paaralang pribado o sa mga paaralan sa labas ng bayan.a
Gayumpaman, ang mga aklat at mga artikulo tungkol sa mga suliranin ng mga paaralan sa lunsod ay hindi nagbibigay ng buong larawan. Kaya sa tulong ng isang kaibigan na nagtatrabaho bilang isang tagapangasiwa ng edukasyon, ipinasiya ng isang reporter ng Awake! na magmasid mismo sa ilang mga paaralan. Iniuulat niya ang sumusunod:
Isang Edukasyunal na Tanawin
“Kami ay nakatayo sa labas ng isa sa pinakamalaking paaralang elementarya sa lunsod. Dose-dosenang bulakbol na mga kabataan ang ‘nakaistambay’ sa paligid ng paaralan. ‘Hindi nila kayang magbayad ng sapat na mga attendant sa paaralan upang tipunin ang mga batang ito,’ paliwanag ng aking kaibigan at maybisita.
“Taglay ng paaralan ang palatandaan ng nabubulok na lunsod. Pumasok kami sa tanggapan ng punung-guro at nag-usap sa kabila ng nakabibinging ingay ng mga tinig, mga makinilya, at tumutunog na mga telepono. Ang punung-guro ay mukhang pagod na pagod, gayunman ika-10:00 n.u. pa lamang. Siya ay magalang, at kami ay nagtungo upang magmasid sa aming unang silid-aralan.
“Nasumpungan namin doon ang isang masiglang binata na nagpapakita kung ano ang maaaring gawin ng isang mabuting guro. ‘Alin ang nais ninyong matutuhan?’ tanong niya sa kaniyang mga estudyante. ‘Isang hayop na ang kaniyang dila ay nasa kaniyang ilong, isang lumalakad na punungkahoy sa Florida, o isang ibon na hindi makalipad?’ Pinili ng nagtatakang mga estudyante ang una, ang mga anteater. Buong pananabik na binuksan nila ang kanilang aklat-aralin para sa mga pagsasanay sa pagbabasa na may unawa. Sa paanuman, nagawa ng kanilang guro na sila ay magnais na matuto.
“May malaking pagkakaiba sa mga paaralan sa lunsod. Dinalaw namin ngayon ang isang paaralan na, bagaman matanda na, ay napakalinis at napakaayos. Walang mga kabataan na ‘nakaistambay.’ Ang mga pasilyo ay tahimik. ‘Ang paaralang ito ay may mahusay na punung-guro,’ paliwanag ng aking maybisita.
“Nakalulungkot sabihin, nakakaharap kahit na ng epektibong mga tagapangasiwa ang katakut-takot na mga problema. Ang mga kuskos balungos na gumagawa sa mga guro na maging abala sa pagsagot ng mga pormularyo sa halip na magturo. Mga batas na humahadlang sa disiplina sa paaralan. Mga guro na ikinatatakot ang kanila mismong emosyonal at pisikal na kaligtasan. Ang mga estudyante na ayaw mag-aral, subalit humihingi ng mga diploma. Ang mga salapi na para sa mga aklat at mga gamit na napupunta sa pagbabayad ng napakataas na halaga ng bandalismo. Kataka-taka nga na sa kabila ng lahat ng ito ang mga paaralan sa malaking lunsod ay nakagagawa pa rin na gaya ng ginagawa nito!”
Sa kabutihang palad, ang Carnegie Foundation for the Advancement of Teaching ay nagsasabi: “Naniniwala kami . . . na ang Amerikanong edukasyong pampubliko ay bumubuti.” Gayunman, mayroon lamang isang paraan upang malaman kung ano nga ang paaralan ng iyong anak: Suriin mo mismo.
[Talababa]
a Ang pagpapalista sa paaralang pribado ay dumami ng 60 porsiyento mula noong 1955.
[Blurb sa pahina 4]
“Ang edukasyunal na mga saligan ng ating lipunan ay kasalukuyang inaagnas ng daluyong ng mahinang klaseng sistema.”—A Nation at Risk.
[Kahon sa pahina 3]
Mga Problema sa mga Paaralan sa E.U.
“Maraming tradisyunal at napakahirap na mga kurso ang pinalitan ng mga kursong mailalarawan na edukasyunal na libangan.”—The Literacy Hoax, ni Paul Copperman.
“Ang suliranin sa paggamit ng droga ay napakalaganap . . . Kung krimen ang pag-uusapan ang mga paaralan ay naging ekstensiyon ng mga lansangan.”—Propesor Lewis Ciminillo, Indiana University Northwest.
“Malaki ang ipinagbago ng populasyon sa paaralan ng bansa sa nakalipas na 15 mga taon, dahil sa pagdami ng mga batang mula sa wasak na mga tahanan at yaong mga namumuhay sa karalitan.”—The Express, Easton, Pennsylvania, E.U.A.
Nagkaroon “ng nakababahalang pagbaba sa kalidad ng mga guro.”—U.S.News & World Report.
“Ang disiplina ng estudyante, pati na ang mga problema ng pagbubulakbol at paggamit ng droga, ang isyung kailangang harapin agad ng Denver Board of Education.”—Rocky Mountain News.
“Ang mga estudyanteng nagdadala ng mga patalim at mga baril [ay] laganap, at 100 mga estudyante ay pumirma sa isang petisyon na humihiling ng isang aparato na maniniktik ng metal o metal detector sa pintuan ng paaralan.”—The New York Times.