Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Ayaw Mag-aral ng Iba?
SI Joan ay laging magaling sa paaralan. Siya ay interesadong matuto at lubusang nasasangkot sa kaniyang mga klase. Subalit nang ang kaniyang pamilya ay lumipat sa ibang lugar, si Joan ay nagkaroon ng bagong mga kaibigan na hindi interesado sa pagbabasa at sa gawain sa paaralan.
“Ipinagmamalaki nila ang bagay na sila ay nakakapasa sa klase nang hindi man lamang bumabasa ng isang aklat,” sabi ni Joan. “Pinagtatawanan nila ang mga bata na nag-aaral at nakakakuha ng mabubuting marka.” Nadarama ang panggigipit na makiayon, hinayaan ni Joan na bumaba ang kaniyang gawain sa paaralan. “Ayaw kong isipin ng sinuman sa kanila na sinisikap kong maging mas mabuti kaysa kanila,” sabi niya. “Kung minsan, sa kaibuturan ko, alam kong sinasaktan ko lamang ang aking sarili, subalit takot na takot akong maiwala ang kanilang pakikipagkaibigan.”
Ang pangyayaring ito, inilahad sa labas noong Agosto 1983 ng magasing ’Teen, ay hindi natatangi. Nagugunita ng isang babaing Europeo na nagngangalang Ana Paula na siya man ay nasiraan ng loob na mag-aral, subalit hindi gaanong tuso. Sabi niya: “Kung minsan pinagtutulungan niyaong mga ayaw mag-aral ang isa na sumasagot sa mga tanong ng guro sa loob ng klase, pinagbabantaan o aktuwal na sinusuntok ang mahusay na estudyante sa paggawa ng tamang bagay!” Gayunman, ang pakapoot ay hindi laging nakatuon sa mga estudyante. Sabi pa ni Ana Paula: “Minsan aktuwal na sinuntok ng isang batang babae ang guro sa harap ng buong klase.”
Mga Paaralan Kung Saan Mahirap Mag-aral
Sa Today’s Education, si Kenneth A. Erickson ay naghihinagpis sa nakatatakot na dami ng “mga estudyante na ayaw gumawa, gumagamit ng mahalay o masasakit na mga salita, pinagbabantaan ang kanilang mga kasama ng pisikal na pananakit, nagsisimula ng palsong mga hudyat sa sunog, nagdadala ng nakatagong mga sandata, tumatawag sa telepono ng mga banta ng pagbomba, at sinasalakay ang kapuwa mga estudyante at mga guro.” Ganito ang konklusyon ni Erickson: “Ipinagkakait ng magulong mga estudyante sa karamihan ng ma estudyante ang kanilang karapatan sa isang edukasyonal na kapaligiran na nakatutulong sa pag-aaral. . . . Ang edukasyonal na pagiging mabisa ng mga paaralan ngayon ay sinasabutahe.”
Gayundin ang ulat ng manunulat na si Vance Packard: “Ang malaganap na pagbangon ng kaguluhan ang pinakahayag na pagbabago na naganap sa ating mga paaralang bayan, lalo na sa mga paaralan sa lunsod, sa nakalipas na dalawang dekada. Maraming guro ang nag-uulat na ang karahasan, lansakang pagsuway, o pagtutol sa loob ng klase ay mga problema. . . . Kasabay ng bandalismo nariyan din sa malalaking lupa ng paaralan ang mga kapuwa estudyante na nagbibili ng droga sa mga kaklase.” Marami ang naniniwala na ang ipinagbabawal na droga, gaya ng marijuana, ang siyang may kagagawan sa kawalang-interes ng mga estudyante.
Gayunman, baka ikaw ay interesado sa pagkuha ng pinakamarami na makukuha mo sa paaralan at gayunman ay nasusumpungan mo ang iyong sarili na napaliligiran ng iyong mga kasama na pinagtatawanan ka dahil sa iyong mahuhusay na marka at ginagawa nila ang lahat ng magagawa nila upang putulin ang mga pag-uusap sa klase. ‘Bakit ayaw nilang mag-aral?’ naitatanong mo. Oo, bakit ang kawalang-interes—pagkapoot pa nga—na mag-aral? May magagawa ka ba rito?
Sa Likuran ng Kaguluhan sa Klase
Ang paghihimagsik ng adolesente laban sa paaralan ay isa lamang kapahayagan ng espiritu, o mental na saloobin, na laganap sa buong daigdig. (Efeso 2:2) Ang palasak na kawalang-galang sa lahat ng uri ng awtoridad sa gayon ay umiiral. Sa panahon ng maagang adolesensiya, ang mga kabataan ay lalo nang madaling tablan ng mapaghimagsik na espiritung ito. Ang edukador na si James Marshall ay nagsasabi na “ang panahong ito ay naging isang humahagibis na punto ng kapootan.” Sapagkat ang paaralan ay waring humahadlang sa kanilang lumalagong pagnanais para sa pagsasarili, inaakala ng ibang kabataan “na sila’y pinagkakaitan ng kapangyarihan sa kanila mismong buhay. Sila’y gumaganti. Hindi kataka-taka na ang pangkat na ito ang may pinakamataas na bilang ng krimen sa paaralan na gaya ng bandalismo.—The Devil in the Classroom.
Isang matagal nang tagapayo sa paaralang-bayan sa New York City ay nagsabi sa Gumising!: “Sa gulang na 11 hanggang 13 anyos, maraming kabataan ang basta waring naloloko. Sila ay maaaring kumilos o gumanti nang walang katuwiran sapagkat sinisikap pa nilang unawain ang mga kaisipan at mga damdamin na likha ng kanilang mabilis na nagbabagong katawan.”
Bakit, kung gayon, hindi basta disiplinahin ng mga paaralan ang magugulong kabataan? Kadalasan nang ito’y madaling sabihin kaysa gawin. Sa Estados Unidos, halimbawa, ang mga hukuman ay nagkaroon ng malabong pangmalas tungkol sa pakikialam sa “mga karapatan” ng mga estudyante. Ang mga paaralan sa gayon ay naggagawad ng disiplina sa kanilang sariling kapahamakan. Bunga nito, ang kaguluhan sa klase ay karaniwang hindi sinasawatâ.
Kasalukuyang mga Hilig sa Lipunan
Ang humihinang interes sa pag-aaral ay produkto rin ng nagbabagong ‘tanawin sa sanlibutan.’ (1 Corinto 7:31) Dahilan sa dumaraming diborsiyo at mga anak sa ligaw, napakaraming kabataan ang pinalalaki sa nagsosolong-magulang na mga tahanan. Isa pa, napakaraming ina ang pumapasok sa sekular na trabaho. Ang resulta ng pangglobong hilig na ito? Ang pagkasira ng buhay pampamilya at disiplina sa tahanan, sabi ng maraming eksperto.
Gaya ng sabi ng isa pang tagapayo sa paaralan sa Gumising!: “Parami nang parami ang mga matriarka [mga pamilyang pinamumunuan ng mga ina], at nakikita at nararanasan ng mga bata ang dumaraming karahasan sa tahanan. Maaasahan lamang na ang mga bagay na ito ay magkakaepekto sa klase.” Ganito ang sabi ng awtor ng To Save Our Schools, To Save Our Children: “Ang mga paaralan ay hiniling na ipakilala ang awtoridad at disiplina sa mga bata na walang awtoridad at disiplina.” Mauunawaan kung gayon kung bakit marami sa iyong mga kaklase ang maaaring maghimagsik sa ideya ng pag-upo ng tahimik sa klase.”
Gayunman, marahil ang tila kawalang-interes ng iyong kapuwa mag-aaral ay dahil sa kanilang basta pagiging pagod na pagod mag-aral! Isang artikulo sa babasahing Educational Leadership ang nagsasabi tungkol sa “lubhang pagdami ng mga adolesente na nagtatrabaho . . . Hindi lamang mas maraming adolesente ang nagtatrabaho, kundi sila ngayon ay nagtatrabaho ng mas maraming oras.” Pagkatapos ay binabanggit ng artikulo ang isang pananaliksik na pag-aaral na “nakasumpong na ang pagtatrabaho ay umaakay sa isang pagbaba sa paggawa sa paaralan at binabawasan ang pagkasangkot ng adolesente sa paaralan.”
Bakit pinapagod ng napakaraming tin-edyer ang kanilang mga sarili sa mga trabaho pagkatapos ng klase? Kung minsan ito ay maaaring dahil sa pangangailangang pangkabuhayan. Gayunman, sinasabi pa ng artikulo: “Inaakala ng karamihan ng mga adolesente na kailangang magkaroon sila ng maraming pag-aari na gaya ng kanilang mga kasama, na siyang pumipilit sa kanilang magtrabaho.” Subalit kapag ito’y nagbunga ng bagsak na mga marka, inilalarawan nitong malinaw ang katotohanan ng mga salita sa 1 Timoteo 6:10: “Ang pag-ibig sa salapi ang ugat ng lahat ng uring kasamaan.”
Bagot na mga Estudyante, Nakababagot na mga Guro
Gayunman, maaari kayang ang mga estudyante ay nababagot sapagkat ang kanilang mga guro ay nakababagot? Ganito ang sabi ng isang edukador: “Ang hindi mabisang guro ay agad na pinarurusahan ng mga bata sa loob ng silid. Ang mga bata ay alumpihit at hindi nakikinig, kusang sumusuway, kadalasa’y maingay at magulo.” Sa kabilang dako, pinatutunayan ng isang surbey ng 160,000 tin-edyer sa Estados Unidos na “ang kawili-wiling guro ay bihirang magkaroon ng problema sa disiplina.”
Totoo, ang may kakayahan at kawili-wiling mga guro ay kadalasang bihirang masumpungan. Subalit bilang pagtatanggol sa mga guro, ang marami ay kailangang magtrabaho sa ilalim ng pinakamahirap na mga kalagayan. Ang ilan ay bigo dahil sa burukratikong mga paraan na nakikialam sa pagtuturo. “Napakaraming paperwork,” reklamo ng isang mukhang pagod na guro sa New York City sa isang reporter ng Gumising! At bagaman “ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaupahan sa kaniya,” inaakala ng maraming guro na sila ay hindi sapat na binabayaran sa kanilang mga paglilingkod. (1 Timoteo 5:18) Isa pa, ang mga guro ay tao lamang. Hindi ba’t ang isang silid na punô ng humihikab—o nagsasapanganib—na mga estudyante ay sapat na upang pawiin ang sigla ng sinuman?
Sa paano man, sa iba’t ibang kadahilanan, ang mga paaralan ay kinaiinisan ng maraming kabataan. Kaya kung ikaw ay isa na nasisiyahan sa pag-aaral, maaaring ipalagay ng iba ng ikaw ay kakaiba o kakatuwa. Yamang “ang taong may kakayahang mag-isip ay kinapopootan,” ikaw ay maaari pa ngang kapootan ng mga kasama mo na mababa ang marka. (Kawikaan 14:17) Maaaring kantiyawan ka nila dahil sa iyong pag-aaral o kaya’y sikapin nilang sirain ang iyong mga pagsisikap na magtuon ng isip sa klase.
Ano ang dapat mong gawin? Maliwanag na kaunti lamang ang magagawa mo upang baguhin ang kanilang mga saloobin sa pag-aaral. At ang hayaang bumaba ang iyong mga marka upang palugdan lamang ang iyong mga kaedad ay dadaig sa lahat ng dahilan kung bakit ikaw ay nasa paaralan—upang mag-aral! Dapat mong pahalagahan ang pagkakataong ito. Kung gayon, paano ka makapag-aaral kung ayaw ng iba na mag-aral? Iyan ang magiging paksa ng isang artikulo sa hinaharap.
[Blurb sa pahina 15]
“Ang malaganap na pagbangon ng kaguluhan ang pinakahayag na pagbabago na naganap sa ating mga paaralang bayan, lalo na sa mga paaralan sa lunsod, sa nakalipas na dalawang dekada. Maraming guro ang nag-uulat na ang karahasan, lansakang pagsuway, o pagtutol sa loob ng klase ay mga problema.”—Our Endangered Children, ni Vance Packard.