Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 2/22 p. 19-22
  • Ang Pagiging Sikat sa Musikang Rock ay Hindi Sapat

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pagiging Sikat sa Musikang Rock ay Hindi Sapat
  • Gumising!—1986
  • Kaparehong Materyal
  • “Naging Mabait” sa Amin si Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
  • Ginugol Ko ang Aking Buhay sa Musika
    Gumising!—1986
  • “Parang Nasa Akin Na ang Lahat”
    Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
  • Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 2/22 p. 19-22

Ang Pagiging Sikat sa Musikang Rock ay Hindi Sapat

LABINGWALONG taon na ang nakalipas ako ay isang sikat na mang-aawit ng musikang rock at ang aking popularidad ay tumataas. “Ang suwerte mo, Bruce!” sasabihin ng aking mga kaibigan habang inggit na inggit na pinagmamasdan nila ang mga bagay na taglay ko na kanila lamang napapangarap. “Ako sana ang nasa iyong kalagayan. May hitsura ka; popular ka sa mga babae; may salapi ka; ikaw ay binata at malaya! Halos saan ka magpunta ay nakikilala ka ng mga tao. Batid mo ba kung gaano ka kasuwerte?”

‘Kung lahat ng mga bagay na tinatamasa ko ang mga panukat sa kaligayahan,’ naisip ko, ‘kung gayon bakit wala akong panloob na kapayapaan at kasiyahan?’ Nang maglaon natuklasan ko na yaong mga naghahanap ng tunay na kaligayahan sa pag-abot sa uring iyan ng buhay ay nasa maling landasin.

Hayaan mong ipaliwanag ko ang nangyari.

Ang aking karera sa pag-awit ay nagsimula noong mga 1960’s. Ako ay nag-aaral sa Pranses-Canadianong lalawigan ng Quebec at umaawit sa mga konsiyerto sa paaralan nang makilala ko ang isang estudyanteng tumutugtog ng gitara. Kami ay bumuo ng isang maliit na pangkat na nagwagi hindi lamang ng lokal na popularidad kundi ng publisidad din naman.

Natuklasan ng isang tagapag-organisa ng sayawan sa paaralan ang aking talino at inalok ako ng limang dolyar isang awit kung kakanta ako na kasama ng isang popular na banda o grupo sa kaniyang pasayaw. Sumang-ayon ako. Pagdating ko sa bulwagan na sayawan nasumpungan ko ang bulwagan na siksikan, punúng-punô ng sabik na mga magsasayaw. Subalit nang tumugtog ang banda at ako’y nagsimulang umawit, nakalimutan ng pulutong ng mga kabataan ang tungkol sa pagsasayaw at nag-umpukan sa harap ng entablado. Ang sayawan ay nauwi sa isang pagtatanghal!

Nais ng mga musikero na sumama ako sa kanilang grupo bilang mang-aawit. Sumang-ayon ako at kami ay nakilala bilang The Sultans. Noong 1965 isinali kami ng aming manedyer sa isang lubhang napalathalang rock-band contest. Ang unang gantimpala ay isang lingguhang pagtatanghal sa isa sa pinakamalaking network sa telebisyon sa Quebec. Sa 28 na mga banda mula sa ibayo ng lalawigan, kami ang nagwagi ng unang gantimpala! Diyan nagsimula ang aming paglabas sa TV.

Ang aming 45 rpm na mga plaka ay naging numero uno sa talaan ng popular na mga awitin, at ang aming programa sa telebisyon ay kinuha ng iba pang mga istasyon. Sa maikling panahon kami ang naging numero unong grupo sa Quebec, na ang mga benta ng plaka ay mahigit kalahating milyon. Sa wakas iniwan ko ang The Sultans at nagsolo. Subalit, bago maghiwalay nagkaroon kami ng paglalakbay na pamamaalam. Ang Montreal noong 1968 ang tanawin ng aming huling konsiyerto. Isang pulutong ng 8,000 mga tao ang dumating upang magpaalam sa amin. Kami ay humanga. Ang pulutong na iyon ay mas malaki sa mga pulutong na dumalo sa Rolling Stones, kay Johnny Hallyday, at Adamo (internasyonal na mga artista) nang panahong iyon.

Ang pagiging solo artist ay nagbigay sa akin ng higit na kalayaan, at sabihin pa, ng higit na salapi. Ang bagong-sumpong na kalayaang ito ay nagpahintulot sa akin na magkaroon ng sampung-linggong bakasyon sa Europa, na nagbigay sa akin ng pagkakataon na suriin ang aking buhay bilang isang sikat na mang-aawit ng rock mula sa higit na makatotohanang punto de vista. Ang nakita ko ay nakabahala sa akin. Ako ngayon ay 21 taóng gulang na, nagiging higit na ambisyoso sa bawat lumilipas na araw, at ang kompitensiya ay karaniwan upang ikaw ay mauna.

Pagbalik ko sa Quebec, dalawa sa aking mga plaka ang nanguna sa mga popular na awitin. Pagkatapos, sa La Gala des Artistes noong 1969, ako ay pinanganlang Male Artist of the Year. Sa kabila ng mga spotlight at ningning ng gabi, hindi ko pa rin nadama ang panloob na kasiyahan. Ang kabulukan sa sistema at ang paraan ng pagtrato sa mga kabataan sa negosyo ng musika ay nakasuya sa akin. Gayumpaman, ako mismo ay nasilo rito. Ilang mga katanungan ang paulit-ulit na nagbabalik sa aking isipan, gaya ng: ‘Saan patungo ang buhay?’ ‘Bakit ko itinataguyod ang propesyong ito?’

Noong 1969 ang idolong rock na si Brian Jones ng Rolling Stones, sa gulang na 26, ay nasumpungang patay sa kaniyang swimming pool. Noong dakong huli ng 1970 ang popular na mang-aawit ng blues at rock na si Jimi Hendrix at ang nangungunang babaing mang-aawit ng rock sa Amerika, si Janis Joplin, ay kapuwa namatay sa edad na 27 dahilan sa mga droga o mga sanhi na nauugnay sa droga. Pagkaraan ng sampung buwan isa pang sikat na mang-aawit ng rock, si Jim Morrison, mang-aawit ng The Doors, ay namatay sa gulang na 27 anyos. Ang lahat ay namatay sa tugatog ng kanilang mga karera! Nakita ko ang aking sarili na napapasangkot din sa isang imoral na istilo ng pamumuhay at sa paggamit ng mga droga. Kumbinsido ako na ang pagsunod sa landasin ng sikat na mga mang-aawit ng rock na ito ay hindi para sa akin.

Subalit ang katanungan ay nananatili: ‘Ano ba ang tunay na layunin ng buhay?’

Nakikita ko ang aking ina, isang babae na mayroon kaniyang mga suliranin sa pagpapalaki ng dalawang anak na lalaki nang walang asawa, na tumatanda. May tibay-loob niyang binalikat ang kaniyang mga pananagutan subalit sa anong layunin? Upang patuloy na tumanda, manghina, magkasakit, at mamatay? Ito ba ang layunin sa buhay? Ang hindi masagot na mga katanungang ito ay nakasiphayo sa akin.

Sa loob ng maraming taon, nawalan ako ng pananampalataya at paggalang sa aking relihiyon at sa mga turo nito. Lubha kong pinag-alinlanganan ang pag-iral ng Diyos. Nag-eksperimento ako sa bago at iba’t ibang mga droga, subalit iniwan ako nito na nanlulumo at labis na mapaghinala pa nga kung minsan.

Dahil sa inaakala ko na ang malaking pagbabago sa aking buhay ay maaaring makabuti sa akin, naghanap ako ng trabaho sa labas ng industriya ng musika. Natanggap ako sa isang kompaniya na gumagawa ng bakal sa isang pitong-buwang kontrata noong 1975. Sa mga buwang iyon sa konstruksiyon ng bakal, natawag ang aking pansin ng isang may edad nang manggagawa na, kung ihahambing sa iba, ay tila napakamahinahon at mapayapa. Sinabi niya sa akin na binabasa niya ang Bibliya, kaya’t ipinasiya kong bumili ng isa upang makita kung makakatulong ito sa akin na makasumpong ng panloob na kapayapaan.

Nang matapos ang kontratang iyon ako ay naalis sa trabaho, naghinuha ako na maaari akong kumita nang marangal bilang isang awtor-kompositor. Sa ganitong paraan maiiwasan ko ang pagiging nasa spotlight at gayunman ay magkaroon pa rin ng kasiyahan sa paggawa ng musika, sapagkat ang pag-ibig ko sa pag-awit ay matindi pa. Binabasa ko rin ang isang kabanata sa Bibliya tuwing umaga.

Madalas akong nasa aking apartment kung araw, kaya’t ako’y dinadalaw sa pana-panahon ng mga Mormons, isang pari sa parokya, at ng mga Saksi ni Jehova. Agad kong naipakikipag-usap sa kanila ang tungkol sa layunin ng buhay. At agad ko rin natanto na ang Saksi ni Jehova ay kakaiba. Sila ay mapagpakumbaba at nagpapakita ng taimtim na interes sa akin at, higit sa lahat, mahigpit na ibinabatay nila ang kanilang mga kasagutan sa Bibliya, isang bagay na hindi ginagawa ng ibang relihiyosong mga kinatawan.

Sa kabila ng aking pagiging mapag-alinlangan, pumayag akong makipag-aral ng Bibliya kay Roger, isang Saksi, na kasinggulang ko. Kadalasan ay sinusubukan kong pumalya sa pag-aaral ng Bibliya, subalit mapilit si Roger​—na labis kong pinasasalamatan ngayon. Tinulungan niya akong masumpungan ang mga kasagutan sa mga tanong na matagal nang nakasiphayo sa akin.

Ang unang pulong na dinaluhan ko sa Kingdom Hall ay totoong nakaantig sa aking puso. Dito muli ay nasumpungan ko ang mapagpakumbabang mga tao na may tunay na pagkabahala sa kanilang mga kapuwa. At ang impormasyon na inilahad ay tuwiran at mula sa Bibliya. Sa kauna-unahang pagkakataon, naunawaan ko ang layunin ng Diyos para sa tao. Hindi na ako gaanong naapektuhan ng mga kawalang-katarungan sa matandang sistemang ito, nalalaman na hindi na magtatagal kikilos ang Diyos, na dadalhin ang paraiso ng kapayapaan sa lupang ito sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ni Kristo na gaya ng ipinangako sa Awit 37:29 at Daniel 2:44.

Mula noon ang praktikal na payo mula sa Bibliya ay tumulong sa akin na ‘ituwid ang mga bagay’ sa aking buhay. (2 Timoteo 3:16, 17) Pinakasalan ko ang babaing aking iniibig na aking kinakasama, si Danièle. At di nagtagal, inalay ko ang aking buhay upang maglingkod kay Jehova. Ang aking asawa ay sumang-ayon na mag-aral ng Bibliya, at pagkalipas ng ilang panahon siya man ay nag-alay ng kaniyang sarili kay Jehova.

“Hindi madaling gumawa ng mga pagbabago sa aking buhay,” sabi ni Danièle. “Gayunman sa tulong ni Jehova at sa pag-alalay at halimbawa ni Bruce, nasumpungan ko ang tunay na kaligayahan sa matuwid na mga simulain ng Bibliya.” Kami kapuwa ay nabautismuhan noong 1978.

Bagaman pinahahalagahan ko ang aking trabaho sa isang customs broker sa International Airport ng Montreal, ang aking puso ay nasa pangunahing gawain bilang isang ministro. Sa katunayan, nagdudulot sa akin ng malaking kagalakan na tulungan ang iba sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya, kung paanong ako’y natulungan. Sa ganitong uri ng pagbibigay tiyak na mayroong ‘higit na kaligayahan kaysa pagtanggap.’​—Gawa 20:35.

At bilang isang ministeryal na lingkod sa lokal na kongregasyon, nararanasan ko ang maraming kagalakan at kasiyahan sa pagtulong sa iba. Ang aking buhay ay totoong abala at punô, at talagang masasabi na ako ngayon ay nakadarama ng panloob na kapayapaan na hinahanap ko at ng tunay na kagalakan sa pamumuhay. Bagaman ang aking karera sa larangan ng show business ay tila dumating sa wakas, ako ay talagang nagpapasalamat sa Diyos na Jehova na ang buong bagong “tunay na buhay” ay nabuksan sa akin.​—1 Timoteo 6:19.

Oo, mahal ko pa rin ang musika! Nasisiyahan ako lalo na sa klasikal, folk-rock, at jazz, subalit ngayon ako ay higit na mapamili sa uri na pinakikinggan ko. Ang ilan sa modernong mga awitin ay may imoral at nauugnay sa droga na mga mensahe. Ang uring iyan ng musika ay hindi tutulong sa akin na iayon ang aking buhay at pag-iisip sa kalooban ng Diyos. Ngayon ako ay umaawit para lamang sa katuwaan. Kaya ngayon ako ay nakakasumpong ng malaking kasiyahan sa pagsasama-sama sa aking asawa at mga kaibigan sa maliliit na mga salu-salo kung saan kaming lahat ay may pagkakataong umawit.

Habang nililingon ko ang aking karera sa pag-awit, naunawaan ko ngayon kung paanong ang aking kaligayahan ay lumiliit habang ang aking popularidad ay lumalaki. Subalit ngayon ay iniwan ko na ang show business at ako ay naging isa sa mga Saksi ni Jehova, ang aking popularidad ay maaaring lumiit, subalit ang aking kaligayahan ay patuloy na lumalaki.

Ang mga taong hindi nakakakilala sa internasyonal na organisasyong ito ng mga Saksi ni Jehova ay nag-aakala na ako ay nalunod sa pagkasiphayo o na ako ay nanghahawakan lamang sa Bibliya bilang isang saklay. Ganito ang sabi ng isang announcer sa radyo tungkol sa aking buhay, pagkatapos patugtugin ang isa sa aking mga plaka: “Sa kasamaang palad, ang mga bagay-bagay ay hindi naging mabuti kay Bruce. Siya ay naging isa sa mga Saksi ni Jehova.” Ang tanging bagay na maisasagot ko ay ito: “Suriin mo sa iyong sarili kung ano ang maaaring gawin sa iyo ng Bibliya. Para sa akin, ito ang pinakamabuting bagay na kailanma’y nangyari sa akin.”

“Oo,” sang-ayon ni Danièle, “sa pagkaalam ng katotohanan sa Bibliya, kami ni Bruce ay nagkaroon ng higit na tunay na layunin sa aming mga buhay.”​—Gaya ng isinaysay ni Bruce Huard.

[Blurb sa pahina 19]

Di nagtagal dalawa sa aking mga plaka ang naging pangunahing tampok na awitin

[Blurb sa pahina 20]

Ang kabulukan sa sistema ay nakasiphayo sa akin

[Blurb sa pahina 21]

Ang praktikal na payo mula sa Bibliya ay tumulong sa akin na ‘ituwid ang mga bagay’ sa aking buhay

[Blurb sa pahina 21]

Sa pagbibigay, tiyak na may ‘higit na kaligayahan kaysa pagtanggap’

[Larawan sa pahina 20]

Ang pangangaral at pag-aaral ay nagkaroon ng bahagi sa pagiging maligaya at ganap ng buhay namin ni Danièle

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share