Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 4/8 p. 9-11
  • Ang Wakas ng Isang Pangitain

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Wakas ng Isang Pangitain
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Tinanggihan sa Amerika
  • “Ang Treaty of Versailles ay Hindi Na Umiiral”!
  • Ang Pangitain ay Naglaho at Namatay
  • Ang Pangitain Para sa Kapayapaan
    Gumising!—1986
  • Isang Pangitaing Tinanggihan
    Gumising!—1986
  • Kung Bakit Bumangon ang Pangangailangan sa Isang Liga
    Gumising!—1991
  • Malapit Nang Magwakas ang Mahabang Kasaysayan ng mga Kapangyarihan ng Daigdig
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 4/8 p. 9-11

Ang Wakas ng Isang Pangitain

ANG Liga ng mga Bansa ay nilikha at ang ikalawang miting nito ay ginanap sa Geneva, Switzerland, noong 1920. Sa kabila ng nanghihinang katawan at mahaba’t nakapapagod na negosasyon sa Paris, ang mga pagsisikap ni Woodrow Wilson ay tila man din naputungan ng tagumpay.

Sa pamamagitan ng Liga, ipalalaganap ni Wilson ang kaniyang “katotohanan ng katarungan at ng kalayaan at ng kapayapaan.” Sa isa sa kaniyang mga talumpati, sinabi niya: “Tinanggap natin ang katotohanang iyan at tayo ay paaakay rito, at ito ay aakay sa atin [ang bayang Amerikano], at sa pamamagitan natin ang daigdig, sa mga pastulan ng katahimikan at kapayapaan na hindi pa kailanman napangarap ng daigdig.” Gayon ang kaniyang pangitain.

Sa Senado ng E.U. ay sinabi niya: “Ang tanghalan ay nariyan na, at ang kahihinatnan ay naisiwalat na. Ito ay nangyari hindi sa pamamagitan ng ating pagpapanukala, kundi sa pamamagitan ng kamay ng Diyos na umakay sa atin sa daang ito. . . . Maaari lamang tayong sumulong, na ang mga mata’y nakatitig sa itaas at may panibagong espiritu, upang sundin ang pangitain.” (Amin ang italiko.) Ang taong nagkaroon ng pangitain ay muling nagsalita. Naniniwala pa rin siya na siya ang ginagamit ng Diyos upang magdala ng kapayapaan sa sangkatauhan.

Tinanggihan sa Amerika

Sa Europa, si Wilson ay ipinahayag bilang isang pangulong tagapagligtas. Subalit bago pa siya magtungo sa Peace Conference, nagkaroon na ng mga babala sa Estados Unidos na hindi sila sang-ayon sa kaniyang plano. Ang awtor na si Elmer Bendiner ay nag-uulat: “Ibinigay ni Theodore Roosevelt ang pasiya [ng Kongreso ng E.U.]: ‘Dapat maunawaan ng aming mga Alyado at ng aming mga kaaway at ni Mr. Wilson mismo na si Mr. Wilson ay walang anumang karapatan na magsalita para sa mga Amerikano sa panahong ito . . . Si Mr. Wilson at ang kaniyang labing-apat na mga punto . . . ay wala nang anupamang karapatan na tanggapin bilang kapahayagan ng kalooban ng bayang Amerikano.’”

Si Woodrow Wilson ay nagkamali sa pagbibenta ng kaniyang pangitain sa Europa samantalang kinakaligtaan ang mga nag-aalinlangan sa kaniya mismong bansa. Noong Marso 1920 ang Kongreso ng E.U. ay nagpasiyang umalis sa Liga.

Binulag ng kaniyang layunin, si Wilson ay nagpatuloy sa kabila ng lahat. Sa kaniyang huling talumpating pangmadla, ang kaniyang matibay na paniniwala ay malakas at malinaw na maririnig subalit sa walang kabuluhan: “Nakakita na ako ng mga hangal na tumanggi sa Maykapal noon, at nakita ko ang kanilang pagkalipol, gaya ng muling mangyayari sa mga ito, ganap na pagkalipol at paghamak. Na tayo ay magtatagumpay ay kasintiyak ng paghahari ng Diyos.”

Dahilan sa ang kaniyang kalusugan ay lubhang pinahina ng isang atake kamakailan, ang negatibong pasiya mula sa kaniyang mga kababayan ay nagpalubha lamang sa mga bagay. Ang kaniyang pangitain na Liga ay naging malabo at di-ganap. Noong Pebrero 3, 1924, si Woodrow Wilson ay namatay. Ang kaniyang huling mga pangungusap ay: “Ako’y isang sirang piraso ng makinarya. Kapag ang makinarya ay nasira​—handa ako.” Siya ay pisikal na nasiraan ng loob at gayundin ang kaniyang pangitain tungkol sa isang nagbubuklod-daigdig na Liga ng mga Bansa.

“Ang Treaty of Versailles ay Hindi Na Umiiral”!

Bagaman sa loob ng 15 mga taon walang opisyal na digmaan ang muling idineklara sa daigdig, ang Liga ng mga Bansa ay nasa bingit ng kamatayan kahit mula sa pagsilang nito. Wala itong nagawa upang mapahinto ang pagdidigmaan sa Bolivia at Paraguay noong 1933. Hindi nito nahadlangan ang pagdagit ni Mussolini sa Ethiopia noong 1935. Sa pamamagitan ng pagwasak at pananakop inalis ng Italya ang Ethiopia sa talaan ng mga bansa sa Liga at saka nilisan mismo ang Liga noong Disyembre 1937. Nang sumunod na taon pitong mga bansa sa Latin-Amerika ang umalis sa Liga. Ang pangitain ay gumuguho.

Noong 1936 sumiklab ang digmaang sibil sa Espanya. Ang mga membro ng Liga ay nagpasiyang opisyal na hindi makikialam sa digmaang iyon. Gayunman, ang Alemanya, na umalis sa Liga noong 1933, at ang Italya ay kapuwa nagbigay ng materyal na suporta sa paghihimagsik ni Heneral Franco laban sa pamahalaang Republikano sa Madrid. Ang Liga ay walang nagawa upang ipahinto ang pagpapatayan sa lupaing Kastila. Ang Gera Sibil Espanya ay isang ensayo sa kung ano ang magiging agunyas ng Liga ng mga Bansa​—ang Digmaang Pandaigdig II.

Samantala, si Hitler ay naging makapangyarihan sa Alemanya at mabilis na kinakalas ang mga sagkâ o posas ng Treaty of Versailles, na ipinataw sa Alemanya pagkatapos ng Dakilang Digmaan. Nais niya ang Lebensraum (matitirhang lugar) para sa bansang Alemanya. Pinalawak niya ang mga hangganan ng Alemanya sa pamamagitan ng pagsakop sa Saar, sa Rhineland, at Austria. Noong 1939 nilubos niya ang kaniyang pananakop sa Czechoslovakia. Sa lahat ng mga pagkilos na ito, ang Liga ay talagang walang nagawang aksiyon.

Si Hitler ay matagal nang nayayamot sa pagpapahintulot sa Poland ng isang pasilyo sa Alemanya patungo sa daungang Baltic ng Danzig. Noong Agosto 1939 winakasan niya iyon. Inihatid ng kaniyang kinatawan ang isang mensahe sa Mataas na Komisyonado ng Liga ng mga Bansa sa Danzig, na nagsasabi: “Kinakatawan mo ang Treaty of Versailles; ang Treaty of Versailles ay hindi na umiiral. Sa loob ng dalawang oras ang Swastika [banderang Nazi] ay itataas sa bahay na ito.”

Noong Setyembre 1, 1939, nilusob ng mga hukbo ni Hitler ang Poland. Ang Britaniya at Pransiya ay gumanti sa pamamagitan ng pagdideklara ng digmaan laban sa Alemanya. Nagsimula na ang Digmaang Pandaigdig II.

Ang Pangitain ay Naglaho at Namatay

Si Woodrow Wilson ay gumawa ng isang prediksiyon sa mga tao sa Omaha noong 1919 na magpapatunay na ang kaniyang Liga ay isang kabiguan. Sang-ayon sa manunulat ng talambuhay na si Ishbel Ross, nasabi ni Wilson: “‘Aking mahuhulaan nang may katiyakan, na sa loob ng isa pang salinlahi magkakaroon ng isa pang digmaang pandaigdig kung hindi sama-samang itataguyod ng mga bansa [ang Liga] na siyang hahadlang dito.’ At sa San Diego binanggit niya ang isa pang makahulang pangungusap nang kaniyang sabihing, ‘Ang ginagamit ng mga Aleman ay mga laruan kung ihahambing sa kung ano ang gagamitin sa susunod na digmaan.’” Sa kabila ng Liga, ang Digmaang Pandaigdig II ay naging isang katunayan, at ang mga sandatang ginamit ay hindi nga mga laruan.

Bakit nabigo ang Liga? Sa kaniyang aklat na A Time for Angels, ganito ang komento ng manunulat na si Elmer Bendiner: “Ang pagsilang ng Liga ay bumangon mula sa sunud-sunod na pulitikal na mga pantasiya: na ang pagtigil ng digmaan noong 1919 ay isang kapayapaan at hindi basta kasunduan sa pansamantalang pagtigil ng labanan; na ang pambansang mga kapakanan ay maaaring ipailalim sa mga kapakanan ng daigdig; na maaaring itaguyod ng isang pamahalaan ang isang layunin maliban pa sa sarili nitong layunin.” At binabanggit ng Bibliya ang isa pang pantasiya​—na ang mga tao ay maaaring magtatag sa pamamagitan ng pulitikal na mga ahensiya na tanging ang ipinangakong pamamahala ng Kaharian ng Diyos lamang ang makapagdadala​—tunay na kapayapaan at kaligayahan para sa lahat ng sangkatauhan.​—Apocalipsis 21:1-4.

Dahilan sa pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig II noong 1939, ang Liga ay naging isang bangkay, na naghihintay ng libing. Noong 1946 “ang mga ari-arian nito at ang mga pamana ng pag-asa at kasayahan nito,” gaya ng pagkakasabi ng manunulat na si Bendiner, ay ipinasa sa kahalili nito, ang United Nations o Nagkakaisang mga Bansa. Ang organisasyon kayang iyon ay magiging mas matagumpay kaysa sa Liga? Isasakatuparan kaya nito ang mga pangitain? At ano ang inihula ng Bibliya tungkol diyan? Tatalakayin ng aming susunod na labas ng Gumising! ang mga ito at ang nauugnay na mga katanungan.

[Mga larawan sa pahina 10]

Ang pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig II noong 1939 ang agunyas ng Liga

[Pinagmulan]

U.S. Army photos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share