Ang UN—Pangitain ng Isang Tao
ANG Albertina, isang eruplanong apat-makinang DC-6B, ay mababang lumipad sa kagubatan ng Aprika. Kalalagpas lamang nito sa paliparan ng Ndola sa gawing Hilaga ng Rhodesia (ngayo’y Zambia). Kabilang sa 16 na mga pasahero nito ang isa sa pinakamahalagang tao sa daigdig nang panahong iyon.
Sa kadiliman ng gabi, ipinihit ng piloto ang eruplano upang lumapag. “Pagkaraan ng ilang mga sandali ang mga propeler o élise ay tumama sa mga punungkahoy . . . Ang gawing dulo ng pakpak ay nasira, at, pagkaraan ng ilang sandali, higit at higit pang bahagi ng pakpak ang nasira. . . . Halos walong daang piye bago ang tulad masamang panaginip na pagtama sa mga punungkahoy, ang natitirang bahagi ng kaliwang pakpak ng Albertina ay tumama sa isang punsô. Ang eruplano ay umikot, umikot pakaliwa hanggang sa ito ay sumapit sa maapoy na paghinto na nakaharap sa pinanggalingan nito.”
Nang sa wakas ay marating ng mga tagapagligtas ang eruplano, nasumpungan nila rito ang mga bangkay ng 14 katao na natupok sa kamatayan. Ang kaisa-isang nakaligtas ay nabuhay ng limang araw. Mga ilang yarda mula sa pagkawasak ay ang bangkay ng kalihim-panlahat (secretary-general) ng United Nations—si Dag Hammarskjöld. Ang pangunahing lingkod ng bayan ng daigdig, si Mr. UN gaya ng tawag sa kaniya ng ilan, ay namatay.—The Mysterious Death of Dag Hammarskjold, ni Arthur L. Gavshon.
Ang UN at ang mga Iglesya
Nabigla ang daigdig sa kamatayan ni Dag Hammarskjöld. Ang iba ay nagtataka kung paano kikilos ang UN kung wala ang liderato ng pormal, intelihenteng taong ito na itinatak o ikinintal ang kaniyang istilo sa tungkulin ng kalihim-panlahat.
Si Hammarskjöld ay inilarawan na isang mistikong Kristiyano. Ang kaniyang mga isinulat ay waring nagpapahiwatig na naniniwala siyang siya’y itinadhana ng Diyos sa United Nations. Sa pagsasalita sa mga pangkat ng relihiyon, sinabi niya na ang pananampalataya sa Diyos at sa UN at dapat na magkapareho. Minsan ay sinabi niya: “Ang Organisasyon [ang UN] at ang mga iglesya o relihiyon ay magkaagapay bilang mga kalahok sa mga pagsisikap ng lahat ng tao na may mabuting kalooban, anuman ang kanilang kredo o anyo ng pagsamba, upang magtatag ng kapayapaan sa lupa.” Sabi rin niya: “Sa kabila ng lahat ng mga pagkakaiba sa katangian at pananagutan, ang mga iglesya at ang United Nations ay may iisang layunin at larangan ng pagkilos kung saan sila ay magkaagapay na gumagawa.”
Idinisenyo rin ni Hammarskjöld ang Meditation Room na nasa bulwagang pangmadla ng gusali ng UN. Ito’y itinayo sa mga pondo na kinolekta ng isang haluang pangkat ng mga Muhamedano, Judio, Katoliko, at Protestante. Sa gitna ng simpling-simpleng silid ay isang makintab na bloke ng bakal na ore na tinatanglawan ng bahagyang liwanag.
Paano minalas ni Hammarskjöld ang batong bakal na iyon? Siya ay sumulat: “Maaaring ituring natin ito bilang isang dambana, walang laman hindi dahilan sa walang Diyos, hindi dahilan sa ito’y isang dambana sa isang di-kilalang diyos, kundi sapagkat ito’y naaalay sa Diyos na sinasamba ng tao sa ilalim ng iba’t ibang pangalan at iba’t ibang anyo.”
Bilyun-bilyong mga tao ang naniniwala sa Diyos. Marami sa kanila ang nakakita kina Papa John XXIII, Paul VI, at John Paul II gayundin ng mga klerong Protestante na itinataguyod at binabasbasan ang organisasyon ukol sa kapayapaan. Ang Vaticano ay mayroon pa ngang permanenteng tagamasid sa UN. Dahilan sa relihiyosong pagtaguyod na ito, inaakala ng iba na ang UN ay maaaring siya ngang paraan ng Diyos upang magdala ng kapayapaan at katiwasayan sa lupa. Kahit ngayon inaasam-asam nila ang 1986 bilang ang “Internasyonal na Taon ng Kapayapaan” ng UN.
Naniniwala ka ba na ang UN nga ang paraan ng Diyos sa kapayapaan sa lupa? Inaakala mo ba na ang 40 mga taon ng kasaysayan ng organisasyong ito ay nagpapatunay na pinagpapala ito ng Diyos? Pinagkaisa nga ba ng UN ang mga bansa sa kapayapaan?
[Larawan sa pahina 3]
Hiniling ni Dag Hammarskjöld ang pagtaguyod ng mga iglesya sa UN
[Pinagmulan]
UN photo