Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Pananatili sa Kalinisang-Puri—Tunay Bang Pinakamabuti?
Dahilan sa ang sakit sa kaniyang tiyan ay nagpapatuloy, si Esther ay kumunsulta sa isang doktor. Pagkatapos ng maingat na pagsusuri sa kaniyang tsart at pagtatanong ng ilang katanungan, ang doktor ay nagtanong: “Anong paraan ng kontrasepsiyon ang ginagamit mo?”
Dahilan sa matinding kirot na dala ng isang problema na napatunayang hindi naman malubha, si Esther ay dumaing: “Hindi ako gumagamit ng anuman.”
“‘Ano!” bulalas ng doktor, “Nais mo bang magbuntis?”
“Hindi po,” ang sagot ng dalagang ito.
“Paano mo maaasahang hindi ka magbubuntis kung hindi ka gagamit ng anumang kontraseptibo?” pakli ng nayayamot na doktor.
“Sapagkat ako’y hindi nakikipagtalik!” sagot ni Esther.
Hindi makapaniwalang tumitig sa kaniya ang doktor at muling tiningnan ang kaniyang tsart. “At ikaw ay 23 anyos na?” bulalas niya. “Hindi ko nais na saktan ang iyong damdamin, subalit ito’y hindi kapani-paniwala. Ang mga batang 13 anyos ay nagtutungo rito, at sila’y hindi na mga birhen. Ikaw ay hindi pangkaraniwan. Kakaunti lamang mga kabataang babae ang nakikita ko na mga birhen.”
SA DAIGDIG ngayon, ang kalinisang-puri ay naglaho. “Di-pangkaraniwan ang kabataan na hindi pa nakakaranas ng seksuwal na pagtatalik samantalang isang tin-edyer,” ang konklusyong narating ng isang may awtoridad na report noong 1981 ng The Alan Guttmacher Institute. “Walo sa 10 mga lalaki at pito sa 10 mga babae ang nag-ulat na nakipagtalik nang sila ay mga tin-edyer.” Ano ang gumawa kay Esther, na binanggit sa kahon sa ibaba, na kakaiba?
Siya ay kumbinsido na ang pagsunod sa mga batas ng Bibliya tungkol sa moralidad ang pinakamabuti. Maliwanag na sinasabi ng Bibliya: “Subalit ang katawan ay hindi para sa pakikiapid [pagtatalik nang hindi pa kasal] . . . Magsitakas kayo sa pakikiapid.” (1 Corinto 6:13, 18) Gayunman, winawalang-bahala ng karamihan sa mga kabataan ang moralidad ng Bibliya. Gayumpaman, mayroon bang tiyak na mga pakinabang sa moral na kalinisang-puri?
Pisikal na Proteksiyon
Hinimok ni Dr. Richard Lee, sumusulat sa Yale Journal of Biology and Medicine, ang kaniyang kapuwa mga manggagamot: “Ipinagmamalaki natin sa ating mga kabataan ang tungkol sa ating dakilang mga pagsulong sa paghadlang sa pagdadalang-tao at paggamot sa sakit benereal nang hindi isinasaalang-alang ang pinakamapanghahawakan at espisipiko, ang hindi magastos at nakalalason, nakahahadlang kapuwa sa pagdadalang-tao at pagkabalisa na dala ng sakit benereal—ang sinauna, marangal, at malusog pa nga na kalagayan ng pagkabirhen o kalinisang-puri.” Maliwanag na nababatid ang pisikal na mga panganib ng imoral na sekso, winakasan niya ang kaniyang artikulo: “Mayroon pa ring dako para sa mga manggagamot na ipayo ang kalinisang-puri.”
Mangyari pa, hindi lahat ng pagtatalik bago mag-asawa ay nagbubunga ng pagdadalang-tao o ng isang sakit na naililipat sa seksuwal na paraan. Subalit higit pa ang mga pakinabang ng kalinisang-puri.
Kapayapaan at Paggalang-sa-Sarili
Isang dalagang nabanggit sa Bibliya ang nanatiling malinis ang puri sa kabila ng matinding pag-ibig sa kaniyang kasintahan. Sa halip na ang kaniyang moral ay maging katulad ng bukas-sarang pintuan na ‘bumubukas’ sa ilalim ng imoral na panggigipit, may pagmamalaking nasabi niya: “Ako’y isang moog, at ang aking mga dibdib ay parang mga tore.” Oo, sa moral na paraan siya ay nanindigan na gaya ng matatag na moog sa isang kuta na may di-maabot na mga tore. Siya’y karapat-dapat na tawaging “ang dalisay na isa.” At ang mga pakinabang? Sabi ng dalaga sa kaniyang mapapangasawa, “Ako nga’y naging sa harap ng kaniyang mga mata ay parang nakakasumpong ng kapayapaan.” Ang kaniyang mismong kapayapaan ng kaisipan ay nagdulot ng kasiyahan sa kanilang dalawa.—Awit ni Solomon 6:9, 10; 8:9, 10.
Taglay ni Esther, na nabanggit kanina, ang gayunding panloob na kapayapaan at pagpapahalaga-sa-sarili. Sabi niya: “Mabuti ang aking pakiramdam. Kahit na tinutuya ako ng aking mga kasama sa trabaho, minamalas ko ang aking pagkabirhen na gaya ng isang brilyante, mahalaga sapagkat ito ay lubhang pambihira.” Karagdagan pa, ang mga kabataang may malinis na puri ay hindi sinasalot ng bagabag na budhi. “Wala nang bubuti pa kaysa sa pagkakaroon ng isang mabuting budhi sa Diyos na Jehova,” sabi ni Stefan, isang 19-anyos na Kristiyano.
‘Subalit paanong higit na magkakakilala ang lalaki’t babae kung hindi sila magtatalik?’ tutol ng ibang kabataan.
Gumagawa ng Nagtatagal na Pagkakilala
Bagaman ang sekso ay may lakas, sa ganang sarili hindi ito makagagawa ng isang permanenteng kaugnayan. Kapag ang sekso ay inaantala hanggang sa pag-aasawa, ang lalaki’t babae ay nagtutuon ng isip sa personal at sosyal na mga katangian, sa halip na sa kasiyahan sa sekso. Ang pagtutuon ng isip sa kasiyahan sa sekso ay maaaring umakay sa malubhang mga problema.
Halimbawa, pagkaraan ng dalawang masakit na paghihiwalay, ganito ang sabi ni Ann: “Natutuhan ko mula sa karanasan na kung minsan madali kang mapalapit sa pisikal na paraan.” Kaya, nang siya at ang kaniyang mapapangasawa ay magsimulang mag-date, napakaingat nila upang iwasan na maging lubhang malapit sa pisikal na paraan. Alam mo, sa ilalim ng kasiya-siyang impluwensiya ng seksuwal na pagkakilala, maaaring pagtakpan ng lalaki’t babae ang maselang mga suliranin na muling lilitaw pagkatapos ng kasal.
Maaaring iwasan niyaong mga may kalinisang-puri ang gayong panlilinlang. Ganito ang paliwanag ni Ann, na ngayo’y apat na taon nang maligayang namumuhay na may asawa: “Samantalang nagliligawan, ginugol namin ang aming panahon sa paglutas ng mga suliranin at pag-uusap tungkol sa aming mga tunguhin sa buhay. Nakilala ko ang uri ng pagkatao ng aking mapapangasawa. Pagkatapos ng kasal, pawang kaaya-ayang mga sopresa. Tunay na ang karamihan ng mga lalaki’t babae ay walang gaanong panahon na ginugol na magkasama samantalang nagliligawan. Kaya, kung lagi silang nagroromansa at naghahalikan, hindi sila makapag-uusap tungkol sa seryosong mga bagay o lutasin ang mga suliranin.”
Mahirap ba para sa kanila na supilin ang kanilang mga emosyon? “Oo, mahirap!” sabi ni Ann. “Ako ay likas na mapagmahal, at naibigan ito ni Tim. Ngunit pinag-usapan namin ang tungkol sa mga panganib at nagtulungan kami sa isa’t isa. Nais namin kapuwa na palugdan ang Diyos at huwag sirain ang aming nalalapit na pag-aasawa.” Gayunman, ikinatatakot ng maraming kabataan na ang hindi pagtatalik ay maaaring sumira sa kanilang pag-aasawa. Gayon nga kaya?
Isang Mas Maligayang Pag-aasawa
Ang kalinisang-puri ay nakatutulong sa pagkakaroon ng matagumpay na pag-aasawa. (Tingnan ang kahon.) Ang dahilan ay na ito’y humihiling ng pagpipigil, pagpipigil-sa-sarili. Natututuhan mong isakripisyo ang pagbibigay-kasiyahan sa isang kagyat na kaluguran upang makamit ang mas mahalagang tunguhin. Ang pagkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos ay nagiging pangunahin, at ikaw ay nakikipagbaka upang iwasan na sumuko sa iyong mga pagnanasa sa laman. (1 Corinto 9:27) Ang walang kasakimang pagkabahalang ito sa kapakanan ng isa ang gumagawa ng isang maligayang pag-aasawa at sa wakas ay umaakay sa seksuwal na kasiyahan.
Bagaman maraming pag-aasawa ang may malubhang seksuwal na mga suliranin, hindi naiiwasan ng isa ang gayon sa pamamagitan ng pagtatalik bago makasal. Sang-ayon sa isang malawakang pananaliksik ng sosyologong si Seymour Fisher, ang mga salik na tumutulong sa isang babae na seksuwal na tumugon ay hindi pisikal kundi naglalakip ng kung ano ang nadarama niya sa kaniyang asawa. Ang mahalagang mga salik ay ang pagkakaroon niya ng “mga damdamin ng pagiging palagay, malapit, at maaasahan,” ang “kakayahan ng asawang lalaki na makilala ang kaniyang asawa, at . . . kung gaanong pagtitiwala mayroon siya sa kaniya.” Subalit sa pagtatalik bago mag-asawa, ang pagkamaaasahan at pagtitiwala ay kadalasang nasisira dahilan sa hindi mapigil na simbuyo ng damdamin. Ang pagdiriin ay nasa pisikal na mga aspekto ng sekso at pagbibigay-kasiyahan sa sarili. Minsang ang gayong mapag-imbot na mga pamarisan ay mag-anyo, mahirap na itong sirain at maaari nitong wasakin ang pag-aasawa! Sa pag-aasawa, ang pansin ay dapat na nakatuon sa pagbibigay, ang ‘pagbibigay sa asawa ng sa kaniya’y nauukol,’ sa halip na ang ‘pagkuha.’—1 Corinto 7:3, 4.
Kapuna-puna, sa isang pag-aaral ng 177 may-asawang mga babae, tatlong ikapat niyaong mga nakipagtalik bago mag-asawa ay nag-ulat ng seksuwal na mga suliranin sa loob ng unang dalawang linggo ng pag-aasawa. Lahat niyaong mga nag-ulat ng matagalan na mga suliranin sa sekso “ay nakipagtalik bago mag-asawa.” Karagdagan pa, ipinakita ng pananaliksik na yaong mga nakipagtalik bago mag-asawa ay dalawang ulit na malamang ay mangalunya pagkaraan ng pag-aasawa! Anong pagkatotoo nga ng mga salita ng Bibliya: “Ang pakikiapid . . . ay nag-aalis ng mabuting motibo.”—Oseas 4:11.
‘Aanihin mo kung ano ang iyong inihasik.’ (Galacia 6:7, 8) Maghasik ka ng simbuyo ng damdamin at aani ka ng saganang ani ng mga pag-aalinlangan at mga kawalang-katiyakan. Subalit maghasik ka ng pagpipigil-sa-sarili at aani ka ng katapatan at seguridad. Si Esther, na nabanggit sa simula, ay limang taon nang maligaya sa kaniyang pag-aasawa. Ganito ang bulalas ng kaniyang asawang si Jaye: “Hindi mailarawang kagalakan ang ako’y umuwi ng bahay sa aking asawa at malaman na kami ay para sa isa’t isa. Walang makakahalili sa damdaming ito ng pagtitiwala.”
Walang mga pag-aalala tungkol sa sakit na naililipat sa seksuwal na paraan o pagdadalang-taong walang ama. Kapayapaan ng isip sa pagkaalam na ikaw ay nakalulugod sa Diyos. Isang makabuluhang pagliligawan na humahantong sa isang kasiya-siyang pakikibagay ng mag-asawa. Ang lahat ng ito at higit pa ang mahusay na mga dahilan sa paghihinuha: Ang pananatili sa kalinisang-puri ang talagang pinakamabuti!
[Kahon sa pahina 19]
Ang Kalinisang-Puri ay Tumutulong sa Pag-aasawa
“Ang pananaliksik na ito ay pinasulong pa sa pagsisikap na iugnay ang pagtatalik bago mag-asawa sa ganap na pakikibagay sa pag-aasawa na sinusukat sa pamamagitan ng (1) kaligayahan ng mag-asawa, (2) pangkalahatang kasiyahan ng mag-asawa, (3) pag-ibig, at (4) pananatili ng pag-aasawa. Ang mga tuklas sa pangkalahatan ay sumasang-ayon sa [ibang mananaliksik] na ang pagkabirhen bago ang pag-aasawa ang pinakamabuti sa ganap na tagumpay ng pag-aasawa.”—Making the Most of Marriage, ni Paul H. Landis.
“Isang malaking porsiyento ng mga diborsiyado kaysa mga lalaking maligayang may-asawa ang nag-ulat ng pagtatalik bago mag-asawa.”—Predicting Adjustment in Marriage: A Comparison of a Divorced and a Happily Married Group, ni Harvey J. Locke.
“Maaaring patibayin ng kalinisang-puri bago mag-asawa ang paggalang at pag-ibig sa pagitan ng dalawang magkasintahan na hahantong sa ganap na kapahayagan ng kapuwa mga personalidad sa loob ng pag-aasawa. . . . Ang hindi pagtatalik hanggang sa makasal ay magbibigay sa iyo ng isang bagay na natatangi upang ibahagi sa isa’t isa, na hindi maaaring taglayin ng sinuman.”—Why Wait Till Marriage? ni Dr. Evelyn M. Duvall.
[Mga larawan sa pahina 18]
Ang kalinisang-puri ay mag-iingat sa iyo mula sa malubhang pisikal at emosyonal na mga kasawian