Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 5/8 p. 4-9
  • “Sa Kaninong Panig ang Diyos?”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Sa Kaninong Panig ang Diyos?”
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Turno Naming Bumomba
  • Mga Pagsurot ng Budhi
  • “Sa Kaninong Panig ang Diyos?”
  • Isang Naabalang Pananghalian
  • Ang Pinapanigan ng Diyos
  • Isang Kakaibang Mataas-Altitúd na Paglilingkod
  • Ano ang Kailangan Upang Mapanatiling Lumilipad ang mga Ito?
    Gumising!—1999
  • Mula sa Nakamamatay na Misyon Tungo sa Pagtataguyod ng Kapayapaan
    Gumising!—2002
  • Nakita Ba ng Salinlahing Ito ang ‘Mga Tanda Mula sa Langit’?
    Gumising!—1985
  • Sino ba Talaga ang mga Ministro ng Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 5/8 p. 4-9

“Sa Kaninong Panig ang Diyos?”

ISANG libong mga eruplanong pambomba ang umalis ng Inglatera noong gabi ng Mayo 30, 1942. Ito ang pinakamalaking pagsalakay sa himpapawid sa kasaysayan hanggang nang panahong iyon. Ako ang Signals Leader ng isang iskuwadrón ng apat-makinang Lancaster na mga eruplanong pambomba. Ang bawat eruplano ay may dalang isang 8,000-libra (3,600-kg) na bomba na ang lakas ng pagsabog ay sapat upang wasakin ang isang buong malaking pabrika o mga ilang bloke ng isang kalye.

Pumapaitaas ng mga 20,000 piye,a patungo na kami sa Alemang lunsod ng Cologne. Abalang-abalang sinusuri ng mga tripulante ang mga makina, gatong, radyo, nabigasyon, at iba pa. Humingi ng pahintulot sa kapitan ang tatlong manganganyon na suriin at paputukin ang kanilang mga machine gun. Ang lahat ay handa na upang kami ay pumasok sa teritoryo ng kaaway.

Habang tinatawid namin ang baybaying dagat na Olandes, ako’y tumayo upang pumuwesto sa dako ng bantay sa may bubong ng eruplano. Mula roon maaari akong makakita sa lahat ng direksiyon. Nanatili ako roon, minamasdang mabuti ang anumang mga eruplano ng kaaway upang makagawa ng pag-iwas at mabigyan ng mga tagubilin ang mga manganganyon. Sa kalayuan, nakikita ko ang pulang mga patse na nagliliwanag sa kalangitan sapagkat binomba na ng karamihan sa mga eruplanong pambomba ang lunsod ng Cologne.

Ang Turno Naming Bumomba

Handa na kami ngayon sa aming target. Pinapaligiran ng mga eruplanong pandigma ng mga Aleman ang binombang dako na handang sumalakay sa amin. Kami ang pinakahuling pangkat sa isang libong mga eruplanong pambomba na sumalakay sa Cologne nang gabing iyon, at ang lunsod ay nasunog mula sa isang dulo hanggang sa kabilang dulo. Kailangan naming bumaba ng 10,000 piye upang hanapin ang isang lugar na hindi pa nasusunog at kung saan maaari naming ihulog ang aming bomba.

Kami ay tinagubilinan na ang pangunahing tanggapan ng koreo ang aming pasasabugin. “May mga pagawaan ng munisyon sa kabilang kalye,” ang sabi sa amin. Gayunman, inaakala ng marami sa amin na ang bubombahin namin ay mga taong sibilyan sapagkat alam namin na sa karamihan ng mga lunsod ang pangunahing tanggapan ng koreo ay hindi napaliligiran ng mga pagawaan.

Tumindi ang kaigtingan nang buksan ng piloto ang mga pinto na kinalalagyan ng bomba. Ang ingay sa loob ng eruplano ay tumindi. Ito ang pinakamaigting naming sandali. Ang aming bomba, na parang kasing haba ng apat-makinang eruplano mismo, ay nakalantad ngayon. Ang maykulay na mga tracer bullet ay pumailanglang sa langit. Kung may anumang tumama sa bombang iyon, tapos kami!

Ang tagaasinta ng bomba ang nangasiwa ngayon sa eruplano. Itinutuon ang kaniyang paningin sa target na dako, ibinigay niya sa piloto ang kaniyang mga tagubilin: “Kaliwa-kaliwa; kanan-kanan-pirme; kaliwa nang kaunti​—tigil​—pirme​—target. Ihulog ang bomba!” Ang eruplano ay yumanig, at narinig ko ang “whoosh” habang ang apat-toneladong bomba ay nahulog mula sa eruplano. Para bang walang katapusang minuto ang lumipas habang hinihintay namin ang pagsabog ng bomba sa pinaghulugan naming dako. Nang makunan namin ng larawan ang pinsala, umuwi na kami.

Mga Pagsurot ng Budhi

Samantalang kami ay biglang pumihit at umalis na papalayo, nakita ko ang buong lunsod ng Cologne sa ibaba na naglalagablab. Naisip ko ang tungkol sa mga lalaki, mga babae, at mga bata na nawalan ng kanilang mga buhay. ‘Bakit ba ako nakikibahagi sa pagpatay ng libu-libong walang-malay na mga mamamayan ng malaking lunsod na ito?’ tanong ko sa aking sarili. Sinikap kong aliwin ang aking sarili sa pag-iisip na ito ay isang pakikipagbaka laban sa masamang pamamahala ni Adolf Hitler.

Sa aming paglalakbay pauwi hindi makatkat sa aking isipan ang alaala ng aking 60 mga misyon ng pagbomba. Maaga noong digmaan isang eruplanong Aleman ang naghulog ng isang stick ng mga bomba sa isang air-raid shelter (kublihan sa sakalay mula sa himpapawid) malapit sa Lincoln, Inglatera. Tumulong ako sa paglalabas ng putul-putol na mga katawan ng mga babaing nangungubli roon. Nagkaroon ako ng masamang mga panaginip tungkol dito sa loob ng mga ilang buwan. Nag-isip ako ngayon: ‘Ilang ulit kaya ang katindihan ng gayong kasindakan ngayong gabi bilang resulta ng isang libong mga eruplanong pambomba na binomba ang mataong lunsod ng Cologne? At ano kaya ang palagay ng Diyos sa gayong kakila-kilabot na gawa?’

Madalas kong maisip ang tungkol dito sapagkat ako ay nagmula sa isang relihiyosong pamilya sa Inverness, Scotland. Ang aking pamilya ay matagal nang mga membro ng Church of Scotland. Ako ay naging isang Sunday-school titser at pangulo ng Youth Fellowship ng simbahan. Kung mga gabi ng Sabado isang pangkat sa amin ang tumatayo sa isang sulok ng Inverness Town Hall at nagpapahayag ng aming pananampalataya sa madla. Sa gayong mga panahon ako’y punúng-punô ng relihiyosong sigasig at isang pagnanais na maging isang ministro.

“Sa Kaninong Panig ang Diyos?”

Madalas akong makipag-usap sa mga kapelyáng militar sa loob ng anim na taóng pakikidigmang iyon (1939-45), at tinanong ko sila, “Sa kaninong panig ang Diyos sa digmaang ito?” Walang salang sila’y tutugon, “Siempre pa sa ating panig! Tayo ay nakikipagbaka sa isang masamang paniniil na nais sakupin ang daigdig, at tanging ang ating mga hukbong Kristiyano lamang ang maaaring lumipol dito!” Gayunman, hindi ito nakasiya sa akin.

Isang araw naupo ako sa Officer’s Mess kasama ang paring Katoliko ng iskuwadrón, at sabi ko sa kaniya: “Alam ninyo, padre, sa aming eruplano isa sa mga membro ng aming tripulante ay Katoliko, at binasbasan ninyo siya bago kami magtungo sa mga misyon ng pagbomba sa Alemanya. Ngayon, ang relihiyong Katoliko rin sa Alemanya ay binabasbasan ang tripulanteng Katoliko ng isang eruplanong Aleman na sumasalakay rito at winawasak ang ating mga lunsod. Kaya ang tanong ko ay, ‘Sa kaninong panig ang Diyos?’”

“Bueno, iyan ay mahirap na tanong,” sabi niya. “Ang nalalaman ko ay na kung hahayaan nating mamuno si Hitler sa daigdig, mawawalan ka at ako ng dako rito, o ang sinumang iba pang Kristiyano sa bagay na iyan.” Hindi na kailangan pang sabihin, hindi rin nito sinagot ang aking katanungan, sapagkat hindi ko lubos mawari: ‘Kung gayon bakit hindi alisin ng mga Katolikong Aleman at ng kanilang iglesya ang kanilang pagtangkilik kay Hitler?’ Hindi ko nakuha ang mga kasagutan sa aking mga katanungan hanggang matapos ang digmaan.

Noong Mayo 18, 1945, ako ay nakatayo sa harap ni Haring George VI sa Palasyo ng Buckingham, London, at tinanggap ang Distinguished Flying Cross dahilan sa pagkompleto ko ng 60 mga misyon sa ilan sa pinakamahigpit na ipinagtatanggol na industriyal na mga target at mga lunsod sa Europa. Isang medalya para sa pagwasak sa mga lunsod, mga bayan, at mga buhay! Sa 13 mga membro ng iskuwadrón na nagbalik mula sa ikalawang mga misyon ng paglalakbay, ako lamang ang bumalik na walang anumang pinsala.

Nang dakong huli ng taóng iyon ako ay pinauwi, at ako ay nanirahan sa bayan ng Doncaster, Inglatera, kasama ng aking asawa, si Barbara, at ng aming munting anak na lalaki. Nang panahong ito ako’y lubhang nanlumo; naging napakanerbiyoso. Pinangilabutan ako sa bahaging ginampanan ko sa lahat ng mga pagpatay ng tao sa aming mga pagbomba sa Alemanya at Italya. Paulit-ulit kong tinatanong ang aking sarili, ‘Mapapatawad pa kaya ako ng Diyos?’ Malimit akong manalangin ng kapatawaran.

Isang Naabalang Pananghalian

Isang araw samantalang ako ay nananghali, tumunog ang doorbell, at tiningnan ng aking asawa kung sino ito. Natagalan siya sa may pinto, at ako naman ay nainip sa paghihintay ng aking ikalawang putahe. Galit na tumayo mula sa mesa, walang-galang na sumabad ako sa usapan ng aking asawa at ng isang lalaki, na sinasabi, “Ano ba ito?”

“Ang inyong asawa ay interesado sa aklat ng ito, ang Let God Be True (Hayaang Maging Tapat ang Diyos),” ang mabait na tugon ng lalaki. “Ako po’y isa sa mga Saksi ni Jehova na dumadalaw sa lugar na ito.”

“Salamat na lamang!” sabi ko. Ang pagbanggit lamang sa mga Saksi ni Jehova ay nagpagalit sa akin. “Hindi kami interesado sa mga taong hindi nakibahagi sa aming digmaan subalit nasisiyahang kumain ng aming pagkain, na dinala rito taglay ang malaking panganib ng aming mga marino!”

“Bueno, ginoo,” malumanay na tugon ng lalaking nasa may pinto, “nais ko pong banggitin ang isang bagay na saanman nakatira ang mga Saksi ni Jehova sa panahon ng digmaan, sila ay neutral at hindi nakibahagi rito. Gayunman sa digmaang iyan, gaya ng nalalaman ninyo, ang mga Protestante ay pumapatay ng mga Protestante at ang mga Katoliko ay pumapatay ng mga Katoliko nang walang anumang pag-aatubili. Subalit ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nagpapatayan sa isa’t isa, o sino pa man sa bagay na iyan.”

Ang Pinapanigan ng Diyos

Ang kaniyang kasagutan ay nagpagunita sa akin sa katanungan na itinanong ko noong panahon ng digmaan, “Sa kaninong panig ang Diyos?” Kaya itinanong ko ito sa kaniya.

“Bueno, iyan ay isang madaling katanungan,” sagot niya. Ipinakita niya sa akin ang Juan 13:34, 35 at binasa ito: “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo, ganiyan din kayo mag-ibigan sa isa’t isa. Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.”

“Maliwanag,” susog niya, “kung tayo ay talagang nag-iibigan sa isa’t isa, saanman tayo nakatira tiyak na hindi tayo magpapatayan sa isa’t isa anuman ang maaaring sabihin ng mga pulitiko. Sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang utos na iyan ni Jesus, kahit na sa Alemanya marami ang namatay sa mga piitang kampo dahilan sa pagiging neutral, at ang marami pang iba, katulad ko, ay nabilanggo sa bansang ito. Kami’y naniniwala na ang Diyos ay nasa panig ng mga tao na talagang nag-iibigan sa isa’t isa.”

Siya ay nakakukumbinse, kaya’t tinanggap namin ang aklat. Binasa naming mag-asawa ang aklat na iyon at sinuri ang mga kasulatan hanggang sa madaling-araw. Natutuhan namin kung paanong ang mga digmaan, gaya ng pandaigdig na digmaan kung saan ako ay nakipagbaka, ay bahagi ng “tanda” na nagpapatunay na hindi na magtatagal wawakasan ng pamahalaan ng Diyos ang lahat ng paniniil at gagawin ang lupa na isang dako kung saan ang mga Kristiyano ay maaaring mamuhay sa kapayapaan.​—Mateo 24:3-14.

Pagkaraan ng mga isang linggo, sinulatan namin ang lalaking nag-iwan sa amin ng aklat at ang direksiyon ng kaniyang tirahan at hiniling namin siya na dumalaw. Marami kaming katanungan na itinanong sa kaniya. Pagkaraan ng mga ilang araw siya ay nagbalik, at sinimulan naming makipag-aral ng Bibliya sa kaniya. Pagkaraan ng ikalawang pag-aaral, dumalo na kami sa mga pulong sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa aming lugar, at sa wakas kaming mag-asawa ay nabautismuhan noong 1948.

Isang Kakaibang Mataas-Altitúd na Paglilingkod

Sa lumipas na mga taon, pinanatili naming mag-asawa ang pagnanais na maglingkod bilang buong-panahong mga ministro, at, mangyari pa, nang ang aming anak na lalaki ay maging isang misyonero sa Timog Amerika, ang pagnanais na iyon ay lalo pang sumidhi. Subalit isa itong malaking disisyon sapagkat nang panahong ito kami ay totoong maginhawang namumuhay; mayroon kaming magandang tahanan, at ako ay may trabahong mataas ang sahod. Matatanda na kami, at kami kapuwa ay may mga suliranin sa kalusugan. Gayunman, batid ko na malaki pa ang aming magagawa.

Pagkatapos na may pananalanging pagsasalang-alang, ang disisyon ay ginawa. Ang bahay ay ipinagbili, at naiyak kami, yamang tumira kami sa bahay na iyon ng mahigit na 20 mga taon. At noong Hunyo 1973 kami ay lumipad sakay ng eruplano tungo sa talampas ng Bolivia patungo sa La Paz Airport.

Ang aking anak na lalaki at ang kaniyang asawa ay naghihintay upang salubungin kami. Mga ilang minuto pag-alis namin ng paliparan, kami ay huminto, at nasa harapan namin ang isa sa kagila-gilalas na tanawin na kailanman’y nakita ko. Ang kabiserang lunsod, ang La Paz, ay nasa isang malalim na tulad-palangganang guwang, parang hukay sa mukha ng buwan, 1,000 piye ang baba sa patag na talampas. Nagtatakip-silim na noon, at nakikita namin ang mga ilaw sa buong lunsod na kukuti-kutitap sa ibaba namin. Sa gawing ibayo, ipinababanaag ng natatakpan ng niyebeng Bundok Illimani ang huling mga silahis ng palubog na araw.

Sa aking mga kaarawan sa Royal Air Force, ako ay tinuruan na laging gumamit ng oksiheno kapag nagpapalipad sa taas na mahigit 10,000 piye. Ngayon kami ay maninirahan sa isang altitúd na halos 12,000 piye​—nang walang mga maskara ng oksiheno! Anong nakapapagod na karanasan ito, pag-akyat sa matarik na mga burol ng La Paz habang kami ay nangangapos ng hininga sa napakataas na atmospera, sa panahon ng aming pagdalaw sa bahay-bahay! Subalit anong laking kagalakan na laging nasa araw, laging natatanaw ang pagkatataas na mga taluktok ng Andes na natatakpan ng niyebe!

Gayunman, higit na kasiya-siya ang malaking interes ng mga tao sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Sa simula taglay ko ang mensahe na nais kong iharap na nakasulat sa isang kard, upang tulungan ako na maalaala kung ano ang sasabihin ko sa Kastila. Ang wika, mangyari pa, ay mahirap kung minsan. Subalit pagkaraan ng 12 mga taon doon, ako ay nakapagbibigay ng pahayag pangmadla sa Kastila at naglingkod bilang isang matanda sa isa sa mga kongregasyon. Sa lumipas na mga taon, nagkaroon kami ng ilang kalugud-lugod na mga karanasan, nakipag-aral sa 20 katao na nang malaunan ay nabautismuhan. Gayunman, dahilan sa hindi mabuting kalusugan, kaming mag-asawa ay nagbalik sa Inglatera, kung saan kami’y patuloy na nagsasabi sa iba tungkol sa Kaharian ng Diyos.

Kapag ginugunita ko ang kakila-kilabot na gabing iyon nang bombahin namin ang Cologne, nanlulumo pa rin akong isipin ang pagkalipol at pagdurusa na nagawa ko. ‘Pinagpapala nga ba ng Diyos yaong mga nakikipagbaka sa digmaan?’ madalas kong itanong. Gayon na lamang ang aking pagpapasalamat na natutuhan ko na ang Diyos ay walang pinapanigan kapag ang mga bansa ay nakipagdigma. Bagkus, gaya ng ipinaliwanag sa akin ng Saksi: “Ang Diyos ay nasa panig ng mga taong talagang nag-iibigan sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35)​—Gaya ng inilahad ni David Walker.

[Talababa]

a Ang isang piye ay katumbas ng 0.30 metro.

[Blurb sa pahina 5]

Ang eruplano ay yumanig, at narinig ko ang “whoosh” habang ang apat-toneladang bomba ay nahulog mula sa eruplano

[Blurb sa pahina 6]

‘Bakit ba ako nakikibahagi sa pagpatay sa libu-libong walang-malay na mga mamamayan ng malaking lunsod na ito?’ tanong ko sa aking sarili

[Larawan sa pahina 5]

Isang libong mga eruplanong pambomba ang patungo sa Cologne

[Pinagmulan]

RAF Museums, London

[Larawan sa pahina 6]

Ang Cologne, isang target sa aking 60 mga misyon ng pagbomba

[Pinagmulan]

U.S. Army photo

[Larawan sa pahina 7]

Si Walker kasama ang kaniyang asawa, si Barbara, at ang anak na lalaki noong Digmaang Pandaigdig II

[Pinagmulan]

“Topical” Press Agency, LTD., London

[Larawan sa pahina 8]

Si David Walker at ang kaniyang asawa na nakikipag-usap sa isang taga-Bolivia tungkol sa Kaharian ng Diyos

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share