Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 9/8 p. 11-14
  • Ano ang Kailangan Upang Mapanatiling Lumilipad ang mga Ito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ang Kailangan Upang Mapanatiling Lumilipad ang mga Ito?
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Paano Napananatiling Maaasahan sa Paglipad ang mga Eroplano
  • Ang Sangkot sa D Check
  • Handa Nang Lumipad
  • Ang Paghahangad Para sa Mas Ligtas na Paglalakbay sa Himpapawid
    Gumising!—2002
  • Ang Pagiging Palaisip sa Kaligtasan
    Gumising!—2002
  • Pagkontrol ng Trapiko sa Himpapawid—Ano ang Papel Nito sa Ligtas na Paglipad ng mga Eroplano?
    Gumising!—2008
  • Mga Mata sa Himpapawid
    Gumising!—1987
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 9/8 p. 11-14

Ano ang Kailangan Upang Mapanatiling Lumilipad ang mga Ito?

“MGA binibini at mga ginoo, maligayang pagdating sa John F. Kennedy International Airport ng New York City.” Ang pagbating iyan sa dumarating na mga pasahero ang siyang pasimula ng pagmamadalian sa loob at palibot ng eroplano habang papaalis ang mga pasahero nito. Napag-isip-isip mo na ba kung ano ang nangyayari sa eroplano sa mga sandaling iyon?

Kumikita lamang ang komersiyal na eroplano habang naglilipad ito ng mga pasahero o kargamento, hindi habang nakaparada sa lupa. Kaya naman, hangarin ng mga airline na mapadalas hangga’t maaari ang paglipad ng kanilang mga eroplano. Habang hinihintay ng mga pasahero ang kanilang dala-dalahan, ang eroplano ay mabilis na inihahanda naman para sa susunod na paglipad. Agad na nirerepaso ng mga mekaniko ang talaan ng eroplano upang tingnan kung ang mga tauhan ng eroplano ay may napansing anumang mekanikal na problema sa katatapos nitong paglipad. Anumang bagay na makaaapekto sa ligtas na pag-andar ng eroplano, na tinatawag ding no-go items, ay inaayos.

Sinusuri ang mga gulong, goma, preno, at sukat ng langis ng makina ng eroplano. Nililinis ng mga tagalinis ang lugar ng mga pasahero. Ang mga gamit sa kusina, o mga kagamitan sa pagluluto, ay muling nilalagyan ng mga pagkain at inumin. Kinakargahan ng gasolina ang mga tangke sa pakpak. Bago muling lumipad ang eroplano, sinusuri muna ng mga tauhan ang buong labas ng eroplano, upang tingnan kung may anumang kondisyon na makaaapekto sa kaligtasan.

Ang paghahandang ito at agarang pagmamantini ay ginagawa sa libu-libong eroplano araw-araw. Subalit napakaliit na bahagi lamang iyan ng mga kinakailangan upang mapanatiling ligtas ang paglipad ng isang malaking pampasaherong eroplano. Kung paanong ang mga kotse ay nangangailangan ng pana-panahong pagkukumpuni, ang mga eroplano naman ay regular na nangangailangan ng isang sunud-sunod na pangkalahatan at magastos na pangangalaga. Sino ang nagsasagawa ng pangangalagang ito sa mga eroplano? Paano isinasagawa ang trabahong ito?

Kung Paano Napananatiling Maaasahan sa Paglipad ang mga Eroplano

Ayon sa U.S. Air Transport Association, ang mga miyembrong airline ang nagsasakay ng mahigit sa 95 porsiyento ng ibinibiyahe sa himpapawid, kapuwa pasahero at kargamento, sa Estados Unidos. Noong 1997, humigit-kumulang na 65,500 mekaniko ang nagtatrabaho sa mga airline. Kasama ng mga inhinyero at ng iba pang mga tagapagmantini, ang misyon ng mga mekaniko ng eroplano ay ang mapanatiling maaasahan sa paglipad ang eroplano at tiyakin ang kaalwanan ng mga pasahero. Nangangahulugan iyan ng pag-iinspeksiyon, pagkukumpuni, at pag-o-overhaul ng napakaraming mga pantanging piyesa​—ang mga makina sa loob ng makina​—na nagpapangyaring makalipad ang eroplano.a Lakip sa gayong nakaiskedyul na pagmamantini ang lahat-lahat mula sa pag-o-overhaul ng mga makina ng jet na tumitimbang ng mahigit sa apat na tonelada hanggang sa pagpapalit ng mga luma nang mga alpombra sa lugar ng mga pasahero.

Karamihan sa mga problemang mekanikal ay inaasikaso agad. Gayunman, ang programa ng pagmamantini sa eroplano ay nag-iiskedyul ng iba pang pagmamantini batay sa kung ilang buwan nang ginagamit ang eroplano o nakailang siklob na at kung ilang oras na ang inilipad ng bawat eroplano, hindi ayon sa kabuuang dami ng milyang nalipad nito. Nagsisimula ang programa sa pamamagitan ng mga rekomendasyon sa pagmamantini na ibinibigay ng tagagawa ng eroplano sa mga nagpapaandar ng eroplano, na sasang-ayunan ng mga awtoridad ng gobyerno sa abyasyon. Bawat eroplano ay may sarili nitong programa sa pagmamantini, mula sa bahagya lamang tungo sa katamtaman hanggang sa puspusang pag-iinspeksiyon. Ang mga pag-iinspeksiyong ito ay tinutukoy sa pamamagitan ng mga titik, na gaya ng A, B, C, D, L, o Q.

Nangangailangan ng mga walong taon ang isang 747-200 upang makaipon ng mga 36,000 oras ng paglipad. Kapag naabot na ito, panahon na upang pumarada sa himpilan ng eroplano para sa isang puspusang pag-iinspeksiyon, na kung minsan ay tinatawag na D check. Sa pagkokomento sa masalimuot at umuubos-ng-panahong pag-iinspeksiyong ito, ang Overhaul & Maintenance, isang magasin tungkol sa pangangasiwa sa abyasyon, ay nagsabi: “Ang tunguhin . . . ay, hangga’t maaari, maibalik ang buong kayarian ng eroplano sa orihinal na kondisyon nito. . . . Ang isang D check ay gumugugol ng 15,000 hanggang 35,000 oras ng pagtatrabaho, at dahil dito’y hindi makapagseserbisyo ang isang eroplano sa loob ng 15 hanggang 30 araw, o higit pa. Ang kabuuang gastos ay umaabot sa pagitan ng $1 milyon at $2 milyon.” “Sa isang karaniwang D check ay 70% ang trabaho at 30% naman ang materyales,” sabi ni Hal Chrisman ng The Canaan Group, isang sinasangguniang kompanya ng pangasiwaang panghimpapawid. Mangyari pa, nakapatong na sa halaga ng iyong tiket ng eroplano ang bahagi ng gastos na iyon.

Ang Sangkot sa D Check

Kapag ipinarada na ang eroplano sa himpilan nito​—isang pagkalaki-laking lugar na kinaroroonan ng mga pasilidad para sa pagmamantini ng mga eroplano, mga lugar na nagsusuplay ng mga piyesa at iba pang serbisyo, at mga bodega​—panahon na para sa pangkat ng mga tagapagmantini na magtrabaho. Pinagugulong ang mga mesang pinagtatrabahuhan, mga plataporma, at mga andamyo sa isang lugar upang maabot ang pagkatataas na bahagi ng eroplano. Ang mga upuan, sahig, dingding, kisame, kusina, lababo, at iba pang mga kagamitan ay binubuksan o kaya’y tinatanggal sa eroplano upang mainspeksiyong mabuti. Talagang inaalis lahat ang nasa loob ng eroplano. Habang sinusunod ang baytang-baytang na instruksiyon, iniinspeksiyon ng mga trabahador ang eroplano kung may mga lamat at kalawang ang metal. Ang buong seksiyon ng landing gear ng eroplano, mga hydraulic system, at makina ay maaaring palitan. Kailangan sa D check ang kakayahan ng mga inhinyero, tagasulat ng teknikalidad, inspektor para sa pag-iingat ng kalidad, mga avionics technician,c mga latero, at mga mekaniko sa kayarian ng eroplano at sa pinakaplanta ng kuryente,d na karamihan sa kanila ay lisensiyado ng gobyerno. Kapag idinagdag ang mga mekaniko sa mga kagamitan sa lugar ng mga pasahero, mga pintor, at tagalinis, ang bilang ng mga tauhan sa pagmamantini ay umaabot sa mahigit na 100 araw-araw. Marami pang iba ang naglalaan ng kinakailangang kagamitan, piyesa, at gabay sa mga detalye ng trabaho.

Sa paglipas ng panahon, ang mga pagyanig habang lumilipad, mga siklo ng pressurization sa katawan ng eroplano, at mga pagkatagtag na nagaganap sa libu-libo nitong paglipad at paglapag ay nagiging dahilan ng mga lamat sa metal na istraktura ng eroplano. Upang maayos ang problemang ito, gumagamit ang abyasyon ng mga simulain ng pagsusuri na gaya ng ginagawa sa larangan ng medisina. Kapuwa gumagamit ang mga ito ng mga pamamaraang gaya ng radiology, ultrasonics, at endoscopy upang makita ang hindi nakikita ng mata ng tao.

Para sa isang karaniwang medikal X ray, ang pasyente ay inilalagay sa pagitan ng isang piraso ng plaka at ng sinag ng X-ray. Upang ma-X-ray ang landing gear, mga pakpak, at makina, ang mga inspektor sa pagmamantini ay gumagamit ng gayunding paraan. Halimbawa, inilalagay ang isang piraso ng plaka ng X-ray sa lugar na gusto niyang paglagyan sa labas ng makina. Pagkatapos, isang mahabang metal na tubo ang inilalagay sa loob ng hungkag na ehe ng makina na pinadaraan sa kahabaan nito. Sa katapusan, isang tableta ng radyoaktibong iridium 192​—isang malakas na isotope​—na kasinlaki ng pambura ng lapis, ang ipinapasok sa tubo upang ma-expose ang plaka ng X-ray. Nakatutulong ang nakopyang plaka upang makita ang mga lamat at iba pang depekto na magsasabi kung kailangan nang kumpunihin o palitan ang makina.

Sa panahon ng D check, ipinadadala sa laboratoryo ang kaunting gasolina at hydraulic fluids na kinuha sa eroplano upang suriin ang mga ito. Kapag may nakitang mga mikroorganismo sa kinuhang gasolina, inirereseta ang mga antibiyotiko. Upang mapatay ang mga mikroorganismo sa gasolina ng jet​—mga fungi at baktirya na nakapapasok sa mga tangke ng gasolina sa pamamagitan ng hangin, tubig, at gasolina​—ang mga tangke ay nilalagyan ng biocide, isang uri ng antibiyotiko. Mahalaga ang panggagamot na ito sapagkat ang kakambal na produktong naidudulot ng pagdami ng mikrobyo ay nakapipinsala sa mga panlaban sa sira na ipinahid sa tangke. Ang mga pang-iksamen ng gasolina sa loob ng tangke ay maaari ring maapektuhan at sa gayon ay nagiging dahilan upang ang mga piloto ay makatanggap ng maling pahiwatig tungkol sa sukat ng gasolina.

Bunga ng normal na paggamit, pagyanig, at pinsala sa mga seal sa loob, maaaring tumulo ang mga tangke ng gasolina. Nagtanong ang isang superbisor sa kaniyang nagkakatipong mga pang-D-check na tauhan, “Sino ang gustong maging ‘tagasisid’?” Ang hindi kawili-wili ngunit kinakailangang trabaho ay napaatang kay John. Nagmistula siyang isang scuba diver na walang mga flipper nang isuot niya ang pantanging kasuutan na yari sa bulak at nakabalot sa buong katawan, inilagay ang isang hingahan na nakakonekta sa pinagmumulan ng sariwang hangin, at nagdala ng mga kagamitan, pantapal, at isang ilawang pangkaligtasan. Sa isang maliit na lagusan sa ilalim ng pakpak, isiniksik niya ang kaniyang sarili sa loob ng tangke sa pakpak na wala nang lamang gasolina, hinanap ang pinagmumulan ng tulo sa tangke ng gasolina, at tinapalan ito.

Dahilan sa pagkakagawa rito sa loob ng mga pakpak ng eroplano, ang mga tangke ng gasolina ng isang 747 ay naging isang nakalilitong kulóng na mga silid na konektado ng maliliit na butas. Hindi puwede ang mga claustrophobic (mga taong takot sa kulóng na lugar) sa loob ng tangke ng gasolina. Ang isang 747-400 ay makakargahan ng mahigit sa 210,000 litro ng gasolina. Ang ganitong dami ng gasolina ay nagpapangyari na ito’y makalipad nang pagkahahabang ruta nang walang hinto, gaya ng mula sa San Francisco, California, E.U.A., hanggang Sydney, Australia​—na may distansiyang 12,000 kilometro.

Tatlong palapag ang taas mula sa lupa sa loob ng lugar ng piloto, iniinspeksiyon ng isang avionics technician ang isang nakakabit nang pamarisang larawan sa screen ng tulad-TV na radar na tagapagtala ng lagay ng panahon. Ginagamit ng mga piloto ang instrumentong ito upang mapansin at maiwasan ang mga bagyong may kasabay na kulog at kidlat at mga pag-alog na maaaring mga 500 kilometro pa ang layo bago marating ng eroplano. Kaya kapag binuksan ng piloto ang babalang “Ikabit ang Sinturong-Pangkaligtasan,” maaaring may nakita siya sa kaniyang radar screen na pagbubuhatan ng pag-alog. Gayunman, upang maiwasan ang mga pinsala, maraming airline ang humihiling sa mga pasaherong nakaupo na panatilihing nakakabit ang kanilang sinturong-pangkaligtasan, kahit pinatay na ng kapitan ang babala. Madalas na nagkakaroon ng mga pagbabago sa hangin anupat bigla na lamang magkakaroon ng matinding pag-alog ng eroplano bago pa ito mabuksan ng piloto.

Sa panahon ng D check, ang mga kagamitang pangkaligtasan, gaya ng mga life vest at ilawang pangkagipitan, ay iniinspeksiyon o pinapalitan. Kapag isinasagawa ang inspeksiyon sa pangkagipitang sistema ng oksiheno para sa mga pasahero, ang mga oxygen mask ay nakabitin na parang mga dalandan sa sanga. Ang mga eroplanong jet ay karaniwan nang lumilipad sa taas na 6 hanggang 11 kilometro mula sa lupa, na doon ang antas ng oksiheno at ang presyon ng hangin ay hindi sapat upang makatustos ng buhay. Paano nalulutas ang problemang ito? Ang sistema ng pressurization ng eroplano ay humihigop ng hangin mula sa labas at pagkatapos ay kinokompres ito. Sa wakas ay isinusuplay ang hanging ito sa lugar ng mga pasahero sa tamang temperatura. Kapag bumaba sa ligtas na antas ang presyon ng hangin sa lugar ng mga pasahero, awtomatikong babagsak ang mga oxygen mask mula sa kinalalagyan nito sa ulunan. Ang pangkagipitang oksiheno ay isinusuplay sa mga pasahero hanggang sa ang eroplano ay makababa sa antas na hindi na kakailanganin ang pangkagipitang oksiheno. Sa ilang eroplano, ang mga oxygen mask ay nakatago sa lalagyan sa likuran ng pasahero, hindi sa ulunan. Kaya nga mahalaga na makinig sa patiunang pagbibigay ng impormasyon sa mga pasahero bago ang paglipad, na nagtuturo sa kinalalagyan ng mga oxygen mask.

Ang isang puspusang pag-iinspeksiyon bilang pagmamantini ang siya ring panahon upang ikabit ang mga bagong dingding sa lugar ng mga pasahero at mga kisame gayundin ang pagpapalit ng mga alpombra, kurtina, at mga balot ng mga kutson ng upuan. Ang mga gamit sa kusina ay kinakalas, nililinis, at iniisterilisa.

Handa Nang Lumipad

Matapos ang 56 na araw ng pag-iinspeksiyon, pagsisiyasat, pagkukumpuni, at pagmamantini, handa nang umalis ang eroplano sa himpilan at muling maglipad ng mga pasahero at mga kargo. Maliit na bahagi lamang ng trabaho sa pagmamantini ang nabanggit dito. Ngunit bago lumipad muli, ang eroplano ay maaaring paliparin muna ng pantanging mga tauhan bilang pagsubok upang tiyakin na lahat ng sistema nito ay umaandar nang maayos. Nakapagpapatibay ng pagtitiwala ang maigsing pagsasaalang-alang kung gaanong kasanayan at teknolohiya ang nasasangkot upang mapanatiling nasa maayos na kondisyon ang eroplanong sinasakyan mo.

Gayunman, ang tanging pinakamagaling na kasangkapan sa pagmamantini ng eroplano ay sinasabing ang tao​—matatalas na mata at mga alertong isip. Napakaseryoso sa pagtatrabaho ang mga sinanay na tauhan. Batid nila na ang di-mahusay na pagmamantini ay magbubunga ng malalaking problema. Ang tunguhin nila ay ang makapaglaan ng maaasahang eroplano na mabilis na magdadala sa iyo sa patutunguhan mo nang ligtas at maalwan.​—Isinulat ng isang pangkaligtasang inspektor para sa abyasyon sa Estados Unidos.

[Mga talababa]

a Ang isang 747-400 ay may anim na milyong piyesa, kalahati sa mga ito ay mga pangkabit (mga rematse at tornilyo), at 275 kilometro ng kawad ng kuryente.

b Ang isang siklo ay katumbas ng isang paglipad at isang paglapag.

c Ang “avionics” ay pinaigsing salita para sa aviation electronics.

d Ang sertipiko sa kayarian ng eroplano at pinakaplanta ng kuryente ay nagpapahintulot sa isang mekaniko na aprobahan ang kaniyang ginawa sa istraktura ng eroplano, sa mga sistema nito at sa mga makina.

[Picture Credit Lines sa pahina 12]

Courtesy of Pan Am Historical Foundation

Archives and Special Collections, University of Miami Library

[Picture Credit Lines sa pahina 13]

Courtesy of United Airlines

Courtesy of United Airlines

Courtesy of United Airlines

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share