Paghakbang Tungo sa Ika-21 Siglo
Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Hapón
TINGNAN mo ang lahat ng mga gusaling iyon! Sa mga hugis kono, balisungsong, bilog, piramide, hugis-sinsel—para bang ang mga ito ay mula sa kaharian ng bungang-isip ng siyensiya. O ito nga ba’y bungang-isip lamang? Ang bawat isa ay idinisenyo upang ipakita ang uri ng daigdig na inaasahang magagawa ng mga siyentipiko at mga teknologo sa ika-21 siglo. Bahagi itong lahat ng isang pagkalaki-laking perya (fair) sa siyensiya sa Tsukuba, Hapón, na tinatawag na Expo ’85.
Ang napiling tema ng Pagtatanghal? “Mga Tirahan at Kapaligiran—Siyensiya at Teknolohiya para sa Tao sa Tahanan.”
Ang mga eksibit, na itinayo sa halagang $2.6 bilyong (U.S.), ay kumakatawan sa mga pangarap ng 47 mga bansa, 37 internasyonal na mga organisasyon, at 28 mga korporasyon sa Hapón. Ginagamit ang pinakabago sa mga laser, robot, biyoteknolohiya, telekomunikasyon, at marami pang ibang siyentipiko at teknolohikal na mga pag-unlad, inihaharap nito ang mga pangitain sa kung ano ang inaakala nilang pamumuhay sa susunod na siglo. Nais mo bang humakbang tayo tungo sa ika-21 siglo?
Malapitang Tingin sa Ilang mga Eksibit
Marami sa mga eksibit ang may pantanging mga tema na nagbibigay sa mga bisita o dumadalaw ng isang mabuting ideya ng kung ano ang aasahan. Sa Matsushita Pavilion, “pagsasalubong ng elektroniks at ng sinaunang panahon.” Itinatanghal ng tres-dimensiyonal na TV at napakahusay na tunog na mga laud-ispiker ang mga tanawin at mga tunog ng buhay sa sinaunang Hapón. Isang animo’y taong robot ang nagsasalita ng isang sinaunang bersiyon na Haponés. Ang holograpiyang laser ay lumilikha ng mga larawan ng tres-dimensiyonal na mga piguring panritwal na para bang lumulutang sa hangin. At kagila-gilalas sa lahat, isang robot ang aktuwal na gumagamit ng pinsél upang gumuhit ng isang larawan ng isang tao nang wala pang tatlong minuto.
“Kung ano ang mapapangarap ng tao, makakamit ng teknolohiya”—iyan ang tema ng Fujitsu Pavilion. Napangarap mo ba ang magkaroon ng isang robot upang gawin ang iyong gawain? Kung gayon kilalanin mo si “Fanuc Man,” sinasabing ang pinakamalaking animo’y taong robot. Sa taas na 16 na piye (5 m) at 25 tonelada (22,700 kg), kayang-kaya niyang buhatin ang isang 440-librang (200 kg) barbel na gaya ng madaling pagbuo niya ng isang 4-pulgadang (10 cm) larawan niya. Ang isa pang pangarap na nagkatotoo ay ang Communilab, isang maraming-wika na makinang tagapagsalin. Samantalang ang payak na mga pangungusap sa wikang Haponés na nasa electronic pad ay ipinapasok sa makina, ang mga salin, o malapit na kahulugan nito, sa Ingles, Pranses, at Aleman ay sabay-sabay na lumalabas sa digital na mga iskrin. Sa wakas, isang panoramic 3-D pelikula na pinaaandar ng computer graphics ay parang buháy na buháy anupa’t nais mong abutin at alisin ang mga molekula ng tubig na para bang nasa harap mo.
Hindi naman lahat ng mga eksibit ay seryosong siyentipikong mga pakikipagsapalaran. Sa Fuyo Robot Theater, halimbawa, ang mga kabataan at mga bata pa sa puso ay inaliw ng malalaki, tulad-laruang mga robot sa pamamagitan ng mga awit at sayaw at iba pang mga palabas. Ang isa sa kanila, si “Marco Kun,” ay tumutugon sa mga tinig ng mga bata at hinihila sila sa entablado sakay ng isang treyler.
Kabilang sa iba pang mga pantawag-pansin ay ang Jumbotron, ang pinakamalaking iskrin ng panlabas na TV sa daigdig, sumusukat ng mga 80 piye por 130 piye (25 m por 40 m), halos kasinlaki ng isang Olympic swimming pool. Ang may kulay na larawan nito ay makikita sa araw hanggang sa layo na 1,600 piye (500 m).
Upang ipakita kung paanong ang likas na mga kayamanan ay maaaring gamitin, ang Theme Pavilion na itinayo ng pamahalaang Haponés ay nagtatampok ng isang dambuhalang kamatis na pinalalaki sa pamamaraang hydroponic, yaon ay, nang walang lupa kundi liwanag ng araw, tubig, at mga abono. Ito ay halos 50 piye (15 m) sa magkabi-kabila at namumunga ng 2,000 mga kamatis sa isang panahon. Ang tanim na ito ay inaasahang makagagawa ng 10,000 kamatis sa loob ng anim na buwan ng pagtatanghal.
Isang robot na tumutugtog ng isang elektronikong organ ay isa pang nakatatawag-pansin sa Theme Pavilion. Maaari nitong tugtugin ang musika ni Bach, o kung mapag-utusan, maaari itong tumugtog ng tugtugin ng Beatles, at maaari pa nga itong bumasa ng musika na ilalagay sa harap nito. Nais nitong ipakita kung gaano kalapit maaaring gayahin ng mga makina ang paggawi ng tao.
Ang Naiiwang Palaisipan Nito
Kaunti pa lang ang nakikita natin. Napakarami pang ibang internasyonal na mga pavilion, industriyal at siyentipikong mga eksibit, mga parke, mga sasakyan, at mga palabas ng lahat ng uri.
Ang Expo ’85 ay totoong makulay, kabigha-bighani, at kawili-wili. Subalit pagkatapos makita ang lahat ng labis-labis na pagtatanghal, ano ang iisipin ng isa? Oo, malaki ang nagawa ng siyensiya at teknolohiya sa kapakinabangan at kasiyahan ng tao. Subalit “pinatitingkad lamang ng Expo sa kabuuan ang punto na gaano man ang isinulong ng teknolohiya, ang mga tao pa rin ang gumagawa ng pagdidisenyo at pagpaplano,” sabi ni Wolf Morrison sa The Daily Yomiuri.
Sa diwa, itinatampok ng Expo ’85 ang napakalaking potensiyal sa isipan at imahinasyon ng tao at kung ano ang maaaring gawin kung ang potensiyal na iyon ay gamitin sa ikabubuti. Gayunman, ang kasalukuyang malungkot na kalagayan ng tao ay nagpapatunay na ang apurahang kinakailangan ng tao ay, hindi higit pang teknolohikal na mga tuklas, kundi ang wastong direksiyon sa paggamit ng kung ano ang mayroon na tayo.
Kung ano ang maaaring dalhin ng ika-21 siglo, ay maaari lamang hulaan ng mga siyentipiko at mga teknologo. Subalit yaong mga nagtitiwala sa Maylikha ng lahat ng bagay, ang Diyos na Jehova, ay nakatitiyak na “ang maaamo ang siya mismong magmamay-ari ng lupa, at tunay na kanilang masusumpungan ang katangi-tanging kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11.
[Mapa/Mga larawan sa pahina 9]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
HAPON
Tsukuba
Lugar ng Expo ’85
[Mga larawan]
Isang guhit sa pinsél ng robot sa taong nasa kanan
Ang Jumbotron, ang pinakamalaking panlabas na TV